Chapter 4

2224 Words
CHAPTER four   BUMUNTONG-HININGA si Milo. “Tama ba ang gagawin ko?” tanong niya na animo may kinakusap kahit ang totoo ay nag-iisa lamang siya sa opisina. Nakatutok ang kanyang mga mata sa mga papeles na nasa executive desk. “Of course, it is the right thing to do.” Hindi niya napigilang sagutin ang sariling tanong. Kinapa niya ang kanyang damdamin. Napangiti siya nang mapagtantong maluwag at magaan ang kanyang pakiramdam. Tinipon na niya ang mga dokumento at isinilid ang mga iyon sa isang envelope, saka sinigurong selyado iyon nang husto. Pagkatapos ay tinawagan niya ang isa niyang tauhan para maghatid ng mga dokumento. Napapikit si Milo. Isang imahe ang agad na nabuo sa kanyang isip—ang magandang mukha ni Bianca. Napangiti siya sa pag-iisip sa dalaga. Napapanatag ang kanyang kalooban isipin lang niya ito. Itinaas niya ang mga paa sa ibabaw ng desk; relaxed na isinandal ang likod sa backrest ng swivel chair habang ang mga kamay ay magkasalikop sa batok. Ah, he had never felt so relaxed in his entire life. Nami-miss na niya si Bianca dahil sa nakalipas na mga buwan ay hindi niya ito malapitan. Isang importanteng bagay kasi ang personal niyang tinutukan, at may kinalaman iyon sa mga dokumentong nasa mesa niya ngayon. At kontento naman siya sa kinalabasan niyon. He was happy. Iyong klase ng saya na noon lamang niya naramdaman. Siguro ay iyon din ang saya na naramdaman ng kanyang mga kaibigan nang ma-in love. Biglang naibaba ni Milo ang kanyang mga paa kasabay ng pagmulat ng mga mata. “In love? Jesus! Inisip ko ba talaga na in love ako kay Bianca?” Namamanghang kinapa uli niya ang kanyang damdamin at binalikan ang unang araw na nakita niya si Bianca sa Asia’s Cuisine. Tila lumukso ang kanyang puso noon at nawala sa kinalalagyan niyon. Pagkatapos ay kumabog ang kanyang dibdib na noon lamang niya naramdaman sa buong buhay niya. Hindi na nawala sa kanyang isip ang dalaga at pakiramdam niya ay minu-minuto niya itong nami-miss. Sintomas ba ang lahat ng iyon ng isang taong tinamaan ng pana ni Kupido? “I’m in love!” bulalas ni Milo. Noon naman bumukas ang pinto at iniluwa si Jared, karga-karga si JL. “Who’s in love?” Tumayo si Milo mula sa kinauupang swivel chair at kinuha mula kay Jared ang isa at kalahating taong gulang na si JL. Isinayaw-sayaw niya ang pamangkin na nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa kanya. “Lalala, lala, Tito Milo is in love! Lalala lala…” Sa panggigilalas niya ay biglang humagikgik si JL na animo tuwang-tuwa sa ginagawa niyang pagsasayaw at pagkanta. Napapailing naman si Jared sa ginagawa niya, bagaman mababakas sa mga mata ang kasiyahan na sa wakas ay naramdaman na niya ang pakiramdam na iyon.                     “HELLO, Bianca.” Sumikdo ang puso ni Bianca sa tinig na iyon. Naliligo siya nang tumunog ang kanyang cell phone. Sa pag-aakalang ang kanyang ama iyon ay dali-dali siyang lumabas ng banyo at sinagot ang tawag nang hind tinitingnan ang pangalan o numerong nakarehistro sa screen. Naumid ang kanyang dila. Sigurado siyang si Milo ang tumatawag. Gusto niyang itanong sa binata kung paano nito nakuha ang number niya pero hindi niya mahagilap ang kanyang tinig. “Bianca…” ulit ni Milo. Nanayo yata lahat ng mga balahibo niya sa katawan. Sexy talaga ang boses nito at puwedeng-puwede talagang maging DJ. Hindi pa rin sumagot si Bianca hanggang sa marinig niya sa kabilang linya ang paghugot ng malalim na hininga ni Milo, pagkatapos ay namatay na ang linya. Marahil ay pinutol na nito ang tawag. Wala sa sariling bumalik si Bianca sa banyo at tinapos ang paliligo. Ginugulo ni Milo ang isip niya. Bakit tumatawag ngayon ang binata gayong sa mga lumipas na buwan ay tanging sa loob ng korte lamang sila nito nagkakaroon ng interaksiyon. Ipinilig niya ang ulo at tinapos na ang paliligo. Pagkatapos ay mabilisan siyang nagbihis. Dadalawin niya si Yaya Rosa na kapapanganak lang noong isang linggo. Nais din niyang ihanda ang loob ng kanyang yaya sa napipinto nilang pagkatalo sa kaso. Nakakalungkot isipin na wala siyang magawa para sa kanyang yaya. Matibay na ebidensiya ang DNA results at tuwina ay ebidensiya ang pinagbabatayan ng bawat desisyon ng mga hukom. Tumestigo na ang mga kapitbahay ni Yaya Rosa pabor dito pero ano ang magagawa niyon sa isang foolproof scientific evidence? They would lose the case, that was almost certain. Hindi alam ni Bianca kung ano ang mangyayari kay Yaya Rosa kapag tuluyan nang kinuha ang mga anak nito. Kung nakauwi lang siya nang maaga, hindi maiisipang humingi ng tulong sa foundation na iyon ni Yaya Rosa. Hindi sana mangyayari ang lahat ng iyon. Bumuntong-hininga uli si Bianca bago ipinasyang lumabas na. Muntik pa siyang mapatalon nang may matapakan sa doorstep. Isa iyong selyadong envelope na nakapangalan sa kanya. Kinuha niya iyon bago pinuntahan ang guwardiya sa gate at tinanong kung kanino galing ang package. Pero ang ekspresyon ng guwardiya ay sapat na para masabing wala itong alam sa package na iyon. Kung ganoon ay kanino iyon galing at paano napunta sa labas ng kanyang pinto? May-kataasan ang bakod nila para basta na lang maakyat. Pumasok sa bahay si Bianca, iniisip kung bubuksan ang selyadong envelope o hindi. Sa huli ay pinili niyang buksan ang envelope at alamin kung ano ang nilalaman niyon. “Jesus!” Hindi niya napigilang mapabulalas sa pagkabigla nang tuluyang matanto kung ano ang nilalaman ng mga dokumentong laman ng envelope. She was praying for a miracle to win her case, at hayun na yata ang milagrong hinihintay niya. Napakalaki ng magagawa ng mga dokumentong iyon upang maipanalo niya ang hawak na kaso. Pinasadahan uli ni Bianca ng basa ang mga bahaging naka-highlight sa mga dokumento, Rosa Artemio has a rare condition called chimerism. A chimera is an organism with at least two genetically distinct types of cells—or, in other words, someone meant to be a twin. But while in the mother’s womb, two fertilized eggs fuse, becoming one fetus that carries two distinct genetic codes—two separate strands of DNA. It is very rare, with only 30 documented cases worldwide. Two of the controversial cases about chimerism filed were of Lydia Fairchild of Washington, USA and Karen Keegan of Boston, USA. “Kung gano’n, tama ang mga resulta ng DNA testing. Walang nag-match kay Yaya Rosa pero hindi ibig sabihin n’on na hindi niya anak ang mga bata. Dahil si Yaya ay nagtataglay ng tinatawag na chimerism.” Namamanghang binasa uli ni Bianca ang mga dokumento at nasorpresa siya nang makitang dokumentado ring naroon ang panganganak ni Yaya Rosa sa ikaapat nitong anak hanggang sa pagsasailalim ng mag-ina sa DNA testing na katulad ng mga naunang bata ay hindi rin nag-match sa yaya niya. “Sino kaya ang gumawa ng mga dokumentong `to?” Pulido ang nilalaman ng mga dokumento. Tiyak niyang mananalo si Yaya Rosa sa kaso kapag ginamit niya ang mga iyon. Wala roong mahahanap na butas kahit ang pinakamagaling na abogado na si Milo Montecillo. Nag-mental note si Bianca. Kailangan niyang kausapin ang doktor na nagsagawa ng DNA testing sa bagong silang na sanggol ni Yaya Rosa. Kapag ginawa niya iyon, baka makakuha siya ng lead na makapagtuturo sa kanya kung sino ang nasa likod ng kompletong ebidensiyang hawak. Kung sino ka man na gumawa nito, nagpapasalamat ako sa `yo.       UMUGONG ang bulong-bulungan mula sa mga expectator na nasa loob ng korte. Hanggang sa unti-unti iyong lumakas at nilamon ng ingay ang kabuuan ng lugar. Sa pagkakataong iyon ay iisa ang iniisip ng lahat: na wala pa ring dungis ang malinis na record ni Atty. Montecillo. His name would once again be the talk of the entire country and Bianca’s name would be immortalized in the hall of shame. Sino nga ba naman siya na isang baguhan sa larangang iyon para kalabanin si Atty. Montecillo? His name alone spoke of power. Ngumiti si Bianca. Isipin man ng lahat na panalo na si Milo, nasa kanya pa rin ang alas. Tanggap na sana niya ang kanyang pagkatalo at naihanda na rin ang sarili sa gagawing pagpapaalila sa binata, pero nakialam ang tadhana kaya may hawak na siyang ebidensiya ngayon. Nasa mga palad niya ang pambihirang pagkakataon para itala ang unang pagkatalo ni Milo sa karera nito bilang abogado. Tumingin si Bianca sa gawi ni Milo at nagulat nang makitang nakangiti ito sa kanya. Nagtataka siya na tila hindi pinaglalaruan ng binata ang Parker pen na hawak. Ayon sa isang magazine na nabasa niya, habit diumano ni Milo na paglaruan ang ball pen na hawak tuwing alam na mananalo ito. Nagkibit-balikat na lang si Bianca. Maybe subconsciously, he knew he would lose the case. At siya ang magpapatikim sa binata ng una nitong pagkatalo. “Order! Order in the court!” malakas na wika ni Judge Marciano sa mga nagkakaingay na expectator. Hindi kasi magkamayaw ang mga tagahanga ni Milo na karamihan naman ay siguradong ang kaguwapuhan nito ang talagang ipinunta at hindi ang legal na proseso ng paglilitis. Maging si Bianca ay aminado na talagang mahirap bale-walain ang hitsura ni Milo. Tumahimik naman ang lahat. Tapos na ang prosecution sa pagpiprisinta. Hindi pa man ay nagsasaya na si Milo at marahil ay iniisip na panalo na naman ito. At nakuha pa talaga siyang kindatan ni Milo bago ito maupo! “Attorney Cusap, your witness,” ani judge Marciano kay Bianca. Tinawag ni Bianca sa witness stand ang isang doktor na kanyang kinonsulta tungkol sa mga dokumentong napasakamay niya. Pagkatapos ng mga delaying tactic ni Milo, sa wakas ay magkakaroon na ng tuldok ang lahat ng iyon. Tiningnan siya ni Milo, nakataas ang mga kilay na animo hinahamon siya. Pagkatapos ay binalingan ng binata ang mga tagahanga nito habang nakapaskil sa mga labi ang pamoso nitong killer smile. Halos lahat yata ay namungay ang mga mata sa sobrang kilig. Milo made the women in the crowd giggle with that smile. Isa pa iyon sa mga ipinagtataka ni Bianca. Hindi ngumingiti sa loob ng korte si Milo, pero ngayon ay tila nahipan ito ng kung anong hangin na kanina pa kuntodo ang ngiti. Nang magkamay rin sila ay bahagya pang pinisil ng binata ang kanyang palad na ewan niya kung ano ang ibig sabihin. Naguguluhan talaga siya kay Milo. Taliwas ang mga aksiyon ngayon ng binata sa nakagawian nito. Nakataas ang noo na bumaling si Bianca sa witness. Sa ilang sandali lang ay nasisiguro niyang mababaliktad ang sitwasyon ng kaso. Magiging pabor sa kanyang kliyente ang ebidensiya. Lumapit siya sa witness stand pagkatapos ng katapatan ng testigo. “Dr. Reynaldo, how long you have you been practicing your profession?” paunang tanong ni Bianca habang nagpalakad-lakad sa harap ng doktor. Gusto niyang ipakita ang posibilidad na may malaking ebidensiya siyang ilalabas. “Almost forty years.” “And for that period of time, do you also do DNA testing?” “Yes.” “For how long, doctor?” “Thirty years of my life.” Tumango-tango si Bianca. “Thirty years, enough to say that you’re very familiar with the process and the smallest details about it,” wika niya sa paraang tila kinakausap ang sarili. “Dr. Reynaldo, you appear in this court today under oath to testify the results of the DNA testing performed on the defendant and her three children. Is that correct?” “That is correct.” “Under oath and supported by documents, you can attest that the DNA of the three children did not match the DNA of the mother. Is that also correct?” Gustong paikutin ni Bianca ang kanyang mga mata nang wala siyang marinig na anumang objection mula sa panig ng prosekusyon. “Yes, that is correct. Base sa resulta ng DNA tests, walang makapagsasabi na anak ni Rosa ang tatlong bata,” sagot ni Dr. Reynaldo. “Doctor, can you tell this respectable court if it is possible for a child not to share a single gene with the biological mother?” Tumuwid ng upo ang doktor bago kalmadong sumagot. “Yes, it’s possible. But it is a rare case.” “Have you heard of chimerism? Are you familiar with the term, Doctor?” Tumango ito. “Yes.” “Would you be kind enough to explain what it is, Dr. Reynaldo?” Tumango uli ito. “Chimerism is a condition wherein an individual possesses at least two genetically distinct types of cells, or is someone meant to be a twin. It happens when two fertilized eggs fuse inside the mother’s womb, becoming one fetus that carries two distinct genetic codes or two separate strands of DNA.” “Thank you, witness,” ani Bianca, saka maluwang ang ngiting bumalik sa kanyang mesa at dinampot ang mga dokumento. “Honorable judge, allow me to present this additional evidence. This will show us that my client, Rosa Artemio, carries those rare chimeric genes. And that the children are all hers.” Tumahimik ang buong korte sa isiniwalat niyang iyon. Napangiti siya. Halos sigurado na ang pagkapanalo nila sa kaso. At kapag nagkaganoon, magkakaroon siya ng alilang super-duper hunk! Bigla rin siyang natigilan nang mapagtanto ang kahulugan ng huling naisip. Bakit excited yata siya sa kaalamang magiging alipin niya si Milo?    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD