"iha, iabot mo na sa asawa mo ang regalo mo." Nakangiting utos sa akin ni Senyora Loreta na mas excited pa sa akin na ibalita sa "asawa ko" ang resulta ng Ultrasound ko. Kung saan nakita at kumpirmadong buntis nga ako. Eight weeks na raw akong buntis ayon sa resulta.
Dalawang buwan na pala akong nagdadalang tao. May isang buhay na sa aking sinapupunan. Sumasabay na sa aking bawat paghinga. Ang bawat pintig ng puso ko ay siya rin namang pintig ng puso niya.
Ngayon pa lang ay nasasabik na ako sa kanyang pagdating. Nais ko na siyang makita. Nais ko na siyang ipaghele kagaya ng ginagawa sa akin ni Nanay noong bata pa ako. Ngunit hindi ko rin maiwasang makaramdam ng takot. Natatakot ako na baka hindi pa ako handang maging isang Ina. Lalo na ngayon at wala sa tabi ko si Nanay na magiging Lola na ng una kong anak. Marami pa akong hindi alam sa buhay kaya kailangan ko ang paggabay sana ni Nanay. Sana nga lang ay gumising na siya.
Napatingin ako kay Senyorito Simon na naghihintay sa ibibigay kong kong sobre sa kanya. Dahil napunta sa kung saan ang isipan ko ay hindi ko napansin na mahigpit na pala ang pagkakahawak ko sa papel na aking hawak.
Atubili man akong iabot ang sobreng kulay puti na naglalaman ng resulta ng ultrasounds ng baby ko ay napilitan na akong iabot dahil ayoko naman na sirain ang kasiyahang nadarama ni Senyora. Nakatitig naman sa akin si Senyorito Simon at waring inuusig ako sa paraan ng kanyang pagtingin.
Inabot naman niya ang sobre sa aking kamay at pahitamad na binuksan sa harapan namin ng kanyang Lola. Para bang hindi naman siya interesado at napilitan lang sumunod sa utos ng kanyang mahal na Lola.
Hindi ako humihinga sa sobrang kasabikan na rin sa kung ano ang kanyang magiging reaksyon.
"Ano ito? Ultrasound?" naka arko pa ang kilay niya ng magtanong.
"Yes! Congratulation! Apo! Magiging Daddy ka na!" masayang bati ng Senyora sabay yakap ng mahigpit sa Senyorito na hindi mababanaag ang kasiyahan o anumang reaksyon ng pagkagulat sa gwapong mukha.
"Magiging Daddy ka na kaya dapat alagaan mong mabuti itong asawa mo. Kaya naman pala nangangayayat at namumutla ay dahil naglilihi na." Bilin ng Senyora na hindi maalis ang abot tengang ngiti.
"Oh, bakit para namang hindi ka makapagsalita riyan?" untag ng Senyora kay Senyorito na nakatingin at pinagmamasdan ng mabuti ang resulta ng ultrasounds.
Para nga naman siyang namatanda. Tila natulala at lampasan na ang pagtitig sa papel na binabasa.
Tumikhim siya bago nagsalita.
"Well, Lola, nagulat lang siguro ako. Na shock. Hindi lang siguro ako makapaniwala na magiging Daddy na pala ako," saad niya at saka malapad na ngumiti .
Napabuntong-hininga ako ng palihim. Akala ko pa naman ay hindi siya matutuwa na magkaka-anak na kaming dalawa.
"Hindi ninyo alam kung gaano ninyo ako napasayang mag-asawa sa regalong binigay niyo sa akin. Pwede na siguro akong mamahinga sapagkat nakakasiguro na akong may apo na ako sa tuhod at may bagong salinlahi na naman ang ating pamilya." Lahad ng Senyora na malapad pa rin ang mga ngiti.
"Lola, ano po bang sinasabi mo? Anong mamahinga? Huwag naman kayong magsita ng ganyan dahil matagal pa tayong magkakasama." saway naman ng aking asawa sa nais ipahiwatig ng kanyang Lola.
Tumingin sa nakabukas na bintana si Senyora na tila may pinagmamasdan sa malawak at kulay asul na kalangitan.
"Matanda na ako mga apo. Sapat na sa akin ang makita ko kayong dalawa ni Selene na nakapagtapos na ng pag-aaral at may kanya-kanya ng propesyon. Gusto ko pa sana na hintayin ang na magkaroon rin ng asawa at mga anak si Selene pero sa edad kong ito ay mukhang hindi ko na mahihintay pa."
"La, matagal pa ho kayong mabubuhay. Bibigyan pa namin kayo ng maraming apo ni Selene. Ilang buwan mula ngayon ay isisilang na ang unang apo ninyo sa tuhod," sabi naman ni Senyorito Simon na hinawakan pa sa kamay ang Senyora.
Mapusyaw na ngumiti ang mabait na matandang babae at saka tumingin sa aming mag-asawa.
"Basta pangako mo sa akin apo na hindi mo pababayaan ang asawa mo at ang mga magiging anak ninyo. Lagi mo silang maging prayoridad sa lahat ng bagay na gagawin mo buhay kagaya nang ginawa ng Lolo mo sa amin ng Papa mo at ang ginawa rin ng Papa mo sa Mommy mo at sa inyong dalawa ni Selene."
"Lola, para namang pupunta na kayo sa malayong lugar kung makapag bilin po kayo," wika ko naman.
Nagbuntong-hininga muna ang matandang babae. Bagamat matanda at kulubot na ang balat ay bakas pa rin ang kagandahan ng mukha na kahit pa nalipasan na ng panahon.
"Hindi natin masasabi kung ano ang meron sa bukas. At saka ano pa ba ang nais ko sa buhay? Halos naman ay mayroon naman ako. Bahay, mga mamahaling alahas, mga sasakyan, mga ekta-ektaryang lupain na mayroong mga iba't-ibang pananim, may matatag na negosyo at higit sa lahat ay mayroon akong mapagmahal na mga apo. Kaya ako pa ba ang pwedeng naisin ko sa buhay? Ayoko naman na mabuhay na nakahiga na lamang at pinapakain sa higaan. Pinapalitan ng diaper dahil dumumi at umihi na sa kobre kama o kaya ay parang baby na hinuhugasan ang aking puwet." Mahabang pahayag ni Senyora Loreta na sinundan niya ng mahinang pagtawa kaya naman napangiti na lang din kami ni Senyorito Simon.
Marahil ay nagiging totoo lamang sa sarili ang matandang babae. Wala naman talagang makapagsasabi kung ano ang mayroon sa bukas. Tulad na lamang ng aksidenteng nangyari kay Nanay. Ang pagpapakasal ko ng wala sa oras kay Senyorito Simon at itong pagbubuntis ko. Lahat naman talaga tayo ay pupunta sa kamatayan.
Ngunit ang hiling ko lang, sana naman ay magtagal pa ang buhay ng Senyora Loreta. Siya lang kasi ang nakikita kong aking kakampi lalo na at wala pa ring malay si Nanay sa ospital. Gusto ko pang matagal na makasama si Senyora Loreta. Pakiramdam ko kasi kapag nariyan siya sa paligid ay gumagaan ang pakiramdam ko dahil mabuti ang pakitungo niya sa akin. Gusto ko pa siyang mas lalong kilalanin sa mga susunod pang araw na magkakasama.