KABANATA 11 - MAHARLIKA

1674 Words
TW/ Eksena at mga salitang hindi angkop para sa mga bata TL: Matapos ang Seleksyon "Huwag niyong saktan ang babaeng iyan!" Napatigil ang mga kawal nang makita ang ikalimang reyna na si Reyna Mimosa sa kabilang kalesa. Inihinto kasi ang kalesang sinasakyan ko nang makarating kami sa Primero. Dahil ako'y nagkasugat, hindi na ako kwalipikado sa seleksyon.  Nakatutok ang patalim ng tatlong kawal na nakabantay sa aking leeg. Nanatili akong kalmado at itinaas pa ang aking leeg upang madali sa kanila ang kitilin ang aking buhay. Mahapdi pa ang sugat na nagawa ni Hiraya ngunit huminto na ang pagdurugo. "M-Mahal na reyna," nauutal na bati ng tatlong kawal saka lumuhod sa lupa. Lumabas rin ako sa kalesa at yumuko sa harap ng reyna upang magbigay-galang. Nang tumango siya, iniangat ko na ang aking tingin saka tinignan ang mga kawal. Nakatali ang mahaba niyang buhok at sa ibabaw ay may palamuting gawa sa perlas. Ang kaniyang ganda'y walang tulad at para bang diwata na nasa isang kwentong pantasya. Kahit bago ang mga palamuting suot niya, parehong kwintas pa rin ang suot niya tulad noong huli naming pagkikita.  "Pakawalan niyo ang babaeng ito ngayon din," kalmadong utos ng reyna. Hindi pa rin umaangat ang kanilang mga ulo at ang mga espada nila'y nasa lupa. "N-Ngunit utos ng hari'y kitilin ang buhay kung may isang pasang makikita sa kaniyang katawan," kinakabahang sagot ng kawal. Hindi ko na sila nilingon at nanatiling nakaangat ang aking ulo.  "Maliit lamang ang sugat at maghihilom na bukas," sagot ni Reyna Mimosa. Hindi pa rin nila inaangat ang kanilang mga paningin kaya alam kong hahaba pa ang usapan. "Hindi namin maaaring labagin ang utos ng hari," sagot ng kawal na nasa gitna. Nanatiling nakaupo ang reyna sa loob ng kalesa at sinenyasan ang kaniyang bantay na lapitan ang mga kawal. Itinutok niya ang kaniyang espada sa lalaking nasa gitna. "Ang ibig mo bang sabihi'y hindi ka magpapakita ng galang sa reyna?" tanong ng reyna. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang panginginig ng kawal at ang agresibo niyang pag-iling.  "Kung gayon, pakawalan mo ang kandidata at ilipat sa aking kalesa," sabi ng reyna. Hindi ko pinahalatang nagulat ako sa naging pahayag niya at nanatiling mataas ang aking tanaw. Nagkatinginan naman ang mga nakayukong kawal at nag-usap gamit ang kanilang mga mata. "Huwag kayong mag-aalala, hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa inyo," dagdag ng reyna.  Tumango naman ang mga kawal kaya inalis na ng bantay ang kaniyang espada sa leeg ng nasa gitna. Tumayo silang tatlo saka agad na sumakay sa kalesa na wala ako. Hinintay kong mawala sila sa aking paningin bago lumingon sa reyna. "Ano pa bang hinihintay mo? Tabihan mo ako," sagot ng reyna. Mainam akong ngumiti saka yumuko. "Masusunod, mahal na reyna," sagot ko. Binuksan ng kaniyang bantay ang maliit na harang saka ako umakyat. Nagpasalamat pa ako bago ako tuluyang umupo sa tabi ng reyna. "Lubos akong nagpapasalamat sa pagtulong mo sa akin, kamahalan," sabi ko at yumuko ulit. "Paano ko ba maibabalik ang kabutihang ibinigay mo sa akin, mahal na reyna?" "Ang kailangan mong pasalamatan at purihin ay ang anak kong si Isaiah," mahinahong sagot ng reyna. Isang matipid na ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Nakikita ko ring dalisay ang iyong puso at karapat-dapat kang maging reyna, Amihan." "Isang karangalan ang marinig iyan mula sa iyo, kamahalan," sabi ko saka yumuko ulit. Nang iangat ko ang aking ulo, nakatingin na ang reyna sa sugat na nasa aking pisngi. "Ang sugat mo ba'y sinadya mo?" nagtatakang tanong ng reyna. Hindi kaagad ako nakasagot kaya dinugtungan niya. "Naghanda kasi ang prinsipe ng gamot at binigay sa akin. Ito ba'y planado?" "Siguro'y nakita na ng prinsipe na may mapangahas na nangangarap ding mapili sa seleksyon, mahal na reyna," kalmadong sagot ko saka ngumiti.  "Siya nga'y hindi nagkamali," sagot ng reyna saka ibinigay sa akin ang kaing na may lamang gamot at bulak. "Gamutin mo ang iyong sugat bago tayo dumating sa Sentral. Nakita ko ring may pulbos na magtatakip sa iyong sugat, sigurado naman akong matatabunan iyan." "Hindi ako karapat-dapat na makatanggap ng kabutihan mula sa iyong pamilya," sagot ko ngunit tinanggap ko pa rin ang kaing. "Handa akong ipagpalit ang aking buhay bilang kapalit sa iyong kabutihan, kamahalan." Mahinhin siyang tumawa saka sumagot, "This is just the bare minimum, honey." Nagkunwari akong hindi naintindihan ang kaniyang mga sinabi at nagpigil ng ngiti. Tumalikod ako mula sa kaniya saka ginamot ang sugat na gawa ng aking kapatid. Sinabihan ako ni Prinsipe Isaiah sa plano niya. Noong una'y hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang gawin iyon ngunit matapos ang seleksyon, napagtanto ko kung paano kumilos ang mahal na prinsipe. Noong huli naming pagsasalo, naghinala ang reyna na nagsisinungaling ang aking ina at may kapatid nga akong hindi ipinakilala. Upang maiwasan ang paghihinala, sinadya niyang saktan ako gamit ang aking nakakatanda at para na rin mapakitang ako'y mahina at walang alam. Hindi maaaring malaman ng pamahalaan na ako'y nakakapagbasa at nakakapagbigkas ng apat na lenggwahe.  Natapos ko ang pag-aayos ng aking mukha pagdating namin sa mataong lugar. Nang masilayan ko ang lugar, naibuka ko ang aking bibig at nalukot ko ang asul na sayang bigay sa akin ni ina sa sobrang gulat. "Nandito tayo sa Sentral ng Primero," wika ng reyna. Kinagat ko ang gilid ng aking bibig upang pigilang magpakita ng emosyon. "Dito makikita ang prinsipal na palengke, hospital, at ang pinakasikat na paaralan ng mga maharlika. Sa dulo nama'y makikita ang palasyo." Lahat sila'y puno ng palamuti ang mga kasuotan. Ang kanilang mga balat ay porselana at makikita mong hindi pa sila nakahawak kahit ni isang damo o dumi. Hindi ako makapaniwala sa mga establisyementong aking nakikita, walang kahit ni isang gawa sa kawayan. Gawa iyon sa mga bato at kristal na hindi ko pa nakita magmula noong ako'y ipinanganak. "Nakakamangha ang Primero," sabi ko sa reyna at pineke ang aking ngiti. Sinigurado kong walang kahit ni isang patak ng galit ang makikita sa aking mukha.  "Sa bawat kagandaha'y may itinatagong isang peligroso at nakakasuklam na katotohanan," makahulugang sagot niya. Nanatili pa ring nakangiti ang aking mukha habang kinakagat ko ang loob ng aking bibig. "Sobrang nakakasilaw ang ganda," sagot ko sa kaniya. "Sa sobrang liwanag ay tumatanggi na ang bawat pares ng mata na tumingin sa madilim na bahagi." Napatingin naman ang reyna sa akin ngunit wala siyang dinugtong. Hindi ko maatim ang sumalubong sa akin at hindi ako makapaniwala. Ibang iba ang Primero sa kalagayan ng Tercero at hindi ko lubos maisip na ang pinaghihirapan nami'y mapupunta sa kanilang mga kasuotan at anyo. "Ito ang Plaza de Primero, ang nasa gitna ng Sentral," sabi ng reyna. Nakababa ang kurtina ng kalesa upang hindi makakuha ng atensyon ang reyna. "Dito makikita ang libangan ng karamihan at kung paano mag-aliw ang mga nakatira dito." Hindi na ako nakinig sa mga sinabi ng reyna dahil sa aking natuklasan. Hindi ko napigilan ang sariling mapasinghap ngunit agad ko namang kinalma ang aking sarili at umiwas na lamang ng tingin. Sa gitna ng plaza'y may isang mahabang poste kung saan mayroong isang babaeng nakagapos at hubo't hubad, pinaglalaruan ang kaniyang mga pribadong parte ng mga nagkukumpulang mga lalaki. Sa ibang bahagi ng plaza naman ay mga aliping pinaglalaruan at ang iba pa nga'y nakatali sa gitna ng mesa bilang premyo sa sugal.  "Paanong nakakaaliw ang ganitong uri ng pang-aabuso?" mahinahong tanong ko sa reyna. Hindi kaagad siya nakasagot at umiwas din ng tingin. Nanikip bigla ang aking dibdib at pinigilan ko nalang ang maiyak.  Hindi ko lubos maisip na ganito pala kalala ang kalagayan ng aking mga kapwa alipin na ipinagbili sa mga maharlika. Alam kong hindi na ako makakabalik sa Tercero at alam ko ring malaki ang posibilidad na dito ako babagsak kung hindi ako ang mapipiling reyna.  Alam ko ring mas malaki ang tsansang hindi ako ang tatanghaling reyna. Ngunit kahit ano ang mangyari, sisiguraduhin kong maninirahan sila sa impyerno habang buhay pa ako. Sisiguraduhin kong pagsisisihan nilang sila'y nabuhay at pinakain pa ng kanilang mga magulang. Kaya pala walang kahit ni isang alipin na mula sa Primero ang nakauwi sa aming distrito. Wala kaming kaalam-alam na ganito pala kalala ang maging isang alipin sa lugar na puno ng mga demonyo. Hinding-hindi ko sila mapapatawad, sisiguraduhin kong dadanak ang kanilang mga dugo sa aking kamay at puputok ang bawat ugat sa aking sakal. "Pilit mo mang itinatago, bakas pa rin saiyong mukha ang matinding galit," sabi ng reyna. Huminga ako ng malalim saka kinalma ang aking sarili.  "Nag-aalala lamang ako para sa aking ina na naiwan ko sa bahay, kamahalan," sagot ko sa kaniya at matamis na ngumiti. Tumango naman siya at hindi na nag-usisa. Ilang minuto pa ang lumipas nang biglang huminto ang kalesa sa harap ng isang higanteng tarangkahan. Gawa iyon sa bakal at ang eleganteng disenyo'y hindi maalis sa aking isipan. Limang tao ang nagbukas ng tarangkahan at sila'y yumuko pagkatapos. Pumasok ang kalesa sa loob at akala ko'y wala nang makakasorpresa sa akin hanggang sa makita ko ang mga establisyemento sa loob. Kumikislap ang mga kristal na nakadikit sa dingding at mga mamahaling bato na ginamit upang itayo ang mga iyon. Sobrang malinis at mas magarbo pa ang suot ng mga taong nasa loob. "Ito na ang palasyo, Binibining Amihan,"  sabi ni Reyna Mimosa. Nagulat pa ako nang hawakan niya ang aking kamay at kukunin ko sana nang higpitan niya ang paghawak nito. "Hindi maganda ang manirahan sa palasyo at binabalaan kitang isang kasinungalingan lamang ang kadalasang naging pantasya ng mga taga-Tercero." "Maraming salamat sa iyong mabuting mga salita, kamahalan," sabi ko at yumuko. Tinapik niya ang aking balikat saka naunang lumabas ng kalesa. Inalalayan siya ng kaniyang bantay habang siya'y pababa. Sumunod na rin ako at bumaba na ng kalesa. Napatingin ako sa aking suot at agad kong naintindihan kung bakit matalim ang tingin sa akin ng lahat. Hindi ko pinansin ang mga nakatingin at nagpatuloy lamang ako sa pagmasid sa paligid. Isang mapait na ngiti ang aking nailabas. Ito na ang simula ng aking bangungot. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD