"Bakit ba kasi bawal gumawa sa bahay niyo?! Ang arte-arte mo!" Asik ko kay Ando pagpasok niya sa bahay namin.
Tumatawa lang si Ando at dumiretso na sa loob. Wala namang kaso kila Nanay at Tatay na dito kami gumawa. Madalas nang tambay dito ang isang 'to kasama si Betong. Feel at home na nga, e. Sadyang hindi lang ako kumportable lalo na't sinapian siya ng masamang espirito at nagkagusto pa sa akin.
Isama mo pa 'tong si Denver na nakakikiusyoso. Pumasok na ako sa bahay. Nakalatag na sa sahig ang manila paper, nasa gilid na rin ang lamesa. Feel at home nga! Magkaharap pa ang dalawang ugok sa sahig.
"Pahingi namang juice, Sandy." Request agad ni Ando, nagsusulat na.
"Bumili si Tita Sandra ng malaking pepsi blue. 'Yun na lang, Sandy, pahingi rin ako." Imporma ni Denver na hindi ko naman kailangan at alam ko naman dahil bahay namin 'to.
Umirap ako. "Ang kakapal ng pagmumukha niyo! Ano kayo? May katulong? Ikaw na kumuha ro'n, Denver! Ikaw naman ang may gusto." Singhal ko.
Tumayo agad si Denver pagkakasabi ko. Nagkamot pang ulo paglampas sa akin. Humalukipkip ako pag-upo sa inalisan ni Denver. Seryoso si Ando at hindi man lang pinansin ang presensya ko. Ayos na rin iyon. Mas gusto kong ganito lang.
"Bakit si Ando 'di mo sinabihang kumuha ng juice, e, siya lang din naman may gusto no'n?" Nakangusong reklamo ni Denver pagbalik habang nilalapag ang malaking pepsi at tatlong plastic cups.
Nag-angat ng tingin si Ando sa akin. Natameme ako. Hmm, hindi ko naman naisip iyon kanina! Parehas silang nag-aantay ng isasagot ko. Lumunok ako. Big deal ba iyon sa kanilang dalawa?! Nagtatampo ang mukha ni Denver. Samantalang ngiting aso naman si Ando.
"E... ikaw huling nagsalita, e! Ba't ba andami mong tanong?" Pagtataray ko. Kinuha ko ang itim na marker at nagsulat na rin.
Nakahanda na sa notebook na sinulat ko kagabi ang ilalagay ko rito sa manila paper.
"Tss... Ang sabihin mo may favoritism ka lang. Porket tropa..." Bubulong-bulong pa si Denver na naririnig ko naman.
Lumapad pa ang ngisi ni Ando sa aking harapan. Hindi man nagsasalita, alam kong narinig niya ang sinabi ni Denver. Kinikilig pa yata! Mabilis naming natapos iyon sa tulong na rin ni Denver. Sa bahay na nag hapunan si Ando, kasabay ang buong pamilya.
Nag-usap kami ni Nanay kinagabihan. Tungkol iyon sa pananatili ni Denver sa bahay. Nalaman kong nasa hospital pala ang Lola nito kaya hindi pa magawang makauwi. Hindi pa iyon alam ni Denver para hindi raw maapektuhan ang pag-aaral at 'yun din ang bilin ni Lola. Naawa naman ako. Ayaw ko sa kanya pero mabait naman siya sa akin.
Nagre-recover naman na raw ang Lola niya. Kaya baka sa isang linggo pa ang dating no'n at alis ni Denver sa bahay. Sana maging safe si Lola paguwi at tuluyan nang gumaling. Hindi na nga lang sinabi ni Nanay kung anong dahilan bakit ito na-hospital.
Kinabukasan, maaga akong pumasok para mangopya. Nakaligtaan ko kasing gumawang assignment sa science kagabi at maaga akong dinapuan ng antok. Naalala ko na lang pagkagising ko. Nag-text ako sa buong tropa at ako lang talaga ang nakalimot.
Pumasok din ng maaga si Anabelle para magpakopya. Ang swerte ko talaga sa kanila! Magba-bagong buhay na talaga ako!
"Bakit naman kasi 'di ka gumawa kagabi, e. Ang aga kong pumasok para sa'yo, Sandy. Antok na antok pa ako."
"'Wag ka magalala, Ana. Ililibre kita mamayang recess!" Sabay kindat ko.
Umaliwas agad ang mukha ni Anabelle pagkarinig ng salitang 'libre'
Patapos na akong magsulat ng assignment sa bond paper nang humahangos na dumating si Denver. Kumalabog ang pintuan sa pagbanga niya roon upang patigilin ang matulin niyang takbo. Kunot ang noo ko at natigil sa pagsusulat.
"Bawal dito kabilang seksyon, Denver!" Matapang na sita ni Anabelle sa kanya.
Nakahawak si Denver sa kanyang dibdib, habol-habol ang hininga. Lumapit siya sa akin. Panay pa rin ang awat ni Anabelle sa tabi ko. Nanatili ang reaksyon ko hanggang sa nasa harapan ko na siya. Inalis niya ang suot na bag, nagaantay ako sa susunod niyang gagawin. Pinatong niya iyon sa katabi kong upuan at nilabas ang isang balot ng bond paper.
"S...Sandy... Ito... Ito 'yung... assignment mo. Nakalimutan mo..." Hirap pa rin siyang magsalita habang inaabot ang hawak.
Kinuha ko iyon pero ang mata ko ay nasa kanya pa rin. Anong assignment ang pinagsasabi nito? Nanaginip na naman yatang gising. Tagaktak pa ang pawis sa noo at leeg. Huminga akong malalim at nilabas ang laman ng bond paper.
Nanlaki agad ang mata ko at napanganga. Ang linis ng pagkaka-drawing ng human brain at maganda rin ang handwriting! Parang naka-print!
"Ako gumawa niyan. Nakita ko kasi sa notebook mong may assignment ka, e." Aniya, bumalik na sa normal ang paghinga niya.
Halos lumuwa na ang mata ko sa hawak na papel. Nag-angat akong tingin sa kanya. Nakangiti lang siya. Natahimik rin si Anabelle sa tabi ko habang sinisipat ang papel.
"Galing! May future kang bata ka!" Manghang komento ni Anabelle.
Nagsidatingan na ang mga kaklase ko. Tumango si Denver bilang pagpapaalam at muling isinuot ang backpack saka umalis. Nakanganga pa rin ako. Hindi man lang ako nakapag-thank you. Masyado akong nabigla, e. Hindi naman niya kailangang gawan akong assignment... Nakakahiya tuloy.
Buong klase ay tulala pa rin ako. Pagsapit ng science subject, ipinasa ko ang ginawang assignment ni Denver kesa sa bara-bara kong gawa. Ako tuloy ang apple of the eye ni Ma'am, pinaulanan niya akong papuri at balak pang magpa-drawing sa akin. Nagdahilan na lang akong binakat ko lang iyon.
Nagkibit balikat si Anabelle paglingon ko sa kanya. Sikreto lang namin ang totoo. Mahaba pa ang araw at paguwi ko, magpapasalamat ako kay Denver. Sa unang pagkakataon.
Maya-maya pa ay kinalabit ako ni Arjan. Sa kanya ako tumabi para hindi ako mapansin ni Ma'am. Sa kabilang dulo iyon ng hilera ko. Nakapangalumbaba ako at tamad siyang tinignan.
"Abot ko raw sa'yo." Bulong niya, inilapat niya sa desk ko ang papel na nakatiklop ng apat na beses.
Bumuntong hininga ako at tamad na binasa.
Bakit ka lumipat sa tabi ni Arjan? Dapat dito ka na lang sa tabi ko.
- Ando
Agad kong nilingon si Ando, tatlong upuan lang ang layo niya kay Betong. Nahuli ko ang titig ni Ando sa akin, ngumisi siya. Sumimangot ako at nagsulat ng isasagot.
Bakit ako tatabi sa'yo? Katabi mo kaya si Leah.
- Sandy
Ipinatong ko iyon sa desk ni Arjan. Wala nang tanong-tanong, ipinasa niya agad ang papel sa kung paano iyon napunta sa kanya. Pinanuod ko ang pagpasa ng papel hanggang sa maibalik kay Ando. Wala man lang kamuang-muang ang mga kaibigan ko sa pag-uusap naming dalawa.
Nagchi-chismisan lang si Anabelle at Trixie. Samantalang si Betong ay nasa alaapap ang utak. Mabuti naman! Pagkapasa kay Ando ay binasa niya iyon. Ngumisi siya ulit at nagsulat na naman. Nagkamot akong ulo, hindi ba siya titigil?!
Magre-report kaya tayo mamaya. Saka kita liligawan pag wala na tayo rito sa school. ;)
- Ando
Nilukot ko ang papel pagkabasa ko no'n. Nilingon ko ulit si Ando at pinagbantaan ng tingin. Tarantado talaga ang lintik! Hindi ba niya naisip na baka may ibang makabasa no'n?! Inalagay ko iyon sa bulsa ko at paglabas ng room, itatapon ko iyon sa basurahan!
Bumalik na ako sa dati kong pwesto malapit sa bintana. Nararamdaman ko ang mata ni Ando na nakasunod sa akin. Hinahanda ko na ang sarili sa pagre-report. Kami ang huli. Patapos na ang pangalawang grupo, naka-squat si Ando sa tabi ko.
"Ikaw unang magsasalita, a!"
"Okay." Sabi ko.
Tumayo na kami sa unahan pag-alis nung nauna. Saglit lang kami nag-report at kulang na rin kami sa oras. Inaral ko pa man din ito kasi tatanungin kami ni Ma'am tungkol sa natutunan namin, katulad ng ginawa niya sa naunang dalawang grupo.
Ayos na rin. At least, pasado. Tutal naman last subject na, at si Ma'am Ursula na. Naalala ko 'yung pinapapasa niyang special project na kailangan kong gawin para hindi ako ibagsak at payagang ng mag-exam. Pag nagawa ko iyon, hayahay na talaga ang buhay estudyante ko!
"Salamat, Sandy. Sa sunod tayo ulit ha?" Tinapik ni Ando ang balikat ko, inalog ko iyon para alisin niya kaagad.
Umirap ako. Humagikgik siya.
"Mag dahan-dahan ka sa kaka-irap mo, Andeng! Apat na nga mata mo, baka biglang mabawasan." Sumawsaw naman bigla si Betong.
Mas malala ang pag-irap ko sa kanya. Bahagya tuloy akong nahilo. Ewan ko ba! Pakiramdam ko walang kasigla-sigla 'tong araw na 'to. Binabagabag ako sa kabaitan ni Denver kanina. Hindi ako mapakali at gusto ko na agad umuwi.
Nag-aya kasi itong si Julio na kumain kami sa lomihan, e. Hindi naman ako makatanggi. Ako, si Ando, Trixie, Betong, Anabelle, Julio, Nikkoi, Katelyn na maarte, Barbie na mas maarte, ang magkakasama.
Dapat kasama rin si Chanberling pero mas inuna ang manuod ng practice game ng varsity team dahil nando'n ang super duper bonggang crush niyang si Denver. Kung sa bagay, wala pa rin naman si Denver pag umuwi akong maaga.
"Kailan fieldtrip? Saan daw?" Si Trixie.
"Ewan ko. Ako ba principal?" Pabalang na sagot ni Nikkoi.
Hinahalo ko lang ang lomi ko na para bang hinihintay na maging champorado iyon. Ang ingay-ingay naman nila!
"Kupal, sinabi ko bang ikaw?"
"Bukas pa yata ia-announce, e. Ewan. Not sure..." Si Barbie, as usual, maarte ang boses.
"Sasama ba kayo? Kapag napuntahan ko na, 'di na lang ako sasama." Si Katelyn naman.
Bumuntong hininga ako. Mas maganda pa yata kung umuwi na lang ako. Kasundo ko naman 'tong mga maarteng 'to. May panahon lang talaga na hindi ko sila kayang pakisamahan. Kapag may ibang estudyanteng nanga-away sa kanila, ako ang palaging to the rescue.
Hindi man kami lahat magkakasundo, magkakapatid kami sa classroom at walang pwedeng umapi sa isa sa amin. Kaaway ng isa, kaaway ng lahat.
Humiwalay na kaming lima sa kanila pagkatapos naming kumain. Nagpababa lang kami ng kinain at umuwi na rin sa kanya-kanya naming bahay. Iisang daan lang kami ni Ando, kaya sa huli, kami rin ang nagkasabay.
"May problema ka ba, Sandy? Kanina ka pa tahimik, e. Bakit?" Alalang tanong ni Ando.
Nakatigil siya sa tapat ng bahay namin at hinihintay lang akong makapasok bago siya umalis.
Huminga akong malalim. "Wala! Ang OA mo talaga. Bawal bang tumahimik? 'Di ba pwedeng tinatamad lang magsalita?"
Tumango-tango siya, naunawaan. "Ang ganda pala ng pangalan mo 'no?"
Nagsalubong ang kilay ko. Dati niya pa 'yun sinasabi sa akin. Mas maganda nga ang pangalan niya kumpara sa akin. Nagagandahan ako Donovan. Marami naman diyang mas magandang palayaw, sa Ando pa rin siya bumagsak.
Ambaho kasi pakinggan, e. Pero, nasanay na rin naman ako. Pero mas maganda siguro kung Angelo na lang. Bagay naman iyon sa kanya.
"Sandy Alivia Grulla. Crisostomo." aniya, nakangisi.
Naka-ismid lang ang mukha ko.
"Pero alam mo... mas gaganda ang pangalan mo kapag apelyido ko na ang gamit mo."
Tumaas ang gilid ng labi ko, kinilabutan ako roon. Epekto ba 'to ng lomi sa utak niya at nagiging delusyonal?! Doktor na ang kailangan nito!
"Sandy Alivia Crisostomo. Abalos. 'Di ba mas bagay?" Mayabang niyang sambit sabay kindat.