"Nay. "
Ginagap ko ang kamay ni Nanay at saka dinala sa aking pisngi. Hinalikan ko ito kasabay ng pagtulo ng aking mga luha.
"Nay, para sa inyo titiisin ko ang lahat. Magtitiis po akong pakisamahan si Senyorito Simon kahit hindi maganda ang trato niya sa akin nang sa ganun ay manatili kayo dito hanggang sa gumaling kayo. Huwag po kayong mag-alala sa kalagayan ng buhay ko ngayon. Alam niyo naman na lahat kinakaya nitong nag-iisa ninyong anak. Lalo na po ngayon na kailangan niyo talaga ng maconfine dito sa ospital para mamonitor po kayo ng maayos. At saka kailangan ko talagang magpakatatag sa hamon ng buhay dahil magiging Nanay na rin po ako."
"Basta po, Nay, pangako ninyo sa akin na gigising kayo at hindin po ninyo ako iiwan. Kayang-kaya ninyo 'yan, Nay. Saan pa ba ako magmamana ng katatagan sa buhay kundi sa inyo lang. Kaya huwag na huwag kayong susuko, Nay. Dahil hindi rin ako susuko at hindi rin ako magsasawang tumawag sa Itaas para gumaling kayo." At lalong bumuhos ang mga luha ko. Dito ko lamang kasi naibulalas ang emosyon ko.
Ayoko sanang umiyak dahil baka makaapekto sa dinadala ko pero sino ba naman ang hindi maiiyak sa sitwasyon ko? Umiiyak ako upang mabawasan man lang kahit konti ang bigat na dinadala ko sa aking dibdib.
Nasa coma ang mahal kong Nanay. Ang nag iisang magulang na mayroon ako at ang nag iisang pamilya ko dito sa mundong ibabaw.
Kinasal nga ako sa isang mayamang binata. Marami ang nag-iisip na katulad sa isang fairytale ang kuwento ng love story ko. Isang mahirap na dalaga na ikinasal sa isang maituturing na buhay na prinsipe sa kasalukuyang panahon. Ngunit hindi naman nila alam ang katotohanan. Katotohanang kung tratuhin naman ako ng aking naging asawa ay parang daig ko pa ang nakakadiring basura. Higit sa lahat at ang hindi ko matanggap ay idinadamay pa ang anak ko na anak niya rin naman.
"Pangako po, Nay. Magtitiis ako para sayo at sa magiging apo ninyo." Ngumiti ako ng may pait at muling nagpaalam na sa aking Nanay. Matapos kong pasalamatan ang mga Doktor at nurses na nag-aalaga kay Nanay ay umuwi na rin ako.
Madilim na loob ng kabahayan sapagkat ginabi na ako sa pag-uwi. Sinabayan pa ng traffic dahil na rin siguro sa malakas na ulan na maghapon na yatang bumubuhos at parang walang planong huminto.
Mabilis kong hinanap sa aking sling bag ang susi ng bahay at agad itong Isinuksok sa seradura ng pinto.
"Nandito na pala ang babaeng sumira ng mga pangarap ko." Nagulat pa ko ng biglang may nagsalita ng tuluyan kong mabuksan ang malaking pintuan. Hinanap ko ito at natagpuan si Senyorito Simon na nasa sala at nakaupo sa sa malambot at malaking sofa habang may hawak na baso na may lamang alak. Tumayo siya sa mula sa pagkakaupo at tinahak ang direksyon kung saan ako nakatayo.
"Senyorito, lasing ka na naman pala." Bukod tanging nasabi ko sa kanya dahil napapansin ko na halos gabi-gabi ay umiinom siya ng alak na napakatapang ang amoy. Minsan ko kasing inamoy ang natirang likido sa babasaging baso na kanyang ginamit bago ko hinugasan. Napangiwi pa ang mukha ko dahil sa nakakahilong amoy ng alak. Ewan ko ba, ano ba ang mayroon sa alak at marami ang nahuhumaling na uminom nito? Bukod sa ang sama naman talaga ng lasa ay nakakahilo talaga. Ako nga na inamoy lang medyo sumama pakiramdam ko. Ano pa kaya sila na halos araw-araw at magdamag na umiinom?
"At ano naman ngayon kung lasing ako? Bakit natatakot ka ba sa maaari kong gawin ulit sayo?" mabalasik niyang tanong sa akin kasabay ng muli kung naalala kung paano niya ako sinaktan dati. Wari tuloy naramdaman kung muli kung paano ako kinapos ng hangin ng kanya akong sinakal. Naramdaman ko ang paghigpit ng anit ko tulad ng kanyang mahigpit na pagsabunot sa aking buhok.
"Sabagay hindi ka naman matatakot sakin kahit saktan pa kita araw-araw. Alam mo kung bakit?" inilapit niya pa ang mukha niya sa mukha ko kaya naman mas lalo kung naamoy ang alak sa kanyang mainit na hininga.
"Dahil makapal ang pagmumukha mo!" asik niyang sabi sa mukha ko.
"Napaka-kapal ng mukha mo! Hindi ka na nakuntento na pinag-aaral ka ng Lola ko at kupkupin kayo sa Hacienda!" malakas niyang sigaw.
"Utusan, katulong o kasambahay ang Nanay ko sa Hacienda ninyo kaya anuman ang meron kami na galing sa Hacienda ay dahil 'yun sa matapat na paglilingkod ng Nanay ko. At isa pa, pinaghirapan kong ipasa ang exam sa university para makakuha ng full scholarship para makapasok doon ng libre." Mahinahon kung sinagot ang mga paratang niya sakin.
"At sa tingin mo maniniwala ako sayo?" seryoso niyang tanong.
Napa-atras pa ko ng isang hakbang dahil sa lapit ng mukha niya.
"Sinamantala mo na gustong-gusto ka ng Lola ko kaya naman malakas ang loob mong gawin ang nais mo. Alam mo rin siguro ang disgusto ng Lola ko sa girlfriend ko kaya naman mas lalo kang naglakas-loob na pikutin ako. Desperate woman." madiin nya pa kong hinawakan sa braso bago paasik na binitawan. Muntik pa akong mabuwal at matumba.
"May sarili kang opinyon at paniniwala at wala akong magagawa kung mali ang iniisip mo sa pagkatao ko." Malumanay ko pa rin na lahad.
Ngumisi siya.
"At anong pagkatao meron ka? Para sa akin isa kang walang kwenta at mananatiling isang basura!" patuloy niyang pang-iinsulto sa akin.
"Hindi dapat ikaw ang nandito sa mansyon ko! Hindi dapat ikaw ang babaeng naririto. Si Daphne dapat! Pero dahil sa kahihiyan na ibinigay ko sa kanya kaya tuluyan niya na akong iniwan! Alam mo ba kung nasaan suya ha? Alam mo ba?! andun sya sa Amerika! At iniwan na ko rito. Kahit anong pagmamakaawa at pagpapaliwanag ko sa kanya ay hindi niya na ako pinakinggan!" umiigting pa ang kanyang panga habang nagsasalita.
"Iniwan na ako ni Daphne. Iniwan na ko ng babaeng mahal na mahal ko at iyon ay dahil sayo! Lumayas ka na nga sa harapan ko! Dahil baka magdilim ang paningin ko at mawala sa isip ko na buntis ka!" madiin niyang pagtataboy sa akin saka siya bumalik sa pagkakaupo sa sofa at nagsalin muli ng alak sa baso.
Nakatingin lamang ako sa ginagawa niyang pagpapakalunod sa alak.
Ganun niya ba ko kinasusuklaman?
Ang swerte talaga ni Senyorita Daphne.
Bukod sa napakaganda na at napakayaman ay mahal na mahal pa siya ni Senyorito Mon.
"Ano pa ang tinitingin-tingin mo diyan! Lumayas ka sa harapan ko!" nagising ako sa pag-iisip ng bulyawan niya na naman ako ulit. Napansin niya sigurong hindi ako tumitinag sa aking kinatatayuan.
Umalis na lamang ako para wala na akong marinig na anumang masasakit pang salita.
"Sana balang-araw maalala ko kung anong nangyari ng gabing yon." bulong ko sa aking sarili.
Napa haplos tuloy ako sa umbok kung tiyan.
"Nak, narinig mo ba ang pinag-usapan namin ng Daddy mo? Huwag mong dibdibin 'yun ha. Nagbibiro lang siya. Lambing lang ng Daddy mo 'yun kay Mama." Nakangiti pa ko pang kinakausap ang sanggol sa aking sinapupunan.