HAPON na nang magising si Kaitlin. Parang pusa na nagawa niya pang ikiskis ang kanyang pisngi sa kung anong mainit na balat na humahaplos doon. Masarap din ang malamig na amoy na nanunuot sa kanyang ilong.
Hmmm… It felt good.
Masyadong malambot ang kutson na nilalapatan ng kanyang katawan. Napangiti siya. Kailan pa ba noong huli niyang naranasan ang ganito?
Wait! Hindi ganito ang kama ko!
Agad na nagdilat ng mata si Kaitlin. Bahagya pa siyang napatulala nang bumungad sa kanyang paningin ang mapayapang ekspresyon ni Gabby Yong. Tila siya nasa panaginip. Hahawakan niya sana ang pisngi nito nang kumilos ito at inilapit ang mukha sa kanyang leeg. Ito naman ang tila pusa na kumiskis sa kanyang katawan.
Nabigla si Kaitlin lalo na at hindi siya sanay sa ekstrangherong pakiramdam na may lalaking malapit sa kanya. Doon na siya tila nahimasmasan. Itinulak niya si Gabby nang may kasamang sipa.
“Augh! Damn it! What the—” Halatang uminit ang ulo ng lalaki.
“Hoy! Maniac ka! Bakit ka narito? Bakit mo ako pinagsasamantalahan?” galit na tanong ni Kaitlin. Hindi siya makapaniwala na magigising siya na kasama ang lalaki.
Habang hawak nito ang tagiliran ay napatingin ito sa kanya. Ilang saglit pa ay napangisi.
“Ms. Kate, nakikita mo ba kung nasaan ka?” tanong ng lalaki.
Naging hudyat iyon para iikot niya ang kanyang paningin sa buong silid. Umawang ang kanyang labi dahil halatang wala siya sa kanyang bahay, at sigurado siya na naroon siya sa presidential suite ni Gabby. Mabilis na nag-init ang kanyang pisngi.
“Bakit ako narito?” tila wala sa sarili na tanong niya.
“Siguro ay para pagsamantalahan ako. Hindi na ako magtataka dahil masyado akong guwapo sa paningin ng mga kababaihan. Huwag kang mag-alala. Ilalagay kita sa top list,” tugon ng lalaki.
Nais mag-init ng ulo niya sa sobrang hangin nito. “Top list ng alin?”
“Ng babaeng pinakamatindi ang pagnanasa sa ‘kin.”
She was speechless.
“Aba’t—” Agad nitong pinutol ang kung anuman na argumento niya.
“Kate, nasaan ka ba sa palagay mo?”
“N-nasa kuwarto mo.”
Ngumiti ito nang makahulugan na para bang sinasabi na “See? Pinasok mo ‘ko dito sa kuwarto.”
Nasabunot na lang niya ang kanyang buhok at saka bumaba ng kama. Ngumiti siya nang plastik—mas plastik pa sa kaibigan mong Orocan! “Hindi ko alam kung ano ang nangyari, at kung bakit ako dito nakatulog, pero uuna na ako. Meron pa akong trabaho!”
Hinanap niya ang kanyang bag at ekspertong inilagay ang kanyang contact lens sa kanyang mata habang nakatalikod dito.
“Haaayst! Matapos mo akong pagsamantalahan ay aalis ka na lang basta?” anang lalaki.
Seriously, ano ba ang gusto nito sa kanya? Tinuloy niya ang pagbukas ng pinto, ngunit natagpuan niyang nakatayo sa labas ang assistant nito na halatang nabigla sa kanya at tatlo pang lalaki na naka-business suit.
“Ms. Kate!” Umaliwalas ang mukha ni Gabriel nang makita siya nito.
“Sir, you rest well today,” anang assistant kay Gabby matapos makabawi..
“ ‘Yong bilin ko?”
“Here.” Inabot ng babae sa kanya ang paperbag na hawak nito.
“What is this?”
Si Gabby ang sumagot sa kanyang tanong. “Siguradong hindi ka makakauwi sa apartment mo dahil ilang oras na lang ay schedule mo na sa casino. You can stay here, and have dinner with us instead.”
“Uhmmm…” Nais niyang tumanggi. Ang top list sa mga bagay na dapat niyang gawin ay layuan si Gabby. Nagkamot siya sa pisngi habang namumula ang mga iyon lalo na at naabutan siya ng mga tauhan nito roon sa kuwarto ng lalaki. Ano ang iisipin ng mga ito sa kanya?
“Wala ka naman sigurong plano na basta tumakas?” tudyo pa ni Gabby.
“Ms. Kate, please. I want to have dinner with you…” ani Gabriel na nakakapit pa rin sa kanyang binti. Dahil doon ay napangiti siya. Kalmado sa pakiramdam sa tuwing nasa malapit ito. “Sure.”
“Yeeey!”
“Winona, isama mo si Kate sa kuwarto mo para doon mag-shower,” utos ni Gabby sa assistant nito.
“Naku, Mr. Yong, nakakahiya!” agad niyang tanggi.
Ngumisi na naman ito nang makahulugan. “O sige! Mas gusto mo yatang maligo sa loob ng kuwarto ko. Feel free to join me.”
Nanlaki ang mga mata ng mga kasama nila sa silid na halatang hindi makapaniwala sa tudyo ng boss na si Gabby.
“No! Sinabi ko nga na doon ako maliligo sa kuwarto ni Winona,” aniya.
Lumapad ang ngiti nito. “Good.”
Tumalikod na siya rito para mabilis na alisin ang kanyang ngiti na papangalanan niyang ‘barbie smile’ dahil nanggigigil siya sa kanyang loob kahit gaano pa katamis iyon. Para kasing kahit na anong gawin niya ay hindi siya makatanggi sa lalaki. Sinabayan siya ng lakad ni Winona sa hallway patungo sa silid nito. Panay ang lingon nito sa kanya na sa palagay niya ay may edad kuwarenta mahigit na.
“M-may problema ba?” tanong ni Kate na hindi nakatiis.
“Ah! Sorry! Pasensiya ka na kung nailang ka sa ginawa ko. Hindi lang kasi ako makapaniwala na may babae na kayang makalapit kay Boss Gab. Limang taon na akong nagtatrabaho sa kanya at wala siyang intensiyon na makalapit sa kahit na sinong babae o sa pakikipagrelasyon. Unang beses kong makita si boss na hindi abala sa trabaho, makatulog nang mahabang oras at magising sa silid nang may—” Hindi na nito itinuloy ang sasabihin at namula na lang ang pisngi.
“Augh!” Napaungol na lang siya dahil para bang espesyal pa siya sa lagay na iyon na binibigyan siya ni Gabby ng atensiyon. “Walang naganap sa amin kung ‘yon ang ibig mong sabihin. Nagising na lang ako nang kasama ko siya sa kuwarto.”
“At iyon nga ang pinagtataka ko. Walang nakasama sa kuwarto si boss o kahit nga makatabi sa kama. Ayaw na ayaw no’n nang naiiwan sa silid na tanging babae ang kasama. Tanging ako lang ang nakalapit kay boss at inabot pa iyon ng ilang taon. Kahit nga si Gabriel ay hindi niya pa natabihan kahit kailan.”
Naawa siya sa anak ni Gabby. Napaisip siya sa sinabi ni Winona na walang nakalapit na babae rito. Paano nito naging anak si Gabriel kung wala itong nakasamang babae?
“Ano palang naganap sa nanay ni Gabriel?”
Hindi nito sinagot iyon at natutop ang bibig. “Pasensiya na. Hindi ko sasagutin ang personal na tanong na iyan. Hindi ko rin dapat binuksan ang topic ni boss. I’m just… shocked!”
Eksakto naman na nakarating sila sa silid ng babae kaya natapos ang usapin doon. Hinayaan siya ni Winona na gamitin ang shower area nito habang binuksan nito ang laptop at nagsimulang magtrabaho. Napuna ni Kaitlin na ang mamahaling shower gel na gamit niya noon ang tanging nasa loob ng palikuran.
“Winona, walang shower gel at shampoo ng hotel sa loob ng C.R. Ayos lang bang gamitin ko ‘yong sa ‘yo?” tanong ni Kaitlin.
“Ah, yes! Kasama ang shower gel o shampoo ko sa requirements ni Boss Gab. Wala akong ibang pwedeng gamitin kung hindi iyan.”
“Maamoy niya ba ‘yon?”
“Unfortunately, yes. Kahit si Diana ay ‘yon din ang gamit. Para hindi kami magkaroon ng problema sa trabaho ay sinusunod namin ang simpleng paggamit ng shampoo.”
He must be allergic.
Nagpasalamat lang siya rito at pagkatapos ay naligo na siya. Nang makalabas siya ng silid ni Winona ay tila siya naging bagong tao. Aminado naman si Kate na siya mismo ang tumitikis sa kanyang sarili. Pinarurusahan niya ang sarili niya sa naganap sa nakalipas. Nang makabalik sila ng suite ni Gabby ay napatayo ito at napangiti nang makahulugan sa kanya.
“Ms. Kate, you are pretty!” papuri ni Gabriel na sumalubong din sa kanya.
“P-pasensiya na kung naabala ko kayo. Pasensiya na rin kung nakatulog ako sa kama mo,” sabi niya kay Gabby. Pinagsisisihan talaga niya iyon. Kung bakit kasi nakatulog siya habang nagbabasa ng libro.
“Mabuti, Kate at alam mong nakaabala ka. I find snot on my bed. You slept comfortably at sa palagay ko ay ginawa mong unan ang kawawang braso ko.”
Nais niya na itong sipain dahil tila balewala dito na may mga tao sa kanilang paligid. Mahangin din kung paano ito sumagot sa kanya. Ngumiti lang siya nang pilit.
“Shall we go?” she asked indifferently. Mabilis silang makakakain, mabilis siyang makalalayo rito.
“Ah, boss, your coat?” ani Winona na napunang nakapolo lang ang lalaki. “Do you want me to get it for you?”
“This is fine. Ayokong mailang si Kate. Kapag nadagdagan ako ng coat, madadagdagan din ng porsiyento ang appeal ko sa kanya.”
She was speechless. Ang pinakanakakapagpatigil sa kanya ay tila sinasabi nito iyon ng may kumpiyansa sa sarili.
“But wait for me, may tatawagan lang ako saglit,” wika muli ng lalaki.
The nerve with this guy! Hindi niya na ito pinansin at nginitian si Gabriel.
“Pasensiya ka na kung nakatulog na lang ako kanina habang kasama kita.”
“I slept beside you, but daddy snatched you away from me!” inis na sabi nito.
“Kate, sa palagay ko ay gusto ka ng boss ko,” ani Winona.
Nais niyang matumba. Baka naman ang ibig sabihin nito ay gustong pagtripan o kaya naman ay isahan!
“Oo nga, Ms. Winona! Akala ko ay ako lang ang nakapansin. Kaninang umaga ay halos nabigla ako nang makita ko si boss na pinangko si Ms. Kate at idiniretso sa master’s bedroom!” sabad naman ni Diana.
“Ngayon lang din nakatulog si boss matapos ang ilang araw!” sabad din ng bodyguard na si Nikolas.
“Ang suwerte mo, Ms. Kate!” ani Diana na kinikilig.
Nagkamot siya sa pisngi. Saan banda sa ginawa ni Gabby ang kasuwertehan niya? “Sa palagay ko ay nagkakamali kayo. At saka, hindi ako suwerte!”
“Ayaw mo ba sa boss namin, Kate?” tanong ni Winona.
Tumikhim siya bago nagpatuloy. “Ang boss n’yo ang pinakahambog sa lahat ng lalaki na nakilala ko. Moody! Hindi marunong mag-alaga sa anak niya! Mapang-isa, scummer, gano’n! Isa pa, guwapong-guwapo sa sarili!”
“Pero guwapo naman talaga si boss!” ani Diana.
“At saka hindi siya scummer, legit ang lahat ng business deals na ginagawa namin!” sabi naman ni Winona.
“At maraming babae ang nais maging nanay ni Gabriel, pero walang nagtagumpay kahit isa dahil walang makalapit kay boss!”
Alam niya na hindi siya maiintindihan ng mga ito. Sa palagay din niya ay bias ang mga ito kay Gabby dahil ang lalaki ang nagpapasuweldo sa mga ito.
“Kaya mataas ang tiwala namin na magtatagumpay ka, Ms. Kate! Laban!” ani Winona.
Teka lang muna! Wait lang! “Ayoko nga sa boss n’yo! Mahangin siya, bossy at saka, saka—”
“At saka, ano pa?” narinig niya. Napasinghap ang tatlong tao na nasa harapan niya at nanlalaki ang mata sa direksiyon ng nagsalita.
“At saka, pangiiiit!” Wait! May hindi tama!
Natutop niya ang bibig at saka ipinihit ang katawan kay Gabby Yong.