“NAKAKATUWA kayong tingnan ni Edmund,” sabi sa kanya ni Lulu nang makauwi na sila.
Sa halip na sila ang ihatid ni Edmund ay ito na ang inihatid nila dahil mas malapit ang bahay nito buhat sa San Vicente. Sinagot na rin ni Edmund ang hapunan kaya naman nang makauwi sila ay pawang mga pagod na sa maghapong adventure. Pero hindi sobrang pagod para hindi nila magawang magkuwentuhan na magpinsan.
“Bakit?”
“Bakit daw?” gagad ni Lulu at pinaikot ang mga mata. “Kunwari ka pa, Charity. Ang masasabi ko lang, ang sweet ninyo sa isa’t isa. Para bang hindi kayo kahapon lang nagkakilala.”
“Correction, nagkakilala na kami sa Maynila. Guest siya sa kasal ni Faith, iyong kasamahan kong wedding girls.”
“As if, you were able to know each other well noong nasa Maynila pa kayo?”
“Well, hindi nga. Pero hindi kami kahapon lang nagkakilala, technically speaking.”
“All right. So, anong masasabi mo sa kanya?”
“Okay lang.”
“Okay lang? Ganoon lang?”
Napabungisngis siya. “Guwapo. Kamukha nga ni Wolverine. Okay lang kahit Pinoy version. Pinoy din naman ako.”
“Gaga. Ang ibig ko bagang sabihin, kung halimbawang liligawan ka? May pag-asa kaya?”
Tinawanan niya ang pinsan. “Eh, bakit interesado kang malaman? Nagpapalakad ba sa iyo?”
“Hindi. Pero sa tingin ko sa inyo, mukha namang attracted kayo sa isa’t isa. Iba ang chemistry ninyo, eh. Okay si Wolverine, este, si Edmund. Sa tingin ko naman, naka-recover na siya.”
Kumunot ang noo niya. “Recover? Saan?”
“Sa pagkamatay ng asawa’t anak niya.”
“What?!” gulat na gulat siya.
Tumango si Lulu. “Bago ko ipinananganak si Denise nang mangyari iyon. Kaya noong binyag ni Denise at hindi siya nakarating, naisip namin ni Allan na hindi pa siguro siya ready na mag-circulate. Siyempre, kapag nakita niya kami ni Allan na isang buong pamilya, mami-miss niya ang asawa’t anak niya. Masakit din sa kanya iyon.”
“Ano ang nangyari?” curious na tanong niya.
Ikinibit ni Lulu ang mga balikat. “Hindi ko alam ang kumpletong detalye, eh. Basta ang nabalitaan na lang namin, naaksidente ang mag-ina. Dead on the spot pareho.”
Napatango na lang si Charity. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat na maramdaman sa nalaman.
*****
MINSAN pa ay matatagpuan si Edmund sa sarili niyang sanktwaryo. Pagod din siya sa buong maghapon pero hindi yata niya magagawang dumiretso ng tulog hangga’t hindi siya dumadaan doon. At kung minsan nga, doon na rin siya iginugupo ng antok.
Kinuha niya ang isang nakakuwadrong larawan at bumalik sa reclining chair. Minasdan niya ang dalawang mukhang naroroon. May kirot na muling tumimo sa dibdib niya. Kaysasaya ng mga mukhang iyon. Kasing-saya na kagaya nang huli niyang makita ang mga ito.
“Daddy, punta tayo sa Festival Mall,” lambing sa kanya ng anak at kumandong pa ito sa kanya.
“Sure, baby,” sagot naman niya agad. Balewala sa kanya kung malukot man ang suot niya sa pagkandong ni Sher. Hindi matatawaran ang kaligayahang nararamdaman niya sa tuwing kapiling ang anak. “Sa Sabado.”
“Ngayon na, Daddy. Look, may star ako.” At ipinakit nito ang tatlong star stamps sa kamay. “One for Math, one for English and one for Science. Perfect ako sa exam namin, eh.”
“Wow! Ang galing naman ng anak ko. Pa-kiss nga.” At hindi lang kiss ang tinanggap niya. Niyakap din siya nito nang buong higpit.
“Hi, sweetheart!” matamis ang ngiting isinalubong sa kanya ni Carol nang ito naman ang bumungad sa kanyang opisina. “Napakuwento ako nang kaunti sa secretary mo, eh,” anito at hinalikan siya sa mga labi.
“Itong anak mo, naglalambing. Festival Mall daw.”
“Ano pa nga ba? Kaya nga nagyaya dito. Isama ka daw namin. Sabi ko nga’y ako na lang ang magti-treat sa kanya doon dahil alam kong busy ka sa trabaho.”
“Bakit sa Festival Mall pa, Sher? Bakit hindi na lang diyan sa Glorietta para malapit?”
“Kasi gusto ko ding pumunta kina Lola Cora. Ipapakita ko ang stars ko,” anito na ang tinutukoy ay ang mama ni Carol na sa Alabang nakatira.
Napatingin siya kay Carol. “May kliyente pa kasi akong imi-meet ngayong hapon,” tila paliwanag niya.
“Okay lang, sweeheart. Puwede namang kami na lang. Excited lang talaga iyang anak mo na ipagmalaki ang mga stars niya. Siya lang kasi sa buong klase ang nakakuha ng perfect score sa mga subjects na iyon. Remember, periodical exam nila ngayon.”
Malugod na ginulo niya ang buhok ng anak. “I’m proud of you, baby.”
“Hindi ka ba sasama sa amin, Daddy?”
Mabilis siyang nagdesisyon. “Ganito na lang. Mauna na kayo ni Mommy na pumunta sa Festival Mall. Then susunduin ko kayo tapos kay Lola Cora tayo magdi-dinner. Okay ba iyon?”
Tila nag-isip pa ang anak niya. “O, sige. Basta, daddy, susunod ka, ha?”
“Of course.” At bumaling siya sa asawa. “Sweetheart, huwag ka nang mag-drive. Iwan mo na ang kotse tutal ay susunduin ko naman kayo mamaya.”
“Sure. Magta-taxi na lang kami,” ayon naman ni Carol.
Halik at yakap ang ginawa sa kanya ng anak niya bago ito bumaba sa pagkakakandong sa kanya. “Bye, Daddy! I love you,” malambing na wika pa sa kanya ni Sher.
May mabining init na gumapang sa dibdib niya dahil sa narinig. Kahit kailan, hindi uubrang hindi maantig ang kanyang kalooban sa mga ganoong salita ng kanyang anak.
“I love you too, princess,” emosyonal naming ganti niya.
“We’ll go ahead, sweetheart,” nakangiting paalam ng asawa niya. “See you later.” At inakay na nito ang anak nila.
“Wala bang goodbye kiss?” tudyo niya.
Lalong lumuwang ang ngiti ni Carol. “Puwede ba namang wala?” Bumalik ito sa kanya at kinawit pa ang kanyang batok bago nito iginawad ang halik na hinihiling niya.
Tila nagkaroon ng bara ang kanyang lalamunan. Kahit kailan, hindi nagmaliw ang epekto ng maalab na halik sa kanilang mag-asawa. Without any thinking, ibinuka ng kanyang mga labi ang mga labi nito at siya na ang mismong nagpalalim ng halik.
“Edmund,” paanas na wika ni Carol at kinurot siya nang pino sa kanyang sikmura. “Nasa office po tayo.”
“And so?” he said teasingly.
“Mamaya na lang pag-uwi,” natatawang sabi ni Carol. “Bye, sweetheart.”
“Bye. Ingat kayo, ha?” At pinagkasya na lamang niya ang bumangong pananabik sa pamamagitan ng pagyakap dito. “Si Sher, mukhang lumabas na,” aniya nang mapansing wala na roon ang bata.
“Nangungulit na naman siguro sa sekretarya mo,” ani Carol.
“Pabor sa akin,” nakangising sabi niya at minsan pa ay hinapit ang asawa. “Isang halik nga uli?” lambing niya.
Natawa si Carol pero tumalima din naman ito. Isang maalab na halik ang kanilang pinagsaluhan. At kung hindi pa marahil niya napansin ang pagbukas ng pinto ay hindi niya iyon tatapusin.
“Mommy, alis na tayo!” aya ni Sher.
“Okay!” sagot nito at bago bumitaw ng kapit sa kanya ay ito pa mismo ang tumingkayad upang dampian siya ng halik sa sulok ng kanyang bibig. “I love you, sweetheart. I will always love you.”
Mas matindi ang naging epekto niyon sa kanyang emosyon. He just looked at his wife. Kulang ang salitang I love you para sabihin dito ang intensidad ng pag-ibig niya rito. Buhat nang pakasalan niya si Carol, ang lahat-lahat sa kanya ay iniaalay na rin niya dito.