Ang makatagpo ng isang tao sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi ganoon kadaling kalimutan. Ilang araw na ang nakalipas simula nang makita ni Harlow ang misteryosong detektibo, ngunit hindi pa rin ito mawaglit sa kaniyang isipan. Nakalulungkot lamang na isipin na inasahan niyang makasalubong itong muli, ngunit hindi na iyon naulit pa at mukhang hindi na mangyayari.
Wala pa rin namang nagbago; tuwing umaga ay namimili si Harlow ng mga kung anu-ano at tuwing pagsapit ng gabi ay naglalakad-lakad siya sa siyudad para manghuli ng mga pasaway. Ngunit, libutin niya man ang buong lunsod ay hindi na niya talaga muling nahagilap pa ang lalaki.
"Harlow, stop thinking about him," sambit ng kaniyang kaibigan na si Maddie. "Ano bang mangyayari kung makita mo ulit ang lalaking 'yon? Mababago ba ang buhay mo? Girl, 'di ba sabi mo nga, nakasagutan mo lang 'yong detective na 'yon? Nothing important. Baka kapag nakita mo ulit, makasuntukan mo na."
Si Harlow ay nasa kaniyang pribadong kuwarto sa ospital kasama si Maddie habang nanananghalian. Nanggaling siya sa angkan ng mga doktor. Sa katunayan, mayroong dalawang ospital ang pagmamay-ari ng kaniyang pamilya: isa sa bayan ng Quezon at isa pa sa Cebu.
"Kaya nga gusto kong makita ulit ang lalaking 'yon para masuntok ko na," nanlilisik na mga mata na sabi ni Harlow. "Hindi ako nakabawi sa kaniya, eh. Saka, mali naman talaga 'yong ginawa niyang pagyoyosi sa gilid ng kalye. I'm just doing my job as a good citizen of this country. He should stop acting na kung parang sino." Bahagya siyang uminom ng tubig upang pakalmahin ang sarili.
"Honestly, I don't know what to say. Sa tinagal-tagal ba naman kasi nating magkaibigan, ngayon mo lang sinabi sa akin 'yang ginagawa mong pagiging fighter tuwing gabi. Hindi ko rin ma-imagine. Tingnan mo naman kasi 'yang sarili mo, you look like an angel sent from above. You're sweet and girly. 'Yon pala, nanununtok ka ng mukha sa gabi."
Tumawa nang marahan si Harlow. "Sorry na, ngayon ko lang din naisip sabihin sa 'yo. Hindi kasi ako pinapatulog ng lalaking 'yon."
"Don't tell me-"
"Kung iniisip mong gusto ko 'yon, you're wrong. Ang creepy mo, ha? It was my first time seeing him, ni hindi ko pa nga maaninag ang mukha, gusto na agad? Oh my god, Maddie, you should have taken your medicine. Kung anu-anong pumapasok sa isip mo."
"Wala pa nga akong sinasabi, eh! Ikaw nga 'tong kung anu-anong iniisip diyan."
"Don't get me wrong, Maddie. Doon din lang naman mapupunta 'yang sinasabi mo."
"Oo na, sige na, baka suntukin mo pa ako sa mukha, eh 'di basag ang beauty ko. Kain na lang tayo. Huwag mong masyadong ini-stress 'yang sarili mo sa lalaking 'yon."
"Yes, Mommy."
"Mommy ka diyan!" hampas ni Maddie kay Harlow.
Hanggang sa natapos kumain ang dalawa ay walang ibang ginawa ang mga ito kung hindi ang magtawanan at magkuwentuhan. Bumalik na lamang sila sa pagiging normal nang sumapit na ang oras ng kanilang muling pagtatrabaho.
Natapos ang buong araw na bugbog ang katawan ni Harlow. Ang daming nangyari sa hospital, mas marami kumpara sa mga nakaraang araw. Kaya pagkauwi niya, tinanggal niya agad ang kaniyang meykap, saka nagbihis. Umidlip lamang siya saglit at bumangon din nang pumatak ng ang oras ng hapunan.
"Good evening, Mom and Dad," bungad ni Harlow nang makababa siya sabay pahid sa kaniyang mga mata. "Sorry po, nakatu-" Humikab siya dahilan para maputol ang kaniyang sasabihin.
"Harlow, mag-bless ka sa ninong mo," utos sa kaniya ng kaniyang ama gayong wala pa siya sa sapat na katinuan.
Nang marinig iyon ay saka lamang napagtanto ni Harlow na may ibang tao pa palang nakaupo sa mesa maliban sa kaniyang ama't ina-- isang lalaki na mukhang nasa edad na apatnapu't lima hanggang limampu. Sa palagay niya'y ito ang unang beses na nakita niya ito, ngunit mukhang kilala niya.
"Si Harlow na ba 'yan?" tanong ng lalaki. "Ang laki na niya. Napakagandang dalaga."
"Mano po, Ninong," pagmamano ni Harlow rito.
"Anak, do you still remember your Ninong Primo?" tanong ng kaniyang ina nang tuluyan na siyang makaupo.
"Sorry, Ma, but I can't remember him po." Lumingong muli si Harlow sa lalaki. "But you look familiar po."
"Nagkita na kasi tayo noong bata ka pa, Hija," tugon ng kaniyang Ninong Primo. "You're still little that time, as in napakaliit mo, napaka-cute. But now look at you, you've grown beautifully."
Nagbigay ng isang matamis na ngiti at pasasalamat ang dalaga.
"Ano ka ba, Primo? Kanino pa ba magmamana ng kagandahan ang anak, eh 'di sa mga magulang, 'di ba?" tawa ng kaniyang ina.
Nabahala si Harlow dahil mukhang tatagal pa ang pag-uusap nila. Balak niyang sumaglit lamang sa pagkain dahil aalis ulit siya para gawin ang kaniyang tungkulin. Alas nuwebe na ng gabi, kaya't naghanap na siya ng magandang tiyempo upang magpaalam. Subalit, nag-aalinlangan siya sapagkat malamang sa malamang ay pagagalitan lamang siya kung aalis siya habang may bisita.
Ngumunguya ng ubas ang dalaga nang ilabas ng kaniyang ama ang usapin patungkol sa ospital; nagkuwento ito ng mga tagumpay na kanila nang nakamit, maging ang kanilang sikreto sa paglago.
"How about your company, Primo?" tanong ng kaniyang ama sa lalaki. "Balita ko malago na rin ang kompanya mo. Care to share?"
"It's good, William," nakangiting sagot ng kaniyang ninong. "Wala namang problema sa kompanya. Kung may problema man, ang anak ko 'yon."
"Bakit naman?"
"My son is the CEO of our company, pero pabaya siya. Every time na pagsasabihan ko siya, dini-disregard niya. Ni hindi ko na alam kung paano ko patitinuhin ang anak kong 'yon."
"How old is your son?" tanong dito ng kaniyang ama. "Matagal-tagal na rin simula noong huli kong nakita ang panganay mo."
"He's now twenty-seven, my friend. Nag-aalala nga ako dahil hanggang ngayon ay wala pa siyang girlfriend. I am trying to look one for her, pero tinatanggihan niya rin ako. He said it's not his priority. Ni hindi rin nga ang company ang priority niya. Hindi ko alam kung ano ba ang pinaggagagawa n'on sa buhay niya."
"Pareho pala sila ni Harlow."
Biglang nabulunan sa kaniyang sariling laway si Harlow nang banggitin ng kaniyang ama ang kaniyang pangalan.
"My daughter is already twenty-five, but no boyfriend since birth," dagdag pa ng kaniyang ama.
Napatapik nalamang sa noo ang dalaga. Kailangan ba talagang banggitin ang bagay na iyon?
"Hindi ko rin alam kung anong balak niyan sa buhay. Hindi nagkukuwento sa amin kung may nanliligaw ba o ano para naman sana alam namin. We don't know her priorities in life-"
"It's shopping, Honey. It's shopping," pagsisingit ng kaniyang Mommy Rosetta.
Sa pangalawang pagkakataon ay tinakpik muli ng dalaga ang kaniyang noo. "Ah... Mom, Dad? Can we just stop talking about it?" tanong niya.
Tumawa nang malakas ang kaniyang Ninong Primo dahilan upang mapatingin silang tatlo rito. "It's funny knowing that Harlow is still NBSB. Don't you think it's destiny? Baka puwedeng maging sila ng anak ko. What do you think, William and Rosetta?"
Sa pagkakataon na ito'y halos masuka na ang dalaga sa kaniyang mga naririnig. Unang-una sa lahat, ayaw na ayaw niyang inirereto kung kani-kanino. Kung magkakaroon man siya ng kasintahan, sisiguraduhin niyang kagustuhan niya iyon at higit sa lahat, pasok sa standards niya.
Tunay nga na minsan sa kaniyang buhay ay wala pang nagiging karelasyon si Harlow. Una niya munang binigyang-pansin ang kaniyang pag-aaral at pag-abot sa kaniyang trabaho. Ngunit mukha yatang nasobrahan kaya naman ngayon ay walang nangangahas na lumapit sa kaniya; hiyang-hiya sa kaniya ang mga lalaki sa kadahilanang sobrang taas ng tingin ng mga ito sa kaniya.
"Oh, god. How could you be clever like that, Primo?" tuwang-tuwa na sambit ng kaniyang ina.
"I don't know, bigla na lang pumasok sa isip ko," sagot ng kaniyang ninong. "I think it's really destined na maisip ko 'to."
Sa napakaraming pagkakataon ay muling hinampas ng dalaga ang kaniyang noo. Ano nga ba ulit ang sinabi ng kaniyang Ninong Primo? Destiny? Salitain lamang iyon ng mga wala sa matinong pag-iisip, para sa kaniya.
"You're really good, Primo. I think that's a good idea. So, kailan natin sila ipag-me-meet?" tanong naman ng kaniyang ama.
Dahil sa inis, tumayo ang dalaga at humugot ng isang malalim na hininga nang harapin ang tatlo. "Excuse me, Mom, Dad, and Ninong Primo..." panimula niya. "I don't think you came up with a good idea. Sorry but, I won't just agree to your deal that easily. I don't know your son, Ninong, but I believe he's a good one. But still, hindi po ako papayag nang gano'n-gano'n na lang. Please let me choose the person I will love for the rest of my life. Excuse me po, I will leave now."
Batid sa kaalaman ni Harlow na naging marahas siya, ngunit ano ba ang kaniyang dapat na gawin? Hindi na niya nagustuhan pa ang usapan lalo na't nagkaisa na ang tatlo sa isang bagay na hindi naman niya nais.
Mabilis na nagtungo ang dalaga sa kaniyang silid at isinara iyon pagkatapos upang makasigurado na hindi siya masusundan ng mga ito. Gusto pa man niyang tumakas upang maglakad-lakad sa siyudad, ngunit hindi na niya ginawa dahil nawalan na siya ng gana.
Sumapit ang kinabukasan, wala pa rin siya sa magandang kondisyon si Harlow. Sa tuwing naiisip niya ang pinag-usapan ng kaniyang mga kasama noong gabi ay umiinit lamang ang dugo niya. Hindi naman niya gustong seryosohin ang bagay na iyon, ngunit kilala niya ang kaniyang ama; may paninindigan ito sa bawat salita na lumalabas sa bibig nito.
"Ma'am Harlow, umalis po nang maaga ang mommy at daddy n'yo. Pinapasabi po nila na magdala raw po kayo ng dress n'yo kapag nagpunta kayo sa ospital," sambit ng kanilang kasambahay sa kaniya habang siya'y nasa silid-kainan at nag-aalmusal.
"Bakit daw po, Yaya?" kunot-noong tanong niya. "Dress sa ospital? Aanhin ko 'yon?"
"Wala naman pong sinabi, Ma'am. Basta ang bilin lang po sa akin, eh, padalhin ko raw po kayo ng bistida."
Nakatupi pa rin ang noo ng dalaga nang lisanin siya ng kanilang kasambahay na nagpatuloy na sa mga gawaing-bahay. Para saan naman kaya ang bistidang ipinapadala sa kaniya?
May posibilidad man na mapagalitan, umalis si Harlow nang hindi nagdadala ng bistida. Naisip niyang baka kung anong kalokohan din lang ang ipagagawa sa kaniya ng kaniyang mga magulang, kaya mabuti na lamang na hindi na siya magbitbit.
Pagkarating sa ospital ay nagtungo agad ang dalaga sa kaniyang silid upang ayusin ang sarili. Panigurado kasing magulo na naman ang kaniyang awra dahil sa puso niyang inis na inis sa mga nangyayari.
Hinarap ni Harlow ang sarili at tiningnan ang mukhang punong-puno ng pagkadismaya. "I can't believe they are doing this to me," bulong niya sa sarili. "Sana talaga hindi nila totohanin 'yon."
Nang tapos na sa kaniyang maigsing drama ay lumabas na rin si Harlow at nagsimula nang magtrabaho. Lahat ng kaniyang makasalubong sa daan ay tinatanong siya sa kaniyang mukhang nakasimangot. Hindi naman kasi siya ganoon, palangiti siyang babae lalo na't kailangan iyon sa trabaho.
"Anong nangyari sa 'yo?" tanong ni Maddie habang naglalakad silang dalawa sa koridor. "Alam mo 'yang mukha mo, parang binagsakan ng milyu-milyong problemang hindi na masosolusyunan. Kanina ka pa kasi nakasimangot. Ano bang problema mo?"
"Wala," matipid na sagot ni Harlow.
"Anong wala? Sa mukhang 'yan, wala? Teka lang, ha? Iisipin ko. Imposible naman kasing brokenhearted ka kasi wala ka namang jowa," sambit nito. "Hindi rin naman siguro financial problem 'yan kasi mayaman kayo. Family? Ewan ko, siguro? Family problem 'yan, 'no?"
"No, it's not... I guess?" singhal ni Harlow. "Basta sasabihin ko na lang sa 'yo kapag nasa mood na ako. But for now, hayaan mo muna akong mag-isip."
"Pero baka kung ano na 'yan, ha? Basta kung kailangan mo ng mapagsasabihan, nandito lang ako, okay?"
Nagpilit ng ngiti si Harlow bago bumalik sa kaniyang trabaho. Hanggang sa matapos na naman ang buong araw ay hindi naalis ang lumbay sa kaniyang mukha na maging ang mga magulang niya ay napapatanong kung ano ang mali.
Nasa opisina ng kaniyang ama ang dalaga at nagbalak nang magpaalam nang magsalita ang kaniyang ina.
"Harlow, did you bring your dress with you?" tanong nito sa kaniya.
"No, Mom. I'm going home now."
"No, you aren't going home. May important meeting ka ngayon. You should have brought your dress! Napakapasaway mo-"
"Cancelled ang meeting, Honey," pagpuputol dito ng kaniyang ama. "Pero huwag ka munang uuwi, Anak. Sabay-sabay na tayong tatlo."
Napilitan si Harlow na umupo pabalik sa sopa. Habang naghihintay ay napapaisip siya sa pagpupulong na binanggit ng kaniyang ama.Bakit naman ngayon lang sinabi sa kaniya? Kung tunay iyong pagpupulong ay hindi siya masusurpresa nang ganito. Importante nga bang pagpupulong iyon o walang kuwentang pagkikita lamang sa lalaking ipinapares ng mga ito sa kaniya?
Pagkauwi nila ay dumiretso agad ang dalaga sa kaniyang kuwarto. Hindi siya sanay sa gayong kalagayan niya na maging sa pagsapit ng hapunan ay nakasimangot pa rin siya. Gustuhin man niyang hindi sumipot sa oras ng pagkain ay hindi maaari dahil kasimbagsik ng buwaya kung magalit ang kaniyang ama.
"Harlow, huwag mong sinisimangutan 'yang mga pagkain. They will be mad at you. Sasabog sila sa tiyan mo, bahala ka," panloloko ng kaniyang ama.
Pinilit na ngumiti ng dalaga ngunit wala pang ilang segundo ay muli na naman itong sumimangot. Hanggang sa matapos siya at makabalik sa kuwarto ay walang nagbago sa kaniyang pagmumukha.
Mabilis na nagbihis si Harlow nang makabalik siya sa kaniyang kuwarto. Gaya ng nakasanayan, purong itim ang kaniyang ginamit. Ngunit sa halip na manghuli sa lunsod ng mga matitigas ang ulo ay mas pinili niyang magpunta sa isang party bar upang doon magpalipas ng gabi at maglabas ng hinanakit sa mundo. Pagkarating niya roon ay agad siyang bumili ng Red Bull— isang inumin na hindi nakalalasing. Naupo muna siya saglit sa counter bago naglakad-lakad. Sa hindi inaasahang pagkakataon, natapon sa kaniyang damit ang inumin na hawak-hawak ng lalaking kaniyang nakadumbo.
"Oh, sorry. I didn't mean it," pagpapaumanhin ng lalaki.
Nakatutok ang atensyon ni Harlow sa lalaking iyon. Dahil medyo madilim sa parte nila at magulo ang mga paikot-ikot na mga ilaw ay hindi niya gaanong maaninag ang mukha nito. Ngunit, sigurado siyang may hitsura ito.
Magagalit na sana ang dalaga sa lalaking iyon subalit hindi niya nagawa dahil sa amoy nito na unti-unting dumampi sa kaniyang ilong. Kung hindi siya nagkakamali, minsan na niyang naamoy ang pabangong iyon.