Chapter 13

1040 Words
“BOYFRIEND ka nang boyfriend, bakit hindi ka na lang mag-focus sa pag-aaral mo?” sarkastikong tanong kay Janine ng tita niyang si Sheng. “Hindi ko naman po pinapabayaan.” “Aba at sumasagot ka na ngayon?” Tumahimik na lang siya at pinagpatuloy ang paghuhugas ng pinagkainan. Malungkot na nga ang nararamdaman niya dahil sa pagkawala ng kanyang abuela nang summer na iyon. Ilang araw lang matapos mailibing ang mga labí ng kanyang lola, ay na-confine ang kanyang lolo. Hindi na rin ito nagtagal dahil sa kalungkutan at sumunod na rin sa kanyang lola. Ramdam na ramdam niya ang katahimikan sa buong bahay dahil wala na ang dalawang matanda. Palagi na ring wala ang kanyang tita at ang anak nitong bulakbol. At ngayo’y siya naman ang laging pinag-iinitan ng kanyang tita sa tuwing nasa bahay ito. “Pasalamat ka at naka-abroad ang kapatid ko kaya nagpapakasarap ka riyan. Bakit hindi ka mag-part time? Gagaya ka na lang ba sa kuya mong wala nang pakialam sa buhay?” Ngumiwi siya. Tumigil kasi sa pag-aaral si Erik noong nakaraang taon at ganoon na rin ang inaasahan ng mga kamag-anak nila sa kanya. “O, fourth year ka na pala niyan, baka mabuntis ka ng boyfriend mong iyan at hindi na makapagtapos!” “Hindi po,” matigas niyang sambit. Kahit higit na matured si Louie sa kanya ay ginagalang nito ang desisyon niyang huwag munang gawing iyong bagay na iyon dahil nag-aaral pa siya. “Paano ka bubuhayin ng Louie na iyon, lubog na sa utang! So, pagka-graduate mo, magtatrabaho ka para matustusan ang pangangailangan ng lalaki mo? Mag-aasawa ka agad, ‘no? At palalamunin mo?” Hindi talaga tumigil sa pagtalak ang kanyang tita at kaunti na lang ay sasagut-sagutin na niya ito. “Sheng,” banta ng kanyang mama na kanina pa pala nakikinig. Magkapanabay silang napalingon ng tita niya sa kanyang mama na nasa hamba ng pintuan. “Ate, pinagsasabihan ko lang naman si Ja,” defensive na untag ni Tita Sheng na mukhang nagulat na nandoon ang mama niyang masama ang tingin dito. “Hindi pa ba sapat na inaalila mo ang anak ko? Iniintindi ko na iniwan at pinabayaan kayo ng asawa mo kaya hinayaan ko kayong maglagi sa pamamahay na ito. Pero hindi ko maaatim na ganyan pala ang pakikitungo mo sa anak ko sa tuwing wala ako!” Sa tanang buhay niya ay ngayon pa lamang niya nakitang galit ang kanyang mama. “‘Ma…” awat niya rito. “Ano’ng pinagmamalaki mo, Ate? Nagpapadala lang naman ang mga kapatid nating naka-abroad para may pangtustos kayo.” Nagulat siya sa isiniwalat ng kanyang tita. Ang alam niya kasi ay nahihirapan sa pagba-budget ang kanyang mama dahil galing sa sariling sweldo nito bilang cashier sa isang mini-grocery store ang pinambabayad sa mga bayarin. “Na winawaldas mo,” segunda ng kanyang mama na mas lalong nagpataka sa kanya. Mabilis na napalitan ng takot ang nasa mata ng kanyang tita. “Alam kong pinapadalhan ng higit sa sapat na allowance ng mga kapatid natin sina Erik at Janine, pero wala kang inabot sa amin ni kusing. Pati pang-tuition nila ay winawaldas mo. Palagi ring kulang ang ibinibigay mo para sa mga gastusin dito sa bahay. Ultimo panggamot nina nanay noon, inangkin mo.” Tuluyan na siyang natigil sa ginagawa. Hindi maproseso sa kanya ang mga nalalaman. Nagtitiis siya sa pagtitipid, pero ang totoo pala ay may nakalaan para sa pag-aaral niya? Na sobra-sobra pa? Iyon ba ang dahilan kung bakit ayaw siyang bigyan ng smartphone? Para hindu ma-contact ang mga kamag-anak niya abroad? “Nag-iilusyon ka, Ate. Pinagbibintangan mo ba ako? Kung ganyan pala, lalayas na lang kami ng anak ko rito sa pamamahay ninyo! Solohin ninyo ang bahay n’yo!” “Hindi iyon ang gusto kong mangyari, Sheng. You can stay here as long as you want. I want you to reflect on your wrongdoings. Hindi sapat na dahilan ang iniwan ka ng asawa mo para mawalan ng direksyon ang buhay mo,” lumambot ang tinig ng kanyang mama. “Ilang taon na ang lumipas… ilang taon kitang iniintindi.” Tumigas lalo ang ekspresyon ng kanyang tita. “Hindi! Lalayas kami sa pamamahay ninyo! Ang laki-laki nito, pinagkakait mo!” Padabog itong umalis at iniwan silang mag-ina. “Mama…” untag niya nang mapaupo na lang ito sa upuan habang hinihilot ang sentido. Alam niyang totoo ang sinabi ng kanyang ina, hindi nito gustong umalis ang tita niya at ang pinsan niya sa bahay nila. At alam niyang nabuko na kasi ang tita niya sa mga gawain nito kaya mas pinili nitong maggalit-galitan. “Anak, pagpasensyahan mo na ang Tita Sheng mo. Ikaw ang mas nakakaintindi kaya ikaw na ang magpasensya…” Napatango na lang siya “Pero, totoo po ba iyong mga sinabi mo?” paninigurado niya. “Ayaw ko sanang marinig mo, pero totoo ang lahat. Nalaman ko nitong nakaraan nang mawala na sina mama. Nalaman ko sa Tita Milly mo na nagpapadala pala sila sa Tita Sheng mo, at minsan ay nagpapanggap siyang ikaw para humingi ng panggastos mo sa eskuwelahan.” Nanlaki ang kanyang mga mata. “What…” “Gumawa siya ng Messenger account na gamit niya sa pag-chat sa mga tita mo.” Galit. Iyon ang unang naramdaman niya nang malaman iyon. Pero mahigpit na sinabi ng kanyang ina na huwag magtanim ng galit, bagkus ay ipagbahala na ang lahat sa Itaas para makalaya siya sa galit na itatanim niya. At kinabukasan nga ng maaga ay agad na nag-alsa balutan ang mag-ina; walang sabing umalis na. Dala pa ng mga ito ang ilang kagamitang naipundar ng kanyang mama gaya ng oven at iba pang mga gamit pangkusina. Pati ang ford expedition na pag-aari ng pamilya nila. “Mama, iyong sasakyan po, paborito ni Erik iyon.” Umiling na lamang ang kanyang mama. “Sasakyan lang iyon, anak. Mapapalitan natin.” Alam niyang hindi nila kaagad mapapalitan iyon dahil nagtitipid sila sa mga gastusin. Idagdag pa na incoming fourth year na siya sa susunod na pasukan. Hindi bale na, isang taon na lang naman at magtatapos na siya. Makatutulong na siya sa pamilya kapag nakapagtrabaho. Naniniwala siyang ang lahat ng iyon ay pagsubok lamang.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD