TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata
"Ano ang nakain mo at bumalik ka sa pamamahay kong depota ka?!"
Hindi na natigil ang aking ina magmula noong makita ulit ang aking pagmumukha. Nakakulong lang ako sa aking kwarto simula alas-singko ng umaga dahil nagpipigil akong subukan ang aking ina. Maaga 'ngang nagising ang mga kapitbahay dahil sa walang preno niyang sermon.
"Aalis din ako rito," tanging sagot ko na lang. Kanina pa ako tahimik at hinihintay na lamang ang pagbabalik ng aking kapatid na si Amihan. Hindi ko alam kung saan siya nagtungo at buong araw siyang wala sa bahay.
Ayaw ko sanang umuwi kaso napag-utusan ako ng punyetang prinsipe na bantayan ang kilos ng aking kapatid. Bukas na kasi magaganap ang seleksyon at kailangan kong makasiguro na walang sagabal sa magiging plano namin. Gusto ko ring malaman kung ano ang tumatakbo sa utak ni Amihan.
Hindi ko alam kung ano ang pinasok ko, basta ang alam ko lang ay gusto kong pigilan ang mga balak ni Amihan. Hindi maikokompara ang pagiging tuso ng aking kapatid ngunit sa lahat ng mga tao'y ako ang pinaka-nakakakilala sa kaniya.
Gusto kong maghiganti at tanggalin ang mga opisyales na siyang puno't dulo ng nakakasulasok na sistemang mayroon ang lipunang kinabibilangan ko. Kung kasingganda at kasingtalino ako ng aking kapatid, hindi rin ako magdadalawang-isip na lumaban at sumugod kahit ako lang mag-isa sa lungga ng mga demonyo.
"Aba'y hindi ka na sana umuwi!" putak na naman ni ina. Nililigpit na niya ang mga nakasampay na mga damit na nilabhan niya sa may sapa. Gusto ko sanang tumulong kaso baka mahampas pa niya ako bago ko pa mahawakan ang timba.
"Andito pa si ate, 'nay? Nabalitaan ko kasing umuwi siya ngayong araw," rinig kong tanong ng isang boses sa labas. Naalerto kaagad ako nang mapagtantong dumating na ang aking kapatid. Agad kong inayos ang aking pagkakahiga at pumikit.
"Baka mawalan pa ako ng boses at hindi ko na kinakaya ang iyong kapatid," tanging sagot ni ina. Sino ba kasing nag-utos na sumigaw-sigaw ka diyan?
Narinig ko ang mga yabag ng sapatos na naglalakad papunta sa kwarto. Hindi ako kumilos at binagalan ang aking hininga. Narinig ko ang pagbukas ng kwarto kaya hindi na ako huminga.
"Alam kong gising ka," sabi sa akin ni Amihan. Inilagay niya ang dalang supot sa mesa saka nagbihis. "Sino ba namang mananatiling tulog sa lakas ng boses ni ina?"
Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata saka sumimangot. Nakita ko ang mahina niyang pagtawa saka nagtanong, "Saan ka nga ba galing, ate?"
Hindi kaagad ako nakasagot sa tanong niya. Bakit sa tuwing nag-uusap kami'y parang wala lang sa kaniya ang pagtakwil ni ina sa harap ng maraming tao? Akala ko'y ipagtatangol niya ako at sasabihing may kapatid siya. Akala ko ba'y siya ang aking kakampi sa lahat ng bagay.
"Ikaw, saan ka ba galing? Buong araw kang hindi umuwi ah," pagbabalik ko sa kaniyang tanong. Magmula noong itinakwil nila ako ni ina sa harap ng mga maharlika, parang nag-iba ang tingin ko sa kaniya. Kung noon ay alam niya ang lahat ng nangyayari sa akin, ngayon ay nawawalan na ako ng ganang magkuwento sa kaniya tungkol sa aking mga karanasan sa nakaraang mga araw.
"Inasikaso ko 'to," mahinahong sagot niya saka ipinakita ang nakalagay sa kaniyang supot. Napataas ang aking kilay nang makita ang dalawang kulay asul na saya na lagpas sa tuhod ang haba. Hindi masyadong madilim at hindi rin ganoon katingkad ang kulay. Payak lamang ang disenyo ng kasuotan at tanging mga maliliit na perlas ang makikita sa gilid ng saya.
"Ikaw ba nagtahi niyan?" tanong ko sa kaniya. Kinuha ko ang isa at sinuri ng maayos. Gawa sa sutla ang tela at ito'y mamahalin. Saan nga ba nakuha ni Amihan ito?
"Tinahi iyan ni ina sa hacienda," sagot niya saka kinuha ang isa pang saya. Sinuri niya rin ito at ngumiti. "Nilagyan ko lang ng kaunting mga perlas ang gilid upang kaaya-ayang tingnan."
"Ah, mabuti naman at may saya na rin kayo ni ina."
"Isa para sa akin, isa rin para sa iyo, ate," sabi niya. Napatango naman ako at itinapon sa mukha niya ang damit.
"Hindi ako mahilig sa sayang tulad nito," pagtatanggi ko at pinikit ulit ang aking mga mata. Mas gusto ko talagang magsuot ng pantalon ngunit isa akong babae at baka'y madakip ako nang wala sa oras.
"Pinag-ipunan ni nanay ang tela at ang mga perlas, ate," sabi niya. Gusto niyang malamon ako sa sarili kong konsensya. "Suotin daw natin bukas sa magaganap na seleksyon."
"Ano naman ang pakialam ko doon?" walang ganang sagot ko habang nakapikit. Itinapon ni Amihan sa akin ang saya kaya nabuksan ko ang aking mga mata.
"Suoton mo pa rin iyan," sabi niya sa akin na parang hindi ako ang nakakatanda sa aming dalawa. Hindi na ako sumagot at hinayaan na lamang ang saya sa aking mga kamay.
"Sigurado ka bang ikaw ang mapipili?" tanong ko sa kaniya matapos ang ilang minutong katahimikan. Napalingon siya sa akin at binigyan ako ng isang mahinahong ngiti, para bang sinasabi niyang walang anuman ang maaaring humadlang sa kaniyang mga intensyon.
"Walang sinuman ang may alam ng kapalaran at kung ano ang itinakda," sagot niya sa akin. Itinupi niya ang saya saka ibinalik sa supot. "Ang alam ko lang ay ginawa ko na ang aking makakaya upang matupad ang matagal nang nakatira sa aking panaginip."
"Paano kung sabihin kong gagawin ko rin ang aking makakaya upang manatiling isang panaginip lamang ang iyong mga ambisyon?"
Natigilan siya sa aking wika at gulat na tiningnan ako. Hindi ako ngumiti kahit sandali sa pagkikita namin ngayon at alam kong ramdam niya ang pagbabago ko.
"Maaari ko bang malaman kung bakit pumasok iyan sa iyong isipan, ate?" tanong niya matapos ang ilang segundong katahimikan. "Sabay tayong natutong magbasa at lumaban, pinagtakpan natin ang isa't isa. Akala ko ba'y hangad mo rin ang kalayaan?"
"Sabay nga tayo, ngunit bakit ako'y nalulugmok ngayon at ako'y iniwan mo sa ere?" walang emosyong wika ko. Hindi ko aakalaing babalik sa akin ang hinanakit na naramdaman ko noon, akala ko'y tuluyan nang nalunod sa alak ang aking kalungkutan.
"Sabihin mo, saan ka nga ba galing at biglang nagbago ang daloy ng iyong isipan?"
"Batid mong matagal na akong hindi sang-ayon sa nais mo," sagot ko sa kaniya. Pinigilan ko ang aking mga luha. "Pinaramdam niyong isa lamang akong ulila at ikaw lang ang tanging anak ni ina. Magtataka ka pa ba kung bakit biglang nagbago ang pakikitungo ko sa inyo?"
"Hindi naman ganiya--"
"Ganiyan nga, Amihan! Anak din naman ako ni ina, ah? Kapatid mo rin naman ako kahit puno ako ng mga galos at peklat! Bakit parang sa oras na inangkin niyo ako bilang pamilya niyo'y madudungisan ang mga madudumi niyong reputasyon?"
Hindi nakasagot si Amihan sa mga nasabi ko. Pinakalma ko ang aking sarili at tumayo mula sa pagkakahiga. Hindi ko na hinintay ang kaniyang tugon at lumabas na ng kwarto. Kailangan ko ng tubig.
Matapos kong uminom ng tubig ay bumalik ako sa kwarto upang kunin ang saya na bigay daw ni ina. Ayaw ko na sanang kunin dahil mainit pa ang aking ulo ngunit bilang respeto na rin ay wala akong magagawa kung hindi dalhin iyon. Nang makapasok ako sa loob ng kwarto, tulala lamang si Amihan sa gilid ng higaan.
Nang kunin ko ang saya, aalis na sana ako nang bigla niyang hilahin ang kamay ko. Walang emosyon ko siyang tiningnan.
"Ano ang balak mo sa akin at paano mo sisirain ang aking mga pinaghirapan?" tanong ni Amihan. Isang mapaklang tawa ang pinakawalan ko.
"Ang alam ko lang ay hindi ako mapipigilan maging ng kamatayan," sagot ko sa kaniya. Malakas kong hinila ang aking kamay mula sa kaniya. "Sadyang napagod lang ako sa kakasingit sa aking sarili at sa paghintay na ako'y ituring niyo bilang isang pamilya."
Paglabas ko ng kwarto, nagulat pa ako nang makita ang aking ina na nakatayo sa harap ng pintuan. Wala siyang sinabi sa akin at wala rin akong naging imik. Napatingin siya sa bitbit kong saya na agad kong tinago sa aking gilid saka mabilis na lumabas ng bahay.
Nang makalayo ay hindi ko na napigilan ang maiyak. Madilim na ang kanina'y asul na langit at mukhang uulan pa yata dahil walang kahit ni isang bituin ang nagningning. Hindi ko alam kung saan ako patungo at mukhang wala na yata akong mapupuntahan pa.
Hindi ko namalayang dinala na pala ako ng aking mga paa sa harap ng sapa. Mapait akong napangiti dahil naging saksi na yata ang sapa sa mga hinanakit ko sa buhay. Kung may buhay pa ang tubig na ito'y baka pinagtatawanan na ako o hindi kaya'y nakiramay na rin sa aking paghihinagpis.
Parang hindi ako nauubusan ng luha ngayong gabi. Matagal na rin simula noong ako'y lumuha. Ilang araw na din kasi magmula noong nagpakalunod ako sa alak kaya ngayon ay wala na akong karamay.
"Palagi mo na lang sinasalo ang lungkot sa tuwing nakikita kita rito," sabi ng isang boses. Hindi na ako lumingon dahil alam ko na ang tanging taong nakikita ko rito ay si Prinsipe Isaiah.
"Bakit ba palagi kang nandito?" walang ganang tanong ko sa kaniya. Tila umurong ang aking mga luha at wala nang bumabasa sa aking mga pisngi.
"Hindi ko rin alam. Kusa na lang akong dinadala ng paa ko rito tuwing gabi," sagot niya. Hindi na ako nakasagot sa kaniya at nanahimik na lamang. Parehas kaming nakatanaw sa repleksyon ng kalangitan na makikita sa malinaw na tubig.
Hindi ko alam ngunit nakakaramdam ako ng kapayapaan sa sarili sa sandaling iyon. Para bang walang linyang nakaguhit sa gitna naming dalawa. Hindi ako alipin, hindi rin siya maharlika.
"How do I leave when I have nowhere to go?" wika ng prinsipe. Napalingon ako sa kaniya dahil naintindihan ko iyon. Nabasa ko iyon at palagi ko iyong tinatanong sa aking sarili.
"Iba-iba ang anyo ng kapayapaan na hinahanap ng tao sa tuwing naguguluhan," sagot ko sa kaniya. Nakita ko ang maliit na ngiti sa kaniyang mga labi nang mapagtantong naiintindihan ko ang kaniyang mga kataga. "Maaaring sa kalikasan, anyo ng isang tao, o hindi kaya'y sa pagtakas sa reyalidad."
"May nakilala ka bang nakatakas na sa reyalidad?" natatawa niyang tanong. Napatawa na lang din ako.
"Wala, ngunit kung tinakasan ng bait, nasa tabi ko lang," sabi ko at malakas na tumawa. Napailing na lamang siya sa aking sinabi. "Bakit nga ba gusto mong umalis? Ano ba ang iyong tinatakasan?"
"Maniniwala ka ba pag sinabi kong ang palasyo ang aking tinatakasan?" sagot niya. Napatawa ako.
"Sinasabi mo bang kaya ka nandito sa Tercero upang makatakas mula sa palasyo?"
"Oo."
Natahimik ako sa naging sagot niya. Hindi pa naman sana ako naniniwala ngunit mukhang seryoso siya.
"Alam mo namang hindi mo matatakasan kung anuman ang nasa harap mo," seryosong tugon ko. Napalingon siya sa akin na para bang hindi kami nagkasagutan kahapon. "Dahil sarili mo lamang ang iyong mapupuntahan. Hindi ko man alam kung saan ka dadalhin ng iyong kapalaran, but I think it's worth figuring out."
Pagtatapos ng Kabanata