“MAY PROBLEMA ka ba?” tanong sa kanya ni Lolo Daddy habang nag-aalmusal sila. Alas nueve na nang umaga at kagigising lang niya. Dati-rati, nasa opisina na siya nang ganoong oras dahil nga maaga si Chris sa pagsundo sa kanya. “Wala.” “Ah, baka si Chris ang may problema. Ang aga-agang nandito, eh. Hindi maipinta ang mukha.” “Bahala siya sa problema niya. Siguro naman hindi ko na dapat problemahin iyon.” Ibinabad ni Angelique sa suka ang tapa na paborito niya sa almusal. Tinusok niya ng tinidor ang gitna ng sunny side-up egg. Nadismaya siya nang walang umagos na pula ng itlog. “Hindi na naman half-cooked,” reklamo niya. “Mainam iyan at mas luto,” pakli nito. “Anong problema ninyo ni Chris?” Napakamot siya ng ilong. “Wala nga.” Ibinaba nito ang diyaryo na binabasa. “Pati ba naman ako

