KABANATA 20 - PEKLAT

3181 Words
“Pahintulutan mo kami ng buong awtoridad na pangasiwaan ang kasong ito, kamahalan,” paghingi ng permiso ni Prinsipe Isaiah sa prinsipe. Nakasunod lamang ako sa kaniya at mukhang naging kanang-kamay pa nga dito sa palasyo. “Hindi ito basta-basta at kung sino man ang nasa likod nito’y may intensyong pumatay.” “At ano naman ang kinalaman mo dito?” tanong ng hari. Ako tuloy ang napalunok sa kaba dahil sa laki ng boses niya. Bakit ba kasi ako isinama ng prinsipe sa pakikipag-usap sa kaniyang ama? “Dahil kung isang kandidata ang nasa likod nito, paniguradong determinado siyang manalo at hindi rin magdadalawang-isip na planuhin ang iyong kamatayan, ama,” sabi ng prinsipe. Walang bahid ng pag-aalinlangan ang kaniyang rason. “Ilang buwan din akong nawala sa pamamahay mo, mahal na hari. Hayaan mong patunayan ko sa iyo ang aking katapatan.” “Hayaan mo na ang lupon na mag-imbestiga at magpahinga ka na lamang,” sagot ng hari. “Hindi mo na kailangang patunayan ang iyong katapatan sapagkat anak kita at isa kang lalaki.” Kumunot ang aking noo nang marinig iyon at napairap pa. Ano naman ang kinalaman ng kaniyang p*********i sa kaniyang katapatan? Ipinapakita ba ang p*********i sa kaniya bago mapatunayan ang katapatan? Kung alam mo lang na ang iyong anak ay isa sa mga pinuno ng mga rebelde. “Hindi iyan maaari kamahalan, ang kandidatang iyon ay malapit sa puso ng aming pamilya at malaki ang utang na loob ko sa kaniya,” pamimilit pa ng prinsipe. “Sinusuway mo ba ang aking kautusan, Isaiah?” tanong ng hari. Sasagot na sana ang prinsipe nang biglang bumukas ang pinto. “Ipagsasawalang-bahala na lamang ba ito, kamahalan?” Napalingon kami sa babaeng pumasok sa bulwagan at agad akong yumuko nang makitang si Reyna Mimosa iyon. Tuloy-tuloy lamang siyang naglakad palapit sa kinaroroonan ng prinsipe habang ako’y nasa gilid lamang. Ang hari’y nakaupo sa kaniyang trono at nakatingin lamang sa mag-ina sa baba. “Ano nga ba ang mapapala niyo rito kundi pagod? Aatasan ko na lamang ang lupon para sa bagay na ito,” matigas na sabi ng hari. Mukhang walang magpapatalo sa kanila at namamangha ako dahil nasasagot nila ng ganoon ang hari. “Marami pang kailangang ihanda ang lupon para sa seleksyon, kamahalan,” sagot ng reyna. “Hayaan mong ako na ang bahala upang maayos ang magiging daloy ng seleksyon.” “Bakit nga ba desidido kayong alamin ang nasa likod ng insidenteng ito?” “Dahil isinagip ng babaeng iyon ang aking buhay,” sagot ng prinsipe. Naiangat ko ang aking paningin nang marinig iyon. “Bilang isang lalaki, may paninindigan ako na hindi ako magkakaroon ng utang na loob lalo na sa isang babae. Isasauli ko lamang ang pabor.” Bumusangot ako nang marinig iyon at nagdasal na sana’y pagkukunwari lamang iyon ni Prinsipe Isaiah. Nakakasuka ang pagiging seksist ng hari at gusto kong tuhugin ang kaniyang utak. Bakit nga ba ang taas ng tingin niya sa mga lalaki at ganito kababa ang paningin niya sa amin? “Lalaki ka bang tunay at kailangan mo pa ng isang babaeng alipin upang sagipin ka?” panunuya ng hari. Napuno ng malalakas na halakhak ang napakalawak na bulwagan. “Kung gayon, bibigyan kita ng awtoridad sa isang kondisyon.” “Ano po iyon, ama?” “Papuntahin mo ang dayuhan mong pinsan sa aking kwarto mamayang gabi,” sabi ng hari. Nagulat pa ako at naiangat ang aking tingin. Napatingin din sa akin ang mag-ina. “Kailangan ko ng pampatulog at matagal nang hindi maayos ang aking mga gabi.” “Hindi ka ba makakapaghintay na matapos ang seleksyon, ama?” sabi ng prinsipe. Naiyukom ko ang aking kamao at pinigilan kong sumabog. “Ilang araw na lamang ang natitira at magkakaroon ka na ng bagong reyna.” “Kailangan ko ng pampagana bago kainin ang pangunahing putahe,” sagot ng hari at muling humalakhak. Sa sandaling iyon ay gusto kong masuka at pumatay ng isang hari. “Gusto ko ring makilala ang iyong pinsan. Wala namang masama ‘di ba, aking reyna?” Tila bato ang reyna at walang kahit ni isang emosyon ang makikita sa kaniyang mukha. Tikom ang kaniyang bibig at nag-aalinlangang sumagot. Alam niyang wala nang ibang paraan kundi sundin ang gusto ng hari. “Ngunit kamaha—“ “Masusunod po, mahal na hari,” sabi ko at yumuko sa kaniya. Napalingon sa akin ang mag-ina at batid kong hindi sang-ayon ang prinsipe. Ang importante naman dito’y nakuha namin ang awtoridad upang pamahalaan ang imbestigasyon tungkol sa paglason sa aking kapatid. “Madali naman pala kayong kausap,” sabi ng hari. “Maaari na kayong umalis.” Tandaan mo, mahal na hari. Babae rin ang papatay sa iyo. Yumuko kaming muli bago tumalikod at naglakad palabas ng bulwagan. Nanginginig ang aking katawan sa sobrang poot at galit at gusto ko iyong ilabas sa hari. Mukhang napansin iyon ni Prinsipe Isaiah kaya lumapit siya at nilagay ang kamay sa aking balikat. “Gusto mo ba ng alak?” tanong niya. Mahina akong napatawa dahil doon. “Malugod kong tatanggapin kung iyan ay libre mo, pinsan,” biro ko saka tumawa. Kumalma ako ng kaunti at itinulak ang prinsipe palayo sa akin. Bumusangot pa siya ngunit kalaunan ay napatawa na rin. “Kayo ba’y matalik na magkaibigan?” nagulat pa ako nang marinig ang boses ng reyna. Muntik ko nang makalimutan na andiyan pala siya at nakasunod lamang sa akin. Dumistansya ako sa prinsipe. “H-Hindi po, kamahalan,” kinakabahang sagot ko at umiwas ng tingin. Agad akong lumipat sa likuran ng reyna at nakasunod lamang sa kanila. Napatingin naman sa akin ang prinsipe at may pagtataka sa kaniyang mga mata. Tinaasan ko siya ng kilay at sinenyasan na mauna na siya at nakasunod lamang ako sa kanila. Nagkibit-balikat lamang siya at nag-usap na sila ng kaniyang ina. Pabalik na kami sa lugar kung saan itinipon ang mga kandidata at napangisi ako nang makitang maputla ang mukha ni Prinsesa Alona. Noong isang araw naganap ang insidente at balita ko’y hindi pa rin nagigising ang aking kapatid. Nag-aalala ako at baka madami ang kaniyang nakain ngunit hindi ako makakapunta roon hangga’t hindi ko kasama si Prinsipe Isaiah. Noong sinamahan ko siya sa Primero, binili niya ang isang keramika na kulay puti at medyo maliit. Nang ilagay ng isang alila sa kalesa ang kaniyang pinamili, nauna akong sumakay at palihim na inilagay ang lason sa loob ng keramika. Nakakasiguro akong hindi niya pa binubuksan iyon dahil balak niyang ibigay iyon sa kaniyang ina. Kung sakali mang nalaman niya at naitapon na, kailangan ko lamang ng kaunting distraksyon upang itanim muli sa kaniyang lugar ang aking mga mahal na lason. Prinsesa Alona. Ikaw ang una kong aasintahin. Maliban sa sarili kong galit sa kaniya, siya ang kandidatang nangunguna sa listahan ng magiging reyna. Kailangan kong sirain ang kaniyang reputasyon upang madiskwalipika at nasusuka rin ako kapag iniisip kong papakasalan niya ang kaniyang ama. Nasusuka rin ako kapag iniisip kong papakasalan ng aking kapatid ang matandang iyon ngunit wala akong magagawa kundi suportahan siya. Sana nga’y madadala ng kaniyang pagiging tuso ang mga kabalastugan ng hari. “Kami ang naatasang mag-imbestiga tungkol sa paglason sa inyong kapwa kandidata,” anunsyo ni Prinsipe Isaiah. Nagbulung-bulungan ang mga kandidata ngunit dinig na dinig ko naman ang kanilang usap-usapan. Maliban sa nagtataka sila kung bakit ang prinsipe ang mag-iimbestiga, ngayon lang nila nasilayan sa malapitan ang monarkong ngayon lamang umuwi sa palasyo. Ang ilan pa nga sa kanila’y namumula ang mga pisngi at hindi maiwasang hindi tumitig kay Prinsipe Isaiah. Gusto kong tumawa dahil mukha silang mga tanga at mga bulag. “Maaari ko bang malaman kung bakit kayo nadawit sa kasong ito, kamahalan?” tanong ni Tanashiri na isa rin sa mga nangangasiwa ng seleksyon. Naiirita talaga ako sa kaniyang manipis na kilay at gusto kong ahitan. “Inatasan lamang ako ng hari,” sagot ng prinsipe gamit ang maotoridad at malamig na boses kaya nangisay na naman ang kaniyang mga tagahanga. Hindi ba nila naiisip na kung sila’y makokoronahan ay magiging anak na nila ang prinsipe sa kanilang harapan? “Maaari namang kami ang mangasiwa sa imbestigasyon, mahal na prinsipe,” sabi ni Tanashiri. “Kung hindi pabaya ang iyong lupon, walang lason ang matatagpuan sa isa sa mga tsaang hinanda ninyo,” sagot ng prinsipe at hindi ko napigilang tumawa. Napalingon sila sa akin na nasa likod ng prinsipe kaya agad akong napatigil. “P-Patawad,” agad kong sabi saka yumuko. Bakit nga ba ako natatawa sa mga seryosong sitwasyon? Tunay nga sigurong maluwag na ang turnilyo sa aking utak. “Una naming iimbestigahan ang mga silid ng bawat kandidata,” sabi ng prinsipe. Tinignan ko ang prinsesa at siya’y sobrang tahimik. “Binigyan kami ng hari ng karapatang halughugin ang inyong mga gamit.” Wala nang kumontra sa anunsyo ng prinsipe kaya tumalikod na siya at sumunod naman ako sa kaniya. May pinag-usapan sila ni Reyna Mimosa bago naghiwalay ng landas. Sinenyasan naman ako ng prinsipe na tumabi sa kaniya. “Bakit ka ba nasa likuran ko na parang isang alipin?” tanong niya. Bumusangot ako. “Dahil isa naman talaga akong alipin, kamahalan.” “Pinsan kita,” pagdiin niya. Inirapan ko na lamang siya at binilisan ang aking lakad upang makasabay ko siya. Ilang minuto ang lumipas bago kami nakarating sa silid ng prinsesa. May ilang kawal pa ang nasa labas bago kami tuluyang nakapasok. Nakasunod naman ang prinsesa sa amin at ang kaniyang mga alalay. “Halughugin mo na ang lahat at wala kang makikita,” sabi ni Prinsesa Alona sa prinsipe. Hinayaan ng prinsipe na ang kaniyang mga kawal ang maghalughog. “Ang lakas ng loob mong isali ako sa imbestigasyon mo!” Hinanap naman ng aking mga mata ang puting keramika kung saan ko inilagay ang lason. Medyo kinabahan pa ako dahil hindi ko agad makita. Nang mahagilap ng aking mga mata ang aking hinahanap, pasimple akong lumapit habang ginagambala ng prinsipe ang nagagalit na prinsesa. Nasa mesa iyon at nasa loob pa ng isang karton at hindi pa nabubuksan. Pasimple akong lumapit at itinulak nang mahina ang keramika. Nahulog iyon sa sahig at nabasag. Napalingon ang lahat sa direksyon ng keramika at isang alila ang lumapit upang tignan ito. Narinig ko ang pagsinghap ng mga taong nasa loob nang makita ang mga nahulog na mga kulay pulang prutas na nasa loob ng keramika. Unti-unting nagbago ang mukha ng prinsesa, mula sa pagkunot ng noo’y biglang nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi makapaniwala sa kaniyang nakita. “A-Ano..” hindi-makapaniwalang sambit ng prinsesa. Tahimik ang lahat sa nasaksihan at tila’y nanigas sa kinatatayuan. “Ito ba ang rason kung bakit ayaw mong tignan ang iyong silid, Prinsesa Alona?” tanong ng prinsipe. Gulat na gulat pa rin ang prinsesa at patuloy na umiiling. “W-Wala akong alam diyan! Ni hindi ko nga alam iyan!” pagtanggi niya. Walang emosyon lamang akong nakatingin sa eksena ngunit sa kaloob-looban ay gusto ko nang humalakhak. “Bakit ganiyan ang reaksyon mo nang ito’y iyong nakita?” panghuhuli pa ng prinsipe. Namangha rin ako sa kaniyang kapani-paniwalang iskema na para bang wala siyang alam tungkol dito at nakahuli siya ng isang kriminal. “Kasi hindi ko alam iyan!” sigaw niya at napaatras pa. Natataranta siya at hindi malaman kung ano ang gagawin. Lihim naman akong nasisiyahan sa eksena. “Sa harap ka ng hari magpaliwanag,” sabi ng prinsipe at mahinahong hinawakan ang prinsesa. Hindi naman pumalag ang prinsesa at nagulantang pa rin sa nangyari. “Someone framed me!” patuloy niyang pagsisigaw ng wikang Ingles na hindi ko maintindihan. Mukhang nagmumura na ang prinsesa, nakakaawa naman. Lumabas na ang lahat sa silid at may isang kawal na nagkolekta sa mga lason at naglinis sa nabasag na keramika. Hindi na ako sumunod sa prinsipe at lumihis na ng daan. Nais kong bisitahin ang aking kapatid. Wala akong naramdaman na pagsisisi sa aking ginawa. Tunay akong nasiyahan nang makita ang naghi-histerikal na mukha ng prinsesa. Siguradong langit ang mararamdaman ko kapag ang hari na ang aking pinaslang. Hindi ko agad natunton ang pagamutan at nawala pa ako bago ko narating ang nais kong puntahan. Wala namang nagbabantay at abala yata sa imbestigasyon. Nagtataka ako sa mga kaganapan doon ngayon ngunit mas nag-aalala ako sa kalagayan ng aking kapatid. Nakonsensya ako at pinainom ko siya ng lason ngunit may dala naman akong panlunas na agad pinainom ni Prinsipe Isaiah noong dinala niya si Amihan sa pagamutan. Matapang din ang aking kapatid at hindi siya nagdalawang-isip na kainin ang lason at tunay ngang may tiwala siya sa akin. Nang buksan ko ang pinto, kumunot pa ang aking noo dahil magkalapit ang katawan ng aking kapatid at ng isang lalaking hindi ko kilala at nakatalikod mula sa akin. Agad akong napakapit sa aking punyal ngunit pinigilan ko iyon nang makita ako ni Amihan. “A-At—“ nanlaki ang kaniyang mga mata nang mapagtanto ang presensya ng lalaki sa gilid. “Carmelita?” Nakahinga ako ng maluwag nang marinig iyon at muntik pa nga siyang madulas. Nabaling ko ang aking atensyon sa lalaking nasa gilid at mataman siyang nakatingin sa akin. Nang mapagtanto ko kung sino ang lalaking iyon, nanlaki ang aking mga mata at agad na yumuko. “Paumanhin at hindi ko kayo agad na nakilala, mahal na prinsipe,” sabi ko at yumuko. Nabasa ko siya sa libro, siya ang tanging anak ng ikaanim na reyna, si Prinsipe Isagani. Ngayon ko lamang siya nakita at kinabahan pa ako. “Ikaw ba ang pinsan ni Isaiah?” tanong niya. Malamig ang kaniyang boses at malalim. Tumango ako. “Bakit mahusay kang magsalita ng wikang Filipino?” “Dahil isa rin naman akong Filipino, kamahalan,” sagot ko sa kaniya. “Tinuruan pa rin ako ng aking ina upang hindi kami maging dayuhan sa sarili naming bayan.” “¿Cómo se llama usted?” tanong niya sa aking pangalan. Nagulat pa ako at marunong siyang magsalita ng Espanyol. “Me llamo Carmelita Benitez, su Majestad,” pagpapakilala ko sa aking sarili at yumuko. Tumango naman siya. “Hindi ako mahusay magsalita ng wikang Espanyol at natuto lamang ako sa pagbabasa,” sabi niya. Tumango ako dahil ako rin naman ay nagpapanggap na mahusay sa wika. “Ano nga ba ang ginagawa mo rito?” Ikaw ang gusto kong tanungin niyan, mahal na prinsipe. Bakit ka nandito sa silid ng aking kapatid at bakit magkalapit ang inyong mga mukha? “Inutusan lamang ako ng reyna na tignan ang kalagayan ng kandidata, kamahalan,” pagsisinungaling ko. Magmula noong nandito ako sa palasyo, naging mahusay ako sa pagsisinungaling. “Maaari ko rin bang malaman ang pakay mo rito sa silid, prinsipe? Baka mamaya’y may naputol pa pala ako.” “Paalis na rin ako at may libro lamang akong binasa,” sabi niya at tumingin sa aking kapatid. Napataas ang aking kilay nang biglang namula si Amihan. Aba’y tangina? Hindi na lumingon pabalik ang prinsipe at diretsong lumabas ng pagamutan. Agad akong napalingon sa aking kapatid at tinaasan siya ng kilay. “Maaari ka bang magkwento sa naganap ngayon lang?” “Hindi rin ako makapaniwala,” sabi niya at namumula pa rin. Diyos ko naman! “Ngunit nakita niya ang ginawa ko sa lason, Hiraya.” Nagulat ako sa kaniyang sinabi at napamura pa. Bakit sa lahat ng pwedeng makasaksi, ang prinsipe pa? “Paanong nangyari iyan?” “Hindi ko rin alam,” sagot ni Amihan. “Hindi ko siya mabasa, hindi niya rin naman ako pinagbantaan.” “Obserbahan muna natin at sabihin mo sa akin ang bawat galaw niya,” sabi ko. Tumango naman siya. “Masama pa rin ba ang pakiramdam mo? Mahaba ang iyong tulog.” “Medyo masakit ang aking kalamnan, siguro ako’y nagugutom,” sagot niya. Nainis naman ako at hindi ako nakadala ng pagkain. “Maayos ba ang takbo ng iyong naging plano? Umayon ba sa gusto mo?” “Nililitis na ngayon ang prinsesa,” balita ko sa kaniya. Sumilay naman sa kaniyang maputlang labi ang isang ngisi. “Ngunit may isa akong problema.” “Ano iyon, ate?” “Kapalit ng paglilitis ay pagsisilbihan ko ang hari ngayong gabi.” Napasinghap naman si Amihan nang marinig iyon. Napanguso naman ako at biglang naghanap ang aking katawan sa init ng alak. Hindi ako ganoon katuso at hindi ko alam kung hanggang saan ang aking pagpapanggap. “Alam mo ba kung ano ang ginagawa ko kaya hindi ako maipagbili ni ina?” sabi niya sa akin. Bigla naman akong naging interesado at determinadong nakinig. “Ano?” May inilabas siyang isang maliit na bagay mula sa kaniyang panloob at napasinghap pa ako nang malaman kung ano iyon. Muntik pa akong masuka mabuti na lamang at napigilan ko. Paniguradong kailangan ko nga ng alak. “Nasisiraan ka ba ng bait, Amihan?!” singhal ko sa kaniya nang iwagayway niya ang pribadong parte ng isang lalaki. Malakas naman siyang tumawa nang makita ang aking reaksyon. “Hermaphrodism,” sabi niya at hindi ko iyon naintindihan. “Isang tao na may dalawang pribadong organ, panglalaki at pangbabae.” “Hindi ko maintindihan, Amihan.” “Idinidikit ko ang bagay na ito sa aking ari sa tuwing may balak ang taong molestiyahin ako,” sabi niya at pinahawak sa akin ang malapot na bagay na hugis ari. “Nagpapanggap akong may kondisyon na hermaphrodism. Maliban sa pagkadisgustong nararamdaman nila para sa akin sa tuwing nalalaman nila ito, nahihiya rin sila para sa kanilang mga sarili at napapatanong kung bakit nga ba sila naakit sa akin.” Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon sa sinabi niya. Kaya pala sa tuwing may nagkakainteresado sa kaniya’y hindi na muling nagpapakita at nagtatago mula sa aking kapatid! Paano nga ba niya ito naisip? “Ito ba ang peklat na tinutukoy mo?” gulat na tanong ko. Mahina siyang tumawa at tumango. “Aba’y alam kong matalino ka, pero hindi ko alam na isa kang baliw.” “Sira,” mahinhing sagot niya. Itinago na niya ang bagay na nakakasama sa sikmura at hindi pa rin siya tumigil sa pagtawa. “Inalam ko rin ang kanilang mga kahinaan at pinagbantaan ko sila upang tuluyan nang lumayo. Hindi nila masabi ang aking kondisyon sa iba dahil walang naniniwala sa kanila.” Napaisip na lamang ako at namangha sa kaniyang pamamaraan. Saan nga ba niya nakuha ang ideyang ito? Walang normal na tao ang magkakabit ng ibang ari sa kanilang pribadong parte ngunit hindi naman maipagkakailang matalino ang galaw na iyon. Bigla akong napasinghap nang makaisip ng isang ideya upang harapin ang hari ngayong gabii. Kumunot naman ang noo ni Amihan nang sumilay sa aking labi ang isang tusong ngiti. “Maaari ko bang hiramin?”   Pagtatapos ng Kabanata  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD