KABANATA 10 - KASAPI

1944 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Alak na naman, Hiraya?"  Hindi ko na nilingon si Zenaida na umupo sa tabi ko. Kinuha niya ang ang bote ng alak na binili ko saka nagbuhos rin sa kaniyang baso. Hindi na lang ako nakialam at hindi rin umimik. "Kailangan mong ipagamot ang mga sugat na iyong natamo kahapon," dagdag niya. Napatingin ako sa aking kanang kamay na puno ng mga gasgas dahil sa pagsugod ng mga kawal sa akin. May natamo akong malaking sugat sa likod dahil tinapunan ako ng mga bato ng mga babaeng nasa seleksyon kahapon. Pagkatapos kong sugatan ang aking kapatid, agad akong napalibutan ng mga kawal kaya hindi na ako nakatakas. Isang dos por dos ang unang tumama sa aking paa kaya hindi na ako nakalaban at agad na natumba. Ilang tadyak at sipa ang aking natanggap habang nasa lupa.  Mabuti na lamang at inawat sila ng prinsipe saka lumayo sa akin. Nagulat pa ang lahat sa natanggap kong tulong at alam kong silang lahat ay nakatingin sa amin. Ngunit ang nasa isip ko ay ang aking kapatid. Nang lingunin ko ang kinaroroonan ng kalesang sinakyan niya, hindi ko na nakita ang maamo niyang mukha. "Gasgas lang 'to," mahinang sagot ko sa kaniya. Kinuha ko ang bote mula sa kaniyang kamay saka inubos ang natirang alak. Napasimangot siya sa ginawa ko at ininom ang kaunting alak sa kaniyang baso. "Sira ka ba?" sagot niya saka hinila ang aking kaliwang balikat. Napadaing ako sa sakit at sinipa ang kaniyang paa sa ilalim ng mesa. Muling dumugo ang malaking sugat na kanina'y binuhusan ko lamang ng isang boteng alak. "Hihilom rin 'yan, malayo sa bituka," walang ganang sagot ko sa kaniya. Parang tuluyan na talaga siyang nawalan ng pag-asang pilitin akong magpagamot. Hindi pa rin maipinta ang aking mukha sa sobrang sakit ng kaniyang paghila. "Baka nga'y nagdulot 'yan ng pinsala sa iyong buto," sabi niya. Napailing siya saka lumayo sa akin. "Sige ka, mahihirapan kang bitbitin ang iyong itak at magsulat. Gusto mo 'yon?" Nagulat ako sa aking narinig. Nang lingunin ko siya, tila'y nagsisi rin siya sa kaniyang mga nabanggit. Dahan-dahan akong tumayo kahit bahagya akong lasing saka kinuha ang boteng walang laman sa mesa. Mabagal akong naglakad papunta sa kaniya habang mahigpit ang hawak ko sa bote. "Pakiulit nga ng iyong sinabi," mahinang sabi ko sa kaniya. Patuloy siya sa kaniyang pag-atras at hindi naman ako tumigil sa paglalakad papunta sa kaniya. Napadikit siya sa pader ng sarili niyang bahay nang makitang hindi na siya makakaatras. "Mahihirapan kang magbitbit ng itak," mahinang pag-ulit niya. Tinaasan ko siya ng kilay. "Tapos?" "Mahihirapan ka ring magsulat," ulit niya. Huminto ako sa paglakad nang makitang labinlimang pulgada ang layo naming dalawa. "Paano mo nalaman?" malamig na tanong ko sa kaniya. Nakita ko ang kabang nakasulat sa ugat ng kaniyang leeg. Ilang segundo ang lumipas nang wala pa rin akong narinig na sagot mula sa kaniya. "Paano mo nalaman?!" pagtataas ko ng boses. Nang wala pa rin siyang imik, sinarado ko na ang agwat naming dalawa saka hinampas ang bote sa pader malapit sa kaniyang ulo. Nang mabasag ang dulo, itinutok ko ito sa kaniyang leeg. "Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Lalong naging malinaw ang mga ugat sa kaniyang leeg. Hindi rin siya makatingin sa akin. "Paano mo nalaman ang aking mga ginagawa?" "Matagal na tayong magkakilala, Zenaida. Ang iyong balat-kayo ba ang aking nakilala?" tanong ko ulit at idiniin ang bote sa kaniyang leeg. May kaunting dugong lumabas sa kaniyang ugat at nanigas ang kaniyang katawan nag gawin ko iyon. "Matagal mo na ba akong sinusubaybayan?!" Nang hindi ko na makontrol ang aking sarili'y hinawakan niya ang dalawa kong kamay saka tinuhod ang aking tiyan. Napadaing ako sa sakit at bigla akong nanghina dahil sa mga sugat na natamo ko kahapon. Nabitawan ko ang bote at ako naman ngayon ang nakorner ni Zenaida.  "Patawad," mahinang bulong niya. Mapait akong tumawa at hindi na nanglaban. Lumuwag na rin ang hawak niya sa akin. "Paano mo natutunan ang mga galaw na iyon?" mahinang tanong ko. Tuluyan na niya akong binitawan at tumalikod na sa akin. Sa sobrang panghihina'y napaupo na lamang ako sa sahig. Mas sumakit ang malaking sugat sa aking balikat. "Kagaya mo'y pinag-aralan ko rin 'to," imik niya. Hindi ako makakibo dahil hinahabol ko ang aking hininga. "Kagaya mo'y ito rin ang aking sekreto." "Kaano-ano mo si Norjannah?" "Siya ang tunay kong pinagsisilbihan," sagot niya. Muli akong naguluhan sa aking mga narinig. Hindi lang pala ako ang marunong magbasa at lumaban? Bakit ang galing nilang magpanggap?  "Sino ka?" tanong ko ulit. Hindi na niya ulit ako matignan sa mata. Kahit nanghihina, galit ang nangibabaw sa aking sistema.  "SINO K--" "Siya ang aking kanang-kamay." Napatingin ako sa babaeng nagsalita at nagulat nang makilala kung sino ang mga pumasok. Kunot-noo akong nakatingin at hindi ko mawari ang mga mukhang nasa likod ng maskara. "Mahal na prinsipe," bati ni Zenaida sa kakapasok lamang na prinsipe saka yumuko. Tumango naman si Prinsipe Isaiah. Nagtungo naman si Zenaida kay Norjannah saka yumuko.  "Pinuno," bati niya. Pagkatapos siyang ngitian ni Norjannah, kumuha siya ng dalawang upuan at ibinigay sa dalawang bisita. Umupo siya sa tabi ni Norjannah. "Diba ikaw ang dapat na isinakay sa kalesa, Zenaida?" tanong ko. Hindi man lang ako bumati sa dalawang panauhin. Nanghihina rin kasi ako at hindi makatayo. "Bakit ang aking kapatid pa rin ang naisakay at napunta sa Primero?" "Ginawa ko ang gusto mo, Prinsipe Isaiah," sabi ko sa prinsipeng kanina pa nakatingin sa akin. Galit ko siyang tinignan. "Sinugatan ko ang aking kapatid. Bakit siya pa rin ang dinala sa Primero?" "Dumudugo ang sugat sa iyong balikat," wika ni Norjannah. Napasimangot ako nang hindi niya sagutin ang aking tanong. "Kailangang maagapan ang iyong sugat bago tayo mag-usap." Kahit hindi ako sang-ayon, wala akong nagawa dahil lumapit na sa akin si Zenaida at inalalayan akong tumayo. Ipinasok niya ako sa kaniyang silid saka pinahiga sa kaniyang kama. Hindi ako nakakibo at hindi na rin ako umangal. Pumasok din si Prinsipe Isaiah at si Norjannah sa silid. Walang kahit ni isang salita ang lumabas sa aming mga bibig. Sinundan lang ng aming mga mata si Zenaida na abala sa pagkuha ng kaniyang mga gamot. "Mas maiging doon ka gamutin sa pamamahay ko, Hiraya," sabi sa akin ni Norjannah. Kahit nahihirapang galawin ang aking panga'y mahina akong napatawa. "Akala ko ba'y pagmamay-ari iyon ng mahal na prinsipe?" mapanuya kong tanong. Nagkatinginan silang tatlo na para bang nag-uusap gamit ang kanilang mga mata saka ibinalik ang tingin sa akin. "Pagmamay-ari ng namayapa kong napangasawa ang lupaing iyon. Noong siya'y namatay, sinubukan ng pamahalaan na angkinin ang lupa dahil isa lamang akong alipin at wala akong karapatang angkinin ang kaniyang mga ari-arian," pagkwento niya. Nakinig naman ako nang maigi. "Makukuha na sana ng pamahalaan ang ari-arian ng aking asawa nang biglang dumating ang prinsipe at nakipagkasundong sa kaniya mapupunta ang lupain," pagpapatuloy niya. "Akala ko'y huli na ang lahat ngunit nagulat na lamang ako nang sabihin ng prinsipe na sa kaniya lamang nakapangalan ang lupain. Ako pa rin ang nagmamay-ari at upang hindi masugpo ng pamahalaan, itinago ito sa ilalim ng kaniyang apelyido." Napatango na lamang ako sa kaniyang sinabi. Lumapit si Zenaida at nilagyan ng dinurog na dahon ng bayabas ang aking sugat sa balikat. Gusto kong magmura ngunit isang daing lamang ang aking naiusal. "Hindi mo naman talaga kailangang magpaliwanag," masungit na sabi ko. Tumawa nang mahina si Norjannah. "Iba ang gusto kong malaman. Bakit isinakay si Amihan sa kalesa? Sinigurado kong magkakapeklat ang kaniyang sugat, bakit hindi siya diskuwalipikado?" "Dahil sa aking ina," sagot ng prinsipe. Naguluhan naman ako sa naging sagot niya. "Siya ang personal na pinili ng mahal na reyna kaya walang magawa ang pamahalaan lalo na si Tanashiri sa kung sino ang mapipili sa seleksyon." "Paanong nakilala ni Reyna Mimosa ang aking kapatid na isang hamak na alipin?" "Dahil sa akin," sagot niya. Napataas naman ang kilay ko sa naging sagot niya. "Bakit mo naman bibigyan ng kamay ang aking kapatid kung ayaw mo naman siyang maging isang reyna?" tanong sa kaniya. Pambihira, bakit hindi ko mabasa ang utak ng lalaking ito? "Dahil siya naman talaga ang dapat na mapili," sagot ng prinsipe. Mas lalo akong naguluhan at nainis sa aking mga narinig. "Nakakainis ang iyong pagiging walang kwenta," pagmumura ko sa kaniya. Masama naman akong tinignan ni Zenaida at Norjannah. "Siya ang prinsipe, Hiraya. Magdahan-dahan ka sa iyong mga salita," pagsita sa akin ni Zenaida. Napairap na lang ako. "Saka, sampung taon ang agwat niyo ni Pinunong Norjannah. Magbigay ka rin ng galang." Hindi ko siya pinansin at inirapan lang siya. Napasigaw ako nang idiin niya ang mga durog na dahon sa aking sugat. Masama ko siyang tinignan at nakita ko naman ang pagpigil nila ng tawa.  "Akala ko ba'y si Zenaida ang dapat na mapili?" tanong ko. "Isa lamang iyong kasinungalingan," sagot ni Zenaida. Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking mga narinig. "Kung gayon, bakit niyo pa ako binigyan ng oportunidad na pigilan ang aking kapatid?" tanong ko sa kanila. Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari. "Masaya bang paglaruan ako? Tapos na ba kayong humalakhak?" "Humihingi ako ng patawad sa aming panlilinlang," sabi ni Norjannah. Gusto kong magalit ngunit hindi kaya ng aking katawan ang gumalaw.  "Isang katok sa pinto ang hinihintay ko ngayong gabi upang maintindihan mo agad ang aming mga intensyon," dugtong ng prinsipe. Biglang may kumatok sa pinto kaya napatingin kaming apat. Niligpit ni Zenaida ang mga dinurog na mga dahon saka binuksan ang pintuan ng kaniyang bahay. Agad niyang pinatuloy sa kaniyang silid ang taong dumating at kumunot ang aking noo nang makita ang isang pamilyar na mukha. "Marielle?" pagtataka ko. Katrabaho ko siya sa hacienda ni Don Febrio. Saglit niya lang akong tinapunan ng tingin saka yumuko sa prinsipe. "Mahal na prinsipe, ito na ang mensahe galing kay Amihan," sabi ng bagong dating. Mas lalong kumunot ang aking noo at kinabahan sa aking mga narinig.  "Anong ibig sabihin nito?" naguguluhan kong tanong. Binalewala lamang ako ng prinsipe saka binuksan ang sulat na galing sa aking kapatid. Pagkatapos niya itong basahin, ibinigay niya ang sulat sa akin. Hindi ko maabot ang sulat kaya si Zenaida ang nag-abot sa akin. Nanginginig ang aking mga kamay habang binubuksan ko ang sulat. Mahal na Prinsipe, Hindi ka nabigo sa iyong mga plano at ako nga'y nakarating dito sa palasyo. Nahirapan akong ipadala ang liham na ito kaya labis ang aking pagkamangha sa iyong alagang ibon na si Arda. Sa loob ng tatlong araw ay magkakaroon ng pagsusuri. Mukhang matatagalan pa ang pagpili para sa ikapitong reyna dahil sa nangyari noong seleksyon. Ang sugat na nagawa ng aking kapatid ay maghihilom at hindi makakaapekto sa aking larawan. Sana'y maprotektahan mo ang aking kapatid sa maaaring ihatol sa kaniya ng pamahalaan. Huwag kang labis na mag-alala, gagawin ko ang ating mga napag-usapan. Sana'y tuparin mo ang iyong pangako at siguraduhin mo ang kaligtasan ng aking pamilya.' Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang aking mga luha. Nailukot ko ang liham saka itinapon sa sahig. Matalim ko silang tinignan. "Anong kalokohon 'to?" galit na sabi ko. Pinilit kong bumangon ngunit pinigilan ako ni Zenaida. "Sino kayo? Magkasabwat kayong lahat?!" Nagkatinginan silang apat at muling nag-usap gamit ang kanilang mga mata. Pakiramdam ko'y pinagtaksilan ako't nilinlang. Ngunit parang nabunutan naman ako ng tinik nang malamang maayos ang aking kapatid at maghihilom ang sugat na aking nagawa. "Kami ay mga rebelde, Hiraya," sagot ni Norjannah. Napanganga naman ako sa naging sagot niya. Tumayo siya saka inilapit ang kaniyang mukha sa akin. "Kasapi rin ng aming pangkat ang iyong kapatid. Tawag sa aming grupo'y Motus Femina." Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD