Part 4

2256 Words
MALANDING halakhak ang itinugon ni Brinnie sa kuwento niya. “That’s funny, Bev! Very amusing!”       “Tse!” tili niya rito. “That’s three encounters in a week! Minsan pa akong sugurin ng lalaking iyon, susunugin ko na ang bahay n’on.”       “Gagah! Bakit naman gagawa ka pa ng krimen? Kung ako sa `yo, makikipagkaibigan ako roon.”       “Never!” mariing sabi niya na may kasama pang pag-iling kahit na hindi naman sila nagkikita ng kausap sapagkat nasa telepono lang naman sila.       “Teka nga, what’s his name ba?”       “Malay ko!” she answered uncaringly. Hindi niya matandaan ang pangalang binanggit sa kanya ni Mrs. Delos Santos nang tumawag ito. “Wala akong pakialam sa kanya.”       “Really?!” Brinnie purred like a cat. “Hoy, biyuda, baka naman kunwari lang na galit na galit ka riyan sa kapitbahay mo, pero ang totoo naman pala ay pinagnanasaan mo iyan? Umamin ka?”       “Excuse me! Gusto mong magmulto si Dave at hilahin ang paa mo?”       Lalo pang kinilig ang bakla. “Mas type ko kung iba ang hihilahin niya sa akin.”       “Sinasabi ko na nga bang pati asawa ko, pinagnasaan mo rin noon.”       “I’m a lover of beauty. You can’t blame me,” pa-effect pang tugon nito.       “Kalbuhin kaya kita? Tapos na nga pala itong curtain set para sa dining at living room ni Mrs. Ting. Ipa-pick up mo na sa driver.”       “Iyong para sa mga kuwarto?” Nag-iba ang tono nito nang mabanggit ang tungkol sa trabaho. “Ikaw, ha, isang araw nang delayed iyang tahiin mo. Baka wala kang ibang ginagawa kundi tumanghod sa kapitbahay mo?”       “Madalas ngang mag-brownout dito, ano ka ba? Saka bakit mo ko hahanapan ng para sa kuwarto? May ipinadala ka na bang tela rito, aber?”       Tumili ito nang ubod ng tinis. “Ibig sabihin, hindi pa nagde-deliver diyan ang Textile Center?”       “Hindi pa po.”       “Leche flan!” bulalas nito at narinig niyang inutusan ang sekretarya na tawagan ang dealer ng tela. “Beverly, `buti pa, ikabit mo na lang iyong wallpaper na sinasabi ko sa iyo. Bukas, puwede ka?”       “Of course. Pagkakaperahan iyan, eh,” pabirong sagot niya.       “I-taxi mo na lang iyong wallpaper. Ready for pickup na iyon.”       “Okay. Ano ang address ng kliyente?”       “Malapit lang diyan sa inyo.”   ANG KOMPLETONG address ng kliyente ay nasa resibo ng wallpaper. Nasa taxi na si Beverly ay nakatitig pa rin siya sa address na iyon. Ipinag-aadya ba talaga sila ng tadhana ng kanyang kapitbahay?       Pero trabaho iyon. Hindi siya puwedeng umatras, lalo at utos ni Brinnie. Kahit naman magkaibigan sila nito, hindi nila pinepersonal ang trabaho. They were both professionals que glamorosa man o hindi ang trabaho.       Binasa niya ang pangalan ng kliyente ni Brinnie. Pinky Bulaong. Well, kung naipapangalan na rin sa lalaki ang pangalang “Pinky,” ibig sabihin, iyon pala ang pangalan ng kanyang kapitbahay. O puwede rin namang misis nito ang kumontrata kay Brinnie.       Napakunot-noo siya. May asawa na pala ang kapitbahay niya? Pero ang sabi ni Mrs. Delos Santos ay bachelor ito. Parang hindi niya gustong maniwala. Bakit kahit kailan ay hindi man lang niya natanawan ang babae? Nakakulong kaya iyon sa bahay o triple pa ang kasupladuhan sa kapitbahay niyang lalaki?       Bahala sila. Basta gagawin ko lang ang trabaho ko, naisaisip niya.       “Mama, ipara mo diyan,” aniya makalagpas sa mismong bahay na tinitirahan niya. “Pakibaba na lang ho iyong mga dala ko, please,” pakiusap niya rito at sinadya niyang sobrahan nang singkuwenta pesos ang halagang pumatak sa metro. Kinawayan niya ang isang laborer na nasa labas ng bahay ng kapitbahay niya. “Ako iyong magkakabit ng wallpaper.”       Blangko ang tinging ipinukol nito sa kanya. Nakadama tuloy siya ng inis. Palagi na lang ay ganoon ang nagiging ekspresyon ng kaharap niya kapag nalalamang siya ang gagawa ng ganoong trabaho. Hindi ba nila alam, napakapulido niyang gumawa? Kaya nga tiwalang-tiwala si Brinnie sa kanya.       Tumikhim siya. “Nandiyan ba ang amo ninyo?” nagpipigil ng iritasyong tanong niya sa kaharap.       Parang noon lamang natauhan ang lalaki. “Wala. Iyong foreman na lang namin ang kausapin mo.”       At kagaya ng laborer ay para ding nagtaka ang foreman nang makaharap niya.       “`Eto ang resibo ng gagamitin ko. Tama naman ang address, hindi ba? Saka bayad na itong materyales. Kayo, bahala kayo kung hindi ito maikabit ngayon. Basta ba pirmahan mo lang itong work slip ko, katunayang dumating ako rito.” Ayaw niyang magmukhang nagbabanta pero naiinis na siya na parang ayaw siyang papasukin ng mga ito.       “Wala kasing ibinilin si Sir na may ganyang trabaho,” alanganin ang tinig ng foreman.       “Tawagan mo kaya para magkaalaman?” aniya.       Tumawag naman ito, ang kaso, hindi raw ma-contact ang kanyang kapitbahay.       “Sige na, Miss. Pakikabit mo na iyan,” anang foreman.       “Okay. Pakitulungan mo na lang akong buhatin ito.”       Pakiramdam niya ay umabot sa dibdib niya ang pagkakabagsak ng kanyang panga nang mailadlad na ang rolyo ng wallpaper. Napapikit siya nang mariin sa pag-asang sa muling pagdilat ng kanyang mga mata ay mag-iiba ang disenyong nakita niya. And hoping against hope, iniladlad pa niya ang ibang rolyo sa pag-aakalang napasama lamang ang disenyong iyon sa dala niya.       Pero malinaw pa naman ang paningin niya. Walang dudang iyon nga ang disenyo. She checked the stock number. Pareho iyon ng nakasulat sa resibo.       “Kung ito ba talaga ang taste nila, may magagawa ba ako?” mahinang sabi niya sa sarili.       Pero hindi niya nagawang pigilin ang sariling pintasan ang ginagawa. Habang ikinakabit ang wallpaper ay nahihiling niyang magmilagro sana at mag-iba ang disenyo niyon. Kahit anong tingin ang gawin niya, hindi akma ang disenyo sa library.       Mas bagay iyon sa kitchen dahil iba’t ibang imahe ng kitchen utensils ang naroroon. Mayroon ding mga larawan ng ulam at lechon! At masyadong matitingkad ang kulay. Sino ang makakapag-concentrate na magbasa sa library kung ganoong klase ng disenyo ang nasa paligid?       Kung ilang beses siyang napailing ay hindi na niya alam. Basta ikinabit na lamang niya iyon. Naisip niyang iyon marahil ang isa sa bihirang pagkakataong ipinipilit ng kliyente ang nais gaano man kapangit ang taste nito.       That’s it. Wala naman talagang ibang salitang akma sa anyo niyon kundi “pangit.”       At dahil disenyo lang naman ang ipinagkaiba niyon sa mga wallpaper na dati na niyang ikinakabit, natapos din niya iyon nang mabilis at makinis. Pinagmasdan niya ang kabuuan. Kahit pa may pagkadisgusto siyang nararamdaman dahil sa inappropriate design ng wallpaper, pulido naman niya iyong naidikit.       Iginala pa niya ang paningin for final touches. Nakita niyang may nakaangat malapit sa kisame. Umakyat siya sa steel ladder at inayos iyon.       “Ano ang nangyayari dito?” Tila dagundong ang tinig na gumulat sa kanya. Napakislot siya at nagkabisala ang mga paa niya sa tinutuntungan. She closed her eyes and waited for the inevitable.       Ngunit sa halip na matigas na sahig ang sumalo sa katawan niya ay dalawang malalakas na bisig ang naramdaman niya. She opened her eyes in awe.       Nakatunghay sa kanya ang mukha ng lalaki. At bagama’t tila ipinaglihi iyon sa sama ng loob ay hindi naman maitatatwa ang kaguwapuhang taglay nito, na hindi niya noon pinag-uukulan ng pansin. Her neighbor was definitely handsome. Hindi kayang itago ng mga pagkunot nito ng noo at paglalapat ng mga labi ang nakabibighaning anyo nito.       And even this time, halos maningkit ang mga mata nitong nakatunghay sa kanya. Walang dudang galit at puno ng palaisipan at pagkagulat ang nasa ekspresyon nito. Pero huwag magseselos ang namatay niyang asawa, guwapo pa rin ang lalaki!       Hindi siya makapaniwala. Not that this was the first time it ever happened. Kundi ang isiping mangyayari iyon mismo ngayon sa kanya. At sa bisig pa ng masungit niyang kapitbahay!       But she felt comfortable in his arms. Para bang hindi nakakapagsising nangyari na nahulog siya mula sa steel ladder. Never did she imagine they could be this near. At sa pagkakataon pa namang basa na siya ng pawis at naghahalo naman sa amoy nito ang cologne at car freshener nito. Saan man marahil ibase, mas mabango pa ito kaysa sa kanya.       “Ibaba mo nga ako!” pagtataray niya at umigkas sa bisig nito. Wala naman siyang body odor, pero nahihiya siya dahil amoy-pawis na siya. Kahit naman may baby cologne siya ay nahaluan na iyon ng pawis. Hindi kagaya nitong mukhang hindi gumagana ang sweat glands dahil halatang palaging naka-aircon.       Pumalatak ang lalaki. “Pakiesplika mo nga sa akin kung ano ang nangyayari dito? Bahay ko ito, `di ba? What are you doing here? At bakit mo pinakialaman ang library ko? Por Dios! Nag-isip ka ba nang ilagay mo ang design na `yan?”       Napamaang siya rito pero agad kaagad ding siyang nakabawi. “Teka muna! Huwag ako ang tanungin mo. Ginagawa ko lang ang trabaho ko.”       “What do you mean?! Wala akong kino-contact na magkakabit ng wallpaper. Iba ang ipapalagay ko rito dahil ipapa-soundproof ko pa muna ito.”       Napahinga siya. “Hindi ko naman gawaing makialam sa bahay ng may bahay.”       “Ano’ng malay ko? Paano kung gumaganti ka lang sa akin? I know we never had a nice encounter.”       “Ano ka?” singhal niya rito. “I told you, hindi ako mapanghimasok. Besides, hindi rin gawain ng Impressive Interiors na pangunahan ang desisyon ng may-ari ng bahay. We suggest, pero mas iginagalang namin ang gusto ng kliyente. In your case, kliyente ang namili ng wallpaper na iyan. Ikinabit ko lang.”       “Sinong kliyente? Ako lang ang nakatira dito. Lahat ng binabago sa bahay na ito, desisyon ko.”       Dinukot niya sa bulsa ang resibong dala niya. “Pinky Bulaong. That’s our client’s name,” matabang na sabi niya. “Address mo ang nakalagay, so I presume, kung hindi man ikaw iyan, misis mo.”       “Jesus!” ungol nito at inagaw sa kanya ang hawak na papel.       “Materials pa lang nga pala ang bayad,” banayad na sabi niya. “We charge on a per hour rate.”       Kagyat na lumipad ang tingin nito sa kanya. “Sa palagay mo, babayaran kita sa ginawa mo sa library ko?”       “And why not? I usually spend the same amount of time. Ang ipinagkaiba nga lang ay ang design.”       Napangiti ito nang matabang. “Hindi ko kaanu-ano ang kliyenteng nakasulat diyan sa resibo.”       Nanlaki ang mga mata niya. “Don’t tell me, hindi mo ako babayaran? Pinaghirapan ko iyan.”       “Hindi ako ang nakipagkontrata sa iyo.”       Parang nais nang kumulo ng dugo niya. “For the first time in my life, ngayon ko lang mararanasang hindi makasingil sa pinaghirapan ko. But then, there’s always a first time.” Pinagdadampot na niya ang mga tools niya. Bitbit na niya iyon nang harapin muli ang lalaki. “You know what, naranasan ko rin namang magtrabaho sa mga mansiyon sa Forbes Park at Ayala-Alabang. At isa man sa kanila, ni hindi nagtangkang baratin ang presyo namin. Kunsabagay, different case ka nga pala.” Pumalatak pa siya at nilagpasan na ito.       “Magkano ang labor mo?” walang tonong habol na tanong nito.       Sinabi niya at hindi naman ito nagpakita ng kahit na anong ekspresyon.       “Okay, I’m going to pay you. Sa isang kondisyon.”       Kumunot ang noo niya.       “Pakitanggal mo lang uli iyang mga ikinabit mo.” Naglapag ito ng pera sa mesang naroroon at iniwan na siya.       Hindi niya alam kung ano ang gagawing reaksiyon. Bandang huli, sumunod na lang siya sa kondisyon nito.       Mas madaling magbaklas ng wallpaper kaysa magkabit niyon, pero nang matapos siya, pakiramdam niya ay mas pagod pa siya. Kahit naman hindi na niya trabahong ligpitin ang kalat, nagkusa na rin siyang gawin iyon. Sa halip na gumanda ay pumangit pa ang library, sapagkat nag-iwan ng patse-patseng marka sa pader ang pandikit na ginamit niya.       Pinahid na lang niya ng likod ng palad ang pawis niya at naghanda na siya sa pag-alis. Noon lamang niya dinampot ang bayad. Eksakto naman iyon sa halagang sinabi niya.       Nang lumabas siya ng library ay nagulat siya dahil halatang nakaabang sa kanyang paglabas ang kanyang kapitbahay.       “Tapos na,” kaswal na sabi niya. “Wala akong magagawa kung hindi na kasingkinis ng dati ang dingding.”       Bahagya lang itong tumango. “Hindi bale. Basta mawala na lang sa paningin ko ang hitsura n’on. What’s your name?”       “Beverly. Beverly Tolentino.”       “I’m Mitchell Valiente. That Pinky, she’s my ex. I understand now. She probably wanted to get even.”       Nakatingin lang siya rito. Hindi niya alam kung ano ang dapat itugon doon.       “Trabaho mo ba talagang magkabit ng wallpaper? Hindi ba gawaing-lalaki iyan?”       Tiningnan niya ito nang pailalim. “May double standard yata rito.”       Naitaas nito ang kamay. “I don’t want another argument. Sorry kung minasama mo ang tanong ko.”       “Hallelujah!” naibulalas niya. “Nasa bokabularyo mo pala ang salitang iyan.”       Natapik nito ang sariling noo. “Oh, Lord. I just want to make a truce. But you’re impossible.” At iniwan na siya nito.       Ikinibit lang niya ang mga balikat at umuwi na rin.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD