TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata
"Patawad ngunit ikaw ay nagkakamali, mahal na prinsipe," sabi ko at isinara ang kaing. Yumuko muna ako saka isinauli sa kaniya ang bota. "Wala akong pagmamay-ari na isang bota at kung pipili ako'y hindi ganiyan kapangit."
"Ganoon ba?" sabi niya at kinuha sa akin ang kaing. Ilang beses na akong napamura sa aking isipan. "Kung gayon, mukhang ibibigay ko ito sa mga kawal at ipapasuri. Baka may kinalaman pa ito sa kanilang imbestigasyon."
"M-Maganda ang iyong ideya, kamahalan," sabi ko at yumuko. Sa aking kaloob-looban ay natataranta na ako at gusto ko na lamang hilahin ang kaing mula sa kaniya at tumakbo. "Ngunit paano mo ba nasabing ako ang nagmamay-ari niyan?"
"Paano nga ba?" balik niya sa aking katanungan. Muntik pa akong masamid kahit wala naman akong kinakain.
"Mapagbiro ka po pala, prinsipe," sabi ko at pinilit ang isang halakhak. Nakatingin lamang siya sa akin at hindi man lang sinabayan ang aking pang-uuto.
"Maiwan na kita at ihahatid ko pa ito sa komander," sabi niya at tumalikod na sa akin. Yumuko na lamang ako at tinignan siyang umalis.
Hindi ko alam ang aking gagawin. Hahabulin ko ba siya at aminin na akin nga 'yong bota o magbulag-bulagan at magpakamatay na lamang?
Tiyak na may nalalaman siya tungkol sa akin o nakita niya ang nangyari kagabi. Hindi ko siya kilala at hindi ko matitiyak kung siya ay kakampi o hindi. Sasabihin ko ba kay Prinsipe Isaiah ang sitwasyon at humingi ng gabay?
Kapag napunta ang botang iyon sa pamahalaan at sasabihin ng prinsipe na ako ang pinaghihinalaan niya, tiyak na pagdududahan ang aking pagkatao. Kailangan ko nga ang tulong ng prinsipe ngunit ayaw ko namang malaman niya na ako'y pumalpak at nag-iwan ng ebisensya sa krimeng naganap kagabi.
Wala akong ibang pagpipilian kundi ang lapitan si Prinsipe Isaiah. Tunay ko na siyang hinanap at natagpuan ko siya sa kaniyang silid. May binabasa siyang isang libro at hindi niya agad ako napansin.
"Ano ang sadya mo rito, Carmelita?" tanong niya sa akin nang mapansin na niya ako. Hindi niya ibinaba ang librong binabasa at hindi ako tinapunan ng tingin.
"Mahal na prinsipe, maaari ba kitang makausap ng pribado?" tanong ko sa kaniya. Tumango naman siya at sumenyas na isara ko ang pinto. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya.
"Maaari mo nang putulin ang aking leeg, kamahalan," walang pag-aalinlangang sabi ko at yumuko sa kaniyang harapan. Naibaba na niya ang binabasang aklat at napatingin sa akin.
"Napakaswerte mo naman kung agad kitang hahatulan ng kamatayan," sagot niya. Nag-krus ang dalawa niyang braso sa kaniyang dibdib. "Hindi iyan maaari. Dadaan ka muna sa labis na paghihirap bago ka mamatay."
Sumimangot naman ako sa naging sagot niya at napairap. Kahit kailan talaga'y matulis talaga ang tabas ng kaniyang dila pagdating sa akin. Kung bibigyan ako ng tsansa ay hindi ako magdadalawang-beses na putulin ang kaniyang dila maging ang kaniyang mga ngipin.
"Sa iba na lamang ako magpapakitil at ang swerte mo naman kung ikaw ang makakakuha ng aking buhay," masungit na sabi ko at sumalampak sa upuan na nasa harap ng kaniyang mesa. Hindi ko siya tinignan at nakatingin lamang ako sa sahig.
"Ano bang nakain mo at gusto mong mamatay?"
"Sana'y mapatawad mo ako sa susunod kong sasabihin, mahal na prinsipe," sabi ko at napayuko. Hindi ko siya matignan kaya nanatili ang aking titig sa sahig. "May naiwan akong ebidensya kagabi at ilang saglit na lang ay mailalahad ito sa pamahalaan."
Hindi pa rin ako nakatingin sa kaniya at ilang beses na akong napalunok. Wala akong narinig ni isang salita mula sa kaniya at ilang minuto ring naging tahimik ang kaniyang silid.
"Nasaan ang ebidensya at ano iyon?"
"Isa iyong bota at nasa iyong kapatid ang ebidensya, kamahalan," nakapikit na sabi ko. Hindi ko maipaliwanag ang kaba sa aking dibdib at natatakot talaga akong magkamali.
"Ano ba ang nakain mo at nagsuot ka ng bota kagabi?" hindi-makapaniwalang sabi ng prinsipe. Wala akong naisagot dahil hindi ko rin alam kung ano ang pumasok sa aking isipan.
"Alam kong wala akong karapatang humingi ng tulong ngunit naisipan kong nararapat na alam mo ang sitwasyon, mahal na prinsipe," sabi ko sa kaniya. Nilunok ko na ang natitirang hiya sa aking katawan. "Totoo nga sigurong ako pa ang maging sanhi na maibubulgar ang iyong pinaghirapan. Nararapat lamang na ako'y iyong maparusahan."
Hindi siya muling umimik at tila nahulog sa isang malalim na pag-iisip. Kinakabahan ako at baka sa oras na ito'y naibigay na nga ng prinsipe ang bota at wala na akong magawa kundi ang tanggapin ang kahihinatnan nito.
"Ano sa tingin mo ang aking magagawa, Hiraya?" seryosong tanong niya.
"K-Kausapin mo ang prinsipe?" nag-aalinlangan na sagot ko. Agad naman siyang tumawa.
"Tinanggi mo na bang ikaw ang nagmamay-ari ng bota?" tanong niya. Tumango ako. Napailing siya sa naging sagot ko. "Kung gayon ay hindi na kita matutulungan pa."
"Maaari ko bang malaman kung bakit, kamahalan?"
"Dahil maaari ko sanang sabihin na ikaw nga ang nagmamay-ari ngunit ninakaw iyon sa iyo at ginamit lamang upang ikaw ay pagbintangan."
Namangha naman ako sa sinagot niya. Ganito na ba kaliit ang aking kokote at hindi ko naisip iyon?
"Mukhang wala na nga akong magagawa," sabi ko at tumayo na lamang. "Mauna na ako, mahal na prinsipe."
Tumango lamang siya matapos kong yumuko at magbigay-galang. Aalis na sana ako nang biglang bumukas ang kaniyang pintuan at pumasok ang aking kapatid na naka-maskara at balot na balot. Sinigurado niya ang pagkandado sa pinto at lumapit sa prinsipe.
"May masama akong balita, prinsipe," sabi ng aking kapatid at yumuko. Napatingin siya sa akin ngunit ibinalik din ang atensyon sa prinsipe.
"Ano iyan?"
"Ibibitay ang prinsesa sa plaza ngayon mismo," paglalahad niya ng balita. Nanlaki ang aming mga mata ngunit hinayaan siyang ipagpatuloy ang pagsasalita. "Ang buong Primero ay naroroon sa plaza upang saksihan ang magaganap na pagbitay."
"Anong ibig mong sabihin? Nahuli ba nila si Prinsesa Alona?"
"Kinumpirma ko ang kinaroroonan ng prinsesa at siya'y nasa bahay ng pinuno, kamahalan," sagot ni Amihan. Nakahinga naman ako nang maluwag. "Nawalan raw siya ng malay at hanggang ngayon ay hindi pa nagigising."
"Kung gayon, sino ang prinsesang ibibitay sa plaza?"
"Iyan ang hindi ko pa nalalaman, mahal na prinsipe."
Napaisip naman ako sa kung ano ang nangyayari. Maraming posibilidad ngunit ang naiisip ko'y isang inosenteng babae ang pumalit sa puwesto ni Prinsesa Alona upang pagtakpan ang pagkawala niya. Buburahin ang kaniyang pagkatao dito sa kaharian ng Servorum at wala nang prinsesa ang matitira pa sa mga listahan ng nabubuhay na monarko.
"Tawagin mo ang aking kawal at ipahanda ang kalesa," utos ng prinsipe. Agad na tumango ang aking kapatid at lumabas. Agad namang nag-ayos ang prinsipe at nagsuot ng sapatos.
"Ano pa ba ang kailangan mo?" tanong sa akin ni Prinsipe Isaiah nang makitang nakatayo pa ako sa silid.
"Sasama ako," sabi ko. Agad siyang umiling at tumayo matapos maisuot ang sapatos.
"Dito ka lamang at delikado sa iyo ang mapansin ng mga tao," sabi niya. Umiling ako at dinilaan pa siya.
"Maraming salamat sa iyong konsiderasyon, kamahalan," yumuko ako at hindi pinansin ang kaniyang hindi pagpayag. Nauna pa akong lumabas at sumakay sa kaniyang kalesa. Nasa loob na rin ang aking kapatid at siya'y sasama rin.
Nakita ko pang nakasimangot ang prinsipe sa akin habang pababa siya ng hagdan. Umupo siya sa unahan at kami naman ni Amihan ay nasa likod. Hindi na umangal ang prinsipe at hinayaan na lamang akong sumakay sa munting kalesa.
"Ano ba ang ginagawa mo sa silid ng prinsipe, ate?" tanong sa akin ni Amihan. Napatingin ako sa kaniya at ngumuso.
"May naiwan akong ebidensya kagabi at ang ebidensyang iyon ay nasa kamay ng ikaanim na prinsipe," sagot ko sa kaniya. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata ngunit agad namang kumalma.
"Paanong napunta sa kaniya ang bagay na iyon?"
"Iyan din ang misteryong kanina pa sumasagabal sa aking isipan," sagot ko. "Isang malaking pagkakamali ngunit kailangan kong maghanap ng paraan upang mabawi iyon."
"May suhestiyon ako," sabi niya. Bigla akong nagkainteres at maiging nakinig sa kaniya.
Sinabi niya sa akin ang maaari kong gawin at bigla akong nabuhayan ng loob. Sana pala'y sa aking kapatid na lamang ako lumapit at hindi sa prinsipeng walang utang na loob.
Ilang minuto pa ang lumipas bago kami nakarating sa plaza. Marami ngang naroroon at sa sobrang ingay ay mababasag ang lahat ng palayok dito sa Servorum. Nang makita nila ang kalesa ng prinsipe, agad naman silang nagbigay ng daan at yumuko pa.
"Hiraya, sa huling pagkakatao--"
"Huwag kang mag-alala kamahalan, nasa likuran mo lamang ako," pagputol ko sa kaniyang sasabihin. Alam kong sasabihin niyang huwag akong tumakas at huwag kumilos mag-isa. Napailing na lamang siya.
"Sa susunod ay itatali na talaga kita sa aking bewang," sabi niya. Agad naman akong ngumisi.
"Ang hina mo naman, kamahalan. Kung tunay ngang magagawa mo iyan, bakit hindi mo gawin ngayon?" pang-aasar ko. Nakuha ko ang kaniyang atensyon at lumingon siya sa aming banda.
"Masusunod ang iyong kahilingan, aking pinsan," sagot ng prinsipe. Nanlaki naman ang aking mga mata nang may hawak siyang posas.
"A-Ako'y nagbibiro lamang, mahal na prinsipe!" sabi ko. Mala-demonyo siyang tumawa at umiling-iling.
"Totohanin natin ang iyong biro upang mas masaya," sabi niya. Inilabas niya ang isang posas at iwinagayway sa aking harapan. "Hali ka na at ipagpatuloy ang ating biruan."
Sa isang iglap ay hawak na niya ang aking kamay at agad na pinosasan. Hindi ako nakapalag hanggang sa ikinabit niya ang isang dulo ng posas sa kaniyang sinturon.
"Hali ka na, aking pinsan," pang-aasar niya sa akin at lumabas siya ng kalesa. Nakaladkad naman ako sa kaniyang pag-alis.
"Wala ka pa ring silbi, pinsan," bulong ko sa kaniya. Nakita ko ang pagpipigil ng kaniyang tawa kaya mas lalong pumula ang aking tainga sa inis.
"Salamat," tanging sagot niya. Napairap na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad.
Pinagtitinginan kami ng mga tao ngunit parang walang pake ang aking kasama. Pilit kong kumawala at gusto ko sanang kapain ang kaniyang mga bulsa upang hanapin ang susi ngunit baka iba ang maisip ng mga tao kaya wala akong ibang magawa kundi ang sumimangot.
Pumunta kami sa unahan at nakita ko namang sumunod ang aking kapatid. Nang makarating sa puwesto, napaawang ang aking bibig nang makita ang isang babaeng nakaupo sa isang garrote. Hindi makilala ang kaniyang mukha at sinunog ito. Bugbog sarado rin at mukhang walang silbi ang bitayin pa siya sapagkat parang unti-unti na siyang namamatay.
Nasa pinakaharapan naman ang apat na mga reyna kasama ang mga senador at ang hari. Para sa isang ama na mawawalan ng natatanging prinsesa, walang bahid ng paghihinagpis ang makikita sa mukha ng hari. Nangangalaiti ako at sana nga'y tinapos ko ang kaniyang buhay kagabi.
"Nakakatuwa naman ang pagiging malapit niyo ng aking kapatid," sabi ng isang lalaki na tumabi sa akin. Nang makitang si Prinsipe Isagani ang dumating, nanlaki ang aking mga mata at yumuko.
"Sadyang maluwag lamang ang turnilyo ng utak ng aking pinsan, mahal na prinsipe," sagot ko sa kaniya. Wala naman siyang naisagot at wala ring naging reaksyon.
Nabaling ang aming mga atensyon nang may mga lalaking lumapit at inayos na ang garrote. Masyado nang mahina ang babae at wala na siyang lakas upang manglaban. Kung sino ka man, nawa'y maging payapa ka sa langit kahit karumal-dumal ang iyong kamatayan.
Sigaw nang sigaw ang mga tao at ang iba pa'y nagwawala at nanghahagis ng mga bato at itlog. May mga tutol sa hatol at may iba namang tuwang-tuwa at mukhang maghahanda pa ng piging mamaya. Naghihintay akong may gawin ang hari ngunit nanatili lamang siyang nakatingin at mukhang natutuwa pa sa nangyayari.
"Bitawan niyo ako!"
Napatingin ang lahat kay Reyna Luwalhati, ang ina ni Prinsesa Alona. Nagwawala siya at nagpupumiglas upang lapitan ang kaniyang anak. Pinipigilan siya ng mga kawal na makalapit.
"Isa pa rin akong reyna! Mga walang galang!" sigaw niya sa mga kawal. Hindi naman natinag ang mga kawal at patuloy pa rin sa pagpipigil sa kaniya.
"Mahal na hari! Anak pa rin natin 'yan!" sigaw niya at lumuhod sa harapan ng hari. Parang kinukumot ang aking dibdib nang masaksihan ang pangyayaring iyon. "Maawa ka at isa lamang siyang bata! May kinabukasang naghihintay sa kaniya!"
Walang kahit isang salita ang lumabas sa bibig ng hari. Nagpatuloy lamang sa paghihinagpis ang ikatlong reyna. Parang gusto ko tuloy ipagtapat na hindi ang kaniyang anak ang naroroon ngunit alam kong hindi maaari at may takdang panahon upang malaman niyang ligtas ang kaniyang unica hija.
Sa halip na pakinggan ang hinaing ng reyna, sumenyas ang hari na ipagpatuloy ang bitay. Lumakas ang iyak ng ikatlong reyna at dumapa na sa lupa upang magmakaawa. Naiiyak ako at naawa sa kaniyang kalagayan.
"Ako na lamang ang bitayin mo, kamahalan!" sigaw ng reyna. Ang akala ko'y hindi siya pakikinggan ng hari ngunit nagulat ang lahat nang bigla siyang sumagot.
"Pagbibigyan ko ang iyong kahilingan," sabi ng hari. Napatigil naman sa pag-iyak ang reyna at dahan-dahang naglakad papunta sa gitna. Nanlaki ang aking mga mata at napatingin sa prinsipeng nasa aking tabi.
"Manonood ka na lang ba? Pigilan mo!" sabi ko at siniko siya nang ilang beses. Walang bakas ng emosyon sa mukha ni Prinsipe Isaiah at hindi ko alam kung ano ang kaniyang iniisip.
Tinignan ko naman si Prinsipe Isagani ngunit blangko rin ang kaniyang mukha. Maraming tumutol sa pagpunta ng reyna sa gitna at mas umingay ang plaza.
"Pakawalan mo muna ang aking anak," sabi ng reyna nang makarating sa gitna. Sumenyas naman ang hari na pakawalan ang impostora kaya mabilis na sumunod ang mga kawal at pinakawalan ang babae. Umupo naman ang reyna sa garrote kapalit ng kaniyang inaakalang anak.
"Wala na akong magagawa," rinig kong sabi ni Prinsipe Isaiah. Ngayon ko lang napansin ang mahigpit na pagyukom ng kaniyang kamao. "Kahit maisagip ko siya ngayon, papatayin pa rin ang reyna bilang ina ng isang taksil sa bayan."
Hindi ako makapaniwala sa aking naririnig. Bigla akong kinabahan para sa aking pamilya. Sa oras na malaman nilang ang aking kapatid ay isang rebelde, kaming lahat ang bibitayin kung hindi magtatagumpay ang rebelyon.
Hinanap ko ang aking kapatid na biglang nawala sa aming tabi. Kanina'y nakasunod lamang siya ngunit ngayon ay hindi na siya mahagilap ng aking mga mata.
"Maari mo bang tanggalin ang aking posas, kamahalan?" nagtitimping sabi ko. Pilit kong kumawala sa kaniyang pagtali. "Huwag kang mag-alala at hahanapin ko lamang ang aking kapatid."
Hindi man lang ako pinansin ng prinsipe at nakatingin lamang siya sa gitna. Ilang beses ko na siyang siniko at tinadyakan ngunit hindi niya talaga ako pinansin.
"Sa araw na ito ay masasaksihan ng lahat ang pagbitay sa mag-inang Herrera bilang mga taksil sa ating kaharian. Kagabi, isang pag-atake ang ginawa ng kanilang angkan at pinagtangkaan ang buhay ng hari. Nagtangka rin ang prinsesang lasunin ang isang kandidata sa naganap na selekyon."
Nakinig ang lahat sa sinabi ni Tanashiri. Nanlaki naman ang aking mga mata nang marinig iyon. Ako ang nanglason at itinanim ko lamang iyon sa banga ng prinsesa. Ako rin ang nagsimula ng pag-atake upang masagip ang prinsesa at alam nilang walang kinalaman ang prinsesa doon.
Ako ba ang may kasalanan ng lahat?
Hindi ko napansin ang pagtulo ng aking mga luha ngunit nang lumabo na ang aking paningin ay pinunasan ko ang mga ito. Naghihinagpis ang aking puso at gusto kong umakyat at sabihing ako ang may kasalanan ng lahat.
Nilibot kong muli ang aking paningin at nahagilap ko ang wangis ng aking kapatid na nasa kabilang banda ng mga nagkukumpulang mga tao. Tatawagin ko na sana siya ngunit natigilan ako nang makilala ang babaeng nasa kaniyang tabi.
Si Prinsesa Alona.
Naghihinagpis siya at pinipigilan siya ng aking kapatid at ng kasamang si Zenaida at si Pinunong Norjannah. Nalito ako at hindi ko alam kung ano ang ginagawa nila rito ngunit batid kong mapanganib sa kanila ang makita ng mga tao. Nakatakip ng bandana ang mukha ng prinsesa ngunit kilalang-kilala ko ang anyo niya maging ng mga kasamahan niya.
"Pakawalan mo ako, kamahalan!" nagpipigil ng galit na sambit ko at hinila ang aking kamay mula sa kaniya. Doon na siya napatingin sa akin.
"Upang gumawa na naman ng bagay na pagsisisihan mo?" seryosong sabi niya sa akin. Mahina ang kaniyang boses ngunit naririnig ko naman. "Bakas sa iyong mukha ang pagsisisi, Carmelita."
Natigilan naman ako at nanghinang muli dahil alam kong ang isang tulad ko ay walang magagawa kundi ang magalit at maghinagpis. Hindi na ako nagpumiglas at napatingin na lamang sa gitna kung saan ginagapos na ang reyna sa garrote at ilang saglit na lang ay bibitayin na siya.
Walang emosyon ang makikita sa pangatlong reyna ngunit nang napalingon siya sa direksyon ng kaniyang anak, biglang tumulo ang kaniyang luha at tila'y nagkaroon ng buhay ang kaniyang mga mata. Napalingon ako kina Amihan at nakita kong tinanggal ng prinsesa ang kaniyang bandana at siya'y umiiyak habang nakatingin sa kaniyang ina.
Nakita kong parang nakahinga nang maluwag ang reyna nang masilayan ang mukha ng kaniyang natatanging anak. Isang ngiti ang kaniyang pinakawalan bago siya pinutulan ng hininga.
Tila'y nakalimutan ko ang huminga nang masaksihan ang karumal-dumal na pagpatay ng ikatlong reyna. Nang tignan ko ang kinaroroonan nila Amihan, wala na silang apat roon.
Nagsigawan naman ang mga tao nang makitang wala nang buhay ang kanilang reyna. Parang isang manika lamang kung itapon ang bangkay ng reyna at sinunod naman nila ang impostorang prinsesa. Mabilis nilang binawian ng buhay ang babae.
Tila ako'y nabingi at hindi ko maproseso kung ano ang mga nangyari. Ang alam ko'y nagkagulo ang mga tao at kinaladkad ako ng prinsipe palayo sa kanila.
Sa paglisan ko sa sandaling iyon, bitbit ko ang alaala ng isang mapagmahal na ina at ang pagsisisi nang maagawan ng pagkakataon ang anak na masilayang muli ang ngiti ng kaniyang ina.
Pagtatapos ng Kabanata