TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata
"Mahal na Prinsipe, ikinatutuwa kong mahulog sa iyong bitag," sabi ko at yumuko upang magpakitang galang. Pinipigilan kong humalakhak nang napakalakas dahil sa aking pagkabigo.
"Hindi mo matatakasan ang mga kamay ko, Hiraya," sagot niya. Tumango-tango ako at hindi na napigilang tumawa. Bakit ko nga inisip na maaari akong mawala sa kaniyang paningin? Pag-aari ng kanilang pamilya ang buong bayan ng Tercero.
"Isa akong hangal dahil sa pagtangka kong linlangin ang prinsipe," sagot ko. Hindi ko pa rin inaangat ang aking tingin. "Maaari niyo nang kitilin ang aking buhay, mahal na prinsipe. Mabigat na kasalanan ang aking nagawa."
Tumawa naman nang napakalakas si Prinsipe Isaiah na nakapagpakunot ng noo ko. Naasar ako nang marinig ang tawa niya. Kung sana'y hindi siya isang prinsipe'y kanina pa putok ang labi niya.
"Nasaan na ang babaeng kailanman ay hindi yuyuko sa mga lalaki?" pang-aasar niya. Inangat ko na ang aking tingin at tinignan siya sa mata.
"Hintayin mo lang at sa akin din ang huling halakhak."
"Wala kang magagawa kung tutuldukan ko na ang buhay mo ngayon, binibini."
Ako naman ang napangisi sa sinabi niya. Tinaasan ko silang dalawa ng kilay at ngumiti, "Hindi mo iyan magagawa dahil may kailangan ka sa akin, hindi ba?"
Hindi agad nakasagot ang prinsipe nang ilang segundo. Kinuha niya ang isang upuan sa tapat ng mesa at umupo sa gilid ni Norjannah. Ngayon ay nakaharap na silang dalawa sa akin.
“Paano kung sasabihin kong mayroon nga, susunod ka ba?” tanong niya sa akin. Itinaas ko ang aking mga kamay na para bang ako ay inaaresto at sumusuko na sa mga otoridad.
""Wala naman akong pagpipilian, hindi ba? Hindi ako maaaring tumutol sa kagustuhan ng isang prinsipe," sagot ko saka ibinaba ang bolo na hawak ko. Mahina akong tumawa ulit. "Pakikinggan ko muna ang iyong pakay sa akin."
"Tungkol ito sa nalalapit na seleksyon ng ikapitong reyna," sagot niya. Hindi na ako nagulat sa mga salitang lumabas sa kaniyang bibig. Batid kong ito ang pinag-usapan nila sa hapag kasama ang aking mga kadugo.
"Ito ba'y may kinalaman sa aking nakababatang kapatid?" tanong ko. Agad siyang tumango at hindi na ako nagtaka. Tunay ngang si Amihan ang nangunguna sa listahan at siya'y isang banta sa mga naghahangad ring maging susunod na reyna.
"Ano bang magagawa ko at anong gusto mo?"
"Pigilan mo ang pagkapili sa iyong kapatid."
Doon na ako natigilan sa sinabi niya. Ayaw ko rin namang mapili si Amihan at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang matigil ang pagkapili sa kaniya. Wala akong kapangyarihan upang siya'y pigilan ngunit kapag nasa panig ko ang prinsipe'y hindi malabo ang gusto kong mangyari.
"Bakit hindi ka sang-ayon? Akala ko ba'y ang naging pagsasalo niyo noong nakaraang linggo ay tungkol sa pagtulong sa kaniyang maging isang reyna?" tanong ko sa kaniya. Kung nagustuhan ng ikalimang reyna ang aking kapatid, si Amihan ang may pinakamalaking tsansa na mapili bilang ikapitong reyna.
"Dahil hindi siya makakatulong sa akin at sa pagpapalago ng aking kapangyarihan," sagot ng prinsipe. Mga maharlika ba naman, sila lang din ang nag-aaway para sa kapangyarihan, habang kami'y minamaltrato na tila ba'y mga laruan lamang.
"Kailan nga ba mapupuspos ang inyong kasakiman?" nangangalaiti kong tanong sa kaniya. Naiyukom ko ang aking mga kamao. "Mas importante ba sa inyo ang karangalang galing naman sa dugo ng mga inosenteng kababayan mo? Nagpapataasan kayo habang wala na 'ngang natitira para sa mga alipin, para sa mga babae!"
"Maghunos-dili ka, Hiraya," singit ni Norjannah. Muntik ko nang makalimutan ang kaniyang presensya. "Ang prinsipe pa rin ang kausap mo!"
"Wala akong pakialam!" sigaw ko at tumayo. Kinuha ko ang bolo at itinutok sa mukha ng nakaupong prinsipe. "Hindi ko gagawin ang gusto mo. Kung maaari'y tutulungan ko ang kapatid kong maging reyna at kaming dalawa ang babago sa bulok na sistemang ginawa niyo."
"Gusto ko sanang humingi ng tulong na kumbinsihin ang kapatid mong huwag masyadong maging determinado sa kaniyang mga pakay," sagot ng prinsipe. Natawa ako. Simula bata pa'y hindi na nawala ang determinasyon sa kaniyang mga mata at kailanma'y hindi na mawawala iyon.
"Hindi mo siya mapipigilan!"
"Hindi ko naman talaga kailangan ang tulong mo upang mapigilan siya, Hiraya," sagot ng prinsipe. "Maaari ko naman siyang ipadakip at ipabitay sa gitna ng Plaza de Primero bilang parusa sa kaniyang kaalaman."
Biglang tumigil ang t***k ng aking puso nang marinig ang kaniyang mga kataga. Nang tingnan ko ang kaniyang mga mata'y walang halo ng pagbibiro ang makikita rito. Kaagad akong natakot para sa buhay ng aking kapatid.
"Gusto ko lang namang humingi ng tulong sa iyo upang maging payapa ang pagpigil sa kaniya. Kung tanging karahasan lamang ang iyong alam na pakikitungo sa ibang tao, wala akong magagawa kung hindi ang ibalik sa iyo ang gusto mo. Mata sa mata."
Nanginig ako sa galit at takot. Wala na talaga silang awa at hindi pa marunong makinig sa hinaing ng mga inaapakan nila. Siya na nga humihingi ng pabor, siya pa ang may ganang magbanta.
"Ano pa bang aasahan ko sa isang sakim na tulad mo?" sabi ko at pinigilan ang maiyak nang dahil sa matinding galit. Nalalasap ko rin ang mapait na pagkatalo dahil para akong isang talunang sisiw na hindi na makatayo sa lakas ng ulan.
"Alam ko namang gagawin mo ang lahat upang mapigilan mo ang iyong kapatid. Binigyan lamang kita ng oportunidad at kapangyarihang galing sa akin," sagot ng prinsipe. Hindi na ako nakakibo at nanahimik na lamang. "Alam din nating lahat na hindi mo kakayaning mag-isa ang iyong mga binabalak. Binibigyan lamang kita ng sandata."
"Huwag mong sabihing natatakot ka sa isang alipin, mahal na prinsipe?" tanong ko. Tinutukoy ko ang aking kapatid. "Higit namang marami ring mga kababaihan ang galing sa mga maimpluwensiyang pamilya, bakit parang apektado ka sa pagkatao ni Amihan?"
"Dahil ang prinsipyo niya'y salungat sa takbo ng ating lipunan."
"Kaming lahat dito sa Tercero'y sawa na sa lipunan niyo," sigaw ko at binigyang-diin ang huling salita. Nanatiling alerto si Binibining Norjannah sa mga galaw ko.
"Kung saan-saan na lamang napupunta ang usapan ninyong dalawa," pamamagitna ni Norjannah. Nilingon niya ako at mahinahong nginitian. "Ramdam ko ang iyong hinanakit, Hiraya. Alam kong matagal mo nang ikinimkim ang iyong poot at ngayo'y nasabi mo na ang mga nais mong sabihi--"
"Hindi iyan sapat!" sigaw ko ulit. Hindi ko na makontrol ang aking nararamdaman at gusto ko na lamang magwala sa inis. "Bakit ba ang dali para sainyong sabihin iyan? Hindi ba kayo naghihirap? Sa tingin niyo ba'y para akong isang maliit na sugat na kapag pinatakan ng alak ay agad na hihilom?"
"Malalaman mo rin balang araw, Hiraya," mapait na sagot sa akin ni Norjannah. Pinakalma ko na ang aking sarili at niluwagan ang kapit sa bolo.
Hindi muna kami kumibo ng ilang minuto. Naramdaman kong unti-unti nang bumabagal ang kanina'y mabilis na paghinga. Nag-iiwasan kami ng tingin at tanging mga huni ng ibon ang namamayagpag sa buong bahay. Tuluyan ko nang nabitawan ang bolo at napagdesisyunang basagin ang katahimikan.
"Ano bang gusto mong gawin ko?" tanong ko sa prinsipe. Nakita ko ang pag-angat ng sulok sa kaniyang labi kaya napairap na lang ako. Hindi talaga ako susuko hangga't hindi pa kita napagtatatawanan, mahal na prinsipe.
"Umuwi ka sa inyo't kumbinsihin ang kapatid mong umatras."
"Ilang taon ko nang ginagawa iyan," nakasimangot na sagot ko.
"Kung gayon ay sa mismong araw ng seleksyon tayo maghahanap ng gulo," sagot ng prinsipe. Nalito naman ako sa naging wika niya.
"Anong gagawin ko? Magbabaliw-baliwan?" natatawang sabi ko. Nang makita kong hindi sila tumawa, natigilan ako at gulat silang tiningnan. "Gago, seryoso ba kayo?"
"Sa kabuuan ng pag-uusap natin, kailanma'y hindi ako nagbiro," sagot ng prinsipe. Inirapan ko siya.
"Kasi naman ang buong pagkatao mo'y isang malaking biro noon pa man," pambabara ko sa kaniya. Sinita ulit ako ni Binibining Norjannah kaya hindi ko na pinagpatuloy ang aking pagtataray.
"Hindi mo na nga kailangang magbaliw-baliwan kasi baliw ka naman talaga," ganti sa akin ng prinsipe. Nainis ako at gaganti rin sana ngunit nakita ko ang nagbabantang mga mata ng binibini kaya hindi na ako nambara.
"Magbaliw-baliwan? Ano naman ang mababago sa seremonya kung gagawin ko iyan?" pagbabalik ko sa usapan.
"Sugatan mo ang iyong kapatid," sagot ng prinsipe. Nagtagpo ang aking mga kilay nang marinig iyon.
"Mukhang ikaw pa ang tunay na baliw sa ating dalawa."
"Magdahan-dahan ka sa iyong pananalita, Hiraya. Ang prinsipe pa rin ang iyong kausap," sita na naman ni Binibining Norjannah. Naku, kung wala ang presensya ng babaeng ito ngayon, siguro'y isa sa amin ang may hawak na patalim at ang isa'y nakahandusay na sa sahig.
"Kahit sugat na galing sa isang karayom ay sapat na upang hindi mapili ang iyong kapatid," sabi ng prinsipe. "Gagawin mo iyan kapag siya ang napili. Kung hindi naman, wala kang gagawin."
"Ano bang mapapala ko diyan?"
"Hindi na mapipili ang iyong kapatid. Akala ko ba'y parehas tayo ng hinahangad?"
"Hindi madali ang ipinapagawa mo, mahal na prinsipe," reklamo ko. Inilahad ko ang aking palad sa kaniyang harapan. "Pera. Pera ang aking nais."
Nakita ko ang maliit na ngiti ni Norjannah at ang pag-iling ng prinsipe. Agad namang dumukot si Prinsipe Isaiah ng isang supot na galing sa kaniyang bulsa. Nang ilagay niya iyon sa aking palad, nanlaki ang aking mga mata nang hindi ko maiangat sa sobrang bigat.
"Sapat na iyan para sa dalawang taong pang-alak," sabi ng prinsipe. Napasimangot ako ngunit hindi na nagreklamo. Paano niya nalamang mahilig ako sa alak?
"Ito na ang napagkasunduan ng dalawang panig," sabi ni Norjannah. Walang umimik sa aming dalawa. "Hiraya, alam mo na ang mangyayari kapag hindi mo nagawa ang iyong tungkulin."
Humigpit ang kapit ko sa supot nang marinig iyon. Alam ko ang tinutukoy niya, ipapaalam ng prinsipe ang lihim ni Amihan at puputulan ng hininga. Hindi ko hahayaang iyan ay mangyari.
"Sino nga ba ang gusto niyong mapili sa magaganap na seleksyon?" usisa ko. Sasagot na sana si Binibining Norjannah nang may biglang nagsalita.
"Ako ang mapipili," sabi ng boses. Nang lingunin ko ang bagong dating, nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto kung sino iyon.
"Zenaida?"
Pagtatapos ng Kabanata