8

1644 Words
“SA WAKAS! Natuloy din si Charity dito,” ani Lulu nang marating nila ang San Vicente, ang pinakadulong bahagi ng Luzon makalagpas ng ulunan ng Sierra Madre. “Kung dumiretso pala ako ng pagmamaneho kahapon dito ako makakarating?” sabi naman niya. “Pero hindi ka dumiretso kaya sa akin ka napadpad,” kaswal namang wika ni Edmund at ngumiti pa ito. Napalingon siya dito. Hindi niya alam kung masyado lang siyang sensitibo para isiping tila may ibang kahulugan ang sinabi nito. Pero minsan pa ay natuon ang tingin niya sa matamis na ngiti nito. At nabighani na naman siya roon at kinalimutan nang bigyan ng double meaning ang narinig. “Ano, Pare? Dito muna ba tayo o aarkila na ko ng bangka?” lapit sa kanila ni Allan. “Picture-picture muna tayo dito sa port,” sabi ni Lulu. “Darling, kunan mo muna kami!” “Okay!” Ilang beses silang nag-picture-taking. Dagat at ang islang nasa ibayo ang bakground nila. Salitan sila sa pagkarga kay Denise na nag-e-enjoy din. Kahit nang si Edmund ang kumarga dito ay hindi man lang tumanggi. Nakayakap pa nga ito sa leeg ng binata. “Darling, kunan mo iyang dalawa. Para may souvenir sila,’ ani Lulu na kinuha na kay Edmund ang bata. Pasimple itong tumingin sa kanya at saka kumindat. Napangiti na lang siya. Siyempre ay wala naman siyang balak na tumanggi. It’s no big deal, ‘ika nga. “Magdikit naman kayo nang kaunti. Para naman kayong magkagalit,” sabi ni Alla bago nito itinaas ang camera. “Ano ba iyan? Mukha naman kayong mga tuod,” pansin naman ni Lulu, halata ang panunukso. “Mag-pose kayo, iyong sweet!” “Ganito ba?” nakikisakay na sagot niya at inihilig ng bahagya ang ulo sa dibdib ni Edmund. Napalunok siya. Kanina pa sila magkalapit ni Edmund at alam niyang mabango ito pero hindi pa rin niya inaasahan ang ganitong epekto kapag lalo pa silang nagkadikit. Gustong umiral ng natural na landi ng kanyang pagiging babae. Parang gusto na niyang yumakap sa binata! “Nice pose!” sabi ni Allan na ikinagulat pa niyang kinunan na pala sila agad. “Hindi pa ako naka-project!” kunwa ay reklamo niya. “Maganda nga iyong stolen shot! Mukha kang in love kay Edmund,” tukso ni Lulu. “He-he!” aniya. “Isa pang shot, Pare,” hirit naman ni Edmund. “Oo ba!” sagot ni Allan. “Chattie, sumampa ka diyan sa bato.” “Kung malaglag kaya ako sa dagat?” wika niya. “Aalalayan kita, don’t worry,” sabi Edmund. Isinampa siya nito sa bato at hindi siya binitawan hangga’t hindi siya nakakapagbalanse. Nang sandaling bitawan siya nito ay agad siyang humawak sa balikat nito. “Sorry. Nalulula kasi ako, eh. Hindi pa naman ako bihasang lumangoy.” “Hindi ka naman agad malulunod kapag nahulog ka. Diyan ka muna sa mga batuhan babagsak,” biro nito sa kanya. “O, pose na! Iyong nakakakilig, ha?” sabi ni Lulu. Pero nakalimutan na ni Charity ang mag-project. Naghahalo sa kanya ang pagkalula at di maipaliwanag na kilig lalo na nang sa halip na sa kamay lang siya hawakan ni Edmund ay sa bewang na siya hinawakan nito. She couldn’t explain it. Maliban sa malakas na atraksyong alam niyang humahatak sa kanya dito. Hindi siya natural na malapit sa lalaki. Ang totoo, iwas na iwas nga siya. Pero iba kay Edmund. Tila natural lang na pangyayari ang mga bagay. “Okay, lipat na tayo sa Palaui Island,” sabi ni Allan. May grupo ng mga estudyante na nakasakay nila sa bangka. Natuklasan ni Charity na talagang dinadayo ang islang iyon. Nang marating nila ang isla, mayroong pang ibang mga gurpo na nadatnan silang nagpi-picnic doon. “Talaga palang pasyalan ito?” aniya. “Sabi ko nga sa iyo, eh. Ano, gusto mo pa ring mag-two piece?” sagot ni Lulu. “Wow!” narinig naman niyang reaksyon ni Edmund buhat sa likuran niya. “Excuse me. Hindi po ako magtu-two piece,” nakatawang irap niya. “Bakit naman?” tanong nito at sinabayan na siya sa paglakad. “I’m sure, bagay sa iyo.” “Hindi ako komportableng mag-swimsuit kapag hindi naman naka-swimming attire ang iba. Tingnan mo sila, shorts at T-shirt ang pampaligo. Ayokong maiba.” “Well, ganyan ang nakasanayang pampaligo dito. Kung gusto mo, magtu-two piece din ako. Pahiramin mo ako?” pabaklang wika nito na ikinabunghalit niya ng tawa. “Utang-na-loob, Edmund, hindi bagay sa iyo. Nakakadiri ka!” “Mama naman, laitan ba ako to the max?” At pinalantik pa nito ang mga daliri. Lalo siyang inihit ng tawa. “Yuck, Edmund. Nakaka-turn off ka!” “Okay,” anito na nagseryosong bigla. “So what turns you on?” “Ha?” gulat namang tugon niya at nakadama ng pagkailang. “Guys! Dito tayo sa cottage na ito,” tawag sa kanila ni Lulu. Saved by the bell ang pagkaasiwa niya. Doon na niya itinuon ang pansin at tahimik na nahiling na huwag na sanang mangulit pa si Edmund tungkol sa huling tanong nito. Nang makalapit doon ay inabala ni Charity ang sarili sa pag-aahon ng mga baon nilang pagkain mula sa basket. “I can’t believe it, pare,” narinig niya wika ni Allan. “Biro mo, kasama kita ngayon? Samantalang binyag ng anak ko, hindi mo nakuhang dumating.” “Sabi ko nga sa iyo, busy ako noong time na iyon.” “Busy sa pagpapayaman,” wika ni Lulu. “Siguro, kuntento ka na ngayon sa yaman mo kaya pa-relax-relax ka na lang.” “Hindi naman,” kaswal na sagot nito. “Talaga lang ginusto kong magbakasyon muna.” “Hindi ka ba naiinip? Mag-isa ka lang kamo sa bahay ninyo diyan sa Sta. Ana?” ani Allan. “Kaya nga ako umuwi diyan, eh. Hinahanap ko iyong katahimikan.” “Paano iyong naiwan mo sa Maynila?” “May staff naman akong mapagkakatiwalaan. Mino-monitor ko naman ang negosyo regularly.” “Ang mama mo, kumusta?” “Nasa States. Ayaw na ngang umuwi dito. Mas gamay na raw niya ang takbo ng buhay doon.” “Mabuti at hindi ka pa sumusunod?” “Ayoko. Mas gusto ko pa rin dito.” “Wala ka bang balak na mag-asawa…?” Napatingin si Charity kay Lulu. Sa pakikinig niya sa usapan ng tatlo, inasahan niyang ang ganoong klaseng tanong nito ay magkakaroon na naman ng halong panunukso. Pero malayo doon ang narinig niya. Mas lamang ang tila maingat nitong pagbitaw ng tanong na iyon. “Ayoko namang magsalita ng tapos,” sagot ni Edmund. At lalong napakunot ang noo ni Charity sa narinig. ***** “MALALIM na diyan, Edmund!” sabi ni Charity nang hilahin pa siya ng binata palayo sa pampang. “Anong malalim?” kontra naman nito. “Hanggang dibdib ko pa lang naman, ah?” “Dibdib mo? Eh, di-hamak ang tangkad mo sa akin. Hanggang leeg ko na iyan. Dito na lang tayo.” Bumitaw siya dito at bumalik sa gawi ng pampang. “Gagawa akong sandcastle.” “Sandcastle? Ilang taon ka na, Chattie?” Natawa siya. “Mataas ng konti sa waistline ko. Bakit?” “Gagawa ka ng kastilyong buhangin? Seryoso ka?” “Bakit naman hindi? May age limit ba sa pinapayagang gumawa ng sandcastle?” Natawa din ang binata. “Well, amused lang ako. Akala ko kasi, mga bata lang ang interesadong maglaro sa buhangin.” “Walang ganito sa Maynila, puro swimming pool. Kapag nasa beach ako, talagang ine-enjoy ko ang paggawa ng ganito,” aniyang nagsisimula nang dumakot ng basang buhangin. “Hindi ka ba nanghihinayang? Paghihirapan mong pataasin ang buhangin tapos pagdating ng alon, titibagin lang sa isang iglap?” Napatingin siya dito. Masyadong seryoso ang tono nito kaya hindi niya naiwasang isiping may talinhaga ang tanong na iyon. “Parang pangarap sa buhay,” sabi nito uli. “Kapag bata ka pa, ang dami mong gustong marating. Ang daming magandang bagay na gusto mong mangyari iyon. And you work hard for it. Pero mahirap intindihin ang tadhana kung minsan. Kung kailan, nasa kamay mo na, saka na lang biglang maglalaho. Parang ganyan ang kastilyong buhangin, hindi ba? Kung kailan, matatapos mo na, kung kailan napataas mo na nang napataas ang tumpok ng buhangin, saka naman darating ang alon para gibain lang ang pinaghirapan mo.” “Well, tama ka,” ayon naman niya. “Pero sabihin na nating kapag gumagawa ako ng kastilyong buhangin, nasa isip ko na agad na hindi naman siya magtatagal. At kung tumatawad ako nang kaunting panaon para matagal-tagal kong matitigan ang buhanging itinayo ko, inuuna kong gawin ang bakuran.” Diniinan niya ang tila munting dike na nauna na niyang ginawa. “This is what I mean. Ginagawa ko ito para may dumating mang alon, hindi agad magigiba ang kastilyo ko. At kung may mas malaking alon na dumating, magiba man ang kastilyo ay hindi rin ako masasaktan. Dahil alam ko namang sa simula pa lang, mayroong alon na sisira sa itinayo ko.” “Pero minsan, hindi lang naman alon ang sumisira sa kastilyong buhangin,” wika ni Edmund. “Minsan, ganito…” “Edmund!” tili niya nang tabigin nito ang tumataas na sanang kastilyo na ginagawa niya. “Pang-asar ka!” pikon na wika niya. Humalakhak ito. “Masyado na kasi tayong serious. Maligo na lang tayo.” “Ayoko!” pikon pa ring wika niya. “Sige na, please?” “Nakakainis ka,” irap niya dito. “Sorry na. Come on, maligo na tayo. Daig pa tayo noong mga bata, sila ang naliligo, tayong matanda ang gumagawa ng sandcastle.” “Correction, ako lang ang gumawa. Ikaw, taga-sira. At saka hindi pa ako ganoon katanda. Baka ikaw.” “Halika na, ligo na tayo.” Hinila na siya nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD