Little Mouse
TAONG 1998, buwan ng Marso, araw ng Linggo. Tuwing sasapit ang araw ng Linggo sama-sama ang buong pamilyang nagtutungo sa simbahan upang manalangin at makinig sa mga aral ng Panginoon. Palagi kong nakikita ang magagandang damit nila, lalo na ang mga batang ipinanganak sa mayamang pamilya. Tuwing Linggo nagpupunta din kami sa simbahan hindi lang para magdasal kundi para tumanggap ng donasyon galing sa mayayaman at ito ang pinakaayaw kong araw sa lahat!
"Ate Mouse! Tara na!" tawag ni Lily.
"Sige susunod na ako, Lily!" sigaw ko habang tumatakbo patungo sa kanya.
Ako si Mouse, wala akong apelyedo hindi ko tunay na pangalan ang 'Mouse' ito lang ang ibinigay na pangalan sa akin ni Miss Juanna Mercedes. Tulad daw kasi ng daga: maliit, makulit at maliksi raw ako kumilos, sa madaling salita pilya! Siya ang masungit na guardian namin dito sa 'Uncle John's Orphange' at siya rin ang nangangasiwa sa bahay ampunan. Oo! Mga ulila kami. Marami sa amin ang iniwan sa bahay ampunan, ang iba naman maagang nawalan ng mga magulang. Iba-iba ang kuwento ng buhay namin ako man ay mayroong malungkot na kwento kung paano ako napunta sa ampunang ito.
"Mouse! Kanina ka pa namin hinihintay aba'y bilisan mo'ng kilos mo!" masungit na tawag ni Miss Mercedes.
"Opo, nariyan na po!" nagmamadali kong sagot. Palagi siyang: sumisigaw, nakapamewang at nakataas ang isang kilay, kulang na lang bumuga siya ng apoy sa bibig, para siyang evil witch sa mga fairy tale story. 45 years old na si Miss Mercedes pero wala pa ring asawa. Tumatandang-dalaga na kasi siya kaya masungit.
Tumakbo ako nang mabilis hanggang sa maabutan ko ang mga batang nakapila. Bukas ang pinto sa gilid ng simbahan at dito kami palaging nakapuwesto. Nakapila kami na parang mga langgam habang ang mga mayayaman na magdo-donate ay nakaupo sa loob. Nagpapasalamat naman kami sa mga ibinibigay nila pero, minsan ang ibinibigay nila ay mga patapong baga 'yung tipong mapupulot mo na sa basurahan—nakakainis kaya! Minsan nga 'yung binibigay pa nilang pagkain ay expired na. Ano bang akala nila sa amin, tapunan ng basura? Ito ang isang dahilan kung bakit ayokong sumasapit ang araw ng pagtanggap ng donasyon. Nakakainsulto para sa mga tulad kong walang kakayahang bumili ng mga bagong bagay. Nakakainggit. Oo alam ko, hindi tama itong nararamdaman ko. Pero kasi…
Biglang tumunog ang kampana hudyat na magsisimula na ang misa. Tumahimik ang lahat at nakisabay sa pag-awit ng papuri, nagsimula na ring magmisa si Father Morales. Si Father Morales, siya ang nakakita sa akin sa tapat ng simbahan ng 'San Roque Parish Church' dito sa Cavite City, siya rin ang nag dala sa akin sa bahay-ampunan. Isang kanto lang ang layo ng simbahan at ampunan kaya madali namin siyang nadadalaw. Tumutulong ang simbahan sa ampunan at ganoon din naman kami sa kanila. Pinaglilinis kami ng simbahan tuwing walang misa. Nagwawalis ng paligid, nagpupunas ng altar at ng mga upuan. Gusto ko ang sa tuwing naglilinis kami sa simbahan kasi, nakakakuwentuhan namin si Father Morales, ang dami kaya niyang kuwentong pambata sa amin.
Katulad ng sinabi ko, malungkot ang kwento ng buhay ko. Ni hindi ko alam kung sino ang mga magulang ko. Hindi man lang nagpakilala bago ako iwan sa simbahan? Ni pangalan ko, hindi man lang isinulat sa isang pirasong papel. Kay saklap na kapalaran, Oh! Diyos ko bakit ganito?
"Ate Mouse, shhh…" Siniko ako ni Lily para tumahimik. Naririnig pala niya ang pagbulong-bulungan ko. Muli kong ibinaling ang tingin sa altar kung saan nagsesermong si Father.
May katabaan si Father Morales at may suot na salamin sa mga mata. Mabait si Father at palagi niya kaming tinuturuan tungkol sa kabutihan ng Panginoon. Kaso minsan napapaisip ako kung tunay ngang mapagmalasakit ang Diyos. Kung tunay nga, bakit kami pinagkaitan ng masaya at masaganang buhay? Bakit hindi kami ipinanganak sa mayamang pamilya? Napaka-unfair, 'di ba?
Labindalawang taong gulang ako't magtatapos sa grade 6, high school na ako sa susunod na school year. Gusto ko maranasan ang tinatawag nilang 'high school life' kaso, malabo iyon. Dahil sa tulad kong ulila, mahirap ang buhay na kinalalagyan ko. At hindi rin kami sa tunay na eskwelahan pumapasok. Ang ampunan ang nagsilbing, tahanan at eskwelahan naming mga ulila.
"Mouse! Umayos ka! Paano ka mabibigyan ng donasyon kung ganyan ka!" sita ni Miss Mercedes.
Panay kasi ang pagpadyak ng paa ko sa sahig—nangangalay na kasi ako! Kung hindi ko lang talaga kailangan ng damit hindi ako pipila rito. Hay! Ang tagal matapos ng misa mahaba yata ang sermon ni Father Morales ngayon, ah. Gutom na ako! Nakakapit na ang mga kamay ko sa tiyan kong nag-aalburoto sa gutom.
"Ate, konting tiis na lang," bulong ni Lily.
Narinig nang limang taong gulang na si Lily ang kumakalam kong tiyan. Nakatanaw ang bata sa kampanaryo ng simbahan, napatitig din ako roon. Kay ganda ng langit dumadapo ang mga ibon sa kampanaryo, kay ganda nilang pagmasdan. Nakakainggit ang mga ibon malayang nakakalipad kahit saan nila gustong pumunta.
Nang matapos ang misa naglabasan ang mga tao, naiwan sa loob ang mga magdo-donate. Pinapasok kami sa loob ni Miss Mercedes. Kitang-kita ko sa mga mukha nila ang ka-plastik-an. Ang iba sa kanila ay matapobre. Kukuhanan pa nila kami ng larawan para daw may maipaskil sa dyaryo. Gaganda ang tingin ng ibang tao sa kanilang mayayaman kasi nagbigay sila sa ampunan. Bata pa lang ako pero, mulat na ako sa mga gawain nila. 'Yung mga ngiti sa labi nila, ngiti ng mapagpanggap.
Ang sabi ni Father Morales, kapag nagbigay ka dapat bukas sa kalooban mo at walang hinihinging kapalit pero, hindi ganoon ang nakikita ko sa mga taong nakapaligid sa amin ngayon. Habang nakaharap kami sa kanila halata sa mga mukha nila ang mapagkunwaring awa.
"Naku, mahabagin. Kaawa-awang mga bata! Heto, tanggapin n'yo ang maliit naming regalo para sa inyo," sambit ng ginang na kunwari'y maluha-luha sa kalagayan naming mga bata.
"Salamat po!" pasalamat ni Miss Mercedes sa ginang na nagbigay ng mga lumang laruan saka sila nag-picture-an. Napansin ko si Lily, halatang sabik siya sa laruang manika gustong-gusto na niya itong mahawakan. Kumikinang ang mga mata ni Lily sa napakagandang manikang iyon. Hindi ko siya masisisi dahil bata siya at sabik sa mga ganitong klase ng laruan. Ito yata ang uso ngayon, 'yung manikang pumipikit-pikit.
Lumapit naman ang isang lalaki mukha siyang nagtatabraho sa gobyerno sa suot niyang barong. Binigyan niya kami ng mga lumang damit na siya namang tinanggap ulit ni Miss Mercedes, may dalawang kahon na kaming donasyon ngayon. Natuwa ang katabi kong si Jack nang makita ang dala noong babaeng mestisa na mga libro. Si Jack kasi ang katandaan sa amin 3rd year high school na siya at 4th year na sa susunod na pasukan. Mahilig siyang magbasa at seryoso sa pag-aaral.
Lumapit ang babaeng mestisa saka iniabot ang kahon na naglalaman ng mga libro. Tinanggap iyon ni Jack, nagpasalamat siya rito saka lumapit sa akin ang mestisang babae. Hindi ko maintindihan ang sarili ko natulala ako sa suot niyang mga alahas. Ang balabal niya sa leeg kumikinang, ang sarap hawakan.
"Ano sa tingin mo ang ginagaw mo? Lumayo ka nga!" biglang sigaw ng mestisang ginang.
Hindi ko namalayan na muntik ko na pa lang hawakan ang balabal niya. Lumayo siya sa akin saka tinanggal ang balabal at ipinagpag ito sa harap ko. May dinukot siya sa loob ng maliit na bag isang pabango? In-ispray-an niya ang buong katawan at balabal ng pabango e, hindi ko naman iyon nahawakan talaga. Diring-diri siya na parang nadumihan nang husto ang maganda niyang balabal.
"Ipapalaba ko na naman tuloy itong balabal ko," bulong pa nito.
Sa tono ng pananalita niya halatang ayaw niya sa mga tulad naming ulila. Sa inis ko, nilapitan ko ang babae saka tuluyang hinawakan ang balabal niya. Ipinakita ko sa kanya na malinis ang mga palad ko kitang-kita ko ang galit sa mga mata ng babae. Pilit kong ipinamukha sa kanya ang dalawang palad ko. Itinulak niya ako nang malakas kaya natumba ako at napahiga sa sahig. Natakot ang mga kasama kong bata at nagtago sa likod ni Father Morales. Agad naman akong tumayo at pinagpag ang pwet kong sumadsad sa sahig.
"Umalis na tayo! Mga walang modo! Hmp!" singhal ng mestisang babae.
Tumalikod sila't nagmamadaling lumabas ng simbahan kaagad ko naman silang sinundan hanggang sa labas ng simbahan. "Ang sasama ng mga ugali n'yo, bleh!" sigaw ko sabay belat sa kanila. "Mga salbahe!!!"
"Mouse!"
Narinig ko ang nanggagalaiting boses ni Miss Mercedes, lagot na naman ako nito! Kaya ayaw na ayaw ko sumapit ang 'Linggo' naiinis lang ako sa mga mamayaman parepareho sila may tinatagong kasamaan. Alam kong mali itong iniisip ko pero, hindi ko maiwasan dahil ayokong kaawaan kaming mga ulila. Ang kailangan namin ay tunay na pagmamahal at hindi limos mula sa kanila!
Pagkauwi sa ampunan walang humpay na sermon ang inabot ko kay Miss Mercedes, bilang parusa ipinalinis niya ang buong pasilyo sa akin nang mag-isa.