KABANATA 23 - BOTA

3028 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Akala ko ba'y nagkaintindihan tayo doon, Hiraya?" Kanina pa ako nakatayo sa harap ng prinsipe habang siya'y may hawak na pamalo. Mga isang oras na rin akong nakatayo at nangangawit na ang aking mga binti. Pinagdadasal ko na sana nangangawit na rin ang kaniyang puwet dahil isang oras na rin siyang nakaupo sa upuan. Nanatili akong walang kibo at hindi ko rin alam ang maisasagot. Narito kami ngayon sa Segundo, sa kaniyang bahay na walang kalaman-laman. Hinila niya ako palayo sa hukbo at isinakay sa isang kabayo. May isa ring kabayo ang nakalaan para sa prinsesa at sa ganoong paraan kami nakatakas. Narito ako ngayon kasama ang ikalimang prinsipe, ang nakakumot na prinsesa, at ang aking magaling na kapatid. Siya ang nagmaneho ng pangalawang kabayo at siya rin ang kumuha sa prinsesa. May bahid ng pagkadismaya ang kaniyang tingin sa akin. Mabuti na lamang at ninakaw na kabayo lamang ang gamit ng prinsipe at hindi ang kaniyang sariling alaga. Hindi naman siguro siya ganoon katanga upang gumamit ng bagay na magtuturo sa kaniyang identidad. "Kung hindi ko ginawa iyon, maaaring wala na sa iyong piling ang iyong kapatid, kamahalan," arogante ko pa ring sabi at yumuko. Nanatili pa ring tulala ang prinsesa at tila'y nawala na sa sariling pag-iisip. Hindi ko nga lubos-maisip ang mga ginawa sa kaniya ng hari bago ako dumating. "May plano na akong sunduin siya kaya ko inihanda ang mga kabayo," sagot ng prinsipe. Napabusangot ako. "Sa tingin mo ba'y wala akong gagawin at hahayaan lamang ang prinsesang makaranas ng pang-aabuso?" "Paumanhin, mahal na prinsipe," sabi ko at yumuko. Kunware ay lumuhod na lamang ako upang mapahinga ko na ang nangangawit kong mga binti. "Isa ngang malaking kasalanan at pagtataksil sa iyo ang aking nagawa. Handa ako sa magiging parusa." "Isang kasalanang gagawin mo ulit, hindi ba?" pambabara niya ulit. Bigla namang napataas ang aking kilay at sa hindi malamang dahilan ay napangisi. "At 'yan ay kung bibigyan mo pa ako ng tsansang gumawa ulit ng kasalanan," mapaglaro kong sagot kaya napabusangot si Amihan at si Prinsipe Isaiah. "Kapag ito'y naulit muli, ako mismo ang maghahayag sa iyong katauhan sa publiko," seryosong sagot niya. Nawala ang mapaglarong ngiti sa aking labi. "Kahit ihayag mo pa ang aking pangalan, idadamay ko ang lahat. Iyan naman siguro ang gusto mo, hindi ba?" "Sa tingin mo ba'y isa lamang akong pipitsuging babae na hindi nag-iisip at maglalagay sa ating lahat sa panganib?" seryosong tanong ko sa kaniya. "Kung hindi ka dumating, mauubos ko ang hukbong iyon." "At may hukbo pang kasunod 'nun, Hiraya," sagot niya. "Sa tingin mo ba'y kakalimutan lamang ng palasyo ang nangyari at hindi na mag-iimbestiga? Baka ikaw pa nga ang maging tulay ng palasyo upang mailahad ang Motus Femina." Hindi ako nakasagot at siguro nga’y mali ang ginawa kong pagsugod. Sinuway ko man ang kaniyang utos, wala naman akong ibang hangarin kundi ang sagipin ang prinsesa at hindi naman ako nabigo.  Aaminin kong hindi ako bagay sa mga pangkatang gawain sapagkat ayaw ko ang pinapangunahan ako ngunit ayaw ko rin ang nangunguna. Mas madali kasin kumilos na ako lang mag-isa ngunit alam ko ring hindi ko kakayaning mag-isa. “Hindi ka na muling makakatapak pa sa Primero at hindi ka na rin mabibigyan ng tsansang makasali sa aming rebelyon,” matigas na sabi niya. Nanatiling nakayuko ang aking ulo at hindi ko man lang siya matignan. “Kung ikaw ay muling sumuway, hindi lamang ang iyong buhay ang babawiin ko.” Wala na akong sinabi at nanatiling tahimik. Ilang segundo rin kaming walang imik at tanging mga hikbi ng prinsesa ang maririnig sa silid. “Sa tingin mo ba’y mareresolba ang gusot kung iyan ang magiging desisyon mo, kamahalan?" pagbasag ng aking kapatid sa katahimikan. Tumabi siya sa prinsipe at humarap. “Kapag itinaboy mo ang aking kapatid, mawawala rin ang katauhan ni Carmelita. Hindi ba't mas kaduda-duda iyon?" "Saka na siya aalis kapag kumalma na ang mga bagay sa palasyo,” seryosong sagot ni Prinsipe Isaiah. “Ililibing kong muli ang namayapa kong kadugo.” “Ngunit alam nating pareho na hindi mo rin kakayaning makuha ang prinsesa kung wala ang aking kapatid,” pagdedepensa ni Hiraya. Napaangat ako ng tingin at nagulat sa mga naging salita ni Amihan. “Sinasabi mo bang may butas ang aking plano, Amihan?” “Ang plano mo’y kunin ang prinsesa kapag tulog na ang hari. Ako ang papasok at ikaw ang magbabantay sa labas,” wika ni Amihan. “Sa lala ng sugat ng prinsesa, makakakuha pa rin ako ng atensyon sa mga kawal.” “Aminin mong kailangan mo ng isang taong magtatrabaho sa iyong anino, mahal na prinsipe,” dugtong ni Amihan. “Wala akong ibang nakilalang mas sakto sa posisyon maliban kay Hiraya.” Hindi kaagad nakasagot ang prinsipe at napaisip. Parang gusto ko namang maiyak at ito yata ang unang pagkakataong pinagtanggol ako ni Amihan at hindi itinakwil. Ganito pala ang pakiramdam na may kakampi. “Mamaya na natin itutuloy ang diskusyon at kailangan na nating bumalik bago sumikat ang araw,” pagputol ni Prinsipe Isaiah sa usapan. Lagpas hatinggabi na nang kami’y nakarating dito at isang oras na rin kami nakatambay sa loob. “Iiwan na lamang ba natin ang prinsesa?" singit ko sa usapan. Mukhang nakalimutan yata nilang nandito pa ako at kasama pa nila. “Huwag kang mag-alala at nagpadala na ako ng mensahe kay pinuno,” sagot ni Amihan. “Ilang saglit pa’y makakarating na sila dito at kukunin ang prinsesa.” Tinignan ko si Prinsesa Alona at nakita ko siyang dahan-dahan na tumango. Tulala pa rin siya ngunit mukhang naintindihan niya naman ang sitwasyon. Sinigurado muna naming maayos ang kaniyang kalagayan  bago kami umalis. Sumakay si Amihan sa isang kabayo at umangkas naman ako kay Prinsipe Isaiah. Nauna na ang aking kapatid at nahirapan pa ang prinsipe sa akin dahil sinasadya kong gumalaw-galaw. “Huwag mo akong inisin, Hiraya,” wala sa wisyong bigkas niya. Pinigilan ko naman ang bumungisngis at tumigil na sa pangungulit. Hinabol namin ang kabayo ni Amihan ngunit mas pinabilis pa ni Amihan ang kaniyang pagpapatakbo. Hindi ko aakalaing mahusay din pala ang aking kapatid sa pagmamaneho ng kabayo at nakikipakarera pa sa isang monarko.  Ilang minuto rin ang aming tinahak bago nakarating sa isang sekretong lagusan papunta sa Primero. Hindi kami dumaan sa pangunahing pasukan at may ginawang daan ang Motus Femina na sila lamang ang nakaalam. Masukal iyon at matatagpuan sa timog ng Primero. Maliit lamang ang daan at madamo kaya hindi ko maiwasan ang mangati at mapapikit. Muntik ko pang mayakap ang prinsipe, mabuti na lamang at sa kaniyang damit lamang ako nakahawak.  “Bakit hindi tayo dito dumaan noong dinala mo ako sa Primero?” tanong ko sa kaniya.  “Dahil alam ko ang takbo ng iyong utak,” sagot niya. Napataas ang aking kilay. “Tatakas ka at lalabag ka sa aking mga utos.” Sumimangot na naman ako at hindi na pumalag. Ilang minuto pa ang lumipas bago namin nalagpasan ang madamong parte ng daan. Hindi ko na nabilang kung ilang damo ang aking nanguya. Narating na namin ang lugar ng mga alipin dito sa Primero. Sila ang mga aliping nagsisilbi sa palasyo kaya protektado sila ng mga monarko. Lingid sa kaalaman nila, halos lahat ng mga alipin ay miyembro ng Motus Femina at sila'y kakampi ni Prinsipe Isaiah. Sumalubong sa amin ang dalawang alipin at kinuha ang aming nga kabayo. Binigyan din kami ng mga disenteng mga damit at inayos ang aming mga porma. Wala rin akong narinig ni isang salita nang takpan nila ang peklat sa aking mata. Nagpasalamat kami sa kanila bago tinahak ang daan papunta sa palasyo. Ang lugar ng mga alipin ay matatagpuan din sa timog ng palayo at mahigit isang kilometro ang layo nito. Wala kaming pagpipilian kundi ang lakarin ang distansyang iyon. Ilang minuto rin ang aming ginugol sa paglalakad at walang kahit isa sa amin ang nagsalita. Parehong seryoso ang aking mga kasama at ayaw ko namang magsalita at baka ako'y awayin pa. Nang makarating kami sa isa na namang sekretong daan papasok sa palasyo, tumigil muna kami at nagmasid. Sinigurado naming walang ibang tao at mas naging alerto kami. Ang daan na ito'y malapit lamang sa kamara ng ikalimang reyna. Dahil dito'y madali lamang sa prinsipe ang lumusot o tumakas. Mukhang magiging madali rin sa akin ang mga kailangan kong gawin. "Mauna na ako, mahal na prinsipe," sabi ni Amihan. Tumango lamang ang prinsipe at bago tumakbo palayo ay nagbigay muna ng respero ang aking kapatid. Napabusangot pa ako nang hindi niya man lang ako nilingon. Nang marating na namin ang palasyo, nakahinga kami ng maluwag dahil wala akong nakitang kahit isang anino. Alas-kwatro na siguro ng umaga ngunit alam na ng mga rebeldeng alipin na papunta kami kaya sila rin ay ginampanan ang kanilang parte. Walang imik ang prinsipe habang tinatahak namin ang daan papunta sa kamara ng kaniyang ina. Batid ko ring kumalma na siya ng kaunti at hindi ko na naramdaman ang kaniyang galit sa akin. Dumistansya pa ako upang hindi muling uminit ang kaniyang ulo. Nalungkot ako nang muling sumagi sa aking isipan ang kaniyang mga naging kataga kanina. Papatayin niya ang katauhan ni Carmelita na muli niyang binuhay at hindi na niya ako papabalikin dito. Nagpapasalamat na rin ako dahil nagpakita pa rin siya ng awa. Kung ibang prinsipe na ang aking nilabag, paniguradong patay na ako ngayon. Nakarating na ako sa aking silid at akala ko'y humiwalay na ang prinsipe ngunit kinabahan ako nang malamang siya'y nakasunod pa rin sa akin. Wala siyang imik at hindi rin siya makatingin sa akin. "May maipaglilingkod ba ako sa iyo, kamahalan?" magalang na tanong ko sa kaniya. Hindi siya sumagot at siya na mismo ang nagbukas ng aking silid. Napalunok ako at kusang pumasok sa loob. Pumasok din siya at isinara pa ang pintuan. "Hubarin mo ang iyong kasuotan," sabi sa akin ng prinsipe. Namula ako sa gulat ngunit napalitan din 'yon ng inis. "Alam kong mabigat ang nagawa kong kasalanan ngunit hindi ko sukat akalain na ganito ka pala," may halong pagkadisgusto na sagot ko. Dahan-dahan akong lumayo sa kaniya. "Muntik ko nang makalimutan na isa ka rin palang lalaki." Napataas ang kaniyang kilay at hindi ako makapaniwalang nakita ko pa siyang nagpipigil ng tawa. Hinanda ko ang aking sarili at hindi ako papayag nang hindi pinaglalaban ang aking dangal. "Titignan ko lamang kung may mga sugat ka, hangal," sabi niya at mahinang tumawa. Mas pumula pa ang aking mga pisngi sa hiya at ibinaba ko na ang aking kamay na handang manuntok. "Huwag ka ngang mangarap ng gising, hinding-hindi ka pagnanasahan ng isang prinsipe." Sumimangot naman ako at tumigil sa pag-atras. Dahan-dahan kong binaba ang suot kong damit hanggang sa makita niya ang aking kahubaran. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. "Kahanga-hanga, ilang matitipunong kawal din ang iyong pinatumba at hindi ka man lang nadaplisan," sabi niya matapos akong suriin. Mabilis kong sinuot muli ang aking damit. "Kinakalawang na ba ang mga kawal sa palasyo o sadyang magaling ka lang?" "Magaling talaga ako," pagyayabang ko saka inirapan siya. "Malalaki nga ang katawan ng iyong mga kawal ngunit mga walang utak." "At sa tingin mo ba'y hindi ka nila mapaspaslang kaya ka sumugod mag-isa?" seryosong tanong niya sa akin. "Wala silang mga utak ngunit uhaw sila sa dugo at sinanay upang mang-abuso at pumatay." "Sinanay ko rin ang aking sarili upang kalabanin ang katulad nila," sagot ko sa kaniya. "Hindi nga ako pinagpawisan kagabi at pinutol mo ang kasiyahan. Hindi mo ba nakikitang nagkakamustahan ang aming mga punyal?" "Ayaw mo bang sa akin makigpagsiyahan? Ilang gabi na rin ang lumipas magmula noong nagtagpo ang ating mga punyal," sabi niya. Hindi ko malaman kung ano ang gusto niyang ipabatid ngunit hindi na nawala ang mapaglarong mga ngiti niya. "Ang akala ko ba'y ayaw mo na akong makita?" seryosong tanong ko. Bigla siyang natahimik at nawala ang kaniyang ngiti sa labi. "Pag-iisipan kong muli ang ihahatol ko sa iyo," tanging sagot niya at umalis. Napangiti naman ako at alam kong magbabago ang kaniyang isip. Nang maiwang mag-isa ay napasalampak na lamang ako sa aking matigas na higaan at ngayon lamang ako nakaramdam ng pagod at puyat. Hindi ko na napigilan ang pagpikit ng aking mga mata at hinayaan ko na lamang na lamunin ako ng antok. Tanghali na noong ako'y nagising dahil sa sinag ng liwanag na pumasok sa bintana. Hindi ko maalala kung nakalimutan ko bang isara ang bintana kagabi o may nagbukas nito. Nang tignan ko ang aking mga gamit, wala namang nawawala. Matapos kong ayusin ang aking sarili ay lumabas na ako mula sa silid. Bigla akong kinabahan nang makita ang mga nagkalat na mga kawal sa bawat sulok ng palasyo. Hinanap ko ang prinsipe ngunit hindi ko mahagilap. Hindi ko pinahalata ang kabang nararamdaman at nagpatuloy lamang sa pagmamasid. Masyadong tahimik ang palasyo at nakakasindak ang kapaligiran. Totoo ngang mas mahihirapan akong pasukin ang lungga ng demonyo ngunit hindi naman masasabing imposible ang pumasok muli.  "May nangyari ba? Bakit nagkalat ang mga kawal sa palasyo?" tanong ko sa isang alilang nakasalamuha ko. Luminga-linga muna siya sa paligid bago sumagot. "May sumugod kagabi sa kamara ng hari at labimpitong mga kawal ang binawian ng buhay," mahinang sagot niya. Umakto naman akong nagulat at natakot. "Hinahanap pa nila kung sino ang sumugod kaya mataas ang bakod ng palasyo ngayon." "Tunay ngang nakakabahala, wala nga akong naramdamang kaguluhan kagabi at ang himbing ng aking tulog," pagkukunwari ko. Maari na siguro akong maging artista sa tanghalan. "Sa himbing ng aking tulog ay tanghali pa ako nagising." Mahina namang tumawa ang babae. "Walang kahit isa sa amin ang nakarinig ng kaguluhan maliban sa dalawang putok. Akala namin ay isa lamang iyong ligaw na bala o may pumutok na gulong." Tumango-tango lamang ako at lihim na napangiti. Nakakatiyak akong malinis ang aking trabaho at walang kahit isang tao ang makakapagturo na ako ang salarin. Inalala ko pa kung may naiwan akong kagamitan at sinigurado kong nasa akin pa ang banlik ni Amihan. Wala ngang bakas ang aking naiwa-- Ang aking bota. Napasinghap ako nang maalalang hinubad ko pala ang suot kong bota noong gabing iyon kasama ang hiniram kong damit mula sa kawal. Kapag nakita nila iyon ay magkakaroon sila ng tanda na isang babae ang suspek sapagkat maliit ang bota.  Natataranta ako ngunit sinubukan kong hindi magpadala sa emosyon at kumalma muna. Napapakagat pa ako sa aking labi at napa-praning sa mga kawal na nakapaligid. Pakiramdam ko'y alam nila ang aking ginawa. Nagpanggap akong naglalakad-lakad lamang sa kaharian ngunit ang pakay ko ay pumunta sa kamara ng hari. Batid kong mas mahigpit ang seguridad doon ngunit wala akong magawa kundi ang hanapin ang aking bota. Bakit ba kasi ako nagsuot ng bota kung alam ko namang mahihirapan ako? Napakatanga. Malapit na ako sa kamara ng hari at habang papalapit ay dumadami rin ang bilang ng mga kawal. Nararamdaman ko ang kanilang mapanuring titig ngunit wala namang kahit isa sa kanila ang lumapit sa akin. Hindi ko pinahalata ang pagiging kabado at nagpatuloy lamang sa paglalakad. "Utos ng hari'y wala munang pahihintulutang pumunta sa kaniyang kamara," harang sa akin nang isang kawal nang makarating ako doon. Napatingin ako sa kaniya at sinubukang magpaka-inosente. "Talaga po ba? Maaari ko bang malaman kung nasaan si Prinsipe Isaiah? Hinahanap ko kasi siya," sabi ko.  "Wala siya rito. Maari ka nang umalis," sagot ng kawal. Naiinis ako dahil ang galang niya sa akin. Kung ako si Hiraya ngayon ay kanina pa siguro ako sinipa at binugbog. "Sinabi niyang dito siya pupunta eh," pamimilit ko. Ngumuso pa ako ng kaunti. "Natatakot ako at tila'y nagkakagulo sa palasyo. Nais ko sanang magpasama sa aking pinsan." "Maaari ba kitang samahan?" Napalingon ako sa nagsalita sa aking likuran at nanlaki ang aking mga mata nang makilalang siya ang ikaanim na prinsipe, si Prinsipe Isagani. Naalala ko ang unang pagtatagpo namin sa pagamutan kung saan nakita ko silang magkadikit ng aking kapatid. Ano kaya ang kaniyang pakay? "Nakakahiya naman sa iyo, kamahalan," magalang na sagot ko at yumuko. Yumuko rin ang mga kawal sa kaniyang pagdating. "Gusto ko ring makilala ang pinsan ng aking kapatid." "Isang kalapastangan ang tanggihan ang iyong alok, mahal na prinsipe," sabi ko at yumukong muli. Tumalikod siya mula sa akin at nagsimulang maglakad. Sinundan ko lamang siya. Nang makalayo kami sa kamara ay napansin kong bumagal ang kaniyang lakad. Pinanatili ko ang distansya sa pagitan namin at nasa likuran niya lamang ako. Tahimik lamang kami habang naglalakad. Kailangan ko bang magsimula ng usapan? "Maaari po bang magtanong, kamahalan?" pagbasag ko sa katahimikan. Napakatangkad niya at porselana ang kutis. Kitang-kita ko dito ang kaniyang panga na parang inukit ng mga diyos. "Ano iyan?" sagot niya. Hindi niya man lang ako nilingon. "Bakit ikaw ang ikaanim na prinsipe kung tatlo lamang kayong prinsipe?"  "Dahil bawat reyna ay kailangang magkaroon ng anak na lalaki," sagot niya. "Ang unang prinsipe ay namayapa na kasama ang unang reyna. Ang pangalawa nama'y kahit hindi ipinanganak ay may puwesto pa rin sa monarkiya. Ang prinsesa sana ang pangatlong prinsipe at pang-apat naman ang batang prinsipe." Napatango naman ako at ganoon pala ang dahilan kung bakit ganoon. Nakabase sa reyna ang puwesto ng isang prinsipe. Kung gayon, kung si Amihan ang magiging reyna, kahit hindi siya manganganak ay may ikapitong prinsipe na. "Binibigyang importansya ang pagkakakilanlan ng isang lalaking hindi nga nabubuhay," tukoy ko sa mga prinsipeng nagkaroon ng puwesto. "Samantalang kung ikaw ay isang babae, diskriminasyon ang iyong makukuha." Wala namang imik ang prinsipe sa aking sinabi. Nagpatuloy lamang kami sa paglalakad at nakakalayo na kami sa kamara ng hari. Kailangan kong bumalik doon. "Ako naman ang magtatanong," sabi niya. Huminto siya sa paglalakad at hinarap ako. Pinapagitnaan kami ng dalawang matataas na pader at walang kahit isang kawal dito. Bigla akong kinabahan. "Ano po iyon, kamahalan?" Inilahad niya sa akin ang isang kaing na kanina pa niya binibitbit. Ibinigay niya iyon sa akin.  "Buksan mo." Napalunok naman ako at dahan-dahang tinignan ang laman ng kaing. Napasinghap pa ako nang makitang ang botang aking hinahanap ang naroroon. "Ikaw ang nagmamay-ari sa botang ito, hindi ba?" Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD