“Mas nakakaaliw kung ikaw ang naroroon, prinsesa.”
Napasinghap ako nang marinig ang mga katagang iyon galing sa aking nakakatanda. Nagulat din ang prinsesa at nanlalaki ang mga mata habang nakatingin kay Hiraya.
“A-Ano?”
“Ang ibig kong sabihin ay ikaw ang naroroon upang sila ay paglaruan, kamahalan,” walang emosyong sagot ng aking kapatid. Nakahinga ako nang maluwag ngunit nakakagimbal naman ang kaniyang sinabi.
Kanina pa ako nakasunod sa kanilang dalawa habang may nakatakip na bandana sa aking mukha. Nang lumabas sila ng palasyo, tumakas ako at kumapit sa ilalim ng kanilang kalesa. Nang makarating sa Sentral ay agad akong gumulong sa lugar na maraming tao upang hindi nila makita kung saan ako nanggaling.
Kikitain ko sana si Marielle dito sa Primero ngunit ang nakakagimbal na kaniyang sinapit ang sumalubong sa akin. Humihingi ng tulong ang kaniyang mga mata at alam kong kapag siya’y sinagip ko, parang tumalon na rin ako sa bangin kasama siya.
Alam niya rin iyon. Hindi ako ang taong makakatulong sa kaniya dahil parehas lang kaming hawak sa leeg ng mga tao dito sa Primero. Sa oras na tumapak ako at magpapakabayani, dadagdag ako sa listahan ng mga itinali at pinaslang sa plaza.
Patawad, Marielle.
Nang muling magtagpo ang aming mga mata, tumulo ang luha sa kaniyang mga mata at pilit na ngumiti kahit punit ang kaniyang bibig. Tila tanggap na niya ang kaniyang kapalaran at namamaalam na siya sa akin. Gusto ko mang ngumiti pabalik ngunit maliban sa galit ako sa mundo, galit din ako sa aking sarili.
Paalis na sila Hiraya at si Prinsesa Alona kaya tumalikod na ako upang hindi nila makita. Tinakpan kong muli ang aking mukha at tanging mga nagdadalamhating mata ang makikita ng aking nakakasalamuha.
Kababata ko si Marielle at sabay kaming namasukan sa hacienda ni Don Febrio. Makulit saat bibo na bata. Palagi siyang nakangiti sa tuwing nakikita ko siya at magaling din makisama kaya ang tahimik na kagaya ko’y natuto ring makihalubilo dahil sa kaniya.
Magkikita sana kami dahil dala niya ang sulat ng aking ina para sa akin. Nag-aalala ako dahil siya lamang mag-isa doon at narito rin si Hiraya. May tulong naman na naabot si Marielle galing kay Pinunong Norjannah kaya hindi ko alam paano napunta si Marielle sa kamay ng mga demonyong iyon.
Nasa gilid lamang ako ng isang gusali at tahimik na inoobserbahan ang aking kapatid at ang prinsesa. Tila nagpipigil sumabog ang aking kapatid at nakakunot pa rin ang noo nito. Nakayukom din ang mga kamao at manipis na nakasara ang kaniyang bibig.
Kaya ayaw ko siyang nandito dahil nagpapadala siya sa kaniyang emosyon. Madali siyang nababasa ng kaniyang kalaban at nalalaman agad ang kaniyang kahinaan. Mababa rin ang pananaw niya sa kaniyang sarili at gumagalaw bago mag-isip.
Magiging malaking tulong siya sa rebelyon kung siya’y sasali dahil may angking galing siya sa sandatahan. Hindi nababasa ang sunod niyang galaw dahil mabilis siya at nababasa niya ang kaniyang kalaban. Iba’t ibang sandata ang kaya niyang gamitin at papasa nga siya bilang isang heneral.
Mataas ang pananaw ko sa aking kapatid at hinahangaan ko siya. Kung hindi dahil sa katapangan niya, hindi ako matututong bumasa dahil wala akong mga libro. Sa murang edad ay pumasok siya sa lugar ng mga mapang-api at natutong gumamit ng sandata sa kaniyang sarili. Wala akong kilalang tao na kasing-tapang niya.
Nang makitang paalis na si Hiraya at ang prinsesa. Tinakpan kong muli ang aking mukha saka mabilis na gumulong sa ilalim ng kanilang kalesa. Tinanggal ko ang aking bandana saka itinali sa bakal na aking kinakapitan saka itinali sa aking kamay upang mas mahigpit ang kapit ko sa ilalim.
Hindi ako magaling sa sandatahan ngunit hindi ako takot humawak ng punyal. Kaunti lamang ang aking alam na pamamaraan sa paggamit nito dahil naituro rin iyon ng aking kapatid. Hindi rin ako takot pumatay.
Mahigit trenta minutos din akong nakasabit sa ilalim at nang makarating sa palasyo, dahan-dahan akong umalis sa ilalim nang makitang bumaba na ang lahat. Tinanggal ko ang aking bandana saka ipinasok sa aking bulsa. Tinanggal ko rin ang tali sa aking buhok at tinanggal ang suot na pantalon at inayos ang bestida.
“Ikaw lang pala ang nasa ilalim ng kalesa, kapatid.”
Nabigla pa ako nang biglang lumitaw sa aking harapan ang aking kapatid na kanina’y sinusundan ko lamang. Hindi ko man lang napansin ang kaniyang presensiya samantalang ako’y madali niyang naramdaman.
“Balak ko sanang makipagkita kay Marielle,” sabi ko sa kaniya. Nakita kong ikinuyom niya ang kaniyang kamao kaya napaiwas ako ng tingin.
“Kaya pala nandito siya,” mahinahon ngunit malamig niyang sagot sa akin. “Hahayaan mo na lang ba siyang unti-unting pinapatay doon?”
“Wala akong magagawa.”
“Dahil wala ka namang ginagawa,” may diing sagot niya sa akin. Kitang-kita ko sa pawis na tumutulo sa kaniyang noo ang pagpipigil niya sa kaniyang emosyon. “Kung hindi dahil sa utang na loob ko sa prinsipe’y kanina ko pa siya pinalitan doon.”
“Nahihibang ka na ba, ate?” hindi makapaniwalang sagot ko. “Kahit masagip mo si Marielle, isa na namang alipin ang papalit sa kaniya doon hangga’t hindi nawawala ang sistemang ito.”
“Si Marielle iyon at hindi kung sinu-sino lamang, Amihan!”
“At hindi rin natin malalaman na baka bukas ay si Zenaida o ang ating ina ang ibibitay doon, Hiraya,” mahinahon kong sagot. Ayaw kong sabayan ang kaniyang emosyon.
Natahimik naman siya nang sabihin ko iyon. Unti-unti na ring bumabagal ang kaniyang hininga at lumalalim. Pilit niyang kinalma ang sarili at pinakawalan na ang kuyom ng kaniyang kamao.
“Maghunos-dili ka at marami ka pang masasaksihan na karahasan at mas masahol pa. Kung sa bawat oras na makakasaksi ka ng pang-aabuso’y nadadala ka ng emosyon, itigil mo na ang pagpapakabayani at magiging biktima ka rin.”
Unti-unting nagbago ang timpla ng kaniyang mukha at bumalik na siya sa wisyo. Ang kanina’y mabagsik na mga mata’y nagpipigil ng iyak at pagkawasak ng kalooban.
Kaya ayaw kong pumasok ka sa ganitong sitwasyon, ate. Ayaw kong maranasan mo ang pakiramdam na sa iyong harapan ay pinapahirapan ang iyong mahal sa buhay at wala kang magawa kundi umiyak at umiwas ng tingin. Nakakawala ng pag-asa at nakakatanggal ng emosyon ang ganitong uri ng buhay.
“Gagawan ko ng paraan ang mga kaganapan sa plaza,” sagot niya sa akin. Nang mapansing kumunot ang aking noo, dinugtungan niya ang kaniyang salita. “Huwag kang mag-aalala at ipapaalam ko sa prinsipe ang aking kilos upang makasigurong tama ang gagawin ko.”
“Mabuti naman at ganoon, ate,” tanging sagot ko.
“Ngayon magaganap ang unang pagsusuri, hindi ba?” pagtukoy niya sa seleksyon ng magiging reyna. “Bumili ang prinsesa ng isang uri ng lason. Ang suspetya ko’y gagamitin niya iyon para sa pagsusuri.”
“Ano?”
“Hindi ko narinig kong anong klase ng lason ngunit mag-ingat ka, Amihan,” sabi niya sa akin. “Mukhang pinag-iinitan ka ng prinsesa, baka mamaya’y para sa iyo ang lason na iyon.”
“Wala ba siyang sinabi sa iyo?”
“Hindi kami magkalapit,” busangot niya. Mahina akong tumawa.
“Salamat sa iyong impormasyon, ate. Mauna na ako,” sabi ko. Tatalikod na sana ako ngunit bigla niya akong hinila.
“Heto, panlunas sa lason,” sabi niya at ibinigay sa akin ang isang maliit na bote na may mga maliliit na pulang mga prutas. Nang suriin ko iyon, napataas ang aking kilay.
“Taxus baccata,” sambit ko. Sinamaan ko siya ng tingin. “Lason naman ito, ah? Gusto mo ba akong patayin?”
“Suriin mo ang iyong inumin o pagkain sa seleksyon,” seryosong sagot niya. “Kung may mga palatandaan ng lason, ang ibig sabihin ay may balak nga ang prinsesa sayo. Kumain ka ng kaunting lason na ibinigay ko sa iyo.”
“At bakit ko gagawin iyan?”
“Malalaman mo sa oras na mapatunayang tama nga ang aking hinala,” sabi niya. Sa sandaling iyon ay hindi ko siya mabasa. “Patunayan mong may tiwala ka nga sa akin, Amihan.”
Tumalikod na siya at iniwan na akong nakatayo doon. Agad akong tumakbo at pumunta sa kamara ng mga kandidata. Lahat sila’y itinipon na at napalunok pa ako dahil lahat sila’y nakatingin sa akin. Ang tagapamahala sa mga kandidata’y nasa unahan at may sinasabi sa mga babaeng nasa harap.
“Saan ka galing, binibini?” tanong sa akin ng tagapangasiwa. Yumuko ako bilang pagbati.
“Paumanhin at nawala po ako sa palasyo,” sabi ko. Tumango na lamang ang nangangasiwa kaya inangat ko ang aking paningin at umupo sa aking puwesto.
Kaming lahat ay nakaupo sa sahig at may maliit na mesa sa aming harapan. May isang tsarera na puno ng mainit na tsaa at isang tasa na nasa ibabaw ng mesa. May ilang mga alila na nakabantay sa amin at inaabangan ang bawat galaw namin.
Nakatuon ang aking mga mata sa tsaang naa sa aming harapan. Nang maalala ang lason, agad akong napatingin sa kinaroroonan ng prinsesa at nahuli ko siyang nakatingin sa akin. Nginitian ko siya ng tipid habang siya’y umirap at umiwas ng tingin.
“Ngayon ay magkakaroon tayo ng mga importanteng bisita,” sabi ng tagapangasiwa. Naging alerto naman ang mga kandidata at nagkatinginan pa. Matagal na rin silang magkakilala at ako lamang ang estranghero sa grupong ito.
“Malugod nating salubungin si Reyna Wilfreda at si Prinsipe Isagani.”
Tumayo ang lahat saka yumuko sa dumating na mga monarko kasama ang kanang kamay na si Tanashiri sa likuran. Hinintay muna namin na makaupo ang dalawang monarko bago kami bumalik sa pagkakaupo.
Nasa aming harapan ang ikaanim na reyna at ang kaniyang tanging anak na lalaki. Nakita ko na sila noon sa palasyo ngunit hindi ganito kalapit. Sa lahat ng reyna, siya lamang ang maikli ang buhok samantalang mas mahaba pa sa akin ang buhok ng kaniyang anak.
Natuon ang aking pansin sa prinsipeng walang kangiti-ngiti nakaupo sa gilid ng reyna. Porselana ang kaniyang balat, mataas ang ilong, may pagkaputla ang labi, at singkit ang mga mata. Bawal titigan ang mga monarko kaya agad kong iniwas ang aking tingin bago pa ako mahuli ng iba.
“Ikinagagalak kong makasama kayo sa hapong ito,” sabi ng reyna. Kagaya ng kaniyang anak, hindi rin siya ngumingiti. “Nagpapasalamat ako sa pagkakataong binigay niyo sa akin upang lubusan ko kayong makilala. Isa sa inyo’y magiging isang reyna rin kagaya ko.”
Alam ko na kung anong uri ng pagsusuri ito. Susuriin ang bawat kandidata para sa mga tamang etiketa sa paghawak ng tsarera. Matagal ko nang pinag-aralan ang etiketa sa loob ng palasyo kaya medyo nakahinga ako nang maluwag.
“Sabayan niyo ako sa aking tsaa,” sabi ng reyna. Inasikaso siya ng kaniyang alila at nilagyan ng tsaa ang kaniyang tasa. Yumuko kaming lahat bago kumuha ng aming tsaa.
Hinawakan ko ang manggas ng suot na damit at inalalayan ang kanang kamay sa pagkuha ng tsarera gamit ang aking kaliwang kamay. Dahan-dahan kong binuhos ang tsaa sa aking tasa at dahan-dahan ring ibinalik sa lalagyan.
Nang makitang uminom ang reyna, kinuha na rin namin ang aming mga baso. Agad silang uminom ngunit sinuri ko pa ang aking tsaa. Nakaamoy agad ako ng isang hindi pangkaraniwang amoy at sigurado akong may inilagay nga sa aking inumin.
Nilingon ko ang prinsesa at nakitang nakangisi siya sa akin na para bang hinihintay niyang inumin ko ang aking tsaa. Hindi nga nagkamali si Hiraya at may ginawa nga ang monarko. Kung hindi ko iinumin ang tsaa, isa iyong uri ng kawalang-pakundangan sa reyna.
Inalala ko kung anong klase ng lason ang may ganitong amoy. Hindi naman ganoon katapang at hindi nga mapagkakamalang isang lason. Nang mas ilapit ko pa ang aking mukha, muntik ko nang mabitawan nang biglang kumati ang aking pisngi.
Toxicodendron diversilobum.
Isa itong uri ng lason na nakakasanhi ng kati sa balat, Western Poison Oak ito sa wikang Ingles. Ang pagdikit ng lason sa balat ay hindi nakakamatay ngunit nagkakaroon ng pantal at mga tigyawat ang parteng direktang naapektuhan. Ang pinakamasamang kaso ay magkakasugat-sugat pa ang aking mukha kapag ito’y nainom ko.
Kapag ininom ko ‘to at sinuri ang tsaa, hindi ito matutukoy na isang lason at sasabihing isa lamang itong allergic reaction mula sa inumin. Ako’y madi-diskwalipika bilang isang kandidata dahil nasira na ang aking balat at mananatili ako sa palasyo bilang isang alila.
Hindi mo ako maiisahan, prinsesa.
Kinuha ko ang kaunting lason na ibinigay sa akin ni Amihan at palihim na nginuya. Nagpanggap pa akong uminom ng kaunting tsaa bago ibinalik sa mesa. Kinagat ko pa ang loob ng aking pisngi upang hindi agad ako mawalan ng malay.
Hindi pa rin nawala ang ngisi sa labi ng prinsesa hanggang sa bigla akong hindi makahinga at may nakabara sa aking lalamunan. Naibuka ko ang aking bibig at napahawak pa sa aking leeg bago ako natumba. Nakita ko pa kung paano nagbago ang timpla sa mukha ng prinsesa at natakot dahil hindi umayon sa kaniyang plano ang nangyari.
Hindi ako nawalan ng malay ngunit hindi ko na magalaw ang aking katawan habang sila’y binibitbit na ako paalis. Nakakapag-isip pa rin ako ng maayos at naramdaman ko pa rin ang pagkaalarma ng lahat sa nangyari.
*
Nagising ako dahil sa liwanag na tumama sa aking mata. Nang idilat ko ang aking mata, kumunot ang aking noo dahil malabo ang aking paningin at masakit ang aking ulo. Pilit kong bumangon ngunit may isang kamay ang nagtulak sa akin pahiga.
“Huwag mong pilitin ang iyong sarili na bumangon,” sabi ng isang hindi pamilyar na boses. Malamig ito at boses lalaki.
Nang umayos na ang aking paningin ay naging malinaw na sa akin kung sino ang taong iyon. Nagulat pa ako nang makitang si Prinsipe Isagani iyon at nasa loob kami ng isang hindi pamilyar na silid na amoy gamot.
“P-Paumanhin sa aking kalapastangan, mahal na prinsipe,” sabi ko at pilit na yumuko. Hindi man lang siya nakatingin sa aking direksyon at may binabasang libro. Agad kong nalaman kung anong libro iyon at bigla akong kinabahan.
Hindi siya sumagot at nanatiling tahimik habang nakaupo sa isang silya at nagbabasa ng libro. Huminga ako ng malalim at matagumpay na umupo sa kama upang mawala ang sakit sa aking ulo.
“Ano ba ang maipaglilingkod ko sa iyo, kamahalan?” magalang na tanong ko saka yumuko. Hindi ako naglakas-loob na titigan ang prinsipe at ito ang unang beses na may ganito kalapit na monarko sa akin maliban kay Prinsipe Isaiah at Reyna Mimosa.
“Nakita ko ang iyong ginawa,” sabi niya at isinara ang librong hawak. Tama nga ang aking hinala at pinag-aaralan niya ang mga lason. “Hindi ako maalam sa mga tanim at lason kaya nanghiram ako sa aking kapatid ng libro.”
“Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig mong sabihin, prinsipe,” maingat na sagot ko. Kinakabahan ako sa kaniyang presensya at hindi siya malapitan kagaya ni Prinsipe Isaiah.
“Dalawang araw ka nang walang malay at habang nandito tayo, nagkakaroon ng inspeksyon sa bawat kandidata tungkol sa isang lasong tinatawag na Taxus baccata,” sabi niya. Nagulat naman ako sa aking narinig.
Naintindihan ko na agad ang plano ni Hiraya. Dahil magkasama sila ng prinsesa kanina, paniguradong tinaniman niya ng lason ang lalagyan ng prinsesa o di kaya’y inilagay sa isang bagay na pagmamay-ari niya. Magkakaroon ng inspeksyon sa oras na may matukoy na lason sa aking katawan at pagbibintangan ang prinsesa sa paglason sa akin.
Hindi ko napigilang ngumisi dahil ako’y naisahan din ng aking kapatid. Gusto ko pa sanang tumawa ngunit naalala kong may kasama pala ako kaya huminto ako saka yumuko.
“Ano nga ba ang nakita mo, kamahalan?” kalmadong tanong ko.
“Nilason mo ang iyong sarili upang mapagbintangan ang isang prinsesa,” deklara niya. Paniguradong dito ako maiipit dahil may nakakita sa akin. Bakit nga ba siya nakatingin sa direksyon ko?
“May ebidensya ka bang susuporta sa iyong pahayag?”
“Isa akong prinsipe at hindi ko kailangang patunayan ang aking sarili sa iyo.”
“Kung ganoon, wala rin akong kailangang patunayan sa iyo, mahal na prinsipe,” magalang na sagot ko. Nakita kong umangat ang sulok ng kaniyang labi.
“Isa ka ba sa mga tauhan ng aking kapatid na si Isaiah?” tanong niya.
“Ni hindi ko pa nakikita ang prinsipe, kamahalan.”
Inangat ko ang aking tingin at muntikan pang matulala dahil sa hindi kapani-paniwalang hitsura niya. Para bang isa siyang diyos sa anyo ng isang tao at nililok ng isang diyos mismo. Hindi ako madaling naaakit sa hitsura ng isang tao ngunit madali akong nadadala sa kaniya kahit wala siyang ginagawa.
“Ngunit ang prinsipe mismo ang naghatid sayo rito sa pagamutan kasama ang kaniyang dayuhang pinsan,” sabi niya at nginisihan ako. “Ang lakas ng loob mong magsinungaling sa isang monarko.”
Hindi madaling manipulahin ang taong ito at siya’y tuso rin. Kahit aamin ako o hindi, alam kong gagamitin niya itong isang oportunidad upang ako’y paikutin at maging sunud-sunuran niya. Kailangan kong makatakas sa kaniyang bitag.
“Ano nga ba ang nais mong gawin ko, kamahalan?” kalmado tanong ko. Inihanda ko ang aking sarili nang ilapit niya ang kaniyang mukha sa akin.
“Ipagpatuloy mo lamang at nalilibang ako, alipin,” mapaglarong sabi niya at mahinang tumawa. “Ang iyong pagkatao’y isang librong gusto kong basahin. Nasa unang pahina pa lamang ako.”
Pagtatapos ng Kabanata