KABANATA 27 - IBON

3244 Words
TW/ Mga eksena at salitang hindi angkop sa mga bata "Kumpirmado ngang nasa Trecero ang iyong kapatid, Amihan." Iyan ang bungad sa akin ni Prinsipe Isaiah nang ipinatawag niya ako sa kaniyang silid. Hindi ko alam kung bakit siya'y hindi mapakali at tila'y napipikon. "Ang akala ko'y iyan ang gusto mong mangyari, kamahalan?" naguguluhang tanong ko. Nagulat ako nang bigla siyang tumayo at pabalik-balik na naglalakad. "Hindi ligtas sa kaniya ang Trecero hangga't wala ako sa kaniyang tabi," wala sa isip niyang bigkas. Napataas naman ang aking kilay. Nang mapagtanto niya ang kaniyang mga salita ay napaiwas siya ng tingin at napatikhim pa. Bumalik siya sa pagkakaupo ngunit nanatili pa ring malikot ang kaniyang mga kamay. "Ang ibig kong sabihin ay burara at tanga ang iyong kapatid at baka'y mapahamak niya tayong lahat sa oras na mahuli siya," pagbawi niya sa sinabi ngunit nahihirapan siyang tignan ako sa mata. Hindi ko na lamang iyon pinansin. "Sa tingin ko'y hindi iyan ang dapat mong alalahanin, kamahalan," sabi ko at umayos ng upo. Napatingin naman siya sa akin. "Ipagpapatuloy na ang seleksyon para sa ikapitong reyna." Mukhang bumalik siya sa wisyo at nadagdagan ang kaniyang mga iniisip kaya napahilot siya sa kaniyang sentido. Nanatili lamang akong tahimik at hindi ko alam kung paano umakto. Hinanap niya ang listahan ng mga kandidata at sinuri ito. Nilagyan na ng ekis ang larawan ng prinsesa at itinuring na siyang patay dito sa Primero. Labinlima na lamang kaming naglalaban para sa korona at alam kong hindi rin basta-basta ang iba kahit wala na sa kompetisyon ang prinsesa. "Siya ang kailangan mong bantayan," sabi niya at inilapit sa akin ang listahan. Napatango naman ako nang makilala kung sino ang kaniyang tinutukoy. "Si Lolita Homobono," bigkas ko sa kaniyang pangalan. Siya yata ang pinakamaliit sa mga kandidata at mukhang bata kung magsalita. "Siya ang natatanging anak ni Fernandez Homobono, hindi ba?" "Siya ngang tunay," sagot ng prinsipe at tumango. "Siya ang pinakamaimpluwensiya sa mga kandidata at itinuturing na isang bayani ang kaniyang ama na isang dating manlalakbay." Mahina akong napatawa nang marinig ang kabobohan ng mga taong bayan. Sadyang wala na nga silang utak at nagbubulag-bulagan sila sa demonyong anyo ng itinuturing nilang bayani. "May naiisip ka bang gawin, mahal na prinsipe?" tanong ko sa kaniya. Naisara niya ang listahan ng mga kandidata at tila'y nahulog sa isang malalim na pag-iisip. "Kailangan ko si Hiraya," wala na naman sa sariling sabi niya. Pinigilan ko ang matawa at kadalasan talaga'y ganito ang prinsipe. Kapag nalulutang, hindi na niya nakokontrol ang mga sinasabi. "Napaghahalataan ka na, mahal na prinsipe." "Ang ibig kong sabihin ay kailangan ko siya sa gagawin kong plano," bawi niya ulit. Makahulugan akong tumango at nagpigil ng tawa. Sumimangot siya nang makita iyon. Tuso ang prinsipe ngunit hindi niya alam kung paano magtago ng emosyon. Ang kaniyang pagtatangkang itago ito'y mas nagpapahalata sa kung ano ang nais niyang ipahiwatig. Kung ano ang nais niyang ipahiwatig, maipapahayag niya iyon kahit hindi niya sinasadya. "Ano nga ba ang iyong plano, kamahalan?" "Kailangan mo munang obserbahan ang kandidata saka ko sasabihin sayo," sagot niya sa aking katanungan. "Sa ngayon, iulat mo sa akin ang mga kaganapan. Kung delikado sa iyo ang pumunta sa aking kamara, ipadala mo na lamang ang mensahe kay Arda." "Masusunod, kamahalan," sagot ko. Tumayo na ako at hinarap siya. "Kung gayon, mauna na ako at baka may makakita pa sa akin dito." Tumango lamang ang prinsipe nang yumuko ako at nagpaalam. Isinuot ko ang aking bandana bago lumabas ng kaniyang silid. Hindi naman siguro kailangang mabahala at hindi naman malalim ang nararamdaman ng prinsipe sa aking nakakatanda. Siguro'y nahuhumaling lang siya at ang aking kapatid lamang ang may lakas ng loob na asarin siya at awayin. “Nasaan ka ba nanggaling, binibini?” bungad sa akin ng alilang naitalagang pagsilbihan ako. Mukhang kanina pa siya naghihintay sa akin. “Nagpahangin lamang ako,” sagot ko sa kaniya. Mukhang balisa ang kaniyang mukha kaya nag-alala ako. “May nangyari ba, Elena?” Si Elena ang nagsisilbi sa akin at siya’y kaedad ko lamang. Mahinhin siya at matipid kung ngumiti. Sa pananatili ko dito sa palasyo, hindi niya ako pinabayaan at lagi siyang nakagabay sa akin. "Ngayon magaganap ang pangalawang bahagi ng seleksyon," ulat niya. Nagulat naman ako at biglang kinabahan. "Ngunit bakit biglaan?" naguguluhang tanong ko. Sa pagkakaalam ko'y sa susunod na linggo ipagpapatuloy ang seleksyon sapagkat maraming nangyari sa palasyo. "Hindi ko rin alam ngunit nasa bulwagan na ang mga kandidata at naghahanda na para sa pangalawang bahagi.” Nataranta naman ako at hindi pa ako nakapag-ayos. Isang puting bestida lamang ang aking suot at isang itim na bandana. Sabog din ang aking mukha at hindi na ako nakapag-ayos sapagkat madaling araw pa lang ay pinatawag na ako ng prinsipe. Sa isang iglap lamang ay inayos ko na ang aking sarili at nagsuot ng baro at saya. Tinulungan ako ni Elena na ayusin ang aking buhok at nilagyan niya iyon ng mga palamuti. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang mga iyon ngunit sabi niya’y pag-aari niya naman daw. Kulay asul ang suot kong baro at saya at naglagay lamang ako ng kaunting pulbo sa aking mukha. “Maayos na ba?” tanong ko sa kaniya. Nakangiti siyang tumango kaya agad akong tumayo at nagsuot ng bakya. Trenta minutos ang ginugol namin sa pag-aayos at dali-dali na kaming pumunta sa bulwagan pagkatapos. Nang makarating doon, nakahinga ako nang maluwag matapos makitang may tatlong kandidatang hindi pa naroroon. Huminga muna ako ng malalim saka umupo sa upuan na nasa pinakadulo. Inilibot ko ang aking paningin at nasa harapan na ang mga opisyales at nasa gitna si Tanashiri suot ang kaniyang makapal na pilikmata. Bakante ang katabing upuan ko kaya nang dumating ang isang kandidata, doon siya umupo. Hindi ako tumingin sa kaniya ngunit bigla siyang nag-abot ng pang-ipit sa buhok. “May ilang hibla ng buhok na hindi mo naipit,” sabi niya sa akin. Nang lingunin ko siya, napatuwid ako ng upo nang makitang si Lolita Homobono iyon. “Ikinagagalak ko ang matanggap ito mula sa iyo, binibini,” magalang na sabi ko at yumuko. Hindi niya naman ako tinignan at tumango lamang. Inalam ko kung saan ang hindi ko naipit at ginamit iyon. Wala na siyang ibang sinabi sa akin at nanatili kaming tahimik. Ilang minuto kaming naghintay hanggang sa makompleto na ang mga kandidata. Dapat sana’y kompleto na ang lahat sa nakatakdang oras ngunit huli na ang kanilang abiso kaya ngayon ay minamadali na nila ang seleksyon. Sadyang napakalupit talaga ng hari at hindi man lang nagbigay ng wastong libing para sa namayapang reyna. Hindi niya man lang binigyan ng pagkakataon ang mga taong maghinagpis lalo na ‘yong mga malalapit sa kanila. Sa tuwing naiisip ko ang naging reaksyon ni Prinsesa Alona, ako ‘yong nasasaktan para sa kaniya. Kahit sa kamatayan ng kaniyang ina ay wala siya sa piling nito at wala rin siyang wastong libingan na kaniyang bibisitahin at aalalayan ng bulaklak. Napatuwid ako ng upo nang makita ang pagpasok ng hari kasama ang mga senador. Nakita ko kung paano nagliwanag ang mukha ng aking katabi matapos makita ang kaniyang ama na kasamang pumasok. Naalala ko ang sinabi sa akin ng prinsipe. Sa aking nakikita, mukhang hindi ang anak ang kailangan kong puntiryahin. Siya’y isang bunga lamang at upang hindi na magkakabungang muli, kailangan kong putulin ang puno mismo. “Magbigay galang sa hari!” Mabilis na tumayo ang lahat at yumuko nang papaakyat na ang hari sa kaniyang trono. Walang kahit isang gumalaw hanggang sa tuluyan na siyang nakaupo. Sumenyas ang hari na umupo at ang lahat naman ay umupo. Hindi siya nagsalita at tanging si Tanashiri lamang ang tumayo habang hawak ang isang papel. Natitiyak kung naroroon ang aming gagawin at ang mga panuto sa paggawa nito. “Sa labinlimang kandidata na nasa aking harapan, mainit ko kayong sinasalubong at kayo’y narito para sa ikalawang pagsubok,” bungad niya. Tila iniipit niya ang kaniyang boses at kasing-nipis na ito ng kaniyang kilay. “Hawak ko ngayon ang mga panuto sa inyong gagawin.” “Ilalarawan niyo ang kahalagahan ng hari sa pamamagitan ng pagpinta,” sabi niya. Nagkaroon ng bulung-bulungan sa mga kandidata. “Pagkatapos niyong magpinta, bibigyan kayo ng limang minuto upang ipaliwanag ang nasa larawan. Sa kabuuan ng pagpinta, binibigyan kayo ng dalawang oras." Dalawang oras? Kailangan ko nga ng isang oras upang makaisip kung ano ang aking ipipinta. Ngunit kapag ilalarawan ko ang hari, siguro'y madali lamang sapagkat ang una kong naisip ay gumuhit ng isang paa. "Bibigyan kayo ng mga materyales at lona na galing sa palasyo. Agad na diskwalipikado ang gumamit ng sariling kagamitan," anunsyo ni Tanashiri. Isa-isang nagsilapitan ang mga alipin at binigyan kami ng mga materyales. Naglagay sila lona sa isang kuwadro at inilagay sa harapan namin. Nang tignan ko ang mga bras, gawa iyon sa buhok ng isang hayop, baka nga galing sa baboy. Magandang gamitin ang ganitong uri ng materyal sa mga pinturang alkyd na nakabatay sa langis. Samantalang ang mga sintetikong mga bras ay magandang gamitin sa mga pinturang latex na nakabatay sa tubig. Ang akala ko'y alkyd ang pinturang ibibigay sa akin ngunit nang tignan ko iyon, nagkamali ako. Nabahala ako dahil hindi magandang gamitin ang pinturang iyon sa lonang gagamitin at sa bras. Magrereklamo na sana ako ngunit nang tignan ko ang mga kandidata, tahimik lamang silang nag-uumpisa. Palihim kong tinignan ang mga materyales nila at ikinompara sa akin at napakunot ang aking noo nang makitang alkyd ang gamit nilang pintura. Ako lamang ba ang naiiba? Kinumpirma ko iyon at mukhang ako lamang ang binigyan ng latex. Hindi ito maaari ngunit bawal akong magreklamo at ito ang bigay ng palasyo. Hindi rin ako maaaring gumamit ng sariling lona at bras o di kaya'y palitan ang sariling pintura. Kailangan kong mag-isip ng paraan. Nanginiginig ang aking mga kamay at wala akong maipinta. Ramdam ko ang titig ng karamihan at ang iba nga'y nagbulung-bulungan. Hindi ko iyon pinansin at nag-isip lamang ng konteksto sa kung ano ang dapat ipinta at nag-isip na rin ng paraan paano magpinta. Sinadya ba nilang ibahin ang aking pintura o may nagsabotahe sa akin? Isang oras na ang lumipas at nawawalan na ako ng pag-asa. Sinubukan kong magpinta gamit ang latex ngunit hindi nga umuobra sa lonang gamit namin. Kailangan kong humanap ng paraan. Akala ko'y wala na akong magagawa ngunit biglang may pumasok na ibon sa bulwagan at lumipad papunta sa hari. May mensahe itong dala na agad namang kinuha ng hari at binuksan. Mabilis niya iyong ibinigay kay Tanashiri at nang makita ang mensahe, biglang nagbago ang timpla sa kaniyang mukha at nataranta. "May bomba!" Nataranta na ang karamihan at tumakbo palabas ng bulwagan. Ang mga kandidata'y nagsitakbuhan na rin at agad kaming pinalibutan ng mga kawal. Sa hindi malamang dahilan, nanatili akong kalmado at inuna ko pang isipin ang kasalukuyang seleksyon. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon upang kunin ang pintura ng aking katabi sa kabilang banda at pinagpalit ko ang akin. Nagkukumpulan ang mga tao at ako naman ay umupo sa sahig kaya natatabunan ako ng mga upuan at hindi agad mahagilap. Mabilis ko iyong ginawa at agad tumayo pagkatapos. Pinakalma muna ang mga nasa bulwagan at hindi pinayagang umalis. Nanatiling alerto ang mga kawal at hinahanap ang sinasabing bomba. Ilang minuto ang lumipas ngunit wala namang sumabog. "Huwag mabahala, isa lamang iyong walang laman na banta," anunsyo ng hari. Kumalma naman ang lahat ngunit nanatiling alerto pa rin. Dahan-dahang bumalik sa kani-kanilang puwesto ang mga senador at ang hukom na magbibigay ng hatol sa amin ngayong seleksyon. Isa-isa na ring umupo pabalik ang mga kandidata at sumunod na rin ako. Nang tignan ko ang katabing kandidata na hindi ko kilala, hindi niya man lang namalayan na nag-iba ang kaniyang pintura. "Paumanhin sa abala, ipagpapatuloy na natin ang seleksyon," sabi ni Tanashiri at umupo na sa kaniyang puwesto. "Tatlumpung minuto na lamang ang natitira para sa inyong pagpinta." Hindi na ako nag-aksaya ng oras at agad na sinimulan ang aking pagpinta kahit nanginginig ang aking kamay sa pagkabahala. Mukhang tapos na rin ang kandidatang katabi ko at hindi niya namalayang nag-iba ang kaniyang pintura kaya nakahinga ako ng maluwag. Hindi naman nakatakas sa aking paningin ang paulit-ulit na paglingon sa akin ni Lolita. "Labinlimang minuto." Hindi ako nagpaapekto sa presyon ng oras at kalmadong nagpatuloy sa pagpinta. Mabilis ngunit malinis ang naging kilos ko. Nakita ko pa ang paglagay ni Lolita sa kaniyang bras pabalik sa lalagyan nito at mukhang tapos siya. Ramdam kong ako na lamang ang natitirang kandidata na hindi pa natatapos at lahat sila'y naghahanda na lamang para sa paliwanag. "Ubos na ang dalawang oras." Agad kong iginuhit ang huling linya at ibinalik sa lalagyan ang bras. Mabilis ang aking paghinga kaya kinalma ko ang aking sarili at itinuwid ang aking upo. Lahat ng mga kandidata'y nakaupo na rin at walang kahit isang galaw ang makikita. "Ang alam ko'y bawal magdala ng sariling materyales," mahinang sabi ng katabi kong Lolita. Hindi niya ako nilingon ngunit alam kong para sa akin ang mga salitang iyon. "Tama ka nga, binibini," mahinang sagot ko. Nakita ko ang pagngisi niya. "Paano ka nakapinta? Diba'y latex ang uri ng pinturang ginamit mo?" sabi niya. Bahagyang napataas ang aking kilay nang marinig iyon. “Paanong naging latex, binibini? Latex ba ang gamit mo?” nagtataka kong tanong sa kaniya. “H-Hindi,” nagdadalawang-isip niyang sagot. “Lahat naman siguro ng mga kandidata’y alkyd ang gamit, binibini,” nakangiti kong sagot sa kaniya. Nakita ko ang mahinang pagyukom ng kaniyang mga kamao at ang pagpipigil niya ng inis. “Kaya nga,” tanging sabi niya. Hindi na ako sumagot at itinuon ang aking atensyon sa harapan. Ramdam ko ang unti-unting pagkatanggal ng kaniyang mascara at nawala ang inosente niyang hitsura. “Sa puntong ito’y tatawagin kayo sa harapan upang ipaliwanag ang inyong pinta,” sabi ni Tanashiri matapos makuha ang atensyon ng lahat. Nilingon niya ang binibining nasa harapan at sinenyasan na pumunta sa harap. Nang tignan ko ang kaniyang ipininta, isa iyong kaing na sagana sa iba’t ibang klase ng prutas gaya ng saging at mansanas. May mga kababaihang namimitas at ang mga lalaki naman ang nakaabang at kumakain. “Ang mga babae’y itinadhanang pagsilbihan ang mga lalaki at kami’y ipinanganak upang—“ Hindi ko kayang makinig sa kaniyang paliwanag kaya nagbingi-bingihan ako. Ako lang yata ang may ganoong reaksyon at ang mga lalaking senador naman ay tuwang-tuwa sa kaniya. Nanatili akong kalmado ngunit sara na ang aking tainga. Mahinang pumalakpak ang mga tao sa loob. Hindi maaaring lakasan ang palakpak o di kaya’y sumigaw bilang isang uri ng pagsuporta hindi gaya ng mga kababaihan sa Tercero. Sa oras na sumigaw ka’y aarestuhin ka nila at makukulong ng ilang taon. Ganoon din ang ipinahiwatig ng halos lahat ng kanilang ipininta at sa oras na iyon ay naisip ko na baka sa puntong ito’y tatanggalin nila ako dahil hindi ako isang sunod-sunuran sa bulok na sistema nila. Gayunpaman, hindi ako basta-bastang napapatumba at alam kong laruin ang laro nila. “Binibining Homobono.” Puno ng kompiyansa ang kaniyang mukha habang dahan-dahan na tumayo. Inosente siyang ngumiti na parang bata at inilibot muna ang tingin bago nagsalita. Ang kaniyang ipininta ay ang paglubog ng araw sa dagat. Nasa gitna ang araw at may linya na naghihiwalay sa asul na langit at tubig. May mga ibon na lumilipad at may mga isdang lumalangoy. “Ikinagagalak kong mailarawan ang hari at masabi sa kaniya ang aking mga sentimento bilang isang tapat na alagad ng Servorum,” sabi niya. Itinuro niya ang araw na nasa kaniyang pinta. “Ito ang kahariang itinayo ng inyong angkan sa nakalipas na mga dekada. Ang hari naman ang linyang naghihiwalay sa langit at dagat.” “Ang linya ay nagsisimbolo ng tulay sa pagitan ng mga tao at mga diyos. Binasbasan ng kalangitan ang hari upang pamunuan tayo dito sa lupa. Malapit man itong tignan sa baybay, ang halaga nito’y kahit anong lakbay ay hindi naabot at hindi rin nasusukat.” Nakita ko naman kung paano niya pinahanga ang mga nasa loob ng bulwagan. Maging ang kaniyang ama ay napangiti na para bang kinoronahan na ang kaniyang anak. Sa hindi malamang dahilan ay tumingin sa direksyon ko ang binibini at ngumisi. Tinawag na ang aking pangalan kaya hindi ko siya napagtuunan ng pansin. Dahan-dahan akong tumayo at ipinakita sa lahat ang aking ipininta. Kita ko ang gulat sa kanilang mga mata nang makitang isang piso ang aking ipininta. Mahina namang tumawa ang aking katabi na para bang isang biro ang kaniyang nakita ngunit hindi ko ulit siya pinansin. “Ang kahalagahan ng hari ay masusukat sa isang barya,” sabi ko na ikinagulat ng lahat. “Marahil ay iniisip niyong maliit lamang ang isang piso at isa lamang itong uri ng nakakamatay na biro. Ngunit para sa inyong mga maharlika, walang halaga ang isang piso. Sa aming mga alipin, kumakayod kami para makakain at makaipon ng limang barya.” “Ganiyan kahalaga ang kamahalan sa amin, sapagkat kung walang piso ay hindi rin magkakaroon ng mas malaking halaga ang pera. Tumutubo ang piso dahil sa sipag at tiyaga ng mga mamamayan. Narito lamang kaming mga tapat na alalay upang ikaw ay patuloy na pagsilbihan sapagkat hindi kami mabubuhay nang wala ka.” Gusto kong sugatan ang sariling bibig dahil sa aking mga naging salita. Masyadong naging tahimik ang bulwagan matapos marinig ang aking paliwanag at hindi ko alam kung sang-ayon ba sila o hindi ngunit wala akong pakialam. Tahimik akong umupo at hinayaan ang isang kawani na kunin ang aking ipininta. Wala akong nakuhang reaksyon mula sa mga tao ngunit mas mabuti na iyon kaysa naman sa ako’y pagtawanan o laitin. “Bakit masyado kang kampante? Dahil ba nasa likuran mo lamang si Reyna Mimosa?” tanong sa akin ng aking katabi. “Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy mo,” pagsasawalang-bahala ko. Umangat ang sulok ng labi ni Lolita. “Biro lang,” sabi niya saka pekeng tumawa. Hindi ko ulit siya pinansin. Narito na ang resulta sa naganap na seleksyon,” hindi ko napansin na tumayo na pala si Tanashiri sa harap. Hawak niya ang isang pirasong papel na naglalaman ng resulta. “Tatlo lamang sa inyo ang mapipili ngayon.” Nagulat ako sa aking narinig at narinig ko rin ang singhap ng iilan. Bakit nga ba nila minamadali ang seleksyon? “Kung hindi matatawag ang inyong pangalan ngayon, maaari na kayong mag-impake at umalis ng palasyo.” “Lolita Homobono.” Nakangiti siyang tumayo at pumunta sa harapan. Nagpalakpakan din ang mga sumusuporta sa kaniya. “Lana Escudero.” Pumunta sa harapan ang isang chinitang babae na may katangkaran sa harapan. Nagustuhan ko ang kaniyang ipininta at kahit hindi na niya ipaliwanag ay alam kong maganda ang intensyon niya sa larawan. “Amihan Alcantara.” Tila’y nabingi ako sa katahimikang ibinigay sa akin ng mga tao. Alam kong binigay ko ang aking makakaya ngunit hindi ko inaasahang tatawagin ako dahil isa lamang akong alipin at ang seleksyon na ito’y para sa mga maharlika lamang. Batid kong hindi rin makapaniwala ang mga nasa loob ng bulwagan. Ang kanina’y malawak na ngiti ni Homobono ay napalitan ng simangot. Inilibot ko ang aking paningin at walang kahit isa ang pumalakpak para sa akin. Ngunit akala ko lang iyon sapagkat nang lumingon ako sa bandang likuran, nakita ko ang nakakatanda kong kapatid na nakangiti habang hawak ang isang pamilyar na ibon. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD