WALANG KAMALAY-MALAY ang apat na labis ang paghihinagpis na nararanasan ng magkaklase na sina Siobe at Loise. Magkaiba man sila ng k'wartong pinagtuluyan ay wala silang tigil sa panalangin na makatakas sa madilim na kwebang iyon, na nagsisilbing kaharian ng mga estrangherong lalaki.
Dapit-hapon na at kasalukuyang oras ng pahinga, nagisnan ni Siobe ang kabuuan ng k'warto. Wala siyang ideya kung nasaan siya dinala ng mga estrangherong lalaking dumukot sa kanila ni Loise. At mula sa k'wartong iyon ay hindi sinasadyang maririnig niya ang pag-uusap ng mga bantay na lalaki sa labas ng k'warto.
"Wala sila mahibalo kung unsa ang nahitabo. Hahaha!"
Translation: "Wala silang kamalay-malay sa nangyayari. Hahaha!"
Hindi man niya naiintindihan ang pinag-uusapan ng mga ito ay nakaramdam pa rin siya ng takot at ngayong nasa kamay na sila ng mga ito.. matutuklasan kaya nila ang totoo?
Samantala ay maingat na nilalakbay ni Kitch ang masukal na bahagi ng kabundukan. Dala pa rin ang kutob na nasa masamang kalagayan ngayon ang dalawa niyang kaklase na sina Loise at Siobe. Subalit sa kaniyang paglalakad ay nakarinig siya ng mga yabag ng paa, dahilan para matigilan siya at magtago sa may likod ng mga dahon. At sa kaniyang pagtatago ay hindi niya inaasahan ang makikita..
Ang pamilyar na mukha ng mga estrangherong lalaki, ang naglalakihang katawan nito at ang nanlilisik na mga mata nito ay nagbigay ng kilabot sa kaniya. Pilit niyang iniiwasan na huwag magdudulot ng kahit na anong ingay subalit hindi naman sinasadya na maaatrasan niya ang isang lata na naging dahilan para mapatigil sa paglalakad ang mga estrangherong lalaki.
Labis ang kaba niya nang pilit sinusuyod ng mga lalaki ang buong kagubatan habang hinahanap kung saan nagmula ang tunog ng lata. Batid ng mga ito na may ibang tao pa naroroon. Samantala'y napapapikit na lang siya habang patuloy na nagdarasal na wala sanang masamang mangyari sa kaniya maging sa kaniyang naiwang mga kaklase. At dahil may kapilyuhan siya ay isang paraan lamang ang naisip niya..
"Meow," paghuni niya na kunwari ay pusa.
"Sus! Ay pusa lang naman pala," sambit ng isa na may kalakihan ang boses. Sandaling napawi ang kaba niya nang umalis na ang mga ito, subalit hindi sinasadyang madadapo ang tingin niya sa mga likod nito na may naka-tatoo na markang "X".
Nagbigay iyon ng kuryosidad sa kaniya bagama't ang tangi lamang niyang natuklasan na ang ilan sa mga lalakin ay minsan na nilang napagtanungan nang unang beses nilang makarating sa bayan na iyon. At bago pa man tuluyan na makaalis ang mga ito ay nagawa niya itong kuhanan gamit ang camera.
Subalit, labis ang kabang naramdaman niya pagkatalikod pa lamang dahil may sumalubong sa kaniya na hindi niya inaasahan.
Namilog ang mata niya sa nakita at unti-unting nawala ang kaba sa kaniyang dibdib nang makilala ito. "Fudge?" pagtataka niya.
"Napaano ka?" tanong nito.
"Bakit mo ako sinundan dito? Wala ka bang nakasalubong na mga estrangherong lalaki?" Napakunot ang noo ni Fudge at sandaling napawi ang pangamba ni Kitch.
"W-wala naman, halika na.. pinapatawag ka na ni Lola Esma, palubog na rin ang araw," anito at binigyan niya lang ng makahulugang tingin ang kaibigan. Hindi niya sukat akalain na kung matapang siya ay mas doble pa ang tapang nito sa kaniya.
Minadali nilang makabalik ng bahay-kubo at doon lang sila nakahinga ng maluwag. Bagama't hindi na nagtaka sina Devee at Daizy sa kanilang mga itsura.
Lumipas pa ang ilang oras na pananaliksik ay narinig nila ang boses ni Lola Esma galing sa kusina. "Pasensya na kayo kung ito lang ang hapunan natin," ang sabi ni Lola Esma matapos ihain ang nilagang saging sa kanila.
"Ayos lang po, kami nga po dapat ang humingi ng pasensya dahil sa pang-aabala namin sa inyo," sagot ni Kitch na hindi pa rin mawala-wala sa isip ang mga nakita. Habang napapatango naman sa sinabi niya ang tatlo.
"Kumusta pala ang paglalakbay mo?" tanong ni Devee at doo'y mas naging interesado ang lahat na makinig sa kaniya. Napabuntong hininga siya at inilapag na muna ang pagkain.
"Hindi ko alam kung paniniwalaan ninyo ako sa nakita ko," panimula niya at hindi nagbago ang reaksyon ni Lola Esma na alam na ang mga pangyayari sa bayan nila. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay saka siya dumako ng tingin kay Lola Esma. "Lola Esma, nais ko lang po sanang malaman kung anong ibig sabihin ng markang "X" sa likod ng mga lalaking iyon? Nagtataka lang ako kung bakit ganoon ang mga katawan nila at kung bakit.. nanlilisik ang kanilang mga mata.."
Doo'y napalingon silang apat kay Lola Esma subalit ang isinagot nito ay lalong nagpagulo sa kanilang mga isipan, "Iyon ay parte ng isang tradisyon at kung ano man ang nakita mo ay wala pa iyon sa kalahati ng katotohanan na nais ninyong malaman."
"Pero bakit ba hindi mo p'wedeng sabihin, lola? Kahit 'yung tungkol lang sa markang iyon?" paniniguro ni Kitch.
"Paumanhin dahil, isa rin sa tradisyon ang hindi pagbanggit sa kahit na sino ang buong katotohanan, patawarin ninyo ako, mga hija." At sumilay ang luha sa mga mata ni Lola Esma habang unti-unti rin nilang naiintindihan ang dahilan nito.
"Kaya pala kahit anong tanong namin sa inyo ay walang malinaw na sagot," konklusyon ni Fudge.
"Ito lang ang tatandaan ninyo, tanging sarili niyo lang ang makakatuklas ng katotohanan. Dahil ang tradisyon ay tradisyon, wala kayong karapatang labagin iyon, pero alam ninyo ba.. maaaring mabago iyon," ang sabi ni Lola Esma na may tipid na ngiti sa labi. Bagama't nakikita na niya ang pag-asa sa magkakaklaseng ito ay hindi siya nagpapakita ng dahilan para iparamdam sa mga ito.
Ipinagkakatiwala niya sa mga ito ang misyon at kung sasabihin man niya na maaaring sila ang makapagpabago ay maaaring hindi na nila ipagpatuloy pa ang nasimulan. Dahil gusto niya na makamit ng mga batang ito ang tagumpay na walang tulong niya, hindi dahil sa ayaw niya kundi dahil malaki ang tiwala niya sa mga ito, lalong-lalo na kay Kitch.
Lumipas ang ilang araw at wala pa rin kamalay-malay ang magkakaklase sa masamang kalagayan nina Siobe at Loise, maliban kay Kitch na naging palaisipan pa rin ang nakuhang sapatos ni Siobe. Gayunpaman ay wala pa rin silang tigil sa pagtuklas ng katotohanan. Pero habang lalong tumatagal ay mas lalo silang naiinip.
"Kitch," ani Daizy na seryoso lang sa paggamit ng camera.
"Bakit, Daizy?"
"Ito ba ang sinasabi mong mga marka sa mga lalaking iyon?" Napatango si Kitch at doo'y napatingin na rin sina Devee at Fudge sa camera.
"Ayos ah, bakit mo nagawang kuhanan?" tanong ni Fudge dahilan para mapangiti si Kitch.
"Naisip ko lang na magandang proof din iyan para sa documentary project natin, imbes kasi na People's Park ang maging paksa natin ay itong bayan na lang. Sa tingin ko ay hindi lang magiging magandang ehemplo ito sa mga kabataan kundi isang makabuluhang karanasan sa atin kapag natuklasan natin ang katotohanan," sagot ni Kitch habang palihim na napapahanga at nakikinig sa kaniya si Lola Esma.
"Magandang ehemplo? E, mukha ngang puro diskriminasyon ang nararanasan ng mga tao rito.." pangangatwiran ni Fudge.
"Pero, hindi tayo nakasisiguro, dahil wala naman tayong nasasaksihang p*****n, hindi ba? At isa pa.. nakikita kong mayaman ang bayan na ito sa pamumuhay dahil marami ritong mga pananim," pangangatwiran din ni Kitch.
"Magtiwala tayo kay Kitch, hindi ba't nasimulan na natin? Kaya dapat, tapusin din natin," sabi ni Daizy na sinang-ayunan ni Devee.
"Ewan ko ba, kinakabahan kasi ako para kina Siobe at Loise, e.." sagot ni Fudge na nagpakunot ng mga noo nila.
"At tungkol kina Loise at Siobe ay may kutob akong may masamang nangyari sa kanila," wika ni Kitch na nagbigay sa kanila ng matinding kaba.
"Paano mo nasabi?" tanong kaagad ni Fudge.
At doo'y kinuha ni Kitch sa kaniyang bag ang pares ng sapatos ni Siobe. "Hindi ba't kay Siobe, 'to?" wika niya at sabay-sabay silang napatango. "Pero imposibleng si Siobe lang ang kinuha nila dahil magkasama sila ni Loise nang umalis, 'di ba?"
Napatango si Fudge sa sinabi niya. "Nakausap ko rin si Tita kahapon nang makahanap ako ng signal at sinabi niyang wala pang mensaheng ipinadala sa kaniya si Loise." Sa sinabing iyon ni Fudge ay nakadama sila ng pangamba. Kahit nakakainis minsan ang ugali ni Loise ay nag-aalala pa rin sila rito.
"So, anong plano?" tanong ni Devee sa gitna ng katahimikan.
At napahanga sila sa paninindigan ni Kitch sa sarili. "Hahanapin natin sila, at kung may masama nga'ng nangyari sa kanila ay dapat na managot sa batas ang mga taong 'yon."