Chapter 3
Diane’s Pov
INIS NA INIS ako sa lalaking baliw na sumundo sa akin kanina. Nakauwi na kami at agad akong lumabas ng sasakyan na hindi siya nililingon.
Halos paulanan ko na siya mura kanina dahil hindi talaga niya ako binilhan ng pagkain. Hindi naman ako mahilig magpalibre sa ibang tao. Pero ang nakakainis lang dahil nag expect talaga ako na sasalihan niya ako.
Dapat pala hindi na ako umasa pa. Nakakainis lang talaga ang ginawa niya. Hindi man lang siya nabilaukan habang kumakain kanina.
Nandito ako ngayon sa kwarto at nagbibihis ako para magluto ng hapunan. Sana lang ay umalis na ang bwisit na lalaking yun dahil konting konti nalang talaga siya ay bi-bingo na siya sa akin.
Napakamalas talaga ng babaeng magiging girlfriend niya. Kapag talaga nalaman ko na may babae siyang nagugustuhan ay bibigyan ko talaga ng warning sa masamang ugali ng lalaki. Gagawin ko talaga yun. Mahirap magsisi sa huli kaya habang maaga pa ay dapat malaman na niya ang masamang ugali ng lalaki.
Nakabusangot pa rin ang mukha ko. Hindi talaga ma-drawing kahit na sinong pintor sa inis ko kay Claw. Pero kailangan kong ngumiti lalo na kapag nakita ko si ate Cataleen. Mukhang nasa second floor siya kaya hindi ko pa siya nakikita.
Naisipan ko nalang muna na maghilamos. Baka nagmamantika na kasi ang mukha ko lalo na’t maghapon akong nasa labas at ang init din ng panahon.
Naghilamos na muna ako at pagkatapos ay inayos ang kulot kong buhok. Tinali ko na muna ito upang hindi sagabal kapag nagluluto ako.
Nang matapos ako sa pag-aayos ay agad akong lumabas ng kwarto. Pinagdarasal na sana ay wala na ang maligno sa bahay ni sir Remus.
Ngunit hindi pinakinggan ang dasal ko. Nakita ko na naman ang pagmumukha ni Claw. Napabuntong hininga na lamang ako at agad na nagmadali patungo sa kusina. Kailangan kong pigilan ang sarili ko at baka makasakal na talaga ako ng tao.
Nang makarating ako sa kusina ay lumapit agad ako sa ref. Binuksan ko ito at agad na hinanap ang pinaplano kong lulutuin. Gusto kong mag sabaw. Kaya naisip ko kanina na magsisinigang baboy ako.
Pinagkukuha ko lang ang mga kailangan ko para maihanda ko na muna. Nilabas ko na rin ang karne at ibinabad muna sa tubig dahil ang tigas nito.
Balak ko na munang magkape. Yun na lang ang gagawin ko dahil hindi ako nilibre ng animal. Sana lang ay hindi na niya ako sunduin bukas. Mas mabuti pa kasi kung hindi niya ako susunduin dahil makakakain pa ako. May nagbebenta kasi sa gilid ng school ng mga tusok-tusok. Doon ako madalas na nag me-merienda saka ako uuwi sa resort.
Sa totoo lang ay malaking bagay na lumipat ako ng bahay na matutuluyan. Doon kasi sa resort ay tatlong sakay ako. Kaya maaga akong umaalis sa resort para lang makarating ako sa school.
Minsan ay nalalate talaga ako. Hindi maiwasan ‘yun lalo na kung traffic sa umaga. Sobrang hassle din ang pagpila sa terminal ng bus. Kaya napakaswerte ko dahil ako ang kinuha nila. Napakalaking bagay talaga.
Nagtimpla na muna ako ng kape. Ngunit naramdaman kong may nakatitig sa akin kaya napahinto ako sa ginagawa ko at agad akong lumingon kung saan ko naramdaman na may nakatitig.
Nakita ko si Claw na nakatayo habang nakasandal sa pader. “Bakit? May sasabihin ka ba?” Tanong ko, nakatitig lang kasi siya sa akin.
“Magluluto ka ba ng hapunan?” Tanong niya.
“Malamang. Alangan namang magluto ako para bukas.” Sarkastiko kong sabi.
Pinandilatan naman niya ako ng mata. Hindi naman ako nagpatinag sa kanya. “Eh ikaw, kailan ka aalis sa bahay ni sir Remus? Umalis ka na kaya!” Pagpapalayas ko sa kanya.
Umayos naman siya ng tindig saka tumingin sa paligid. “Wala pa sila boss Remus at Ma’am Cataleen dito sa bahay.” Sabi niya kaya natahimik ako.
“Aalis na rin ako. Babalik na ako sa trabaho ko,” sabi niya sa seryosong boses. Nakita ko pa ang talikod niya kaya nakahinga ako nang maluwag. Sa wakas, aalis na rin siya.
“O, by the way, may nakalimutan pala akong sabihin sa iyo, kulot.” aniya kaya tinaasan ko siya ng kilay.
“Anong tawag mo sa akin.. kulot?” Tanong ko at baka hindi ko lang narinig nang maayos.
“Oo, bakit? Ayaw mo ba? O sige, pangit nalang ang itatawag ko sayo.” aniya sa pang-asar na boses.
“Subukan mo, para pipirasuhin ko ‘yang katawan mo gamit ang kutsilyo rito sa kusina!” Banta ko sa kanya.
Ngumisi lang ang animal. Halata talagang nang aasar. “Ano bang sasabihin mo? Sabihin mo na agad para makaalis ka na sa harapan ko!” hindi ko na napigilan pang irapan siya. Kanina pa ako pikon na pikon sa kanya.
“Gusto ko lang naman sabihin na may nagpaparamdam sa bahay na ito, kulot. Isang white lady na duguan ang mukha. Basag kasi ang mukha no’n kaya mag-ingat ka nalang muna rito habang wala pa sila Boss Remus.” Seryoso niyang sabi na ikinatigil ng paghinga ko.
“Ha? M-May white lady? S-Sigurado ba ‘yan? Baka naman nang-aasar ka lang?” Halos magkandautal-utal ako habang sinasabi ko iyon. Takot ako sa multo. Ayaw na ayaw kong makakarinig ng mga kwentong kababalaghan.
“Mukha ba akong nagbibiro? Nagsasabi ako ng totoo. Baka kasi mawalan ka ng malay kapag nagpakita sa’yo dito. Ikaw pa naman mag-isa.” Sabi niya saka siya tumalikod sa akin.
“Geh. Alis na ako.” Pagpapaalam nya kaya agad akong kumaripas ng takbo papunta sa kanya.
“Wait! Wag mo akong iwan dito, gurang.” Pagpipigil ko sa kanya.
Agad ko pang hinawakan ang leather jacket niya kaya natigil siya sa paghakbang. “Ano ba?! Bakit ka ba hawak nang hawak? Kanina lang tinatanong mo ako kung kailan ako aalis, tapos ngayon, pinipigilan mo akong umalis!” reklamo niya. Pilit niyang hinihila ang jacket dahilan para mabitawan ko ‘to.
“Kasalanan mo ‘to, eh! may pasabi-sabi ka pa kasi na may multo. Sino bang hindi matatakot?” singhal ko sa kanya habang pilit na tinatago ang panginginig ng aking kamay.
Napa-smirk lang siya sa harapan ko. “Hindi ko na kasalanan kung matatakutin ka. Nagsasabi lang ako ng totoo. Pasalamat ka nga at binigyan pa kita ng warning.” sabi niya saka pinagkrus ang dalawang braso niya sa harap ng matipuno niyang dibdib.
“Ahh.. basta, hindi ka aalis dito sa bahay ng amo ko hangga’t hindi sila dumarating.” Matigas kong sabi.
“Wow ha! Ang lakas ng loob mong sabihin yan. Eh paano kung ayaw ko?” Nakangisi niyang sabi. Para bang naaaliw siya sa akin.
“Isusumbong kita kay ate Cataleen na kumain ka kanina at hinayaan mo lang akong panoorin kang kumakain dahil hindi mo ako binilhan. Tignan ko lang kung hindi ka niya pagalitan.” Saad ko saka ngumisi sa kanya.
“Sumbongera!” Bulalas niya.
“Whatever! Dapat ka lang isumbong dahil napakapangit ng ugali mo! Naku, sinasabi ko sayo.. magbago ka na dahil baka walang babaeng magkamali sa’yo.” Sabi ko saka ako naglakad muli sa sink para makapagluto na ako ng hapunan.
“Hindi ko kailangan ng babae.” Seryoso ang boses niya kaya natawa ako ng mahina saka ko siya nilingon muli.
“Ganun? Hindi mo kailangan o talagang wala lang nagkakamali sayo? Sa edad mong yan dapat mag-asawa ka na. Sige ka, tatanda kang ulyanin at walag mag-aalaga sayo.” Sabi ko upang maghanap siya ng babae. Ako talaga ang unang sisira sa relasyon niya pag nagkataon.
“Shut up! Bata pa ako! Thirty-three years old pa lang ako kaya pwede pa akong hindi mag-asawa.” Depensa naman niya.
“Bahala ka nga! Bahala ka sa buhay mo. Buhay mo naman ‘yan kaya wala akong pakialam kung tumanda kang single. Okay na rin ‘yun para hindi na dumami ang lahi mong red flag!” Singhal ko sa kanya saka ko siya inirapan.
Hindi na sumagot pa si Claw kaya nag focus na lang ako sa pagluluto. Baka kasi umuwi na sila ate Cataleen. Kailangan ay makapagluto na ako. Okay na sa akin kung nasa likuran ko si Claw at pinapanood niya akong magluto. Basta wag lang niya akong iwan mag-isa at baka magpakita ang sinasabi niyang multo. Baka mahimatay talaga ako kung sakali man na makakita ako.
Author's Note: Sa mga bago pong nagbabasa sa story ni Claw at Diane, palambing naman po.. baka pwedeng pa-add sa library ninyo ang story. Salamat po :)