"Naihatid mo na ba sila, Amihan?" tanong ng prinsipe nang makarating kami sa kaniyang silid. Mabilis na isinara ang mga bintana at pintuan upang makapag-usap kami nang pribado.
"Nahirapan ako sapagkat nagpupumiglas ang prinsesa kaya pinatulog ko muna siya, kamahalan," sagot ng aking kapatid. "Ngunit nakaalis na sila ng Primero."
"Mabuti naman kung ganoon," sagot ng prinsipe. Hinubad niya ang suot na sapatos saka niluwagan ang damit na suot. "Ano nga ba ang nangyari at nakatakas ang prinsesa? Akala ko ba'y hindi pa siya nagigising."
"Nilinlang sila ng prinsesa at tumakas siya kaninang madaling-araw, mahal na prinsipe," pag-ulat ng aking kapatid. "Gamit ang kabayo ni Zenaida ay tinahak niya ang daan papuntang Primero."
"Maaaring may nakakita sa kaniyang mukha kaya madali siyang nakapasok sa Segundo at Primero," sabi ko sa kanilang dalawa. Napatingin naman sila sa akin.
"Kasabay ng pagbitay sa mahal na reyna'y pinaslang na rin sila ng aking sugo," sagot ng prinsipe. Biglang kumirot ang aking puso.
Ayaw kong maawa sa prinsesa dahil wala naman akong karapatang makidalamhati. Ako ang dahilan kung bakit ganoon ang kaniyang sinapit at akala ko'y magiging madali lamang ang kahihinatnan ng aking mga kilos. Isa itong pagkakamaling habangbuhay kong pagsisihan.
"Maiwan ko na kayong dalawa," sabi ko at tumayo sa harapan ng prinsipe upang magbigay ng galang. "Mauna na ako, mahal na prinsipe."
Tumango naman ang prinsipe sa aking paalam. Nginitian naman ako ni Amihan nang tignan ko siya. Agad akong tumalikod sa kanila at naglakad palayo sa kaniyang kamara. Mabilis akong tumakbo papunta sa aking silid at isinara ang pintuan.
Hindi ko na pinigilan ang mga luhang kanina pa gustong kumawala mula sa aking mga mata. Lubos akong nasaktan sa nangyari at wala akong ibang sinisisi kundi ang aking sarili. Ang mapait na sinapit ng mag-ina'y hindi sana mangyayari kung wala ako sa larawan.
Mas mabuti nga sigurong lisanin ko na ang palasyo at bumalik na lamang sa aking dating gawi. Hindi ko na hahangarin pa ang makasali sa rebelyon at hindi na rin ako magtatangkang tulungan ang aking kapatid. Baka imbis na makatulong ay makadagdag pa ako ng suliranin.
Mag-iimpake na sana ako nang maalala ko ang bota na nasa kamay ng ikaanim na prinsipe. Kailangan kong makuha iyon at baka maging isang balakid pa sa mga gawain ng aking kapatid at ng prinsipe. Ayaw ko namang mag-iwan ng dagdag trabaho sa kanila.
Matapos kong mag-ayos ay nag-impake naman ako ng mga damit. Isang maliit na supot lamang ang aking dala at tanging damit lamang ang laman nito. Ang aking mga punyal ay itinago ko sa iba't ibang parte ng aking katawan.
Isinuot ko ang baro't saya na ibinigay sa akin ni Prinsipe Isaiah upang gumanap bilang si Carmelita. Ito ang huling pagkakataon na ito'y aking masusuot at babalik na ako sa lumang mga saya at punit-punit na mga damit. Madali kong naitatago ang aking mga punyal sa baro't saya ngunit sobrang bigat naman sa katawan.
Nang makalabas ng silid, agad akong nagtungo sa kamara ng ikaanim na reyna. Batid kong naroroon din ang silid ni Prinsipe Isagani at kailangan ko siyang makausap bago ako tumakas. Nawala na ang mga hanay ng kawal na narito kaninang umaga dahil sa naganap sa plaza at hanggang ngayon ay naroroon pa rin sila.
"Saan ang iyong punta, binibini?"
Napalingon ako sa aking likuran at nakita ko ang prinsipeng aking hinahanap. Mataman siyang nakatingin sa akin at sinusuri ang bawat galaw ko. Napalunok ako at siniguradong naitago ko na maging ang aking supot na inipit ko sa aking kili-kili.
"Papunta sana ako sa iyong kamara, mahal na prinsipe," sabi ko at yumuko bilang pagbati. "Mabuti naman at nakita kita rito, maaari ba tayong mag-usap?"
"Tungkol ba ito sa bota?" tanong niya. Agad akong tumango. "Sabihin mo na rito ang iyong pakay."
"Kung maaari sana'y sa pribado tayo mag-usap, kamahalan."
"Kung gayon, sa aking silid tayo mag-usap."
Tahimik lamang kami habang tinatahak ang daan papunta sa kaniyang kamara. Mabilis ang kaniyang paglakad at ako'y hinihingal sa kakasunod sa kaniya. Doble yata ang taas ng kaniyang mga binti at hindi ko alam kung ako'y pandak o siya'y likas na matangkad.
Ilang minuto rin ang lumipas nang makarating ako sa kamara ng mga Valmorida. Pare-parehas lamang ang struktura ng kanilang mga bahay ngunit ang hari ang may pinakamalaki at pinakamagarang kamara.
Nang makapasok kami sa kaniyang silid, pinaupo niya ako at inalukan ng tsaa. Kinabahan ako dahil hindi ko alam kung paano ito inumin kaya hindi ko ito ginalaw.
"Hindi ka ba mahilig sa tsaa?" tanong niya. Tumango ako. "Hindi pa ako nakakakilala ng isang taong hindi nagta-tsaa."
"Dahil hindi ka naman yata marunong makisalamuha," sagot ko. Nang mapagtampo ang aking mga salita, natakpan ko ang aking bunganga. "Ang ibig kong sabihin ay mahirap naman talaga maghanap ng taong makakasalamuha mo, kamahalan."
Wala siyang sinagot at hindi ko alam kung siya ba'y nainsulto sa aking mga salita ngunit hinayaan niya lamang iyon. Binalot kami ng katahimikan at hinayaan ko muna siyang uminom ng tsaa.
"Babawiin mo na ba ang iyong bota?" diretsahang tanong niya. Muntik pa akong mabulunan kahit wala naman akong nginunguya.
"H-Hindi nga ako ang nagmamay-ari ng bota," sabi ko nang makabawi mula sa pagkagulat. Inalala ko pa ang sinabi sa akin ni Amihan at iyon ang gagawin ko upang mabawi ang aking gamit. "Ang may-ari ng botang iyon ay walang iba kundi ang namayapang prinsesa."
Hindi kaagad nakasagot ang prinsipe at napatingin na lamang sa akin. Kinakabahan ako at baka naririnig niya rin ang t***k ng aking puso sa sobrang lakas nito.
"Sabi mo'y hindi ka magkakaroon ng isang lumang bota, paano pa kaya siya na pinakamaselan sa lahat?"
“Tatanungin muna kita, mahal na prinsipe,” naging seryoso ang aking mukha. “Paano mo nasabing ako ang nagmamay-ari ng bota?”
Ito ang sinabi sa akin ni Amihan. Babaliktarin ko ang prinsipe at ididiin ko sa kaniya ang mga naging bintang niya sa akin. Iibahin ko ang storya at sasabihin kong mali ang pag-unawa niya sa sitwasyon.
"Dahil nakita kita noong gabing iyon," sabi niya at ibinaba ang kaniyang tsaa.
"Sigurado ka bang ako iyon?"
"Kung hindi nga ikaw iyon, bakit naririto ka at interesado ka sa bota?"
"Sinabi ko nang ang prinsesa ang nagmamay-ari niyan, mahal na prinsipe," walang bahid ng pag-aalinlangang sagot ko. Umakto akong kumpiyansa sa aking mga salita. "Naroon ako kagabi sapagkat ako dapat ang naroroon at hindi ang prinsesa. Bilang kapalit ng pag-iimbestiga tungkol sa lason, ako ang pinapapunta ng hari upang sana'y pagsilbihan siya."
"Kung ang prinsesa nga ang nagmamay-ari ng bota, ano naman ang masama doon?" tanong niya sa akin. "Bakit kailangan mong kunin ang bagay na hindi iyo?"
"Sapagkat gagamitin niya sana iyan bilang pantakas, kamahalan," sabi ko at yumuko. Umakto akong naiiyak. "Naroon ako kagabi upang itakas ang prinsesa at ako ang papalit sa kaniya upang magsilbi sa hari."
"Pinupuri ko ang iyong lakas ng loob," sabi niya at ngumisi. Kinilabutan ako nang makita iyon. "Ngunit bakit magpapatakas ang prinsesa kung siya ang nagkusang maghubad ng damit at pumasok sa silid ng hari?"
Isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa amin dahil wala na akong maisagot. Ang akala ko'y madadala ko ang ikaanim na prinsipe sa ganitong paraan ngunit hindi ko inaasahang ganito siya katuso. Kapag kinakausap ko siya'y parang kausap ko ang aking kapatid.
"Maaari na kitang ipadakip ngayon at sa pagpunta mo rito'y kinumpirma mo ang aking mga hinala," sabi niya at uminom muli ng tsaa na para bang pangkaraniwan lamang ang aming usapan. "At lilinawin ko, wala ako sa gabi ng pag-atake."
Nanlaki ang aking mga mata at hindi makapaniwala sa aking narinig. Muntik na akong mangisay sa kaba at pinuwesto ang aking kamay sa gilid ko upang madali kong makuha ang punyal.
"N-Ngunit sabi mo'y nakita mo ako kagab--"
"Hinuhuli lamang kita," kalmadong sagot niya. Walang bakas ng kahit na emosyon ang makikita sa makinis niyang mukha. "Kaninang umaga ko lamang nakita ang bota sa likod ng kamara ng mahal na hari."
"Maliit ang bota at hindi kasya sa mga lalaki kaya naisipan kong babae ang nagmamay-ari nito. Nang marinig kong ang prinsesa ang naroroon, inakala kong siya ang nagmamay-ari at sinubukan niyang tumakas," sabi niya. Hindi mawala ang kaba sa aking dibdib. "Ngunit nang makita ang kaniyang kalagayan bago siya ibinitay, mukhang malabo na siya'y makakatakas."
Medyo lumuwag ang aking hininga nang marinig iyon mula sa kaniya. Mabuti naman at hindi niya nahalatang ibang babae ang ibinitay kanina ngunit hindi ko masabi sa kaniya ang totoong nangyari upang maisagip ko lamang ang aking sarili.
"Ngunit nang puntahan ko ang kamara ni Isaiah, nagtaka ako dahil nawawala siya kahit maaga pa," paliwanag niya. "Tinignan ko rin ang iyong silid ngunit wala ka rin."
Kaya pala bukas ang bintana ng aking sialid dahil sa prinsipe!
"At sa tingin mo ba'y sapat ang lahat ng iyan upang sabihin na ako ang sumugod kagabi?" tanong ko sa kaniya. Muli siyang napangisi sa aking tinuran.
"Wala akong sinabi na ikaw ang sumugod, binibini," sabi niya. Itinukod niya ang kaniyang kamay sa mesa at inilapit ang kaniyang katawan sa akin. "Ano nga ba ang pakay mo sa kaharian ng Servorum, binibining Carmelita?"
Napatingin lamang ako sa malamig niyang mga mata at hindi ko mahanap ang mga tamang salita na sasabihin sa kaniya. Sadyang napakatuso niya para sa akin na simple lamang kung mag-isip.
"Maaari ko bang hiramin ang aking pinsan?"
Napalingon ako sa pumasok sa silid at nagulat ako nang makita ang ikalimang prinsipe na may malamig na ekspresyon sa mukha. Napatuwid naman ng tayo ang ikaanim na prinsipe at lumayo sa akin. Nilapitan niya ang dumating na kapatid at nilagpasan ako.
“Napadaan ka yata sa aking lugar, kapatid,” bati ni Prinsipe Isagani kay Prinsipe Isaiah. Nanatiling matigas ang ekspresyon ng ikalimang prinsipe kaya napataas ang sulok ng kaniyang bibig. “Mukhang may atraso yata ako?”
“Hindi ikaw ang pakay ko rito,” walang ganang sagot ni Prinsipe Isaiah. Nagulat ako nang bigla niya akong hinila patayo. “Hali ka na’t may kailangan pa tayong puntahan.”
Kakaladkarin niya sana ako palabas nang hilahin ko ang aking kamay saka pinigilan siya. Nagtataka pa siyang nakatingin sa akin ngunit tinaasan ko lamang siya ng kilay.
“Nag-uusap pa kami ni Prinsipe Isagani, kamahalan,” sabi ko at yumuko sa kaniya. Hindi naman siya makapaniwala sa aking inasta. “Akala ko ba’y isang karaniwang tuntunin ang hindi mangambala ng dalawang taong nag-uusap?”
“Ano nga ba ang kailangan niyong pag-usapan at wala naman kayong kaugnayan sa isa’t isa?”
“At ano naman ang pake mo kung mag-usap kami?” tanong ko saka inirapan siya. Hindi maaaring patulan ko ang kaniyang kabobohan, kailangan kong kunin ang loob ng kaniyang kapatid upang mabawi ko ang bota.
“Hali ka na at may pupuntahan pa tayo,” pagtitimpi niya at hihilahin sana akong muli ngunit agad akong lumayo sa kaniya. Tinaasan niya ako ng kilay. “Sinusuway mo ba ang utos ng isang prinsipe?”
“Nakakatuwa naman kayong tignan,” singit ni Prinsipe Isagani. Mapang-asar na ngiti ang ibinigay niya sa kaniyang kapatid. “Mukhang ayaw sumama ng iyong pinsan, kapatid. Sana nama’y maunawaan mo siya at gusto ko pa siyang makilala nang lubos.”
Pumula ang tainga ni Prinsipe Isaiah sa inis at tahimik akong minamata. Pinanlakihan ko rin siya ng mata at hindi ko alam kung bakit ginagawa niya ito. Saan ba pupunta ang kupal na ito at kailangan pa akong isama?
Walang naging salita ang ikalimang prinsipe at bigla na lamang umalis ng silid. Hindi namin mabatid kung ano ang naging takbo ng utak niya at nanatili kaming tahimik ni Prinsipe Isagani.
“Ganiyan ba kahalaga ang isang lumang bota sa iyo at ilalantad mo ang iyong pagkatao sa akin?” malamig na tanong ng prinsipe. Napalingon ako sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin, kamahalan?”
“Kung hindi kayo magpinsan ni Isaiah, iisipin kong nahulog ang damdamin niya sa iyo,” sabi niya. Bigla namang sumama ang aking sikmura nang marinig iyon.
“Magkapatid nga kayong tunay at parehas na maluwag ang inyong mga turnilyo,” sabi ko at inirapan siya. Nang mapagtanto ko kung sino ang aking kausap, biglang umurong ang aking dila.
“Galing ka ba talagang Espanya? Bakit ganiyan ang paraan ng iyong pagsasalita?” sabi niya. Nakahinga ako nang maluwag at hindi siya nagalit.
“Ipinanganak ako sa galit at karahasan kaya ganito ako magsalita, mahal na prinsipe,” sabi ko at ipinilit ang isang halakhak. Hindi naman natawa ang prinsipe kaya agad kong isinara ang aking bibig.
Hindi naman siya sumagot at biglang tumalikod sa akin. May kinuha siya sa ilalim ng kaniyang mesa at bigla akong napatuwid ng tayo nang makitang iyon ang kaing na nilagyan niya ng aking bota.
“Isasauli ko ‘to sa iyo sa isang kondisyon, Binibining Carmelita,” sabi niya. Bigla akong kinabahan.
“Ano po iyon, kamahalan?”
“Magtrabaho ka para sa akin.”
“P-Po?” naguguluhang tanong ko. Lumapit siya sa akin.
“Eres una sicaria?” mahinang tanong niya. Nagulat naman ako sa tanong niya.
(Are you an assassin?)
Ang isang sicaria ay isang babaeng bihasa sa pakikipaglaban at nagtatrabaho sa dilim. Nagta-trabaho ang isang sicaria sa ilalim ng isang opisyales o makapangyarihang tao at siya ang inuutusang pumatay ng patago. Sicaria ang tawag sa wikang Espanyol kapag babae, sicario naman kung lalaki.
“Kaya ba pumunta ka rito sa kaharian ng Servorum upang pabagsakin ang administrasyon ng aking ama?” dugtong niya. “O di kaya’y ikaw mismo ang papaslang sa kaniya?”
“W-Wala akong alam sa mga pinaparatang mo sa akin,” nagmamatigas na wika ko ngunit bakas pa rin ang takot sa aking tinig.
Nagulat ako nang bigla niyang itapon sa akin ang isang punyal. Mabilis akong nakailag at sinalo ko pa ang punyal gamit ang aking kanang kamay. Ramdam ko ang hapdi sa aking palad at ang dugo’y pumapatak sa sahig.
“Sabihin mo ngayon na ikaw ay hindi bihasa,” kompyansang sabi niya. Napatingin ako sa punyal na ilang sentimetro lamang ang layo sa aking dibdib. “Kung wala ka ngang kakayahan sa pakikipaglaban, ngayon sana’y hindi ka na humihinga.”
Hindi kaagad ako nakapagsalita at nag-isip muna ng dapat gawin. Alam na ng prinsipe na ako’y bihasa sa mga sandata at maaari ko itong maikamatay. Alam ko nang hindi ko ito matatakasan ngunit desperada pa rin akong mabuhay. Bakit nga ba mukhang wala na akong nagawang tama at puro na lang kapalpakan ang mga napipili kong gawin?
“Kung gayon, humihingi ako ng tawad sa susunod kong gagawin.” seryosong sabi ko at malamig ko siyang tinignan. Biglang nawala ang kompyansa niya sa sarili at mukhang kinabahan sa pagbabago ng aking awra.
Binaliktad ko ang punyal at itinutok sa kaniyang direksyon. Bago pa siya makaiwas ay mabilis kong naitapon ang patalim sa kaniyang kamay kaya nabitawan niya ang kaing na may lamang bota.
Iyon lamang ang aking pakay kaya mabilis kong dinampot ang kaing at lumayo sa kaniya. Hindi naman malalim ang sugat na ginawa ko sa kaniyang braso ngunit hindi siya makatayo at nanatili lamang ang kaniyang kaliwang kamay sa kanang braso na nadaplisan.
“Bakit hindi mo na lamang diniretso sa aking leeg ang patalim?” natatawa niyang sabi. Nginisihan ko siya.
“Hindi mo man lang ako kayang daplisan?” nakangising tanong ko sa kaniya. Itinaas ko ang dalawa kong kamay at ako naman ngayon ang may mapang-asar na ngiti. “Ayaw kong lumaban na hindi patas, kamahalan. Hindi ako katulad niyo na pumapatol sa mga walang kalaban-laban."
Tila umuusok ang kaniyang ilong sa mga salita ko. Alam kong kahit anong galing ko sa pakikipaglaban, pinapadali ko lamang ang pagsundo sa akin ng kamatayan. Kumbinsido na talaga ako na isa akong baliw at kahit ang prinsipe’y nagawa kong hamunin.
Tuso at matalino ang ikaanim na prinsipe ngunit hindi siya magaling sa pakikipaglaban at sa sobrang lambot ng kaniyang kamay ay tila hindi pa siya nakakahawak ng patalim. Tuso rin naman ang kaniyang kapatid ngunit hindi kasingtalino niya.
“Sino ka ba?” tanong niya. Tumalikod na ako mula sa kaniya.
“Ako ang papaslang sa inyong lahat,” seryosong sagot ko bago lumabas ng kaniyang silid. Bago niyo pa ako mapaslang, sisiguraduhin kong walang kahit isa ang matitira sa inyong lahi.
Walang tao nang makalabas ako mula sa kaniyang silid kaya mabilis kong nilisan ang teritoryo ng mga Suarez. Nang makalayo, binagalan ko ang aking lakad at umaktong normal.
Inalala ko ang sekretong lagusan na dinaanan namin kaninang madaling-araw at kailangan ko pang siguraduhin na walang nakakakita sa akin. Maingat akong naglalakad sapagkat malapit lamang ako sa kamara ng mga Divata at baka ako’y makita pa ng pasulpot-sulpot na prinsipe.
Nang makasigurong walang nakakakita sa akin, mabilis kong tinahak ang sekretong daanan. Bago magpatuloy ay huminto muna ako at nagtago sa damuhan saka ko hinubad ang baro’t saya na suot. Isang pantalon na gawa sa sako ng harina at pang-itaas ang aking isinuot bago nagpatuloy.
Babalik na ako sa lugar kung saan ang himig ng aking tunay na pangalan ang naririnig ko tuwing umaga, kung saan ang tawag sa akin ay Hiraya.
Pagtatapos ng Kabanata