KABANATA 21 - BINGIT

2991 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata Hindi pa rin natatapos ang paglilitis nang iwan ko si Amihan sa pagamutan dahil sabi niya’y kailangan kong masaksihan ang mga naganap at baka ako’y nabuking na bilang salarin sa paglason. Hindi naman dapat siya nag-aalala sapagkat bata palang ay magnanakaw na ako ngunit may punto rin naman siya. Nasa aking bulsa ang bagay na ibinigay sa akin ni Amihan at kahit hindi ko hinahawakan ay ramdam ko pa rin ang tekstura nito sa aking manipis na bulsa. Tinanong ko siya kung saan niya iyon nakuha at sagot niya’y gawa niya lamang iyon gamit ang banlik. Narito ako sa labas ng bulwagan kung saan ang prinsesa’y nakaluhod sa harap ng hari. Rinig ko’y mag-iisang oras na siyang nakaluhod at hindi dininig ng hari ang kaniyang mga hinaing. Masyadong matirik ang araw at direktang nasa sahig ang kaniyang mga tuhod. “Pinagbintangan lamang ako, mahal na hari!” patuloy na pagsigaw niya. Paos na ang kaniyang boses at halos nawawalan na siya ng tinig. “Hindi dapat ako diskwalipikado dahil hindi sapat ang ebidensya! Itinanim iyon sa aking keramika!” Nagulat naman ako sa aking narinig. Hindi ko inasahang agad siyang tatanggalin bilang isang kandidata at akala ko’y dadaan pa siya sa isang pormal na paglilitis. Mukhang wala ring balak ang hari na pakinggan ang kaniyang hinaing kahit anak niya ang naghihirap sa kaniyang harapan. Nakatingin lamang ang mga tao sa kaniya at walang magawa kundi ang makisimpatya sa nakakaawang prinsesa. Kilala ang prinsesa sa pagiging arogante kaya hindi lubusang maisip ng mga tao na magagawa niyang lumuhod sa kasalanang hindi niya naman tunay na ginawa. Tumalikod na ang hari at sinarado pa ang pinto ng bulwagan. Napailing na lamang ang ilan at iniwan na rin ang naghihinagpis na monarko. Ang tanging naiwan ay ang kaniyang mga alalay na nasa kaniyang likuran at nakatayo lamang upang bantayan ang kanilang amo. Hinanap ko si Prinsipe Isaiah ngunit hindi siya mahagilap ng aking mga mata. Aalis na rin sana ako nang may pumatak na tubig sa aking balikat hanggang sa dumami iyon at agad na lumakas ang ulan. Napalingon ako sa aking likuran at nagsitakbuhan ang kaniyang mga alila upang magpasilong. Hindi man lang gumalaw si Prinsesa Alona sa kaniyang pwesto at nanatiling nakaluhod. Wala akong dalang bandana kaya kumuha muna ako ng payong saka binalikan ang monarko. “Tumayo ka na diyan,” hinihingal na sabi ko nang makarating ako sa puwesto niya. Lalong lumakas ang ulan ngunit hindi nagpatinag ang prinsesa na para bang mas malakas siya kaysa sa delubyo. “Umalis ka na,” malamig niyang sabi. Hindi man lang siya lumingon sa kung sino man ang nagpayong sa kaniya. “Magkakasakit ka niyan, mahal na prinsesa.” “Mas mabuti,” pagmamatigas niya. Napairap na lamang ako. “Kahit anong gawin mo, hinding hindi lilingon ang hari sa direksyon mo,” pang-iinsulto ko sa kaniya. Epektibo naman iyon at napatayo siya saka dinuro-duro ako. “Sino ka naman upang sabihin iyan sa isang monarko?” puno ng galit na tanong niya. Basa ang kaniyang mukha at tumatalsik pa sa akin ang kaniyang laway sa sobrang lapit ng mukha niya. “Isa ka lang namang hamak na dayuhan! Wala kang alam!” “Isa akong babae kagaya mo, kamahalan,” sagot ko. Iniharang ko ang aking palad sa aking mukha upang hindi mabasa at mabura ang pulbo. “Nangangarap din ng kalalagyan dito sa lipunan. Gusto ring magkaroon ng sariling pangalan sa mundong puno ng panghuhusga.” Natahimik siya sa aking sinabi at mukhang naiyak pa nga sa ilalim ng aking payong. Maliban sa hindi ako marunong dumamay, wala rin akong karapatang aluin siya sapagkat ako naman ang nagtanim sa kaniyang keramika. Hindi na siya umimik kaya maingat kong hinawakan ang kaniyang balikat saka inilapit siya sa akin. Mabuti naman at hindi na siya nanlaban at sumabay na lamang sa aking paglalakad. Hindi pa rin humihina ang ulan kaya nagdahan-dahan lamang kami sa paglalakad. Hinatid ko na lamang siya sa kaniyang silid at nang makarating kami doon, naghihintay sa kaniya ang mga alalay na nag-iwan sa kaniya. Masama ang tingin ng prinsesa sa kanila kaya napaiwas sila at nanginig pa sa takot. Pinaalis ko sila at naiwan kami ng prinsesa sa loob. “Paumanhin sa aking kalapastangan, prinsesa,” sabi ko at yumuko. Inabot ko sa kaniya ang pamunas na hawak ng isang alila kanina. “Ngunit ako’y nag-aalala lamang at hindi kita maiwan doon mag-isa. Alam kong hindi kanais-nais ang aking mga sinabi sa iyo.” “Wala ka namang sinabing kasinungalingan,” sagot niya saka pinunasan ang sarili. Akala ko’y maghahanap siya ng isang katulong upang punasan siya ngunit mukhang hindi na niya kailangan ng tulong. “Hinding-hindi lilingon sa direksyon ko ang aking ama.” Natamaan ba ‘to ng kidlat at biglang lumamig ang ulo? Inaasahan ko pa namang ipapadakip niya ako sa kaniyang mga kawal dahil sa aking mga naging salita. Akala ko’y mananakit siya hanggang sa mawala ang kaniyang pagkasiphayo. “Ngunit hahayaan mo na lamang bang matanggal ka bilang isang kandidata, mahal na prinsesa?” pag-uusisa ko. Natututo akong mamangka sa dalawang ilog dito sa palasyo, kadalasan nga sa mga tao dito’y dalawang bangka ang sinasagwan. “Ayaw ko naman talagang maging isang reyna,” sagot niya at mahinang tumawa. Tumalikod siya saka hinubad ang basing kasuotan. Umiwas naman ako ng tingin at yumuko na lamang. Nagulat naman ako sa sinabi niya. Bakit determinado siya kung ganoon naman pala? Ibang klase ang mga tao rito, tunay ngang mas priyoridad ang mga ambisyon kaysa sa sariling kagustuhan. “Una sa lahat, kadugo ko ang hari,” sabi niya. Humarap na siya sa akin matapos itali ang balabal sa bewang. Inangat ko na ang aking tingin ngunit hindi pa rin direktang nakatingin sa kaniya. “Pangalawa, ako’y isang menor de edad at panghuli, ayaw ko magkaroon ng responsibilidad.” Kahit ilang taon ang agwat namin ay kaswal pa rin siyang magsalita. Wala namang kaso sa akin ang paraan ng kaniyang pananalita ngunit kapag hindi ko magugustuhan ang tabas ng kaniyang dila’y wala akong magagawa kundi ang putulin ito. “Kung ganoon, bakit ka nandoon at desperadong nakaluhod sa harap ng maraming tao?” tanong ko sa kaniya. “Dahil kapag hindi ako magiging reyna, saan ako ilalagay?” tanong niya pabalik. Parang naiiyak na naman siya at umiwas siya ng tingin. “Ako lamang ang natatanging prinsesa sa kahariang ito. Ako ang nag-iisang pusa sa mga namumunong lobo. Tiyak na naghihintay lamang silang lamunin ako ng buhay na parang isang uod sa dulo ng bingwit.” Hindi ko rin kakayanin kung ako ang nasa posisyon ng prinsesa ngunit kumukulo pa rin ang dugo ko sa kaniya. Wala siyang pinagkaiba sa kanila, isa rin siyang sakim. Hindi ko makakalimutan ang kurba ng kaniyang labi nang makitang pinapahirapan sa kaniyang harapan ang mga babaeng dapat ay kaniyang pinoprotektahan. “Bakit ka ba takot sa mga taong kagaya mo?” taas-kilay kong tanong sa kaniya. Napalingon siya sa akin pagkatapos niyang magbihis at nagulat sa aking mga naging salita. “Anong sabi mo?” “Isa ka ring sakim, ang tanging iniisip mo ay ang sarili mo,” walang kagatol-gatol na dugtong ko. Pumula ang kaniyang mga tainga. “Sino ka ba upang pagsabihan ako ng ganiyan?!” sigaw niya saka lumapit sa akin upang sampalin ako ngunit hinawakan ko ang kamay niya upang pigilan siya. Hindi ko iyon binitawan at inikot nang kaunti at diniinan ko pa. “Isa lamang akong hamak na alipin mo, kamahalan,” nakangising sagot ko. Napapadaing siya sa hawak ko sa kaniyang kamay. “Nawa’y magdusa ka habangbuhay at ako naman ang tatawa sa iyo habang pinaglalaruan ang iyong katawan sa harap ng maraming tao.” Binitawan ko na ang kaniyang kamay at napaupo siya sa sahig habang nakahawak sa kamay na pinilipit ko. Sigaw siya nang sigaw habang umiiyak ngunit walang kahit sino ang pumasok sa kaniyang kwarto upang tulungan siya. Malakas din kasi ang ulan at hindi kami naririnig sa loob. “B-Bakit mo ba ginagawa ‘to?” naguguluhang tanong niya. Umiiyak pa rin siya sa sakit at nanginginig dahil sa lamig at takot. “Alam kong hindi ka isang tunay na banyaga. Anong kailangan mo sa akin? Ikaw ba ang nagtanim ng lason sa aking silid?!” “Ikaw ang lason, kamahalan,” puno ng galit na sagot ko sa kaniya. “Isa kang babae ngunit minamaliit mo ang iyong mga kapwa babae. Minamaltrato mo na parang mga pusang ligaw at hinihila pababa. Inaasahan pa naman ng mga kababayan mo na maiintindihan mo sila bilang isang babae ngunit tuluyan ka nang nilason ng bulok na pamamahay mo.” Tinalikuran ko na siya at padabog na isinara ang pinto ng kaniyang silid matapos makalabas. Malakas pa rin ang ulan at walang kahit sino ang nasa labas. Wala na rin ang payong na ginamit ko kanina at malamang ay ginamit na iyon ng isang alila kanina. Agad kong sinampal ang aking sarili nang makalabas sa kaniyang silid. Umiral na naman ang aking katangahan at hinayaan ang sariling sumabog sa galit. Hindi ko alam kung paano harapin ang kahihinatnan ng aking ikinilos. Wala sa sarili akong tumapak pababa ng hagdan at hinayaan ang bawat patak ng ulan na dumapo sa aking balat. Agad akong nabasa ngunit nagpatuloy lamang ako sa paglalakad kahit masakit sa balat ang malalalaking patak. Alam kong walang mali sa sinabi ko ngunit sana’y itinago ko na lamang iyon sa aking sarili at nag-isip muna. Wala akong pakialam kung nasaktan man siya dahil gusto ko naman siyang wasakin ngunit ang aking kilos ay makakaapekto sa prinsipe at sa aking kapatid. Nakababa na ako at medyo malayo na ang aking natahak mula sa silid ng prinsesa nang biglang tumigil ang ulan sa aking banda. Nang tumalikod ako, nagulat ako nang makitang nakatayo si Prinsipe Isaiah at pinayungan niya ako. “Ano na naman ba ang pumasok sa kokote mo?” malakas na tanong niya sa akin. Nanatili lamang akong tahimik at baka may masamang bagay na naman na lumabas sa aking bibig. Ramdam ko ang gulat sa prinsipe dahil wala akong isinagot na mapang-asar o mapang-insulto. Tahimik lamang akong naglakad at sumunod naman siya. Umurong tuloy ang luha sa aking mga mata dahil sa isang sagabal. Walang umimik sa amin hanggang sa makarating sa kaniyang lugar. Mabuti na lamang at wala ang kaniyang mga bantay kaya nakahinga ako nang maluwag. Alam ko kasing natanggal na ang pulbo sa aking mukha at ngayon ko lamang napagtanto iyon. “Handa na ang iyong silid. Ihahatid kita doon pagkatapos mong magbihis,” sabi niya sa akin. Hindi pa rin ako makasagot at dahan-dahan lamang tumango saka tumalikod at hinubad ang basang suot. “Doon ka sa palikuran magbihis!” wika ng prinsipe ngunit hindi ko na siya pinakinggan. Kumuha na lamang ako ng tuyong baro at saya saka dali-daling isinuot habang nakatalikod sa kaniya. “Nakita mo na akong nakahubad, kamahalan,” walang-ganang sagot ko at humarap matapos magbihis. Inilagay ko sa kaing ang basang damit saka sumalampak at inayos ang aking mga gamit upang lumipat ng kwarto. “K-Kahit na,” namumulang sagot niya at umiwas ng tingin. Hindi ko na siya pinansin at nagpatuloy sa ginagawa. “Ano nga ba ang nangyari at parang sinapian ka ng tahimik na kaluluwa?” Hindi pa rin ako makaimik at nanatiling bato ang aking mukha. Kinuha ko ang pulbo saka tinakpan ang peklat sa aking mga mata. “Binigyan ako ni Nanay Agua ng pumada, ilagay mo sa iyong balat bago ka magpulbo upang hindi agad matanggal,” sabi ng prinsipe at itinapon sa akin ang isang maliit na lalagyan. Sinalo ko naman iyon at agad na binuksan. “Ikinagagalak ko ang matanggap ito mula sa iyo, mahal na prinsipe,” mahinang sagot ko at inilagay sa peklat sa harap ng salamin. “Nag-aalala ka ba sa maaaring mangyari ngayong gabi?” tanong niya. Mukhang kanina pa siya nagpipigil na usisain ako. “Maaari namang hindi ka pumunta, Hiraya.” “Iyon ang napagkasunduan at isa lamang akong hamak na alipin upang lumabag,” seryosong sagot ko saka isinara na ang pumada. Mabigat siya sa balat ngunit natural na tignan sa aking mukha. “Mapapahamak ang lahat kapag ako’y hindi tumupad sa usapan, Prinsipe Isaiah.” “May ibang paraan nama—“ “Gusto mo bang paslangin ko na ang hari, mahal na prinsipe?” seryosong tanong ko sa kaniya. Nagulat siya sa aking tanong at napatingin sa patalim na inilabas ko. Kumuha ako ng basahan at nilinisan iyon. “Wala sa usapan iyan,” walang kangiti-ngiting sabi niya. Ngumiti ako sa kaniya. “Hindi ka naman mapaparusahan, Prinsipe Isaiah. Ako lamang ang paparusahan at bibitayin ng pamahalaan mo kung iyan ang iyong inaalala,” mapaglarong sabi ko at binitawan na ang patalim. “Hindi magtatapos ang sistemang ito sa ganiyang paraan at alam mo iyan,” sagot niya. Magdikit ang kaniyang kilay at hindi sang-ayon sa aking sinabi. “Akala mo ba’y ang hari na ang pinakasakim sa lupaing ito? Hindi mo pa nakikilala ang pitong senador.” “Mga senador?” “Kumikilos ang Senado sa mga panukalang batas, resolusyon, mosyon, nominasyon, at kasunduan sa pamamagitan ng pagboto,” sagot ng prinsipe. Nakakatawa, mamamayan ako ng bayang ito ngunit hindi ko alam kung sino ang mga namumuno maliban sa hari. “Ang hari ang nagbibigay ng pahintulot sa mga suhestiyon ng Senado.” “Alam ko iyan,” masungit na sagot ko at umirap. “Isa sa kanila ang may pasimuno sa pagkakatayo ng Plaza de Primero,” sabi niya. Napatingin naman ako sa kaniya at biglang naging interesado. “Sino?” “Fernandez Homobono,” sagot niya sa aking katanungan. “Dati siyang manlalakbay ngunit itinigil niya nang lumubog ang isa sa kaniyang mga barko at dito na lamang naghanap ng libangan. Nabuo ang plaza isang taon matapos ang insidenteng iyon.” “Ganoon ba ang ginagawa nila sa mga babaeng nasa kanilang barko?” nagpipigil ng galit na tanong ko. Hindi naman nakaimik ang prinsipe at dahan-dahan lamang tumango. “Kaya kahit isakripisyo mo ang iyong buhay, hindi mo maisasagip ang lahat,” sabi niya sa akin. Napatingin naman ako sa kaniya at nagkatitigan kami. “Kung ganoon, may maimumungkahi ka ba sa nararapat kong gawin ngayong gabi?” “Maaari mong maiwasan ang hari ngayong gabi ngunit hindi ka na mabibigyan ng pagkakataon sa susunod na araw.” “Kung ganoon, ang tanging hinihiling ko ay ang iyong gabay at tiwala sa aking gagawin,” sagot ko. Napataas ang kaniyang kanang kilay. “Mapagkakatiwalaan mo ba ako, mahal na prinsipe?” Ilang segundo rin siyang natahimik at sa puntong iyon ay alam kong hindi pa niya ako pinagkakatiwalaan. Wala namang kaso sa akin iyon dahil bilang isang babaeng nangangarap, kailangan kong patunayan na karapat-dapat akong maging miyembro ng Motus Femina. “May tiwala ako sa iyong angking kakayahan ngunit hindi silid-aklatan ang papasukin mo, Hiraya,” sabi niya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. “Hindi ka lamang magnanakaw ng libro para sa iyong kapatid. Ang silid ng mahal na hari ang pinag-uusapan natin.” “Naiintindihan ko, kamahalan,” mahinahong sagot ko at nakahinga nang maluwag. Hindi na siya nagtanong sa aking balak at hindi ko alam kung bakit uminit ang aking pisngi sa tiwalang binigay niya sa akin. “Ihahatid na kita sa iyong kwarto,” sabi niya at tumayo nang makitang tapos na ako sa pag-iimpake. “Hindi na iyan kailanga—“ “Hindi kita tutulungan sa iyong mga gamit kung iyan ang iyong inaalala,” sabi niya at tumawa. Umirap naman ako saka binitbit ang aking mga gamit na nasa kaing. Ang aking silid ay hindi naman masyadong malayo. Apat na kwarto ang pagitan mula sa silid ng prinsipe. Isang alipin ang nagbukas ng pinto at nang makapasok ako doon, napanganga pa ako. May isang mesa sa gitna kung saan tinatanggap ang mga bisita at isang higaan sa gilid. Kalahati lamang ito sa kwarto ng prinsipe ngunit tiyak na mas malaki pa ito kaysa sa bahay namin sa Tercero. “Dati itong bodega,” sabi ng prinsipe. Tinulungan ako ng mga alipin na bitbitin ang aking mga gamit. Aayusin sana nila ngunit hindi ko na sila pinahintulutang hawakan ang mga ito. “Nagpapasalamat ako sa kabaitan mong walang hanggan, kamahalan,” sabi ko at yumuko. Nagulat naman ako nang bigla siyang tumawa. “Hindi ko alam kung bakit naiinis ako kapag hindi mo ako tinatarayan at naiinis din kapag nagsusungit ka,” sabi niya na ikinakunot ng noo ko. “Nakakatawa ang iyong pagkatao.” “Siraulo,” sabi ko sa kaniya at malakas naman siyang napatawa. Nagkatinginan pa ang mga alipin at mukhang nangilabot pa sa aking kalapastangan. Pinaalis na ang mga alipin at kalaunan ay lumabas na rin ang prinsipe. Sinuri ko muna ang aking silid at biglang nalungkot nang maalala ko ang munting silid sa loob ng aming bahay kubo. Sana’y inaalagaan ang nag-iisa kong ina at hindi sana siya makadama ng lungkot sa pagkawala ng aming presensya. Sa totoo lang ay kinakabahan ako at baka ito na ang huling gabi ng aking pagkabuhay. Hindi kung sinu-sinong lalaki lamang ang aking lilinlangin, ang kikitain ko mamayang gabi ay ang diktador na hari. Ilang minuto ang lumipas nang biglang bumukas ang silid ng aking kwarto at magagalit na sana ako ngunit napaurong ang aking dila. Nakatayo sa aking harapan ang prinsipe na mukhang galing sa pagtakbo at hinihingal pa. “May nalimutan ka ba, kamahalan?” tanong ko. Kinabahan ako nang makitang may halong galit ang kaniyang pagtingin sa akin. “Anong ginawa mo, Hiraya?” seryosong tanong niya. Kumunot ang aking noo. “Anong ibig mong sabihi—“ “Hubo’t hubag na pumasok si Prinsesa Alona sa kwarto ng hari,” sabi niya. Napasinghap ako nang marinig iyon. “Mukhang naisagip ka na sa bingit ng kamatayan.”   Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD