KABANATA 22 - KATORSE

3105 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Bakit parang kasalanan ko ang naging kilos ng prinsesa, Prinsipe Isaiah?" Nakataas ang aking kilay at naka-krus ang braso habang nakaangat ang tingin sa prinsipeng nasa may pintuan. Walang kangiti-ngiti siyang nakatingin sa akin at nakakunot pa ang noo.  Hindi ako mapakali dahil ako ang huling nakasalamuha ng prinsesa at hindi maganda ang naging takbo ng usapan. Maaaring may kinalaman ang napag-usapan namin sa ikinilos niya ngayon. "Ano ang pinag-usapan niyo ng prinsesa?" seryosong tanong niya. Mukhang hindi ko siya mabibiro ngayon. "Sinabihan ko lamang siyang tatagan ang kaniyang loob at lilipas din ang pighati," sagot ko at umiwas ng tingin. Napaangat ang kanang kilay niya at tila'y hindi nakumbinsi sa aking salita. "Kahit ang isang kalabaw ay hindi malilinlang ng iyong mga salita," sagot niya. Pinigilan ko naman ang sumimangot at umirap sa prinsipe. "Dahil hindi naman talaga ako nanlilinlang, kamahalan." Tumahimik siya nang ilang segundo ngunit hindi pa rin inaalis ang seryosong tingin sa akin. Para bang ako'y inaakusahan sa krimeng hindi ko alam kung ako ba talaga ang suspek o hindi. "Kailan ka pa natutong umalo sa isang naghihinagpis?" tanong niya. Hindi ko na talaga napigilan ang pagsimangot.  "Hindi mo ako kilal--" "Bibigyan kita ng limang segundo upang magsabi ng katotohanan," sabi niya at pinakawalan ang isang nagbabantang ngiti. "Kapag hindi ka kikibo'y may mangyayaring masama sa iyong kapati--" "Sinabihan kong siya'y isang lason at dadating din ang panahong paglalaruan ang kaniyang katawan sa harap ng maraming tao dahil sa kaniyang ugali," agad na sagot ko. Lumunok muna ako saka nagpatuloy. "Sinabi ko ring isa siyang babae at hindi ko maintindihan kung bakit hinihila niya ang kapawa babae niya pababa." Kinabahan ako dahil wala akong narinig ni isang salita mula sa kaniya. Ilang minuto na ang lumipas at nakatayo lamang siya sa may pintuan at tila'y napaisip sa aking sinabi. Hindi na humina ang t***k ng aking puso at bumibilis pa sa paglipas ng bawat segundo. Ilang saglit pa'y bigla na lamang siyang ngumisi at nang tumagal ay hindi na napigilan ang isang malakas na halakhak. Hindi ko alam ngunit mas kinabahan ako sa naging kilos niya at baka siya'y nasisiraan na ng bait. "Saan nga ba nangagaling ang lakas ng iyong loob upang magbitaw ng ganiyang mga salita sa isang monarko?" tanong niya matapos humalakhak. Tatawa rin sana ako ngunit biglang sumeryoso ang kaniyang mukha kaya naitikom kong muli ang aking bibig. "Mukhang hindi na kita kailangang takutin na sasaktan ko ang iyong kapatid dahil ikaw mismo ang magpapahamak sa kaniya," walang emosyong dugtong niya. Pinigilan ko ang sumimangot. "Sa pagkakaalam ko kasi'y walang mali sa binigkas ko," pagmamatigas ko. Napahinga na lamang siya nang malalim saka umayos na ng tayo. "Huwag kang lumabas sa iyong silid ngayong gabi," sabi niya. Wala akong naging reaksyon. "Isa itong utos, Hiraya. Hindi naman siguro kita kailangang pagbantaan, hindi ba?" "Masusunod, mahal na prinsipe," sabi ko at nagbigay-galang. Hindi na siya kumibo at umalis. Napairap pa ako nang hindi man lang niya sinara ang pinto. Napatingin ako sa laruan na ibinigay sa akin ni Amihan. Nandidiri pa rin ako sa hitsura nito ngunit iniisip ko kung paano ko ito magagamit. Hindi ko pa rin mawari ang paggamit ng aking kapatid dito ngunit  Ano man ang balak ng prinsesa'y alam kong may pananagutan ako. Maliban sa mga masasakit na katagang aking binitawan, ako rin dapat ang naroroon sa silid ng hari ngayong gabi. Patawad, mahal na prinsipe. Hindi maaaring tumunganga lamang ako. Kumuha ako ng isang itim na kapote at agad na isinuot. Ibinulsa ko ang banlik at isang maliit na punyal lamang ang aking dadalhin. Maigi kong tinakpan ang peklat sa aking mata bago nagsuot ng maskara upang takpan ang aking bibig.  Inisip kong mag-iwan ng mensahe dahil baka ano pa ang mangyari sa akin at walang makakaalam kung nasaan ako ngunit baka ibang tao ang makakakita. Hindi ko pa naman nakakasalamuha ang ibon ni Prinsipe Isaiah na siyang tagadala ng mensahe.  Hindi na ako nag-abala at isinara na lamang ang pintuan ng bagong kwarto saka umalis. Tumila na ang ulan at masyadong maputik kaya naisipan kong magsuot ng bota ngunit sa bigat nito'y babagal lamang ang aking kilos. Walang masyadong tao sa labas dahil nagdidilim na rin ang langit at ang lahat ay nasa kaniya-kaniyang silid. Kinabisado ko ang mapa at pinag-aralan ang ruta papunta sa silid ng hari. Ilang minuto ang aking tinahak bago ko narating ang lungga ng hari. Nagtago ako sa isang sulok, sa silangan ng pasukan kung saan kitang-kita ko ang nagkukumpulang mga kawal. Mukhang may inasikaso sila at kalaunan ay umayos na rin ng puwesto.  Napalunok ako nang bilangin ko sila. Nasa limampung kawal ang nasa harapan at tig-sampu sa gilid. Patatsulok ang kanilang hanay at ang nasa pinakadulo ng hagdan ay paniguradong ang komander ng lupon. Lahat sila'y nakasuot ng baluti at walang isang kawal ang hindi armado.  Paano nga ba ako makakapasok nang hindi nahuhuli?  Ilang minuto rin akong naghintay sa sulok na iyon hanggang sa dumilim na nang tuluyan ang kalangitan. Sinindihan na nila ang mga tanglaw at nanatiling nakatayo sa kanilang mga puwesto. Naiinip na ako at nagpipigil pa ng antok upang magmasid.  Ilang saglit pa'y may isang kawal ang lumihis at nagpaalam. Nagising agad ang aking diwa at mabilis na sumunod sa kaniya. Sinalubong ko siya sa isang kanto at tahimik na lumitaw sa harap niya.  "Sino ka?" tanong niya sa akin. Nanatiling nakababa ang aking tingin at dahan-dahang inilabas ang aking punyal. "Maaari bang hiramin ang iyong kasuotan?" tanong ko. Bago pa siya makasagot ay mabilis kong sinaksak ang kaniyang leeg at tinakpan ang kaniyang bibig.  Napatingin siya sa aking mga mata habang pilit na sumigaw ngunit kalaunan ay namahinga na rin siya. Mabilis kong hinubad ang suot niyang damit at baluti saka agad na isinuot. Hinila ko ang kaniyang katawan at itinago sa likod ng isang imprastraktura saka inayos ang aking porma.  Ngayon lamang ako nakasuot ng baluti at hindi ko inaasahang ganito pala ito kabigat. Mabuti na lamang at may kapayatan din ang may-ari nito at kumasya sa akin ang kaniyang kasuotan.  Bago bumalik sa hanay ng mga kawal ay pumunta muna ako sa isang bahagi ng palasyo at hinanda ang aking bomba. Inilagay ko ito sa isang paso na may halamang namumulaklak at dalawang kilometro ang layo nito mula sa lugar ng hari. Isa itong maliit na bombang hindi nakakamatay ngunit nakakabingi ang ingay ng pagsabog.  Inalala ko ang puwesto ng kawal na binawian ko ng buhay at agad na nagtungo roon. Walang lumingon sa aking direksyon at walang kahit ni isang nakaramdaman na ibang tao na ang nasa kanilang grupo. Natatabunan din kasi ang kanilang mga mukha kaya madali sa akin ang magpanggap.  Naghintay lamang akong sumabog ang bomba at sa pagkakaalam ko'y limang minuto ang lilipas bago iyon sasabog pag tinanggalan na ng takip. Para sa kanila, isang normal na gabi lamang iyon ngunit para sa akin, nagsisimula na ako ng giyera.  Isang malakas na pagsabog ang narinig ng lahat at sila'y naging alerto. Humanga ako sa kanilang disiplina dahil walang kumilos at naghintay lamang ng utos mula sa kanilang komander.  "Halughugin at hanapin ang pinanggalingan ng pagsabog!" utos ng komander. Sumaludo naman ang mga kawal bago naghiwa-hiwalay ang bawat pangkat. Sumunod lamang ako sa katabi kong kawal at tahimik na naglakad kasama ang pangkat.  Pumunta sila sa bandang likuran ng kamara at ako'y tahimik na sumunod. Tahimik akong nagbibilang sa likod at tinatanya kung paano ko sila ililigpit. Labinlima kaming nasa pangkat at hinihintay ko lamang na magkahiwa-hiwalay ang bawat kawal.  Nang makita kong lumihis ang kawal na katabi ko kanina, tahimik ko siyang sinundan at inilabas ko ang aking punyal. Binilisan ko ang aking lakad upang mahabol siya at tinakpan ang bibig niya nang makarating kami sa pinakamadilim na bahagi.  Mabilis kong sinaksak ang kaniyang leeg at agad naman siyang binawian ng buhay. Ito ang pinakamainam na paraan upang mabilis akong matapos at malinis ang trabaho.  Iniwan ko ang kaniyang katawan doon at mabilis na bumalik sa pangkat. Kapag may lumilihis, mabilis akong sumusunod at kinikitilan ko ng buhay. Ito ang unang pagkakataong maisasagawa ko sa isang tunay na sitwasyon ang mga napag-aralan ko sa ilalim ng punong Akasya.   Maliit lamang ang aking katawan kaya hindi dapat ako mag-aaksaya ng lakas ngayong gabi. Kahit ano pang laki ng kanilang mga katawan, pare-parehas lamang kami ng mga kritikal na bahagi sa katawan. Anim na katawan na ang napaslang ng aking maliit na punyal. Hawak ko ngayon ang ikapitong bangkay na kinakaladkad ko sa madilim na parte. Wala pang nakakaramdam sa aking ikinikilos at hindi ko alam kung ako ba'y hindi halata o sadyang sila'y walang mga utak. Mabilis kong napaslang ang apat pang kawal at ngayon ay nililigpit ko na ang ikalabing-isang bangkay. Labing-apat na mga kawal ang nasa aking listahan at ngayo'y tatlo na lamang ang natitira. "Nasaan sina Juan?" Napatago ako sa isang pader at nakinig sa usapan ng mga kawal na nasa parehong pangkat. Tatlo silang naglalakad at may dalang sulo ang nasa gitna. Mukhang pinapadali nila ang aking pangangaso at nasa iisang lugar na lamang ang aking mga biktima. Pinagmasdan ko kung saan sila tutungo at nang makita kong papunta sila sa aking direksyon ay mabilis kong hinugot ang aking punyal. Agad kong hinila ang pinakamalapit sa aking kinaroroonan at mabilis na binaon ang aking punyal sa kaniyang leeg. Umagos ang dugo mula doon at natalsikan pa ang aking maskara. Agad namang naging alerto ang dalawa niyang kasama at naglabas ng espada. "Sino ka?!" tanong ng may hawak ng sulo. Hindi ako sumagot at mabilis na pumunta sa harap niya at sinipa ang sulo. Hindi naman ako nabigo sa pagpatay ng apoy at ngayon ay dumilim nang muli ang paligid. Mas nakakakilos ako sa dilim. Ang aking mga tagong pag-eensayo at paghahanda sa aking sarili'y naganap sa kadiliman. Kung sila'y nahihirapan dahil wala silang nakikita, ako'y naeengganyo at mabilis akong nakakagalaw. Tumalas ang aking pandinig at mabilis na natukoy ang kinaroroonan ng isa sa kanila. Mabilis akong gumulong papunta sa kaniyang likuran at sinugatan ang kaniyang paa. Agad siyang natumba at aatakihin ko na sana ang kaniyang leeg nang maramdaman ko ang presensiya ng kaniyang kasama sa aking likuran. Mabilis akong umiwas at hinarap ang kaniyang kasama. Kinabahan ako nang makitang hindi na espada ang kaniyang hawak kundi isang baril. Nakatutok ang kaniyang baril sa akin ngunit hindi agad siya nagpaputok. "Ibaba mo ang iyong punyal," kalmadong sabi niya. Dahan-dahan kong inilagay sa lupa ang aking punyal at itinaas ang aking dalawang kamay. Nakatutok pa rin sa akin ang kaniyang baril. "Sino ka?" tanong niya. Hindi ako sumagot. Tinantya ko kung kailan niya hihilahin ang gatilyo at pinakiramdaman ko muna siya. Nang naramdaman ko ang maliit niyang hakbang ay agad akong gumulong at pinulot ang aking punyal saka itinapon sa kaniya. Napangisi pa ako nang tumama iyon sa kaliwang mata niya at nabitawan niya ang kaniyang baril. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at mabilis akong lumitaw sa kaniyang harapan at idiniin ang punyal sa kaniyang mata bago ko ito hilahin. Bago pa siya makasigaw ay sinaksak ko na ang kaniyang leeg at agad siyang binawian ng buhay. Tinignan ko pa ang nangingisay niyang katawan bago ko pinulot ang baril na kaniyang nabitawan. Nakakalayo na ang lalaking tinamaan ko sa paa ngunit mabilis ko siyang pinaputukan ng baril at tinaniman ang kaniyang katawan ng tatlong bala. Iyon ang unang pagkakataon na nakahawak ako ng baril at mas mabigat pala ito kaysa sa aking inaasahan. Buti na lamang at tumama pa rin ang aking mga asinta. Alam kong sa ginawa ko'y maaalerto ang buong palasyo kaya mabilis akong umalis mula sa likod ng kamara at isa-isang inalis ang baluting suot ko. Isinuot kong muli ang aking kapote at hinubad ang bota kaya ngayon ako'y nakapaa lamang. Pumunta ako sa pasukan ng kamara at hindi nga ako nagkakamali sapagkat wala ngang ni isang kawal ang nakabantay doon. Lahat yata sila'y pumunta upang tignan ang pinanggalingan ng mga putok. Bago pa nila maramdaman ang tunay kong pakay ay mabilis kong tinahak ang daan papunta sa kamara. Hindi ako dumaan sa hagdan at umakyat lamang sa pader.  Tahimik akong naglakad sa pasilyo ng kamara ngunit nanatili akong mabilis at alerto. Nang makitang walang taong nakapalibot ay binuksan ko ang pinto ng silid ng hari.  Nang makapasok ako'y isang kurtina ang naging harang bago ko makita ang silid ng hari. Dahan-dahan kong isinara ang pinto at hahawiin ko na sana ang kurtina nang makarinig ako ng yapak papunta sa silid. Mabilis akong napagulong sa sahig at nagtago sa pinakagilid kung saan ako'y natatabunan ng isang malaking paso. Mabuti na lamang at itim ang suot kong kapote at inaasahan kong ako'y hindi ilalahad nito.  "Mahal na hari!" isang lalaki ang bumukas ng pinto at alam kong iyon ay ang komander. Nanatili akong tahimik at kalmado upang hindi maramdaman ang aking presensya. Mukhang natukoy niya agad ang pakay ko ngayong gabi. Matalino. "Alam kong hindi mapapatawad ang aking kalapastangan ngunit delikado sa iyo ang manatili sa iyong kamara at may nagbabanta ng iyong buhay, mahal na hari," sabi niya. Malalim ang boses nito at maotoridad. "Sumama ka sa aming hukbo at doon ka muna sa kamara ng reynang gusto mo." Ilang segundo pa'y nakarinig ako ng mga yapak mula sa loob at nahugot ko ang aking hininga nang makitang ang hari at ang komander ay nasa tapat ko mismo. Biglang bumilis ang t***k ng aking puso ngunit pinigilan ko ang mataranta at nag-isip muna ng plano.  "Anong kapalpakan ito, Adolfo?!" galit na sabi ng hari at gamit ang tungkod na dala'y hinampas niya iyon sa paa ng komander. Napaluhod naman ang komander at mas lalo akong kinabahan. "P-Patawad, mahal na hari," sabi ng komander at yumuko. Hindi siya sinagot ng hari at bumalik lamang siya sa loob. Ilang minuto ang lumipas ay lumitaw muli ang hari sa harap ng nakaluhod na komander. "Dalhin mo ako sa kamara ng ikalimang reyna," utos ng hari. Muntik pa akong mapamura nang malamang kay Reyna Mimosa sila papunta. Tiyak na mapapatay ako kapag nalaman niyang ako ang sanhi ng kaguluhan. "Masusunod, kamahalan." Tiniyak ko munag nakalayo-layo na sila at nagpalipas ng sampung minuto bago lumabas sa pinagtaguan. Hindi ako tumayo at gumapang lamang papasok sa kaniyang silid. Wala akong mahagilap sa sobrang dilim kaya nangangapa lamang ako at naghanap ng ilaw. Napatigil ako nang makarinig ako ng mahihinang mga hikbi sa isang sulok ng silid. Sinundan ko ang pinanggalingan ng mga hikbi at dahan-dahan lamang akong nangangapa at baka mayroong mga kawal sa labas at nagbabantay. ""Nasaan ka?" mahinang bulong ko. Mukhang narinig niya ako at tumigil siya sa paghikbi. Wala akong narinig na sagot. Ilang minuto ang lumipas at nagsindi siya ng posporo. Napasinghap pa ako nang malamang ang taong iyon ay walang iba kundi si Prinsesa Alona. Kaagad na nawalan ng apoy ang maliit na posporo kaya nagsindi siyang muli ng isa pa. Mabilis akong naghanap ng kandila at nang makakita'y kaagad kong ibinigay sa kaniya upang sindihan. Sinuri ko pa kung may nagbabantay sa labas ngunit wala naman akong namataang kahit ni isang anino. "C-Carmelita?" mahinang sabi ng prinsesa. Nang tignan ko ang kaniyang kabuuan, napasinghap ako at napalayo sa kaniya. Hindi ko mawari kung gusto ko bang makisimpatya o pabayaan na lamang siya doon. Madugo ang kaniyang hubo't hubad na katawan at nakagapos ang isang kamay niya sa binti ng mesa kung saan nakalagay ang iba't ibang pigurin na galing sa Tsina. Namamaga ang kaniyang mga pisngi at sugatan ang iba't ibang parte ng kaniyang katawan.  "Anong nangyari sa iyo?" mahinang tanong ko sa kaniya. Pinigilan niya ang mapahikbi nang todo at bago sumagot ay huminga muna siya ng malalim. "A-Ang akala ko'y kapag ibinigay ko ang aking katawan sa kaniya'y bibigyan niya ako ng tsansa," nahihirapang sabi niya. Putok ang kaniyang labi at nahihirapan siyang buksan ang kaniyang bibig. "Ibibitay niya ako bukas." "Ano bang pumasok sa isip mo at iyan ang naging kilos mo?" tanong ko sa kaniya. Nanatili akong mapagmasid sa paligid at nakiramdam. "Sapagkat naging desperada ako sa kapangyarihan matapos marinig ang iyong mga salita," mahinang sagot niya. Napalunok muna siya. "Ang akala ko'y mapapatunayan kong ikaw ay mali." "Wala ka namang dapat patunayan," sabi ko. Gamit ang kandila'y kinuha ko ang kumot na nasa higaan ng hari at binalot sa kaniyang kahubaran. "Ituloy natin ang ating pag-uusap sa ibang lugar." Gamit ang punyal ay pinutol ko ang tali na nasa kaniyang kamay at inalalayan siyang tumayo. Paika-ika siya at mukhang walang lakas upang maglakad mag-isa. Inalalayan ko lamang siya at sinisigurong hindi matatanggal ang kumot na nasa kaniyang katawan. Sinilip ko muna ang labas bago isinuot ang maskara at dahan-dahan kong pinalabas ang prinsesa. Mabagal ang aming kilos at dahil sa puting kumot ay madali kaming mahahalata kaya malakas ang pintig ng aking puso.  Nasa unang hakbang pa lamang kami ng hagdan nang may tatlong kawal ang nakapansin sa amin. Naramdaman ko ang panginginig ni Prinsesa Alona kaya bago ko inilabas ang aking punyal ay pinaupo ko muna siya sa gilid.  Mabilis akong lumayo sa prinsesa at sinalubong ang tatlong kawal. Lahat sila'y espada ang gamit at nahihirapan akong makalapit. Inuna ko ang kawal na may pinakamaikling espada at bago pa makalapit ay tinapon ko sa kaniya ang aking punyal. Tumama iyon sa kaniyang leeg at mula sa hagdan ay mabilis akong tumalon upang sipain ang kaniyang espada. Nagtagumpay naman ako at naagaw ko ang kaniyang espada. Idiniin ko ang punyal sa kaniyang leeg gamit ang aking paa at sinugod ang dalawa pa niyang kasama. Mabilis kong sinugatan ang paa ng isa at nang matumba'y mabilis kong sinaksak sa dibdib. Hindi na rin ako nahirapan sa pagkitil ng buhay ng pangatlong kawal at agad kong sinaksak ang kaniyang tiyan. Akala ko'y makakalusot na kami ngunit mukhang naalerto ang mga kawal at may hukbong papunta sa direksyon namin. Agad akong napaatras at mabilis na dinampot ang espada ng isang kawal. Agad kong hinanda ang aking sarili at pumosisyon. Nasa mga dalawampung kawal ang papunta sa direksyon ko. "Tumakbo ka na, prinsesa!" sigaw ko nang hindi lumilingon sa likuran. Hinanda ko na ang aking sarili sa magiging kapalaran at mukhang papalitan ko pa ang prinsesa sa magaganap na bitay. Ngunit bago pa tumama ang aking patalim sa ibang katawan, isang kamay ang humila sa akin at nabitawan ko ang aking patalim. Nanlaki ang aking mga mata ngunit nang marinig ko ang boses ng kung sino man ang humila ay bigla akong nabuhayan ng loob. "Tumakbo ka na rin at sinuway mo ang aking kautusan," sabi ng boses. Hindi ko alam ngunit bigla akong napangiti. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD