Katulad ng dati, sa pagbalik ni Fernan sa Maynila at sa paglipas ng mga araw ay muling dumalang ang pagtawag at pangangamusta nito kila Layla at sa kanilang mga anak. Naisip ni Layla na baka nananadya ang asawa dahil galit pa rin ito sa kanya, hindi kasi sila nagkaayos bago ito umalis. Sa kabila niyon, patuloy naman ito sa pagpapadala ng malaking pera, at dahil doon ay naipaayos na rin ni Layla ang ikalawang palapag ng kanilang bahay at paunti-unti ay nakapagpundar na rin sila ng gamit.
Naging usap-usapan pa sa kanilang mga kapit-bahay kung gaano kasuwerte si Fernan dahil nakahanap ito ng magandang oportunidad sa Maynila. Nang marinig ito ni Layla ay sarkastiko na lang siyang nagtawa sa kanyang sarili. [Kung alam n'yo lang kung anong "oportunidad" iyang sinasabi n'yo.]
Sa pagbabagong nagaganap sa kanilang buhay ay tanging ang mga anak lang ata nila ang masaya. Alam ni Layla na dapat siyang maging masaya dahil unti-unti nang natutupad ang pangarap nila ni Fernan, ngunit kapag naiisip n'ya kung ano ang kapalit ng mga iyon ay hindi n'ya makuhang maging masaya. Dahil dito ay napapansin na si Layla ng kanyang ina.
"Naipaayos n'yo na ang bahay n'yo, nakapag-pundar na rin kayo ng mga gamit, e bakit parang hindi ka naman masaya?"
"Wala po ito 'nay. Huwag n'yo na lang akong pansinin." Matamlay na sagot ni Layla nang maalala kung ano ang dahilan ng lahat.
"Dahil ba sa asawa mo? Nagkausap na ba kayong dalawa?"
"Hindi pa nga po e. Ang huling pag-uusap pa namin ay nung natapos na yung second floor. Kung hindi ko pa itinext sa kanya na naipaayos ko na itong bahay, hindi pa ata n'ya sasagutin ang tawag ko."
"Naku layla, e mukhang matagal na 'yang problema n'yo a. Aba'y dapat n'yo nang ayusin yan, may mga anak kayo o."
"E ano naman po kaya ang dapat kong gawin?"
"Buweno, dahil ikaw ang babae, at dahil ikaw ang may-bahay, ikaw ang dapat umunawa at magpakumababa. Alalahanin mong nagsusumikap at nagpapakapagod sa trabaho ang asawa mo doon sa malayo. Tiniis n'ya ang malayo sa inyo ng mga anak n'yo para lang mabigyan kayo ng maayos at magandang buhay."
Naitutop ni Layla ang kanyang labi. Ang ibig bang sabihin ay iintindihin na lang n'ya ang ginagawa ng kanyang asawa? Ang ibig bang sabihin ay babalewalain na lang n'ya ang hindi magandang pakiramdam na nararamdaman n'ya sa kanyang puso, sa tuwing naiisip n'ya na may sinisipingan itong iba? Bumuntung hininga si Layla. Napag-isip isip n'ya, siguro nga ay iyon na lang ang kanyang gagawin, alang-alang na rin sa kanilang pamilya at mga anak.
Nang muling nakausap ni Layla si Fernan ay ipinakausap n'ya dito ang bunso nilang si Don-don, nami miss na kasi nito ang ama at magbi-birthday na rin kasi ito. Nangako naman si Fernan na uuwi sya sa birthday ni Don-don kaya natuwa nang husto ang bata.
Matapos makausap ang anak ay sila naman ni Layla ang nag-usap:
"Mahal...."
"Ano?" May bahid ng pagkainip na tanong ni Fernan.
"Kumusta ka na diyan? Ang tagal mo na nang hindi umuuwi." Ikinubli ni Layla ang lungkot sa kanyang tinig.
"Narinig mo naman kay Don-don na uuwi ako sa birthday n'ya, diba? O, ano pa?" May bakas ng kaunting inis sa boses ni Fernan.
"Nabanggit ko lang naman...... May gusto nga pala akong sabihin."
"Ano yun?" Walang ganang tanong ni Fernan. Tila iniisip nito na baka dramahan lang s'ya ng asawa.
"Pumapayag na 'ko...."
"Ano?"
"Pumapayag na 'kong, ituloy mo ang..... gusto mong gawin."
Hindi pa maunawaan ni Fernan nung una, ngunit kalaunan ay naunawaan din n'ya ang kung ano ang tinutukoy ng asawa. "Talaga?!" Nagkaroon ng kasiyahan sa boses ni Fernan.
"O-oo." Hindi lang masabi ni Layla na kahit naman ata hindi siya pumayag ay itutuloy pa rin ni Fernan ang bawal na pakikipagrelasyon nito sa kanyang amo. "Pero, meron lang akong gustong malaman at gusto na ring hilingin sayo."
"Sige, ano ba yun?" Nawala na ang panlalamig sa boses ni Fernan, dahil pumayag na si Layla sa gusto n'ya ay lumambot na rin siya dito.
"Yung amo mong si monica, ilang taon na s'ya?"
"Um, may edad na s'ya. Mga kuwarenta'y otso na."
Nagitla si Layla. "A-ano? Matanda na pala s'ya? Akala ko naman ay bata pa."
"Kahit forty eight na s'ya, hindi mo yun mahahalata sa hitsura at katawan n'ya. Siyempre, may pera e. Maganda kasi s'ya at makinis pa. Maganda ding manamit. Kung titingnan, mukha lang siyang magku-kuwarenta."
Natahimik si layla, saka n'ya naisip, hindi kaya dahil doon kaya nahuhumaling ang kanyang asawa sa babaeng iyon? Nakagat n'ya ang kanyang labi. "Um....... M-masarap ba s'ya?"
Natigilan si Fernan. "Alam mong sa tanong mong yan ay para mo na ring sinasaktan ang sarili mo, importante pa bang malaman mo ang tungkol doon?"
"P-pasensya na. Na-curious lang naman ako." Inayos ni Layla ang kanyang tinig dahil tila nagbabanta ang pagbigay ng kanyang emosyon. Tama si Fernan, sa tanong niyang iyon ay para na rin niyang pinapasakitan ang kanyang sarili, ngunit hindi n'ya mapigilang maikumpara ang kanyang sarili sa babaeng kumakalantari sa kanyang asawa.
"Basta tandaan mo mahal, wala lang sa amin ni monica yung ginagawa namin. Naghahanap lang naman s'ya ng magpapaligaya sa kanya kapag kailangan n'ya. Abogado kasi ang asawa n'ya at palaging may inaasikasong kaso kaya palaging wala. Ako naman, trabaho at pagkita lang naman ng pera ang habol ko, yun lang."
Mariing pumikit si layla. "Um. Naiintindihan ko."
"Ayos na? Ano naman yung gusto mong hilingin? May gusto ka ba? sabihin mo lang at bibilhin ko."
Tila gustong maiyak ni Layla, gusto niyang sabihin na s'ya ang kanyang gusto. Ang gusto n'ya ay ang kanyang asawa at ang ama ng kanyang mga anak. Gusto sana niyang sabihin na itigil na nito ang kanyang ginagawa at manatili na lang sa kanila. Habang nasa malayo kasi ito at kapiling ang ibang babae ay hindi matahimik ang kanyang kalooban, palagi siyang may pag-aalala na baka magbago na nang tuluyan ang puso nito at mawala na nang tuluyan ang pagmamahal nito para sa kanya.
"Ang gusto ko sana, sa tuwing tatawag ako ay palagi mong sasagutin ang mga tawag ko. Hindi mo lang alam, nagmumukha kasi akong tanga sa paghihintay kung kailan kita puwedeng makausap."
Tila nakunsensiya si Fernan sa kabilang linya. "Pasensiya na mahal, minsan kasi ay busy pa ako kahit tapos na ang trabaho, alam mo na. Minsan naman ay gusto kong magpahinga nang walang istorbo........hayaan mo, sasagutin ko na ang mga tawag mo mula ngayon."
Similay ang bahagyang ngiti sa labi ni Layla sa sagot ng asawa. Kahit paano ay naibsan na rin ang bigat ng kanyang kalooban.
Dahil naipaayos na nila ang kanilang bahay at dahil nakapagpundar na sila ng ilang gamit, ang kailangan na lang ay ang makaipon sila, para kung sakaling may maisip silang negosyo na gusto nilang simulan ay may pang puhunan sila. Nang maisip ito ni Layla ay naisip niyang kausapin si fernan tungkol doon, sa pag-uwi nito. Gusto niya itong kontrahin na sa oras na makaipon na sila ay aalis na ito sa trabaho nito sa monica na yun.
Ngunit nang dumating ang kaarawan ni Don-don ay hindi na naman umuwi si Fernan. Habang ginaganap ang birthday party ng anak ay nakaabang naman si Layla sa pinto, umaasang masilayan ang anino ng kanyang asawa.
Sa gitna ng mga batang nagkakasiyahan ay natanaw niya ang kanyang anak na nakanguso at mukhang malungkot sa harapan ng malaking cake nito. Minsan ay sumusulyap sulyap pa ito sa kanya, ang mga mata nito ay wari'y nagtatanong kung nasaan na ang kanyang ama, at bakit wala pa rin ito. Naawa na lang si layla sa bunso niyang anak. [Fernan, nasaan ka na ba? Bakit wala ka pa?]