INILIBRE ako ni Mister Finn ng meryenda sa isang cute at class na coffee house habang nasa kotse si Theo, sa parking lot naghihintay. Nag-shoping kasi ang dalawang kambal sinamahan sila ni Mister Finn, pinasama na rin niya ako para raw makalabas-labas naman ako ng mansyon. Masarap ang parfait nila ang laki at ang daming laman—ang tamis! Strawberry chocolate flavor ang in-order ko. Ice coffee lang ang kay Mister Finn. Nakaupo kami sa dulo katabi ng glass window. Grabe, ang saya! First time ko sa ganitong coffee house. Amoy na amoy ang aroma ng kape at matatamis na tinda nila.
"Salamat po Mister Finn!"
"Ha-ha-ha! Mukhang nag-e-enjoy ka talaga, a."
Tumayo bigla si Mister Finn. "Sandali lang Mouse, ibibili ko lang ng cake ang kambal, paborito kasi nila ang cake rito." Umalis siya at nagtungo sa counter.
Napansin ko ang pitaka niya na naiwan sa upuan. Kaagad ko iyong kinuha upang ibigay sa kanya nang mapansin ko ang isang nakaipit na bagay. Malapit na itong malaglag mula sa pagkakaipit sa pitaka.
Nang tingnan ko ito, isang larawan? Larawan ng magandang babae mukha siyang mayaman at napaka elegante ng hitsura niya. Napansin ko sa counter si Mister Finn mukhang kinakapa niya ang pitaka sa likod ng pantalon. Ibinalik ko sa loob ang larawan saka ibinalik ito sa kanya. Bumalik ako sa puwesto namin nang may pagtataka…sino kaya ang babaeng iyon?
Pagkatapos namin magmeryenda nagpunta kami sandali sa park. Nagpahinga at nagkuwentuhan, marami akong sinabi sa kanya. Mga naging buhay ko noon sa ampunan at buhay ko ngayon. Marami akong ipinagpasalamat kay Mister Finn. Ilang buwan na rin kasi ang nakalipas sa ilang buwan na 'yon masasabi kong malaki ang nabago sa buhay ko.
"Parang kailan lang nang una ko po kayong makilala, Mister Finn."
"Oo nga…ang bilis ng panahon, dalagang-dalaga ka na ngayon."
Magkatabi kami sa upuan halos magkadikit na kami. Ang bilis ng t***k ng puso ko habang nagsasalita siya ngayon. Ang laki nang ngiti niya, ang sarap niyang tumawa. Ang lahat ng kilos ni Mister Finn, nakakapagpabuhay ng dugo ko sa katawan. Parang may kakaibang kuryenteng dumadaloy sa kalamnan ko. Idagdag pa ang malambing niyang pakikitungo sa akin, Hay! Hindi pa rin nagbabago ang tingin ko sa kanya simula noong una ko siyang makilala—para talaga siyang isang prinsipe!
Ano ba itong nararamdaman ko? Hindi ko na maintindihan ang mga sinasabi niya, naka-focus lang ako sa katawan at mukha ni Mister Finn. Nang bigla niya akong mapansin na nakatitig sa kanya.
"M-Mouse?" Bigla niya akong tinitigan nang matagal. "Parang namumula ang pisngi mo? May sakit ka ba?"
Inilapat niya ang palad niya sa noo ko at dinama ang temperatura ng katawan ko. Lalong tumindi at bumilis ang t***k ng puso ko. Sobrang bilis na para akong napapaiktad sa kaba. Nakakahiya sa harap ni Mister Finn na makita akong nagkakaganito.
"A-ayos lang naman po ako…" Kung alam niya lang na siya ang dahilan ng pamumula ko ngayon…
"Mabuti pa, umuwi na tayo para makapagpahinga ka," malambing niyang bulong.
Tumayo siya at iniabot ang kamay sa harap ko tinitigan ko muna iyon nang sandali bago ko inabot. Magkahawak kamay kaming naglakad hanggang makarating sa parking lot. Napansin ko kaagad si Theo, nasa labas ng sasakyan at naghihintay. Nakita niya kaming magkahawak kamay ni Mister Finn. Pumasok sa loob si Mister Finn, nakabukas naman ang pinto sa likod. Naunang pumasok si Theo sinundan ko naman siya sa loob.
Nang makauwi kami ng bahay binitbit ng mga katulong ang mga pinamili nila. Aakyat ako ng kwarto nang sabayan ako ni Theo sa hagdan nahinto ako nang marinig ko siyang bumulong sa tabi ko.
"Mga tipo pala ni Uncle ang target mo," ani ni Theo.
"A-ano kamo?"
Hindi ko nagustuhan ang sinabi niyang iyon. May kasama pang matalas na tingin, para akong hinihiwa sa sakit. Gusto ko siyang tanungin kung ano ba ang ibig niyang iparating sa sinabi niya? Humarang pa siya sa harapan ko lalo pang inilapit ang seryoso niyang mukha sa mukha ko.
"Ano bang gusto mong sabihin? Hindi kita maintindihan!" Napalakas ang boses ko habang pinipigilan ang sariling emosyon.
"Kitang-kita sa mga mata mo ang pagkagusto kay Uncle Finn, hanggang saan na ba—"
Pak!
Isang sampal ang nagpaudlot sa pagsasalita ni Theo.
Kusang tumulo ang mga luha sa aking mga mata nang hindi ko namamalayan. Ang sakit, sobrang sakit pakinggan kung saan patungo sa mga salita niya. Nakayukong umakyat si Theo, hindi niya ako nilingon wala siyang kibo nang iwan akong nakatayo sa hagdan. Imbes na pumunta ako sa kuwarto ko bumaba na lang ako para puntahan si Mrs. Lewis.
Nang makarating ako sa tapat ng pinto ng kuwarto niya napansin ko na bukas ito. Sumilip ako sa kapirasong uwang ng pinto. Nakita ko si Mister Finn kausap ang matanda. Hindi na ako nag-abalang kumatok pero, narinig ko sila narinig ko ang pangalan ko? Mali mang gawin, nakinig ako sa pinag-uusapan nila.
"Sinasabi ko sa 'yo, Finn, huwag mo na siyang tratuhin na parang bata!" Medyo mataasa ang tono ng pananalita ni Mrs. Lewis. Nakatayo ang matanda at nakatalikod nakaharap siya sa bintana habang nasa likod niya si Mister Finn. Nag-tatalo ba sila? Ako ba'ng pinagtatalunan nila?
"'Ma, hindi ko naman siya tinatratong bata, gusto ko lang ibigay sa kanya ang mga bagay na hindi niya naranasan noon. Wala naman pong masama sa ginagawa ko, hindi po ba?" paliwanag ni Mister Finn.
"Oo nga't naroon na ako sa punto mo pero, lagyan mo ng limitasyon! Hindi mo ba nakikita? Dalaga na si Mouse! Iyang ipapakita mo sa kanya, maaari niyang bigyan ng ibang kahulugan! Tandaan mo, nasa stage na siya kung saan nagiging conscious na siya sa mga bagay-bagay. Isang araw hindi mo namamalayan, nahulog na pala ang loob ng bata sa 'yo!" Tahimik lang si Mr. Finn, hindi ko alam kung ano'ng nasa isip niya ngayon, gusto kong malaman.
"Lalaki ka at babae siya! Dinadatnan na siya, hindi mo ba napapansin sa ilang buwan niyang pamamalagi rito sa mansyon may mga pagbabago na sa kanya. Madaldal pa rin siya pero, hindi na siya nagpapadulas sa hagdan, bihira na rin siyang tumakbo sa pasilyo at maayos na rin siyang manamit ngayon. Kung iyong mga simpleng bagay hindi mo napapansin, paano pa kaya 'yung nararamdaman niya? Finn, baka ikaw pa mismo ang makasakit kay Mouse, ayokong mangyari 'yon lalo na't darating sa susunod na December si Rosalinda, i-a-announce na ang engagement n'yong dalawa."
Para akong tinusok ng karayom sa narinig ko. Engage na si Mister Finn?
Sapat na ang mga narinig ko para umalis ako sa tapat ng pinto at magtungo sa kuwarto ko. Ni-lock ko ang pinto saka padapang nahiga sa kama. Umiikot sa utak ko ang mga sinabi ni Mrs. Lewis. Nabasa ng mga luha ko ang unang yakap-yakap ko. Ewan ko ba, naguguluhan ang isip ko! Gusto na nitong sumabog! Naninikip ang dibdib ko na parang hirap akong huminga. Walang ibang laman ang isip ko kundi si Mister Finn, pero bakit? Bakit ganito? Talaga nga kayang pagkagusto na itong nararamdaman ko para sa kanya? Hindi ko maintindihan…
***
DECEMBER 1999, Christmas vacation. Mabilis lumipas ang mga araw parang kailan lang noong una kong pasko sa mansyon. Naka isang taon na akong naninirahan dito. Ngayon 2nd year high school na ako, medyo tumangkad na ako nang kaunti. Simula noong marinig ko ang pag-uusap nina Mrs. Lewis at Mister Finn nagkaroon ako ng hiya. Nagsimula akong ma-conscious sa mga bagay-bagay sa paligid. Dumaan ang unang pasko ko sa mansyon ng mga Lewis, pakiramdam ko habang tumatagal lalong nadaragdagan ang paghanga ko kay Mister Finn. Lalo itong lumalawak na hindi ko alam kung may hangganan pa ba.
Ilang buwan ding hindi ako binibigyang pansin ni Theo, noon pa man gano'n na siya pero mas tumindi ngayon. Ni tingnan ako hindi niya ginagawa, tumaas nang tumaas ang pader na humaharang sa aming dalawa.
Nakatingin ako sa harap ng salamin hindi lang pekas ang mayroon sa pisngi ko nilusob na rin ito ng mga tigyawat. Isa, dalawa at may gusto pang humabol. Ang panget ko! tigyawat sa noo at pisngi! Ang sabi ni Mrs. Drew normal lang daw sa dalaga at binata ang magkaroon ng tigyawat.
Pinagdadaanan iyon ng mga teenager na tulad ko. Fourtheen years old na ako at nasa stage na kung saan, traydor umatake ang mga tigyawat.
"Mouse! Tayo na hinihintay na tayo ni lola!" Biglang pumasok sa loob ng kuwarto si Ashley.
Naimbitahan nga pala kami sa mansyon ng kaibigan ni Mrs. Lewis, sa loo ng subdivision sa Quezon City, siguradong mayayaman din ang mga nakatira doon. Isinuot sa akin ni Ashley ang bracelet na iniregalo niya sa akin noong 14th birthday ko. Naging mag-best friend kami ni Ashley, palagi kaming magkasama kahit sa pagpasok sa eskwelahan. Hindi na kami nag-aaway at marami kaming kuwento tungkol sa pagdadalaga namin. Si Ashley, ang pinakamaganda at sikat na dalaga sa eskwelahan ngayon.
Kahit pareho kaming may ibang lahi sa dugo namin, angat na angat pa rin ang ganda niya.
Napansin ko nga ang pagtangkad niya at ayaw ko mang aminin pero, mas maumbok na ang dibdib niya kumpra sa akin. Mahaba at tuwid ang natural niyang blonde hair. Maputi at makinis ang balat, mga mestiso at mestisa silang dalawa ni Theo. Natural 'yon dahil ang lolo nila ay amerikano at ang nanay nila kung hindi ako nagkakamali ay pure blooded Dutch.
Speaking of Theo, napansin ko rin ang pagbabagong pisikal niya. Tumangkad siya nang husto at may kaunting muscle sa magkabilang braso. Palagi kasi siyang naka fit shirt kaya litaw ang hubog ng katawan niya. Tinutubuan na rin siya ng bigote kaya niregaluhan siya ni Mister Finn ng electric shaver. Aminado akong gwapo talaga si Theo, kaso masungit. Palagi siyang nakasimangot, hinahayaan niyang takpan ng mahaba niyang bangs ang asul niyang mga mata. Ewan ko ba, minsan iniisip kong pansinin na rin si Theo ang kaso, siya itong nauunang umiwas.
"Tayo na, Mouse. Kanina pa nila tayo hinihintay."
"Sige, tapos na rin naman ako."
Sabay kaming lumabas ng mansyon ni Ashley, naghihintay sa labas si Mister Finn. Ang gwpo niya sa suot niyang formal attire, mukha siyang kagalang-galang. Katabi niya si Theo, pareho silang naka black suit.
"Ang cute mo sa suot mo, Mouse!" papuri ni Mister Finn.
"Salamat po Mr. Finn, kayo rin po ang gwpo n'yo po sa suot n'yo!" sagot ko.
Sumakay kami sa loob ng magarang Limousine napapagitnaan ako ni Ashley at Mister Finn. Nasa harap naman si Miss Mendez katabi ng driver. Nasa unahan namin sina Mrs. Lewis at Theo.
"Pakiusap Mouse, umayos ka sa pupuntahan natin. Ayokong mapahiya ang kahit na sino sa pamilya lalo na si Finn," paalala sa akin ni Mrs. Lewis. "Ngayon pag-uusapan ang tungkol sa engagement nila ni Rosalinda." Seryoso akong nilingon ng matanda.
"O-opo…"
Alam ko na ang tungkol sa kanila. Si Miss Rosalinda ang babae sa larawan sa loob ng pitaka ni Mister Finn.
Isang eleganteng dalaga na anak ng kilalang tao sa lipunan. Isang kagalang-galang at tinitingala ng maraming kalalakihan si Miss Rosalinda at si Mister Finn, ang nakatakdang mapangasawa niya. Biglang kumirot ang puso ko, iniisip ko pa lang na tatabihan siya ni Miss Rosalinda at hahawakan o hahalikan siya para akong nagseselos? Kahit na alam kong mali isipin iyon.