CHAPTER FIVE

1330 Words
“I MISSED walking around here!” tuwang sabi ni Jane habang naglalakad sila sa lobby ng Lee Group of Companies building. Nagpapaikut-ikot pa ito. Nangingiting napailing na lang siya. “Para kang bata,” hindi mapigilang bulong niya rito. Kung may ibang makakakita rito ay aakalaing nawawala na sa sarili ang dalaga. Pero nakakatuwa itong panoorin. Kaya nga heto at nakangiti siya habang naglalakad. Baka nga siya pa ang mapagkamalang nawawala sa sariling hwisyo, eh. Kagabi lang ay napatunayan niyang multo nga ito. Bukod sa paglagos ng kamay nito sa kamay niya, napakaraming nagpapatunay na totoo ang sinabi nito tungkol sa sarili. Nakita niya kung paano ito lumagos sa mga pader, sa kotse, at kung saan-saan pa. Sinong tao ang makakagawa ng ganoon? Wala kundi isang multo na siya lamang ang nakakakita. Wala siyang magawa kundi tanggapin ang lahat. Aaminin niyang nabigla siya ng husto kagabi at tinangka itong itaboy. Nang mahimasmasan siya ay saka siya nakapag-isip ng matino. Gusto niyang isipin na napakamalas naman niya at siya pa ang natyempuhan ng multong ito. Pero hindi niya magawa dahil sadyang magaan ang loob niya rito. Besides, saan ka makakakita ng multo na kasing ganda nito? Galing sa aksidente pero walang kahit ano mang bahid ng sugat o dugo sa makinis nitong mukha. Bukod pa doon ay nagugustuhan niya ang mabangong amoy nito. “Very good ang morning natin, ah!” tapik sa balikat niya ng kung sino na nakapagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Napatingin siya rito. “O, Drigz.” Sumabay ito sa kanya sa elevator. Sa fifth floor ang office nito. Isa ito sa mga editorial staff ng advertising corp. kaya medyo may pagkatsismoso. “Ano, nai-date ka na ba ni Ma’am Hanna?” biro nito. Tumawa lang siya. Hindi siya makasagot dahil hindi lang sila ang nasa elevator. Baka may bago na namang pagtsismisan sa kumpanya kapag nagkamali siya ng sagot. “Hanna? Si Hanna ba na pinsan ko?” narinig niyang sabi ng katabing si Jane. Hindi niya ito pinansin “Khiane!” Iwinagayway nito sa harapan niya ang palad. Hindi niya pa rin pinansin ang dalaga. “Pinopormahan mo ba si Hanna?” patuloy na pangungulit nito. “May boyfriend na iyon.” “I am not. Will you shut up, please?” hindi napigilang sagot niya. “Ha? May sinasabi ka, dude?” agaw ni Drigz sa pansin niya. “Ah, wala, dude. Kumakanta lang ako.” “Ahh…” mukha namang naniwala ito sa alibi niya. Ipinagpasalamat na lang niya at nanahimik na si Jane. Pero mukhang napakalalim naman ng iniisip nito. “Alam mo, dude,” bulong sa kanya ni Drigz. “Nangingilabot ako ngayon. May naaamoy akong pamilyar na pabango.” He knew what he’s talking about. Hindi lang pala siya ang nakakaamoy sa pabango ni Jane. Magsasalita pa sana si Drigz subalit bumukas na ang elevator at nasa fifth floor na sila. “Sige, mamaya na lang.” Tinapik nito ang balikat niya bago lumabas. Naiwan siyang nag-iisip. Hindi nga nakikita ng mga ito si Jane pero nararamdaman naman ng mga ito ito. It’s differently cold in there. Nakakapangilabot. Kung hindi niya lang alam na may multo nga silang kasabay doon ay pinanayuan na siya ng balahibo. Marahil ay hindi lang umiimik ang mga kasabay niya doon. Ilang saglit pa at nakarating na sila sa eight floor. Konti pa lang ang naabutan niyang empleyado roon. Masyado pa kasing maaga para sa office hours. Dumiretso siya sa cubicle niya. Nilingon niya si Jane sa likuran. Pero wala ito. Kaya pala tahimik ay wala ito.  Akala niya’y nakasunod lang ito sa kanya. Napalinga-linga siya. Pero wala ito sa paligid. Saan kaya nagpunta ‘yon? Inilapag niya ang bag sa mesa. Maglalakad-lakad sana siya para hanapin ito pero may tumawag sa kanya. Si Ana ang nalingunan niya. Art designer ito doon at katabing cubicle niya lang. “Goodmorning!” nakangiting bati nito. Lumapit ito sa kanya at sumandal sa cubicle. “Goodmorning din.” “Coffee?” alok nito sa hawak na plastic cup. “No thanks. Nagkape na ako sa bahay.” Pasimpleng luminga siya sa paligid sa pagbabakasakaling maispatan si Jane. “Ang aga mo yata ngayon?” “Oo. May gumising kasi sa akin kaya maaga akong nagising.” Napakaaga kasing nambulabog si Jane. Mula sa labas ng kwarto niya ay sumigaw ito sa kanya. Gumising na daw siya at excited na itong makapasok muli sa loob ng kumpanya. Hindi sana niya ito papansinin. Ang kaso ay ayaw nitong tumigil. Kinantahan pa siya ng nakakaindak na kanta na parang sirang plaka. Feeling niya tuloy ay nasa loob siya ng Big Brother house. Napakagaling na nanghihingi ng pabor. Paspasan. Tuloy ay napilitan siyang bumangon kahit napakaaga pa para sa nakatakdang paggising niya. “Sino? Misis mo?” Nagbalik siya sa kasalukuyan sa sinabi nitong iyon. Bumilang ng ilang saglit bago tuluyang maintindihan ng diwa niya sinasabi nito. “Ah, hindi.” Tumawa siya ng pilit. “Biglaan kasing may tumawag sa akin. Medyo masakit sa tenga ang ring tone ko kaya nagising ako kaagad.” Natawa naman ito. “So, wala ka pang misis?” “Wala pa naman.” “May pag-asa pala kami.” May dalawa pang kasamahan nila ang lumapit sa kanila, sina Cathy at Jenith. Tumawa lang siya. “Huwag niyo ngang biglain si prince charming,” tumatawang sabi ni Ana. “May mga asawa na ang mga iyan kaya ‘wag kang magpapaniwala sa mga iyan, Khiane.” “Huwag mo naman kaming ibuko, Mareng Ana.” Nagkatawanan sila. Masaya talagang kasama ang mga katrabaho niyang ito. “`Oy, siyanga pala. Narinig niyo na ba ang tsismis?” “Ano na namang tsismis ‘yan, Cathy?” “Iyong tungkol kay Ma’am Jane, Mareng Ana.” Maging siya ay na-curious sa topic. Baka may alam ang mga ito na iba bukod sa nababalitang pagmumulto ni Jane. He quit looking for her. Kahit ano’ng gawin niyang pagtingin sa paligid ay wala ito. Babalik din naman ito sa kanya.  Siguro ay namasyal muna ito sa kung saan. “Ay, oo nga! Totoo kayang nagmumulto si Ma’am Jane?” “Si Ma’am Ronah pa lang ang nagkukwento na may naramdaman siyang nakakakilabot na hangin sa labas kahapon, Jenith,” sagot ni Ana. “Malay natin kung totoo iyon.” “Pero. ha, kung si Ma’am Ronah lang nag pinagmumultuhan ni Ma’am Jane, malamang may alam si Ma’am Ronah sa nangyari sa boss natin?” ani Cathy. “I saw Ma’am Ronah at the lobby. Nakayuko at tahimik na tahimik. Parang wala sa sarili.” Naalala niya rin kahapon noong uwian na. Pagkasabi ng mga empleyado na baka nagpaparamdam dito si Jane, lumabas na lang itong bigla na tila nahulog sa malalim na pag-iisip. Posible kayang may kinalaman ito sa nangyari? “Wait,” singit niya sa tsismisan ng mga ito. “Patay na ba si J— si M-ma’am Jane?” Napatingin ang mga ito sa kanya. Sa halip na sumagot ay nagkibit lang ng balikat ang mga ito. Lalo siyang naguluhan. “We don’t know. Ang alam lang namin ay isinugod ni Sir Dennis, iyong boyfriend ni Ma’am Jane, si Ma’am sa ospital nang maaksidente siya,” si Cathy ang sumagot. “Saang ospital?” “No idea,” ani Ana. “Nang malaman kasi ni Boss Lee ang nangyari ay hindi nila inilabas sa kumpanya ang kalagayan ni Ma’am Jane.” “Ang balita ko ay sa Saint James Medical Hospital siya isinugod pero inilipat din daw,” sabi naman ni Jenith. “Sayang si Ma’am. Mabait pa naman at maganda. Halos nasa kanya na ang lahat pero may nagpaplano palang patayin siya.” ani Cathy. “Sino kayang mastermind, `no?” “Sana naman buhay pa si Ma’am. Ayokong maging CEO ng kumpanya si Ma’am Hanna.” “Sshh... Wag kang maingay, Jenith. Baka mamaya niyan, nasa likod mo na naman iyon.” Gusto pa sana niyang magtanong tungkol kay Jane at pati na rin kay Hanna pero may mga ibang kasamahan na silang lumapit at nakiumpok sa kanila. Isa pa ay mukhang natakot na ang mga itong bumanggit ng anuman tungkol kay Hanna. Kung bakit ay wala siyang alam. Ilang sandali pa at tumunog na ang chime para sa pagsisimula ng trabaho. Ang ipinagtataka lang ni Khiane ay hindi niya pa rin makita si Jane hanggang ngayon. May gagawin siyang pictorial ngayon at pupunta siya sa studio. Sinabi ni Jane na kailangang kasama siya nito para makapaglibot sa paligid. Pero bakit ngayon ay iniwan siya nito? Nagsisimula na siyang mag-alala.  Baka may masama nang nangyari rito. Asan ka na ba, Jane? inis na saisip niya. Muli siyang nagpalinga-linga sa paligid. Nang hindi pa rin ito makita ay tumayo na siya bitbit ang camera. Mag-aayos pa siya ng set kaya hindi pwedeng magahol ang oras niya. Bahala na nga! Nilapitan niya ang makakasama sa pag-aayos ng set at niyaya na ito sa pagpunta sa studio. Malapit lang naman ang studio, nasa tapat lang iyon ng opisina nila, siguro naman ay hindi ito mahihirapang hanapin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD