KABANATA 26 - ISPIYA

2978 Words
TW/ Mga pangyayari at salitang hindi angkop sa mga bata “Saan ka ba nanggaling at ngayon ka lamang nakabalik?!” Isang oras na yatang tumatalak ang aking ina at pabalik-balik na ang kaniyang mga sinisigaw. Mukhang nakabisado ko na nga ang kaniyang mga salita maging ang mga tuldok at ang bawat paghinga niya. Nang dumating ako sa bahay, mag-isang nagtatahi ang aking ina ng mga bestidang ibebenta niya sa palengke. Inaasahan kong sermon ang aking aabutin ngunit umabot iyon sa puntong itinapon na niya ang mga damit na naiwan ko sa labas kaya heto ako ngayon at naglalaba sa labas ng bahay. Sa putik niya kasi itinapon at maraming naglalaba sa ilog kaya ako ngayon ay nag-iigib. Madali lamang akong nakalusot papuntang Tercero dahil sa tulong ng mga aliping nakatira sa Primero. Itinuro nila ang sekretong daanan sa Segundo kung saan sila nakakalusot papuntang Tercero. Marami rin pala ang nakakaalam ng daanan ngunit mga kapwa alipin lang din. "Teka sandali," sabi ni ina at lumabas siya ng bahay upang tignan ako. Kanina pa ako tahimik at hinahayaan lamang siyang magsalita. "Bakit kulay pula ang kulay ng bula sa tubig?" Natigilan ako at napalingon sa aking palad. Nakalimutan ko tuloy ang sugat na galing sa punyal ng ikaanim na prinsipe at nang masilayan kong muli ay bumalik ang kirot. Umasim ang aking mukha at biglang bumalik ang hapdi sa aking palad. "Itigil mo muna ang iyong paglalaba at pumasok ka sa loob," maotoridad na sabi ni ina. Sumunod naman ako sa kaniya at huminto sa paglalaba. Umupo ako sa munting upuan namin na kahit ilang taon na ang lumipas ay matibay pa rin. Tila namanhid ang aking kamay kanina at hindi ko naramdaman ang sakit dahil na rin sa kaba na baka ako'y mahuli at hindi na makabalik rito. Mabuti na lamang at nakatanggap ako ng tulong. Galing ang aking ina sa kwarto at nang bumalik siya sa salas ay may dala na siyang malinis na tela at mga halamang gamot. Tumabi siya sa akin at kinuha ang aking palad. Tahimik lamang kaming dalawa habang ginagamot niya ang aking sugat. Hindi ako mapakali at iyon ang unang beses na ginawa niya iyon para sa akin kahit maraming beses na akong nasugatan. Ako lamang ang gumagamot sa aking sarili at hinahampas niya pa ako ng dos-por-dos sa tuwing nasusugtan. "Patawad." Nagulat ako nang marinig iyon mula sa aking ina. Tila umatras ang aking dila at hindi makapagsalita. Hindi ko alam kung tama ba ang aking narinig o nabingi lamang ako.  "Ang iyong reputasyon ay hindi makakatulong kay Amihan upang siya'y makapasok sa palasyo," sabi niya. Nagsimula na akong manginig sa mga emosyong hindi ko mapaliwanag. “Kahit hindi ako sang-ayon sa kaniyang kagustuhan, wala akong magagawa sapagkat determinado ang bata at ayaw kong maging rason upang mawalan siya ng ganang magpursigi sa isang bagay na pinaghandaan niya magmula pagkabataa.” Binawi ko ang aking kamay at siya’y napalingon sa aking mukha nang gawin ko iyon. Naging bato ang kanina’y malambot na ekpsresyon sa aking mukha at napaangat ang sulok ng aking labi. “Kaya ba napagdesisyunan mong patayin ang aking liwanag?” hindi makapaniwalang tanong ko. Napahinga ako ng malalim at kinalma ang aking sarili. “Si Amihan lamang ba ang iyong anak, ina?” “Sa sobrang pagtingin ko sa kapakanan sa isa, hindi ko namamalayang naagrabyado na pala ang aking panganay,” mahinang sagot niya. Kinuyom ko ang aking kamao upang pigilan ang aking mga luha. “Humihingi ako ng tawad sa mga oras na itinakwil kita para lamang masagip ang reputasyon ng iyong kapatid. Ngayon ko lamang napagtantong nasasaktan ka rin.” Wala akong naging imik at nanatiling nakakuyom ang aking kamao kahit mahapdi. Wala namang nagawa ang aking ina kundi ang tignan ako at ayaw ko ang tinging iyon. “Wala kang kailangang ihingi ng tawad, ina,” sabi ko at tumigil saglit upang pigilan ang paghikbi. “Ginawa mo naman ang lahat para sa natatangi mong anak.” Bago pa niya naibukas ang kaniyang bibig ay agad akong tumayo at mabilis na lumabas ng bahay. Hindi ko na napigilan ang aking mga luha at ayaw kong umiyak sa kaniyang harapan. Ayaw ko ring magsabi pa ng isang masakit na salita dahil ina ko pa rin siya. Iyon naman ang gusto kong marinig, hindi ba? Matagal ko nang hiniling na sana dumating ang araw na ako’y makilala niya at humingi siya ng tawad sa naging trato niya sa akin ngunit bakit ang sakit? Bakit hindi ko kayang marinig ang lahat ng iyon? Dinala na lamang ako ng aking mga paa sa sapa kung saan ako naliligo at naglalaba. Hindi ko aakalaing agad kong hahanap-hanapin ang simoy ng Trecero kahit saglit lamang ako sa palasyo. Nawala na ang mabigat na pakiramdam sa aking mukha dala ng pagsusuot ng pulbos at iba pang mga nilalagay ko sa aking mukha upang takpan ang aking peklat. Nawala na rin ang mabigat na pakiramdam sa tuwing tinatawag nila ako sa pangalang hiniram ko lamang sa isang patay. Tila’y naging malaya ako sa loob ng isang kulungan. Alam kong nalalabi na lamang ang aking mga araw at alam kong hindi papayag ang ikaanim na prinsipe na basta-basta lamang siyang sinugatan ng isang katulad ko. Baka nga’y alam na niya ngayon na isa akong alipin at may mga kawal nang naghahanap sa akin dito sa Trecero. “Hiraya?” Napalingon ako sa aking likuran at nasurpresa ako nang makita ko si Zenaida. May dala siyang kaing ng mga maruruming damit at maglalaba yata siya. Isang matamis na ngiti ang nakaukit sa kaniyang mukha. “Maglalaba ka?” tanong ko na lang. Hindi ko alam kung paano ko siya sasalubungin at hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin. “Hindi ba halata?” pambabara niya saka tumawa. Inirapan ko na lang siya. “Ganiyan talaga nagagagawa ng alak, nakakasira ng utak.” “Tanga, matagal na akong hindi umiinom,” sagot ko. Ngayon na nabanggit niya ang alak, gusto ko na tuloy magpakalasing. “Tara na’t uminom,” yaya niya. Tinaasan ko naman siya ng kilay. “Akala ko ba’y maglalaba ka?” “Maaari ko naman itong gawin bukas,” sabi niya at lumapit sa akin. Sinalubong niya ako ng isang mainit na yakap. “Matagal na rin tayong hindi nagkita at hindi naging maganda ang huli nating pagkikita.” “Sino ba naman ang matutuwa kapag nalaman na may sumusubaybay sa bawat kilos mo?” nakataas ang aking kanang kilay nang sabihin iyon. “Patawad at tunay ngang hindi maganda ang aking ginawa.” “Mabuti na lang at maganda ako,” sagot ko at hinawi ang aking buhok. Ngumiwi naman siya. “Huwag ka nang mangarap,” pambabara niya kaya inirapan ko siya. Siya na nga ‘yong may atraso, siya pa ang may ganang bumanat ng ganiyan.  “Dapat may kasamang alak ‘yang paghingi mo ng tawad.” “Oo na, sagot ko na, Binibining Hiraya,” pormal na sabi niya at yumuko upang magbigay ng respeto. Yumuko rin ako pabalik, “Ikinagagalak ko ang uminom kasama ka, Binibining Zenaida.” Para kaming mga baliw at tawa lang kami nang tawa papunta sa kaniyang bahay. Pagdating namin, parang alam na niya ang aking pagdating at may hinanda siyang dalawang bote ng alak. Nagulat naman ako nang makita kung anong klase iyon. “Mamahalin ito, ah!” gulat na sabi ko at hahawakan sana ang bote ngunit hinampas niya ang aking kamay. Umiling-iling siya at sinabing huwag ko itong hawakan kaya napasimangot ako. “Ibinigay iyan sa akin ni Don Febrio,” taas-noo niyang sagot. “Magpasalamat ka at ikaw ang mapalad na makakasama kong uminom nito.” “Umiinom ka ba habang wala ako?” tanong ko sa kaniya at kumuha ng sariling upuan. Inihanda niya ang mga baso at nagdurog ng yelo. “Hindi ah, alam mo namang ikaw lamang ang pinagkakatiwalaan kong makasama kapag nalalasing,” sagot niya. Tumango naman ako at tumawa dahil grabe naman talaga siya kung malasing. “Akala ko ba’y diretso nang iinom mula sa bote,” natatawa kong sabi habang tinitignan siyang naghahanda. “Saan ka ba natuto ng ganitong klase ng pag-inom?” “May mga maharlikang bisita si Don Febrio noong nakaraang linggo at ganito sila uminom,” paliwanag niya. “Nang tanungin ko ‘yong kasama ko, sabi niya kapag ganito’y hindi agad malalasing at tatagal sa sistema mo ‘yong alak. Ang saya diba?” “Gusto mo ‘yon?” hindi-makapaniwalang tanong ko. “Gusto kong malasing agad at diretsong matanggal ang alak sa aking katawan kinabukasan.” “Wala namang masama kung susubukan natin,” nakangising sabi niya. Isang baso lamang ang kaniyang nilagyan ng yelo at mukhang ipapasa-pasa lamang ang maliit na basong iyon. Iinom ba talaga kami o maglalaro? Sa akin niya unang ibinigay ang baso. Hindi puno iyon at agad kong nilaklak. Biglang nanlaki ang aking mga mata at ang init ng alak sa aking lalamunan. Parang sinusunog ang aking kalamnan sa sobrang tapang. “Dahan-dahan lang kasi,” natatawang sabi niya saka ininom ang isang baso. Umasim din ang kaniyang mukha at napaubo pa. “Ang alam ko’y matapang talaga ang alak na ito ngunit hindi ko alam na nakakamatay pala.” Tumawa naman ako at parehas kami ng sentimento. Ang akala ko pa’y basta-basta ko iyong malalaklak ngunit mukhang mabilisang kamatayan ang resulta nito. Dahan-dahan lamang kaming umiinom at nasanay na ako sa alak matapos ang tatlong baso. Naging suwabe na ang alak sa aking lalamunan at hindi na masyadong nakakapaso sa lalamunan. “Nakita mo ba kung paano pinaslang si Marielle?” Napaangat ako ng tingin nang marinig ang tanong na iyon. Nang tignan ko ang kaniyang mga mata, may halong galit at poot iyon. Mukhang nalalasing na siya at madali lang siyang tinatablan ng alak. “Oo,” mahinang sabi ko at diretsang ininom ang ang alak. Sa paglagok kong iyon, naramdaman ko hindi lamang ang pait ng alak kundi ang pait din ng sandaling iyon. "Sabi namin, sa oras na sumali kami sa rebelyon, mamatay kaming ipinaglaban ang aming mga prinsipyo sa buhay at dadalhin sa libingan ang karangalan," sabi niya. Bago magpatuloy ay uminom muna siya. "Bakit basta-basta na lamang siyang ginanoon? Bakit napakalupit ng kaniyang sinapit? Hindi man lang patas at wala siyang laban." Wala akong maisagot at hinayaan na lamang siyang magsalita at maglabas ng sama ng loob. Tahimik akong nakikinig sa kaniya at isinantabi ko na ang isang bote at baka’y malasing pa siya lalo. “Hindi ko maintindihan, bakit ganoon?” puno ng hinanakit na sabi niya. Hindi na niya napigilan ang kaniyang luha. “Pati ba naman ang karapatan na mamatay nang payapa at marangal ay kukunin mula sa atin?” Hindi ako nagsalita at hindi ko rin naman alam paano siya patatahanin. Baka sa halip na makatulong ang aking mga salita ay makasakit pa ako sa kaniya. Hindi ko rin alam kung gusto niya ba ng isang yakap. Isa lamang ang alam ko, kailangan niya ng taong makikinig sa kaniya. “Hindi ako takot mamatay. Ngunit ang mamatay nang hindi napanindigan ang prinsipyo sa buhay, iyan ang ayaw kong mangyari.” Napaisip naman ako dahil doon. Ano nga ba ang prinsipyo ko sa buhay? Ang nais ko lang naman ay makalaya sa hirarkiyang ito at mabuhay nang patas. Ang tanging hangad ko ay isang lipunan kung saan hindi ako mag-aalala na isa akong babae. “Tama na iyan,” pagpigil ko sa kaniya sa pag-inom ng isa pang baso. Limang baso pa lamang ang kaniyang naiinom at hindi ko na siya makausap ng maayos. “Anong tama? Walang tama sa kahariang ito!” sabi niya sabay hawi sa aking kamay. Napasimangot na lamang ako at pilit na kinuha ang kaniyang inumin. “Ano ba! Pati ang karapatan kong uminom ay kukunin mo rin sa akin?!” reklamo niya. Napailing na lamang ako. “Hindi mo pa ako binibigyan ng baso,”mahinahong sagot ko at tuluyang nakuha ang baso mula sa kaniya. “Kanina pa ako naghihintay.” “Aba, ang tahimik mo ah!” sabi niya at malakas na tumawa. “Ganiyan ba ang resulta kapag gumanap na isang maharlika sa loob ng palasyo?” Natigilan ako sa pag-inom at napatingin na lamang sa kaniya. Nanatili ang ngisi sa kaniyang bibig at mapupungay na ang kaniyang mga mata.  “Tumahimik ka nga, nalalasing ka na,” pag-iiba ko sa diskusyon at inilagay sa mesa ang baso. Nabitin ako sa inumin at hindi man lang ako tinamaan. “Katulad ka rin nila! Kinukuha mo sa akin ang karapatang magsalita!” sigaw na naman niya. Hindi ko na siya pinatulan at lumapit na lamang sa kaniya. “Ikaw ang nagyayang uminom tapos ikaw ang unang malalasing,” sabi ko at inalalayan siyang tumayo. Natumba pa kami sa sobrang bigat niya. “Umayos ka nga! Ihahatid na kita sa kwarto mo.” “Anong kwarto? Isa pa!” sabi niya at babalik na sana sa mesa ngunit mabilis kong dinampot ang kaniyang kamay at mahigpit siyang hinawakan. “Huwag ka ngang malikot!” reklamo ko ngunit lalo siyang naging magalaw. Talagang sinusubukan niya ang aking pasensya.  "Isa pa nga!" pagmamaktol niya ngunit nailayo ko na siya sa mesa at malapit na kami sa kwarto niya. Nang mabuksan ko ang kwarto ay mabilis ko siyang ibinagsak sa kaniyang higaan at agad naman siyang nakatulog. Iniwan ko na lamang siya sa loob at bumalik sa mesa upang iligpit ang mga basura at ang bote. May kaunti pang natira sa binuksan na alak at nasa ilalim naman ang isa pang bote. Hindi naman siguro maaalala ni Zenaida kung ilan ang kaniyang nainom, hindi ba? Tumigil muna ako sa paglinis at mag-isang uminom sa labas ng kaniyang kubo. Mukhang hahanap-hanapin ko na ang init ng alak na ito at nakakaadik ang kaniyang bagsik. Hindi ko nga lang alam kung saan ko ito makukuha. "Totoo nga ang balitang nakauwi ka na." Napalingon ako sa nagsalita at nagulat ako nang makita ang natatanging prinsesa ng kaharian, si Prinsesa Alona. Muntik pa akong maging bato at hindi agad ako nakapagsalita. Nang makabalik sa wisyo, mabilis akong yumuko sa kaniyang harapan. "K-Kamahalan," nauutal na bati ko. Hindi ko magawang iangat ang aking ulo at masagot siya gaya noong ako'y nagpanggap na si Carmelita. "Ikaw si Hiraya, hindi ba?" tanong niya. Nag-alinlangan akong sumagot ngunit sa tulong ng alak ay nagawa kong tumango. "Maaari ko bang makausap si Carmelita?" "Ano?" naguguluhan kong tanong. Umupo siya sa aking harap at inagaw ang basong hawak ko. Binuhusan niya ang sariling baso ng alak. "Mabagsik kasi siyang magsalita. Nadadala ako sa paraan ng kaniyang pagbigkas," sabi niya at mahinang tumawa. Kahit sa murang edad, mukhang sanay na siyang uminom ng alak. "Nakukumbinsi akong magpakatanga." Mukhang naintindihan ko naman siya at binago ko ang aking tindig. Inayos ko ang aking sarili at tinignan siya sa mata. "Nagbago yata ang iyong anyo, mahal na prinsesa," pormal na bati ko sa kaniya. Isang mapait na ngiti ang kaniyang ibinigay. "Huwag mo na akong ituring na isang maharlika, ako'y isang patay na," sabi niya sa akin at lumagok ulit ng isang baso. Hindi ko aakalaing ganito siya kalakas uminom. "Ako nga pala si Alona." Iniabot niya sa akin ang kaniyang kamay at agad ko naman akong nakipagkamay. Hindi siya ngumingiti at nawala rin ang mayabang na awra sa kaniya. "Ikaw ba ang nagtanim ng lason sa aking lugar?" Bigla akong kinabahan ngunit nang makitang nawala ang kompyansa niya sa sarili, mas nangibabaw ang awa at konsensya. Natatakot ako at baka magkamali ako sa aking mga salita. "Patawad," sabi ko at yumuko. Ang akala ko'y magagalit siya at sasaktan ako gaya ng palagi niyang ginagawa ngunit kalmado lang siya. Para bang alam na niya ang aking isasagot at tanggap na niya iyon. "Gusto kong magalit sa iyo," kalmado niyang sabi sa akin ngunit puno iyon ng poot. "Gusto kong magalit dahil pinagbintangan ako sa bagay na hindi ko ginawa. Gusto kitang sisihin sa mga nangyayari sa akin ngayon at sa pagkamatay ng aking ina." "Kung iyan ang makakagaan ng iyong kalooban, nararapat lamang na ako'y iyong parusahan." sabi ko. Umiling siya. "Kahit hindi naman iyon nangyari, papatayin pa rin nila kami," sagot niya. Kumunot ang aking noo. "Ano ang ibig mong sabihin?" "Kontrolado ng aming angkan ang mga kawal sa silangang hangganan ng kaharian. Doon madalas lumulusot ang mga dayuhan sa ilegal na paraan," sabi niya. Uminom muna siya saka nagpatuloy. "Ang hukbong iyon ang pinakamalakas at pinakarami, tinatawag silang Silangang Hukbo." "Matagal nang gustong makontrol ng hari ang hukbong iyon ngunit tapat sila sa aking ina. Kaya isang banta sa pamahalaan ang aking ina at hindi mahawakan ng hari dahil sa kanila." Namangha naman ako ngunit kumirot din ang aking puso. Isang matapang na reyna ang ipinaslang at may kapangyarihan laban sa hari. Kung mapupunta sa hari ang hukbong iyon, mukhang liliit ang tsansa ng rebelyon na magtagumpay laban sa pamahalaan. "Sila rin naman ang magtatanim ng lason sa aming lugar kahit hindi mo ginawa iyon. Mas pinadali mo lamang ang kanilang trabaho," sabi niya at pumeke ng isang tawa. "Kaya noong gabing iyon, naging desperada ako at alam kong ang aking ina ang mapaparusahan sa lasong iyon. Alam kong gagawin nila iyong bala laban sa aking ina kaya kahit madungisan ang aking dignidad, naghubad ako." Hindi na niya napigilan ang kaniyang mga luha at ako nama'y nagsisisi sa aking ginawa. Alam kong parehas naming iniisip na hindi kami ang magkalaban at hindi kami dapat  ang magkatunggali. "Humihingi ako ng tawad," sabi ko at pinigilan ang maiyak. "Hindi ko man mabawi ang iyong pagkatao at ang buhay ng iyong ina, sana naman ay may magawa ako para sa iyo." "Bumalik ka sa palasyo at maging aking ispiya," walang pagdadalawang-isip na sagot niya. Nanlaki naman ang aking mga mata. "Nais kong sumali sa kaguluhan." Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD