MALALIM ang ginawang paghinga ni Edmund pero hindi niyon nagawang palisin ang bigat sa kanyang dibdib. Mahigit isang taon na buhat nang mangyari ang trahedyang iyon pero inaalipin pa rin siya ng lungkot at pangungulila sa kanyang mag-ina. At kahit lahat ng tao ay magsabi sa kanya na hindi niya dapat na sisihin ang kanyang sarili sa pangyayaring iyon, hindi pa rin niya maiwasang makadama ng sundot ng kanyang konsensya…
“I love you, sweetheart. I will always love you.”
Nakaalis na ang kanyang mag-ina ay parang naririnig pa rin niya ang mga salitang iyon ni Carol. Sumasalit doon ang malambing namang tinig ng kanyang anak.
“Bye, Daddy! I love you.”
Sa tuwina ay masarap sa kanyang pakiramdam na namnamin ang mga salitang iyon pero hindi niya mawari kung bakit mayroong kabang namamahay sa kanyang dibdib. Hindi niya magawang maituon ang buong konsentrasyon sa kanyang ginagawa.
Kalahating oras pagkaalis nina Carol at Sher at hindi siya mapakali sa kanyang puwesto, nagdesisyon na siyang sundan ang mga ito.
“Emy, paki-cancel mo na ang appointment ko ngayong four o’clock. Tawagan mo ang kliyente natin. Sabihin mong ire-reschedule na lang bukas ang meeting namin,” aniya sa kanyang sekretarya.
Paalis na siya sa opisina nang tumunog naman ang cellphone niya. “s**t!” he muttered irritably. Hindi niya maintindihan ang biglang pagsalakay nang matinding kaba sa dibdib niya dahil lamang sa ring niyon.
“Hello?” halos singhal niya nang sagutin iyon.
“Kayo ho ba ang asawa ni Carolyn Lara?” anang tumawag.
Humigpit ang hawak ni Edmund sa aparato. Negative thoughts instantly filled his mind but he didn’t let it penetrate his system. “Ako nga,” aniya sa kalmanteng tinig. “Bakit?”
“Pulis Bicutan ho ito, PO2 Alipio. Naaksidente ho ang mag-ina ninyo.”
Napakapayak ng pangungusap na iyon pero ang katumbas niyon ay ang pag-agaw ng kalahati ng buhay niya.
Sa morgue na ng isang ospital sa Parañaque niya natagpuan sina Carol at Sher. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas upang makaya ang masaklap na pangyayaring iyon. Nagawa niyang asikasuhin ang mga bangkay. Tinawagan niya ang mga kamag-anak nila upang ipaalam ang nangyari. At nakausap din niya ang mga imbestigador na may hawak ng kaso.
Patay din ang taxi driver na sinakyan ng mag-ina. Sinalpok ang taxi ng isang truck na nawalan ng preno at nasuro ang mga ito dahilan upang maipit ito sa kasunod na sasakyan. Sa itsura ng pagkakayupi ng taxi, malamang ay milagro na nga lang na may mabuhay pa sa sakay niyon. Ayon sa mga unang dumalo sa mga ito, magkayakap pa ang mag-ina niya nang nakuha ang mga ito. DOA si Carol habang si Sher ay namatay din habang inaasikaso sa ospital.
Ang mga detalyeng iyon ay nagawa niyang ikuwento sa halos lahat ng nakikiramay. Pagkaraan ng tatlong araw ay ipinalibing na niya ang kanyang mag-ina. Mientras nakikita niya ang mga ito na nasa loob ng kabaong ay parang tatakasan siya ng bait.
Akala niya ay iyon na ang pinakamasakit. Nang umuwi siya sa sarili niyang bahay sa Makati ay saka niya naranasan ang walang kapantay na kirot dulot ng pangyayaring iyon.
Pagpasok pa lamang niya sa pintuan ay bumigay na siya. Tila atungal ng isang nasaktang leon ang naging pagtangis niya. Napalupasay na lamang siya sa sahig at saka pinakawalan ang lahat ng tinimping emosyon.
Sa sumunod na araw ay daig pa ng isang musoleo ang bahay niya. Naroroon siya pero parang kaluskos lang na bunga ng paghihip ng hangin ang maririnig sa buong kabahayan. Pinagbakasyon niya ang mga katulong upang masolo niya ang bahay. Wala siyang gustong makausap. Wala siyang gustong makasama.
Pabalik-balik siya sa kuwarto ni Sher at sa kuwarto nilang mag-asawa. Parang hindi siya napapagod na hawakan at yakapin ang bawat gamit ng kanyang mag-ina. Mugtong-mugto na ang kanyang mga mata sa pag-iyak. Paos na rin ang kanyang tinig pero tila hindi niyon nagagawang pagaanin ang dalamhati niya.
Sa loob ng isang buwan ay iisa ang senaryong makikita sa kanya. Sinisikap lang niyang magmukhang okay kapag dinadalaw siya ng kanyang magulang at biyenan pero sa tuwing mapag-iisa siya sa bahay ay balik na naman siya sa labis na pagdadalamhati.
*****
EDMUND took a leave from his work. Ipinasa niya sa kapatid niya ang pamamalakad ng kanyang kompanya tutal ay may sosyo naman ang lahat ng kapatid niya doon. Sinunod niya ang payo ng magulang na magbakasyon muna. Sumama siya sa mga ito sa isang month-long Mediterranean cruise. Iyon nga lang, pagkaraan ng isang linggo ay tinapos na niya ang bakasyong iyon at nagdesisyong bumalik na lamang sa Pilipinas.
Alam niya sa kanyang sarili, saan mang panig ng mundo siya magpunta ay ang kanyang mag-ina pa rin ang hinahanap-hanap niya.
Bumalik siya sa trabaho. Nagdesisyon siyang sa trabaho ibaling ang kanyang konsentrasyon. Pero nagagawa man niya ang kanyang trabaho ay siya mismo ang hindi masiyahan sa performance niya. Nag-usap silang magkapatid. Ito ang mamumuno sa operations ng kumpanya habang naka-monitor lang siya.
Sa Cagayan siya nagdesisyong mamalagi tutal ay may pag-aari naman sila roon. Nakabuti sa kanya ang tahimik na paligid ng Sta. Ana. Nami-miss pa rin niya ang kanyang mag-ina pero sa paglipas ng mga araw, maski paano ay alam niyang naghihilom na ang sugat na nalikha ng pagkawala ang mga ito.
Hindi iilang beses na nagtangka ang mga kaanak niya’t malalapit na kaibigan na ireto siya sa ibang babae. After all, he was only in his mid-thirties. Batang-bata pa upang mamuhay na mag-isa.
Bukas din naman ang isip niya na darating ang panahon ay magkakainteres din siya sa ibang babae. Pero ang alam niya, hindi pa ngayon ang panahong iyon.
Naalala niya si Charity. Alam niya, mina-match make sila sa isa’t isa. At hindi naman niya minamasama iyon. In fact, he found the lady nice. Hindi ito kagaya ng ibang babae na inireto sa kanya na obvious ang flirtations at kulang na lang ay hantarang ligawan siya.
Naisip niya, kung halimbawa sigurong iuugnay niya ngayon ang sarili sa ibang babae, malamang ay si Charity ang piliin niya. He liked her. At hindi ba’t iyon naman ang importante upang magsimula ng relasyon ang dalawang tao?
And then he realized, parang may di-nakikitang puwersang na talagang naglalapit sa kanila ni Charity sa isa’t isa. Parang hindi basta coincidence lamang na nakisilong ito sa kanya isang araw na abutan ito ng ulan. Sa dami ba naman ng lugar sa Pilipinas, parang pinagtagpo sila uli ng tadhana. At iyon din naman ang pagkakataon na naalala niya ito.
Hinaplos niya ang larawan ni Carol.
“I love you, sweetheart,” mahinang sabi niya dito. “Alam mo kung gaano kasakit sa akin na nawala kayo ni Sher. Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang sakit dito.” Sinuntok niya nang mahina ang sariling dibdib. “I miss you both. And I know, no matter how much I would miss you, hindi na kayo babalik sa akin. Someday, when I find another woman to share the rest of my life with, huwag mong isiping ginawa ko iyon dahil hindi na kita mahal. It’s just… life has to go on.”
Hinaplos niyang muli ang larawan at tumayo na upang lisanin ang silid na iyon.