Kabanata 7 - Kabilang Dulo
"Doon ang unit mo sa third floor," sabi ng landlady. Matapos punan ni Adelaida ang form na ibinigay ng matanda ay inilabas nito ang perang nakuha sa isinanglang alahas.
"Wala ka bang ID?" tanong ng matanda. Inisip ni Adelaida ang nabasa niya sa isip ni Stone noong hinawakan niya ang kamay ng binata sa elevator. Nalaman niya agad kung ano ang ID na tinutukoy ng matanda.
"Patawad, ngunit ito'y aking naiwan sa probinsyang pinanggalingan ko," sagot ni Adelaida.
"Naglayas ka ba, ineng?"
"Oo, sapagkat ako'y nasasakal na sa kahirapang nararanasan."
"Eh ang yaman mo nga eh! Kay bata bata pa tapos afford ang pinaka-mahal na unit dito? Limpak-limpak pa ang perang nasa kamay mo!" sabi ng matanda at tinuro ang salaping hawak-hawak.
"Huwag kang maraming tanong bata o ikaw ang aking masasakal," banta ni Adelaida. Nagsalubong ang kilay ng landlady.
"Aba! Di ka marunong rumespeto ah! Mukha ba akong bagets sa paningin mo?" galit na tanong ng matanda. Napagtanto ni Adelaida na kahit mas matanda siya'y ang paningin pa rin ng mga tao ay isa siyang dalaga.
"Patawad muli, salamat sa iyong paghatid sa akin sa magiging silid ko, ikaw ay makakaalis na," sabi ni Adelaida.
"Kakaiba naman ang pananalita mo, ineng. Eto na ang susi," sabi ng matanda at inabot ang susi. Walang kangiti-ngiti itong tinanggap ni Adelaida at pumasok na sa loob.
Mas maluwag ang kwartong iyon kaysa sa silid ni Stone. Kulay bughaw ang dingding nito at bughaw rin ang sahig na binaldosa. May dalawang kwarto na may sariling CR at isang kusina. May balkonahe rin. Masyado iyong malaki para sa kaniya.
"Mamimili muna ako ng mga gamit," sabi ni Adelaida sa sarili at lumabas na ng unit nito. Mabilis niyang tinahak ang daan palabas ng building.
Gumawa siya ng listahan ng mga gamit sa kaniyang isip. Gagayahin niya ang mga nakitang bagay sa loob ng condo ni Stone maliban sa first aid kit dahil hindi na niya kakailanganin iyon.
Habang naglalakad ay napahinto siya sa tapat ng isang simbahan. May kung anong bagay na bumara sa kaniyang lalamunan. Halu-halo ang emosyong naramdaman niya, isa na doon ang poot. Naiyukom niya ang mga kamao at hinarap ang simbahan.
Pilit niyang sinasabi na ayaw niya ngunit dinala pa rin siya ng kaniyang paa papasok. Pikit-matang humakbang ito at inilagay ang daliri sa banal na tubig at nang payapa itong nagawa ay tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.
Lumuhod siya habang nakatingin pa rin sa lalaking nakapako sa krus. Nanginginig ang kaniyang mga kamay ngunit nanalangin pa rin siya.
"A-Akala ko'y hindi mo na ako matatanggap sa loob ng iyong tahanan, Panginoon," sabi ni Adelaida sa isip. Patuloy pa rin siyang naghihinagpis. "Matapos kong gawin ang isang malaking kasalanan ay hinayaan Mo pa rin akong lumapit sa Iyo, ako'y hindi nararapat sa Iyong pagmamahal."
"Hindi maganda ang aking karanasan sa loob ng simbahan dahil sa mga prayle noon, kaya nawalan ako ng pag-asa't lumayo sa Iyo. Pinaniwala ko ang sarili kong hindi Ka totoo, at hindi ko kailangan ang Iyong pagsalba, ngunit heto ako at nagsusumamo na ako'y Iyong sagipin sa pag-ulit ng nakaraan. Hindi ko alintana ang habang-buhay na pagdurusa, ngunit hindi ko kakayaning makita ang mga luha ng mga taong nasa buhay ko dahil sa aking pagkatao. Ako'y gabayan mo, Panginoon."
Matapos manalangin ay tumayo na si Adelaida. Pinunasan nito ang mga luha saka ngumiti. Ang pakikipag-usap sa Ama ay nakapagpagaan sa loob niya. Ngunit hindi pa rin nito maiwasang mangamba sa maaaring mangyari sa hinaharap.
"Walang makasalanan ang hindi pinatawad ng Poong Maykapal."
Napalingon siya sa lalaking nagsalita sa gilid niya. Napaatras pa si Adelaida nang mapagtantong isa iyong pari. Naalala niya ring siya ang paring nakakita sa kaniya sa loob ng kumbento kasama ang magkakaibigan.
"Isa kang prayle," mahinang sambit ni Adelaida ngunit may diin.
"Pari ako, Adelaida," sagot ng pari na nagpagulat sa dalaga. Bahagya siyang napaatras.
"Paano mo nalaman ang aking pangalan?"
"Dahil isa akong manghuhula," sagot ng pari. Kumunot ang noo ni Adelaida at matalim na tinignan ang pari.
"Huwag mo akong nililinlang, nilalang. Wala akong panahong makipaglaro," walang emosyong sagot ni Adelaida. "Gusto man kitang sakalin, hindi ko iyon magagawa sa harap ng ating Ama."
"Kasama ko ang pamangkin ko ngayon at nakita ka niya. Sinabi niya sa akin na ikaw ang pinsan ni Stone at ang pangalan mo ay Adelaida."
"Ang ibig mo bang sabihin ay kasama mo ang babaeng may maraming palamuti sa katawan at nagpapakita ng balat?"
"Yup, that's me," singit ng isang babaeng naglalakad papunta sa dalawa. Nakangiti siya habang naglalakad. "And I'm Chloe."
"Magandang araw sa iyo, binibining Chloe," bati ni Adelaida. Ngumiti naman si Chloe na parang hindi narinig ang deskripsyon ni Adelaida sa kaniya.
"Ano namang ginagawa mo dito, Adel?"
"Ano bang dapat ginagawa sa isang simbahan? Makipagsabong?"
Tumawa si Chloe, "How stupid of me to ask that question."
"By the way, hinahanap ka ng pinsan mo. Hindi ka raw nagpaalam sa kaniya, are you perhaps living somewhere near here?"
"Pinapakiusapan kita, Chloe. Huwag mong ipaalam sa kaniya na ako'y andito. Hindi na ako magpapabuhat sa kaniya't maging isang pabigat," sagot ni Adelaida. Napataas naman ng kilay si Chloe.
"Too bad, he's behind you," sagot ni Chloe na nagpagulat kay Adelaida. Agad siyang tumalikod at nakita ang lalaking iniiwasan na naka-krus ang braso sa kaniyang dibdib at malamig na nakatingin sa kaniya.
"I guess we should leave the two of you," sabi ni Chloe at tumango sa tito niyang pari. Umalis silang dalawa at iniwan si Adelaida at Stone.
"So you thought you could erase my memories, dear cousin?" sarkastikong bungad ni Stone.
"Iyon ay panandalian lamang," sagot ni Adelaida. "Hindi ko na mabubura ang iyong alaala sapagkat nakikita mo ang kadena, kung totoo man iyan."
"Why would I lie to you? I would gain nothing by that. Hindi ko rin maipagkakalat, iisipin nilang baliw ako," sagot ni Stone. Napatango si Adelaida.
"Oo nga naman, ngunit wala ka ring mapapala sa akin. Ano naman ngayon kung nakikita mo ang kadena?" ganti ni Adelaida. Lumapit siya ng kaunti sa binata. "Kaya lubayan mo na ako, ginoo. Salamat sa pagtulong sa akin, ngunit kailangan na nating maghiwalay ng landas. Wala nang rason upang tayo'y magsalamuhang muli."
Umalis na si Adelaida at lumabas ng simbahan. Bago pa siya makalayo ay hinawakan ang kaniyang braso ng binatang humabol sa kaniya palabas. Nagtagpo ang kilay ng dalaga.
"Hindi ka ba nakikinig sa aking sinab--"
"I can't cut ties with you. I may not gain something out of it, but I feel like this is happening for a deep reason. There's a reason why I see that chain, why I met you, and you can't push me away like that. I am the only one who could help you," litanya ng lalaki.
"Hindi mo na iyon suliranin, binata. Ikaw ba'y hindi natatakot sa akin? Ako'y hindi pangkaraniwan," sagot ni Adelaida.
"I am," sagot ni Stone.
"Ikaw pala'y natatakot, edi lumayo ka na bago ka pa masaktan o di kaya'y dalawin ng kamatayan."
Mabilis na naglakad si Adelaida ngunit nahabol na naman siya ng binata. Inis na nilingon niya si Stone at nagulat siya sa sunod na ginawa nito.
Hinalikan siya ni Stone sa labi.
Ilang segundo lamang iyon at humiwalay na ang binata. Tumulo ang luha sa mga mata ni Adelaida at siya'y napahawak sa kaniyang dibdib. Napaluhod siya.
"B-Bakit...bakit mo iyon ginawa?!" nahihirapang tanong ni Adelaida. Patuloy niyang iniinda ang sakit sa kaniyang dibdib at siya'y nahihirapang huminga.
"Nabasa ko sa diary mo na kung sino mang aangkin sa labi ng itim na anghel ay sasalo sa pighati ng anghel, pagsasaluhan natin ang pighati't kalungkutan ng isa't isa," sagot ni Stone. Hindi makapaniwala si Adelaida. "If I kiss you, you won't have a reason to push me away."
"Pagsisisihan mo ang kamaliang ito!" sigaw ni Adelaida. Sa isang iglap, naglaho silang dalawa ni Stone.
Nang idilat ni Stone ang kaniyang mata, nagulat siya nang makita ang lugar na kinaroroonan niya. Nasa abandonadong kumbento ulit siya.
Sa hindi malamang dahilan ay napaluhod siya't biglang sumakit ang kaniyang dibdib. Tumulo ang mga luha sa kaniyang mga mata at tila isang bagyo ng kalungkutan ang sumalanta sa kaniyang dibdib.
Nakita niya si Adelaida na nahihirapan ring huminga. Nakahandusay ang dalaga sa sahig. Sumisigaw ito sa sakit at pait.
"K-Kamatayan ba ang parusa ng aking ginawa?" nahihirapang tanong ni Stone kay Adelaida.
"S-Sobra pa sa kamatayan, binatang hangal!" sigaw ni Adelaida at napasigaw ulit ito sa sakit. Napahigpit rin ang kapit ni Stone sa kaniyang damit.
Sa isang iglap ay nagliwanag ang katawan nilang dalawa at lumutang sa ere. Parang dumoble ang sakit na nararamdaman ng dalawa. Ngunit hindi iyon ang nagpasigaw kay Stone.
Ang kabilang dulo ng kadenang nasa leeg ni Adelaida ay pumulupot na ngayon sa leeg ng binata.
-