Ate, isinugod namin si Mama sa ospital! Ate, natatakot po kami ni Papa!
Iyon ang mga salitang nabasa ni Dani pagkabukas niya pa lang ng txt na ipinadala sa kanya ng kapatid na si Larissa. Parang nalaglag ang puso niya sa sahig dahil sa mga katagang iyon. Ano'ng nangyari? Bakit dinala sa ospital? Nanginginig ang mga kamay na idinial niya ang numero ng kapatid. Nakailang pa ring siya sa numero ng kapatid ngunit hindi nito sinasagot, marahil ay abala ito sa pag-aasikaso sa ina o baka sakaling natataranta na.
'Diyos na mahabagin, huwag po ninyong pababayaan ang nanay ko, parang awa ni'yo na po. Hindi pa ako handang mawala si mama...' piping dasal ng dalaga habang nakasalampak sa carpet. Nasa kwarto siya ni Devorah at kasalukuyang pinapainom ito ng gatas ngunit nawala na sa isipan niya ang trabaho niya. Nangingilid ang mga luha niya na tinawagan ang nobyo. Si Ken lamang ang tanging pag-asa niya para malaman ang kalagayan ng ina.
"Hello?" pupungas-pungas na sagot ng binata. May bakas ng pagkayamot sa tinig nito na waring naistorbo niya ito sa ginagawa.
"Mahal, si Dani 'to!" aniya. Binalewala niya ang pagkadisgusto sa boses ng nobyo dahil ang tanging laman ng utak niya ang kanyang ina.
Tila nawala naman ang antok ng binata pagkarinig sa boses niya. "Oh, napatawag ka? Magpapadala ka ba?" tanong kaagad nito. Ang kanina'y inis na boses ay napalitan ng sigla.
"Hindi mahal, may iba akong sadya. Nagtxt kasi si Larissa, isinugod raw sa ospital si Mama. Tinatawagan ko kasi siya pero hindi ako sinasagot. Tulungan mo naman ako, alamin mo kung ano na lagay ng nanay ko..." humahagulhol na pakiusap niya.
Nasa isla sila at hindi siya basta-basta makakauwi maliban na lang kung pumayag si Kade na gamitin nito ang bangka para makauwi siya. Ngunit wala si Kade ng mga oras na iyon dahil inihatid nito si Alice dahil babalik na sa Maynila ang huli.
"Ha?! Ano'ng naospital? Baka naman binibiro ka lang ni Larissa?"
"Hindi magbibiro ng ganoon si Larissa, parang awa mo na. Tulungan mo naman ako... hindi ako mapapanatag hangga't hindi ko nalalaman ang lagay ni mama. Puntahan mo sila, please!" taghoy niya.
Kaytagal na nanahimik ni Ken habang impit na umiiyak si Dani sa kabilang linya. Paano'y kasama niya ng mga sandaling iyon si Myra. Hindi niya basta maiiwanan ang pulutan na nakabuyangyang sa harapan niya at naghihintay na lang na lantakan niya.
"Ano kasi mahal, paano ba 'yan, walang gasolina 'yung motor ko eh. Wala akong pera pambili. Isa pa kung sa nasa ospital nga sila, ibig sabihin kailangan ng pera, short ako ngayon mahal eh!" katwiran ni Ken.
Suminghot-singhot si Dani bago ito muling nagsalita. "Sige, papadalhan kita ngayon din. May gcash si Betty, pwede akong humiram sa kanya ngayon. Malapit na rin naman ang sahod ko, sigurado ako na magbibigay 'yon."
"Ayos! Sige mahal, alam mo naman ang gcash number ni Aling Flora, 'di ba? Text mo na lang ako kapag naipadala mo na." Ani Ken.
"Sige, sandali lang..." anang dalaga. Kumaripas ito ng takbo papalabas ng kwarto ng alaga at hinanap si Betty. Natagpuan niya ang kasamahan na abala sa pagdidilig ng halaman. "Betty, pwede ba akong mangutang sa'yo?"
Bahagyang sumimangot si Betty bago humarap sa kanya. "Para saan? Para sa boyfriend mo na naman?" usisa nito. Alam ni Betty na nagbibigay siya ng pera sa nobyo dahil sa motor nito.
"Hindi, para sa nanay ko. Naospital kasi siya Betty!" palahaw niya. Hindi niya mapigilan ang malakas na pagdaloy ng mga luha niya. "Tulungan mo ako, please!" aniya. Humagulhol siya habang sinusuntok ng marahan ang dibdib. Pakiramdam niya ay may mabigat na batong nakadagan sa dibdib niya at nahihirapan siyang huminga. Ganoon yata talaga kapag pamilya mo na ang pinag-uusapan. Nakakatakot.
"Alam mo naman ang patakaran ko sa pagpapautang, ayos lang ba 'yon sa'yo?" usisa nito.
Mabilis siyang tumango. Wala siyang pakialam kahit 20 percent pa ang hingin nitong interes. Para naman iyon sa kanyang ina.
"Magkano ba?"
"Kahit sampung libo na lang muna, kung sakaling kulang saka na lang ako kukuha sa'yo..." aniya.
"Okay, sige." Sagot ni Betty. Mula sa bulsa nito ay hinugot nito ang cellphone at kaagad na pinadala ang pera. Ipinakita nito sa kanya ang confirmation bilang patunay na pumasok na nga ang pera.
Muli niyang tinawagan si Ken. Nakalimang pa ring yata siya bago ito hangos na sumagot. "Saan ka ba galing? Kanina pa kita tinatawagan?"
"Nasa banyo kasi ako, naipadala mo na ba?" agad na tanong nito.
"Oo, pumasok na. Pakipuntahan mo na sila Mama tapos balitaan mo ako kaagad ha!" bilin niya.
"Okay, sige. Bihis lang ako, tawagan na lang kita pag nakarating na akong ospital."
"Sige, maraming salamat, Ken!"
"Magkano ipinadala mo?"
"Sampung libo, huwag kang mag-alala, kung sakaling kulang pa. Magsabi ka lang at dadagdagan ko."
"Okay. Sige na. Hintayin mo na lang ulit tawag ko." Wika ng nobyo.
"Sige, salamat..."
Pagkatapos nilang mag-usap ni Ken ay wala pa rin siya sa sarili. Ang gutom na kanina ay nararamdaman niya ay biglang nawala dahil sa matinding pag-aalala. Alam niyang delikado na ang lagay ng ina kaya sa tuwing nao-ospital ito ay malaki ang takot niya. Hindi siya mapalagay habang naghihintay ng tawag mula sa kapatid o kay Ken. Nagtungo siyang muli sa kwarto ni Devorah. Namataan niya ang altar ng ginang sa gawing kanan. Pumunta siya doon at lumuhod habang taimtim na nananalangin. Pakiramdam niya ay hindi na siya makahinga sa pinaghalong sipon at luha ngunit hindi siya tumigil sa pagdarasal. Tanging Diyos lamang ang kakapitan niya ng mga sandaling iyon.
"Panginoon, tulungan mo po kami... huwag mo munang kukunin ang nanay ko. Parang awa na ninyo, 'wag po muna..." aniya. Muli na namang umagos ang mga luha niya sa mga mata. Pakiramdam niya ay parang sasabog ang ulo niya sa samo't-saring scenario na pumapasok sa utak niya. Bawat segundo ay tila ba kaytagal lumipas. Narinig niya ang bahagyang pag-ungol ni Devorah. Marahil ay narinig nito ang pag iyak niya. Marahan siyang lumapit rito habang nagpupunas ng luha.
"Sorry po Ma'am Devorah, 'yung mama ko po kasi!" aniya. Muli siyang pumalahaw ng iyak habang nasa harapan nito. Wala na siyang pakialam kung magmukha siyang engot sa paningin nito. "Si mama ko po!" dagdag niya habang patuloy na umiiyak.