NAGMAMANEHO si Angelique pauwi ay si Chris ang laman ng isip niya. Ayaw niyang isipin iyong aksidenteng halik. Hindi rin naman iyon maiko-consider na halik.
“It was just pressing our lips together,” malakas na sabi pa niya na parang kinukumbinse ang sarili. “It was not a kiss, for Christ sake!”
Perhaps for Chris sake, tila tudyo ng isang bahagi ng isip niya.
Sinikap niyang alisin doon ang isip. Naiilang siya na hindi niya maintindihan. Hindi niya alam kung anong pabor naman ang hihingin nito sa kanya sa pagkakataong iyon. He had asked many favors in the past. Maliliit at malalaking bagay. Hindi na niya mabilang, at sa totoo lang, hindi rin naman niya iniisip na bilangin. Basta kaya niya, ibinibigay niya dito.
Christian King Rivas was one of her few life-long friends. Aliw na aliw yata si Erica Mae sa tunay na pangalan ni Chris kaya Chris the king ang itinawag nito sa binata nang maging close ang dalawa. Natutuwa naman siya na naging magkaibigan din ang mga ito dahil lahat yata ng malapit sa kanya ay hindi naman nakakasundo ni Chris. Kung sabagay ay wala naman siya talagang masyadong kaibigan. Ex-boyfriends lang niya ang halos nakilala ni Chris.
Lumaki at nagkaisip siya na isa si Chris sa mga constant sight niya. Kapitbahay nila ito sa Philam Village. Sa tapat ng bahay nila ang eksaktong bahay nito. Grade six na si Chris nang maging close sila. Hindi niya ito pinapansin noon kasi hindi naman sila magkalaro. Parang ang tanda na nito sa tingin niya noon dahil grade two pa lang siya.
Pero isang araw ay naisipan niyang ilabas ang bisikleta niya. Paikot-ikot lang siya doon habang natatanaw niya si Chris na mag-isa lang na naglalaro ng trumpo. Mayamaya ay lumapit ito sa kanya. Hinamon siya nito na mag-bike siya na walang wheel guide. Takot siya kasi mahina siyang magbalanse. But he encouraged her. Tinanggal nito ang wheel guide ng bisikleta niya at ito ang umalalay sa kanya sa pagbibisikleta. Bago natapos ang maghapong iyon, napapaandar na niya ang bisikleta.
At tuwing hapon din, basta lumabas siya ng school at tapos na siyang gumawa ng assignment ay nakaabang naman siya kay Chris na mas hapon kung umuwi galing sa eskuwela. Parang hindi nag-aaral ng leksyon si Chris. Kapag nakita siya nito na nakaabang habang naka-sandal ang bike niya sa gate ay ibababa lang nito ang gamit at ilalabas ang sarili nitong bike at iikutin nila ang village na nagbibisikleta na sila.
They clicked. Siguro ay dahil nag-iisang anak lang din si Chris kaya kahit na siya ang lapit nang lapit dito ay nato-tolerate nito. Bandang huli, siya na rin ang ginagawa nitong tulay nang matuto itong manligaw. Wala yata itong pinatawad na dalagita sa village nila. At siya naman ay sunod lang nang sunod sa mga utos ni Chris.
Hindi na bagong bagay sa kanya na may hawak siyang inipon na santan o gumamela at iipit niya iyon sa gate na ituturo ni Chris kung saan. Minsan naman ay mismong siya ang mag-aabot sa babae. Parang siya pa nga ang kinikilig kapag may natitipuhan itong ligawan. Pati tanim nilang bulaklak, ino-offer niya kay Chris at magkasabwat pa sila sa pagpitas. They used to have orchids and roses in the garden. Mga alaga iyon ng mommy niya pero pag alam niyang may liligawan si Chris, patago na pipitasin niya ang bulaklak para lang mas maganda ang bulaklak na maibigay nito sa babae. Noon pa man, alam na niyang mas maganda ang roses at orchids kaysa santan at gumamela. Nakikita niya kasi ang mga binibigyan niya na mas naa-appreciate ang mga bulaklak na iyon.
Natatawa siyang mag-isa ngayong naalala niya iyon. Madami ding ex-girlfriends si Chris sa village. Sa lahat yata ng blocks doon ay may ex ito.
But just like her, hindi rin yata nagkaroon ng seryosong relasyon si Chris. Mula nang matuto itong manligaw, hindi na rin yata ito natapos manligaw hanggang sa ngayon. She wondered why. O baka nasa personalidad lang din kasi nito iyon? Kung hindi man ito ang madaling ma-attract sa babae ay babae din naman kasi ang nagpapakita ng motibo dito.
Siya lang yata ang pinatawad nitong ligawan sa village. Siguro dahil nga tulay siya nito. At parang ang bata pa naman niya talaga noon. At siguro ay hindi sila para sa ganoon.
But how about the kiss this time? parang paalala ng isip niya.
Hindi nga halik iyon! depensa naman ng isang parte ng isip niya.
Noong magsimula siyang magka-boyfriend ay hindi na rin niya mabilang ang mga naging girlfriends nito. Chris was aware of her past boyfriends. Isa man doon ay walang aprubado dito. Lahat ng ex niya, may pintas ito. But later on, tinatawanan na lang din niya kagaya ngayon na naalala niyang halos dalawang dekada na rin pala silang magkaibigan.
Magkaibigan na nagki-kiss.
Sa pisngi lang! she wanted to say aloud. For the past years that was their kind of beso. Lalo na kapag ganoong medyo matagal silang hindi nagkita. They used to kiss for hellos and goodbyes. Kanina lang naman medyo naiba. At saka aksidente lang talaga iyon.
Napailing siya. Bakit ba bumabalik na naman sa halik na iyon ang daloy ng isip niya?
Itinuon niya ang isip sa ibang bahagi ng nakaraang. Gaya noong huling nagkapikunan sila dahil kung anu-ano ang sinabi nito sa ex number six niya. She was so much in love then. At desperada din siyang patunayan na iyon na ang tamang lalaki para sa kanya. Pang-anim na iyon kaya itinodo na niya ang effort niya para mauwi na sa forever ang relasyon nila.
“Hindi kayo magtatagal niyan. Hindi iyan seryoso sa iyo.” Natatandaan niyang pikon na pikon siya dito noon. Kulang na lang ay itakwil niya ang friendship nila. But somehow, Chris was right. Hindi nga nagtagal at iniwan siya ng lalaking iyon. Ipinagpalit siya sa babaeng mas tingting pa ang katawan kesa sa kanya.
Naaliw siya sa pagbabalik-tanaw at napansin na lang na malapit na siya sa village. Pumaparada siya ay natanaw niya si Lolo Daddy na naninigarilyo sa terrace. Doon na siya dumiretso nang bumaba siya.
“Bawal sa iyo iyan,” malambing na saway niya dito matapos siyang humalik sa noo nito.
“Ngayon lang naman. Alam mong matagal ko na ring itinigil ang paninigarilyo. Kumain ka na ba? Ipainit mo ang sabaw kay Mely kung kakain ka.”
“Kumain na ako. Kami ni Em saka si Chris, nakita ko din sa mall. Sabay-sabay na kaming kumain.” Bumaba ang tingin niya sa ash tray sa harapan nito. “Lolo Daddy, mukhang marami ka nang nasindihan.”
“Hayaan mo na ako. Hindi naman ako ganito palagi.”
“May problema ka,” she said in a-matter-of-fact tone.
“May inaalala lang ako.”
Naupo siya sa tabi nito. “Tell me what it is.”
Idinuldol nito sa ash tray ang sigarilyo. Alam nitong hindi siya makakatagal sa usok niyon sa paligid at aatekihin siya ng sunod-sunod na pag-ubo. Dati na siyang may hika. Hindi na lang gaanong sumusumpong ngayong nagkaedad na siya.
“I’m thinking about you, apo.” Buong pagmamahal siyang tiningnan nito.
May dumagan na kaba sa dibdib niya. At hindi niya gusto ang ganoong pakiramdam. “Ano ka ba, Lolo Daddy. Nakakanerbiyos ka naman.”
“I’m not getting any younger, Angelique.”
Angelique. Lalo na siyang kinabahan. Bihira siya nitong tawagin sa buo niyang pangalan. She was always Anj. Ngayon ay masasabi niyang seryoso nga ito. “You’re still at your prime, Lolo Daddy. Ako lang ang may gustong hawakan ang kumpanya mo but we both know na kaya mo pa iyon na hawakan. Hindi ba’t madalas ka pa rin naman sa office? We are still partners in managing your company.”
“People much younger than me, they die suddenly. Ako pa ba na senior citizen na ang hindi kandidato sa kamatayan?”
Napakapit siya sa arm rest. “Lolo Daddy,” naaalarmang sabi niya. “What’s this? Galing ka ba sa doktor? May nakita ba siyang hindi maganda sa iyo?” Noon lang niya uli naalala na may schedule ito ng check-up sa linggong iyon. Usually ay sinasamahan niya ito.
“I suffered some chest pains this morning. Sa isang araw pa talaga ang check-up ko, di ba? Pero nagpunta na ako sa doktor kanina. Hindi na kita inabala sa office.”
“Alam mong palagi kitang sinasamahan.”
Ikinumpas nito ang kamay. “I’ve seen many deaths today. Nagkakagulo sa ospital kanina. There was an accident. One was declared DOA. Iyong isa naman ay namatay habang nilalapatan ng lunas. At iyong asawa ng taong iyon ay namatay din ilang minuto lang ang pagitan. Inatake siya sa puso nang malamang patay na ang asawa niya. And then there was another death somewhere in the ward. Narinig na lang namin na may nagpalahaw ng iyak. It was a chaos.”
“Lolo Daddy, baka nakadagdag pa iyon sa p*******t ng dibdib mo.”
“I’m fine now. But what happened made me realize how life can easily be taken from us by our God. Kung sabagay ay hiram lang naman talaga ang buhay nating ito. Kukunin Niya kahit kailan niya gusto. I’m not afraid to die, apo. Alam mo ba kung ano ang mas ikinatatakot ko? Iyong maiwan kita na nag-iisa.” Nadinig niyang nabasag ang tinig nito.
“Please, Lolo Daddy.” Hindi niya gusto ang pinag-uusapan nila pero naisip niyang parang ganoon din ang nasa isip niya kanina. At oo, ayaw niyang maiwan nito.
“You will be alone, Angelique.” Dama niya ang lungkot sa boses nito. “Matagal ka nang walang pamilya sa namatay mong ama. Ni hindi ka na nila naalala---”
“Matagal na nating alam iyan. Natanggap ko na rin iyan, Lolo Daddy,” aniyang pinasigla ang tinig.
Wala siyang bitterness sa bagay na iyon. Patay na rin ang lolo at lola niya sa ama. Ang natitira na lang na kapamilya niya doon ay ang biyuda niyang tita at dalawang anak nito. Pero mula’t sapul naman ay malayo ang loob ng mga iyon sa kanya. Hindi na ito nangumusta man lang sa kanya buhat nang maulila siya. Huli pa niyang nakita ang mga iyon noong libing ng kanyang ama. And that was ten years ago.
Kung meron man siyang maituturing na kamag-anak pa, si Segundo Reynante iyon na mas tinatawag nilang Sage. Distant cousin na niya ito kung tutuusin dahil second cousins lang ang daddy nito at mommy niya. Bihira lang niyang makita si Sage pero maski paano masasabi na rin na close sila nito.
“Kahit naman hindi na nila ako naalala, bawing-bawi naman ako sa pag-aalaga mo sa akin. Kaya nga bagay na bagay lang sa iyo na tawaging Lolo Daddy. Kasi may lolo na ako sa iyo, ikaw pa talaga iyong nagsilbing daddy ko.”
“Paano ka kapag naiwan kita?”
“Matagal pa iyon, Lolo Daddy. Huwag kang mag-isip ng kung ano. Hindi ka pa naman mamamatay. Walang iwanan, di ba?”
“That I can never tell. I don’t want to leave you like this, Angelique. It’s about time you get married.”