KABANATA 6 - LASON

2039 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Bakit ba ikaw lang nakatira dito, Binibining Norjannah?" tanong ko sa kaniya habang sinasawsaw ang nabiling tinapay sa kapeng itinimpla niya. Gustong-gusto ko talaga ang kaniyang timpla, hindi masyadong mapait at katamtaman lamang ang tamis. "Dalawa na tayo ngayon, ah?" nagtatakang sagot niya saka uminom sa kaniyang tasa. Napasimangot ako at uminom rin. Hindi ako sanay na tasa ang hinahawakan ko, noong mga nakaraang araw kasi'y hindi ko na nabitawan ang bote ng alak. "Nakakatawa ka naman po," sabi ko at pumeke ng tawa. Mahinhin siyang tumawa saka kumagat ng tinapay. Napakagat rin tuloy ako. Bakit nga ba ginagaya ko ang mga galaw niya? Tatlong araw na akong nagtatrabaho rito sa pamamahay ni Binibining Norjannah. Gawa sa nipa ang kaniyang bahay at may dalawang kwarto. Maluwag-luwag din kahit siya lamang ang nakatira. Sa likod naman ng kaniyang bahay ay mayroon siyang hardin na may kalahating hektarya ang lawak. Iba’t iba ang kaniyang tanim, sa unang sekyon ay may mga bulaklak at iba pang pampalamuti na mga halaman. Sa gitna naman ay mga gulay gaya ng singkamas, talong, sigarilyas, mani at sitaw. Sa pangatlo naman ay nahahati sa mga puno ng manga at saging. Hindi ko alam kung paano naalagaan ng binibini ang kaniyang pamamahay na siya lang mag-isa, pagdating ko kasi’y ni isang alikabok ay wala akong mahawakan. Tanging ang kambal na si Emilia at Amanda, parehong labindalawang taong gulang pa lamang, ang naging katulong niya. Si Emilia ang nagtitinda ng mga gulay at prutas na galing sa kaniyang hardin at si Amanda naman ang nagtitinda ng mga bulaklak. Paminsan-minsan ay tumutulong ang dalawa sa pag-aalaga ng hardin sa tuwing nahihirapan ang kanilang amo na pangasiwaan ang mga pananim. Iba’t iba kasi ang mga pangangailangan ng bawat halaman at hindi pa masyadong bihasa ang binibini sa mga ito. “Bakit nga ba kayrami mong itinatanim? Hindi ba masama sa lupain iyon?” usisa ko ulit. Nakakamangha kasi na may sarili siyang lupain kahit isa siyang alipin. Gusto ko mang magtanong ay baka mamasamain niya pa. “Paiba-iba nga upang hindi masobraan sa paggamit ng parehong pataba ang lupain at iba-iba ring nutrisyon ang nakukuha mula sa lupa. Hindi maaaring isang uri ng pananim ang paulit-ulit na inaani dahil agad nauubusan ng tiyak na sustansya ang lupa,” paliwanag niya. Tumango-tango ako. Depende na rin kasi iyan sa klase ng lupa. "Anong klase ng lupa nga ba ang maganda para sa sama ng loob? Mahilig kasi akong magtanim niyan," dagdag ko pa. Tumawa siya at napailing sa aking katanungan ngunit hindi na siya sumagot. Ang sama naman ng kaniyang ugali, nililihim niya kung saan dapat magtanim ng sama ng loob. Hindi na ako umimik at nagmadali na lang sa pag-ubos ng kape. Gusto ko pa sana ng isa pang tasa ngunit nakakahiya naman kung uutusan ko siyang timplahan ulit ako. Marunong naman ako ngunit parang may dagdag panlasa ang kaniyang mga kamay at hinahanap-hanap ko ang aroma nito. “Hindi ka na ba uuwi sa inyo?” Natahimik ako nang tanungin niya iyon. Agad kong naiyukom ang aking kamao at dahan-dahang umiling. Nakita ko naman siyang tumango at hindi na nagtanong. Tatlong araw na nga ako rito at hindi ko man lang nasilayan ang kanilang pagmumukha sa palengke. Madalas naman ang aking ina roon ngunit sadyang hindi nila ako hinanap. Mabuti naman, hindi na talaga ako babalik doon. “Hindi naman nila ako hinahanap,” mahinang sagot ko at inubos ang kape. Hindi na siya nag-usisa at hindi rin ngumiti. Inilagay ko ang tasa sa lababo at agad na hinugasan. “Siya nga po pala, ano nga ulit ‘yong naging utos mo?” “Marami nang nakapaligid na mga damo sa aking hardin, nakakaawa na ang aking mga bulaklak,” sabi niya. Agad naman akong tumango at pinatuyo ang tasa. “May bolo sa baba, malapit sa mga bagong bili kong mga palayok. Gumamit ka rin ng sombrero upang ikaw ay hindi mainitan.” “Salamat po,” sabi ko at lumabas ng bahay niya. Nagsuot ako ng pang-itaas na may mahabang manggas at ang sobrerong tinutukoy niya. Kinuha ko rin ang bolo at nagtungo na sa kaniyang hardin. Tunay nga ang kaniyang sinabi na nakakaawa ang kaniyang mga bulaklak. Napapaligiran na ang bawat halaman ng mga damong makakati at halos matabunan na sila. Hindi na ako nagdalawang-isip at hinila ang pinakamalapit na damo. Isang oras din ang aking ginugol sa pag-alaga ng kaniyang mga bulaklak. Napangiti ako sa sarili nang makitang napakalinis na sa seksyon ng mga bulaklak. Ang iba kasi’y nahihirapang mamulaklak at magpataba dahil napaligiran na ng tuluyan ng mga damo. Hindi magsisisi si Binibining Norjannah na ako ang kaniyang naging katulong sa pag-alaga ng kaniyang hardin. Nagpatuloy ako sa paglinis at pag-alis ng mga damo sa bawat halamang nakikita ko. Napapagod na ako ngunit nalilibang naman ako sa aking ginagawa. Sabi ni Binibining Norjannah ay may bisita siyang dadating mamaya kaya maglilinis din siya sa loob ng kaniyang bahay. Mukhang siya rin ay maghahanda ng pagkain at dito raw maghahapunan ang kaniyang panauhin. Hihilahin ko na sana ang isang damo nang matigilan at mapagtanto kung ano sana ang hihilahin ko. Agad nanlaki ang aking mga mata at napatayo. Napalayo ako sa mga halaman at napaatras. Bakit may mga nakakalasong tanim ang binibini? Hindi sila basta-bastang tumutubo gaya ng mga damo kaya alam kong sadya silang itinanim. Napakalago nila at hindi isang klase lamang ang makikita sa kaniyang hardin. “Cachubong,” rinig kong boses ng nasa aking likuran. Hindi ako makalingon at makagalaw sa aking kinatatayuan. Nagsuot siya ng guwantes sa kaniyang dalawang kamay at hinawakan ang dahon ng sinasabing halaman. “Hindi ito nakakamatay ngunit kapag hinalo sa inumin ay nakakasanhi ng ilusyon at mga guni-guni,” paliwanag niya. Kumunot ang aking mga noo dahil nawala bigla ang mahinhin at inosente niyang boses. “Mawawala ang iyong kakayahang mag-isip. Apat na oras lamang itong tumatalab at wala pang kilalang gamot para sa lasong ito.” Hindi ko pa rin mahanap ang aking boses sa kaba at takot. Matapang akong tao ngunit alam kong mahina ako dahil madali akong napapaniwala at madaling naapektuhan. Hindi ako tuso gaya ng kapatid ko na si Amihan at lalong hindi masyadong malawak ang aking kaalaman. “Taxus baccata,” pagpapatuloy niya at kumuha ng isang bunga nito. Kulay pulang maliliit na mga bilog ang bunga nito. “Mahihirapan kang huminga kapag kinain mo ang prutas nito. Mangingisay ka at mawawalan ng malay. Swerte na lamang kung ikaw ay magigising, ibabaon ka naman kung hindi.” Napalunok ako sa naging salita niya. Sa di malamang dahilan, ang dating takot ay napalitan ng inis at iritasyon. Sino ba siya at ano ba itong pinasok ko? Lalasunin niya ba ako? Dadaan muna siya sa aking itak bago iyon mangyari. “Eto naman ang—“ “Abrus precatorious,” pagputol ko sa kaniyang salita. Nakita ko ang pag-angat ng sulok ng kaniyang labi ngunit hindi ko na iyon pinansin. “Mas maliit pa sa isang gramo ang kailangan mo upang mapatay ang isang tao. Isang minuto lamang ang kailangan upang tahimik na kitilan ng buhay ang iinom ng katas nito.” “Tulad ng inaasahan, ikaw nga ay marunong magbasa,” sabi niya sa akin at binigyan ako ng guwantes. Kahit nagdududa ako sa kaniyang mga intension ay tinanggap ko iyon at isinuot. “Pinag-aralan mo ba ang mga iba’t ibang klase ng mga lason? Bihira lamang ang nakakaalam ng mga lasong ito.” Nanakaw ko sa isang lalaking mangangalakal sa Segundo ang librong tungkol sa mga lason. Pinag-aralan ko iyong maigi upang malagyan ko ng lason ang dulo ng mga palasong pinatalim ko. Nilalagyan ko rin ng lason ang mga patalim na mayroon ako upang madaling makitil ang buhay ng mga sakim. “Kaya ba iba’t iba ang mga pananim mo sa lupaing ito upang itago ang tunay mong mga intensyon?” tanong ko sa kaniya pabalik. Itinutok ko sa kaniyang leeg ang bolong dala ko. “Hindi ka alipin katulad ng mga babaeng nasa Tercero, lalo na’t wala kaming kahit ni isang pag-aari. Sino ka at anong pakay mo sa akin?” “Hindi ako isang kalaban, Hiraya. Hindi ko rin nais ang makipagsandatahan sa iyo sa gitna ng aking hardin,” sabi niya at hinawakan ang dulo ng bolo. Gamit ang daliri’y unti-unti niyang binaba ang hawak ko. “Maaari tayong mag-usap ng mahinahon. Wala akong masamang intensyon lalo na sa mga babae dito sa Tercero.” “Paano ako makakasigurong totoo nga ang iyong mga salita?” “Marunong akong magbasa at gumamit ng sandata gaya mo,” sagot niya. Inaasahan ko na iyon ngunit hindi iyon sapat upang makasiguro ako. “Maaari mo akong maisumbong sa mga kawal at ako’y ipadakip, lalo na’t natuklasan mo rin ang mga tunay na inaalagaan ko sa harding ito. Para na rin kitang binigyan ng sarili kong lason at nasa iyong kamay na ang aking buhay.” Hindi ako kaagad nakasagot at umatras sa kaniya. Hindi ko aakalaing agad akong naging komportable sa pudir niya. Tumalikod na ako ngunit nanatiling alerto sa magiging kilos niya. Pumasok kami sa loob ng kaniyang bahay at hinila ko ang isang upuan at umupo sa harapan niya. Ilang minuto kaming tahimik at naghihintay lamang kung sino ang mauunang magsalita. “Alam mo na ba ang aking pagkatao bago mo ako pinatuloy sa iyong pamamahay?” pagbasag ko ng katahimikan. Napatingin siya sa akin at tumango. “Galing ka sa hacienda ni Don Febrio. Palihim kang nag-aaral ng mga sandata at kung paano magbasa,” sagot niya. Mahigpit kong nahawakan ang bolo na hindi ko na nabitawan. “Kaya ako lamang ang nangangasiwa ng hardin dahil tanging ako ang may alam sa mga nakatanim doon. Nang malaman ko ang iyong mga gawain, sinubukan ko ang iyong mga kakayahan at ikaw ang pinalinis ko sa hardin. Kanina ka pa naging isang matigas na bangkay kung tunay ngang wala kang alam.” “Paano mo nalaman ang aking mga lihim na ginagawa?” seryosong tanong ko sa kaniya. Kahit kailan ay hindi ko pa siya nakikilala at hindi rin siya pamilyar sa akin. “Nakasulat sa mga galos at peklat na nasa iyong balat ang mga paghihirap at ang kagustuhan mong lumaban, Hiraya,” mahinang sabi niya at sinuri ang aking katawan. “Mga sugat iyan ng iyong pag-eensayo at pag-aaral na ikaw lamang mag-isa. Naranasan ko rin iyan kaya hinding-hindi ako magkakamali.” “Bakit ka ba natutong humawak ng sandata?” tanong ko. Alam kong gustong lumaban ng mga babae, ramdam ko ang kanilang mga boses na naiipit kaya lumalambot ang aking puso sa mga babaeng gustong kumawala sa sistemang ito. “Gusto kong lumaban. Nais kong maipagtanggol ang aking sarili sa oras na nakatutok sa akin ang kanilang mga armas.” “Hindi ko pa rin lubos na maintindihan ang iyong pagkatao,” sabi ko gamit ang boses na puno ng pagdududa. “Paano mo naangkin ang lupaing ito? Kung isa kang ordinaryong mamamayan ng Tercero ay hindi ka mabibigyan ng oportunidad na magkaroon ng sariling lupa.” Naging tahimik siya ng ilang segundo. Tama nga ako, marami pa siyang itinatago at alam kong may pakay siya sa akin. “Hindi ko pagmamay-ari ang lupaing ito,” sagot niya. Tumaas ang kaliwang kilay ko. “Namamahala lang ako rito na para bang sarili kong lupain ang aking inaalagaan.” “Kung gayon, sino ang nagmamay-ari ng lupaing ito?” tanong ko sa kaniya. Maaaring isang Intsik ang kaniyang amo o hindi kaya’y isang maharlika. Sana nga’y isa lamang siyang timawa upang hindi masyadong malagay sa panganib ang aking buhay. Di kaya’y isa itong bitag upang ako’y hulihin at ikulong? “Ako.” Nanigas ako nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Parang nakakapit ang aking buhay sa hawak kong bolo at halos mapunit ko na ang aking manggas sa kakahila. Sabi na nga ba, ako nga’y nahulog sa isang bitag. Matagal na akong nahuli ngunit hindi ako ikukulong, alam kong kamatayan na ang hatol sa akin. Nang lingunin ko ang pinanggalingan ng boses, ang ginoong matagal ko nang pinagtataguan ang aking nakita - ang ikalimang prinsipe, si Prinsipe Isaiah. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD