KABANATA 12 - PRINSESA

1850 Words
"Ikaw ba ang kandidatang nanggaling sa Tercero?" tanong ng isang bantay. Matapos kasi akong iwan ng reyna, nanatili lamang akong nakatayo kahit maraming mga mata ang nakatingin sa akin. Maliban sa hindi ko alam ang aking pupuntahan, pakiramdam ko'y isa akong pain sa dagat na puno ng mga pating. "Ako nga, ako si Amihan Alcantara," magalang na pagpapakilala ko sa aking sarili saka yumuko. Ilang segundo pa ang lumipas bago ko iangat ang aking ulo. "Sumunod ka sa solera," utos ng kawal saka itinuro ang matandang alilang naglalakad papunta sa aming direksyon. Nakasuot siya ng luntiang bestida na may puting delantal at puting gwantes. Para bang binagsakan siya ng langit ng isang kamalasan nang makita ang aking pagmumukha. "Maraming salamat po," sagot ko sa kawal saka yumuko. Nilagpasan lang kami ng solera kaya agad akong nagmadali upang sundan siya. Ang solera ay ang alilang namumuno sa lahat ng alila sa palasyo. Kadalasan, sila ang pinakamatagal nang naglilingkod sa palasyo o di kaya'y galing siya sa isang maimpluwensyang pamilya na nalugmok o naparusahan ng mga namumuno. "Maari ho bang magtanong?" tanong ko sa kaniya. Hindi man lang siya lumingon sa aking direksyon ngunit nanatili pa rin akong kalmado. "May kilala ka po bang ang ngalan ay Mahalia Alcantara?" maingat na tanong ko. Natigilan siya sa paglalakad at napalingon sa akin. Matalim ang kaniyang mga mata ngunit hindi ako nagpasindak. "Nakilala ko siya bilang isang hamak na alipin gaya ko," sagot niya. Nagkunwari akong nagulat at natuwa sa naging sagot niya saka lalong dumikit sa kaniya. "Talaga po? Naikwento ka kasi sa akin ni ina," nakangiting sagot ko. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata at napaatras. Napatitig siya sa aking mukha. "Ikaw po ba si Agua?" "Sino ka?" "Paumanhin at hindi ko napakilala ang aking sarili," sabi ko at iniabot ang aking kamay. "Ako po si Amihan Alcantara, ako ang anak ni Mahalia." Tinignan niya lang ang aking kamay saka nagpatuloy sa paglalakad. Nahiya ako nang hinayaan niya lamang na nakaangat sa ere ang aking kamay ngunit hindi na ako umimik at binaba ang aking kamay. "Malapit nang magsimula ang seremonya. Kailangan nating magmadali," sabi niya. Tumango na lamang ako saka sumunod sa kaniya. Hindi ko alam kung saan kami patungo ngunit kahit saan pang sulok ako pumunta, hindi mawawala ang mga pares ng matang nakatitig sa akin. Nakapinta sa kanilang mga wangis ang pangungutya at ang panunuya na para bang ang laki ng naging kasalanan ko sa kanila. Huminto kami sa tapat ng isang seremonyal na bulwagan. May isandaang hakbang pang hagdan ang kailangang malampasan bago mapunta sa bulwagan. Hindi ko lubos maisip na ganito pala kaluwag at kalaki ang palasyo. Mukhang mas malaki pa nga kaysa sa bayan ng Tercero. "Tayo'y nakarating na sa bulwagan," sabi ng solera. Agad akong tumango sa kaniya at magtatanong na sana kung hindi ba ako maghahanda ngunit agad siyang dumugtong.  "Ititipon lamang ang mga kandidata at agad din namang matatapos ang seremonya." Nagpasalamat ako sa kaniya bago tumapak sa hagdanan. Mabilis ang t***k ng aking puso hindi dahil sa kaba. Natutuwa ako at napupukaw ang aking kamalayan sa kung ano talaga ang nangyayari sa Primero. Nandito ako upang makipagsapalaran at makipaglaro na rin. Nang makarating ako sa itaas, nasa labing-anim na kababaihan ang nakahanay sa gitna. May mga senador sa harapan at napalibutan naman ng higit sa limandaang kawal ang bulwagan. Nakasuot ang mga babae ng magagarang baro at saya na may maraming mga mamahaling hiyas.  Mas bumilis ang t***k ng aking puso nang makita ang hari sa taas at nakaupo sa trono. Sa gilid niya ay ang apat na reyna. May dalawang prinsipe at isang prinsesa sa ibaba nila. Hindi ko mahagilap si Prinsipe Isaiah at batid kong wala siya sa palasyo ngayon. Agad akong lumuhod pagpasok ko bulwagan. Lahat ng mga mapangutyang mata'y nakatingin sa aliping bumati sa hari. Ilang segundo akong nanatili bago ako pumunta sa pinakadulong hanay. Hindi pa rin mawala ang titig ng ilan ngunit hindi ko pinakitang hindi ako komportable. "Humayo't ihayag ang katapatan sa hari!" anunsyo ng nasa pinakaharap na si Tanashiri. Agad namang lumuhod ang lahat at yumuko. Nakadikit ang aming mga palad sa sahig at ang mga noo naman sa likod ng aming mga palad. Nang kami'y tumayo na, nanatili kaming nakayuko. Walang naglakas-loob na tignan ang hitsura ng hari at ng mga may dugong hadyi. Hindi ko rin alam kung ano ang gagawin at ignorante pa ako sa mga tuntunin sa palasyo. Nalaman ko naman ang mga panuntunan sa mga libro ngunit iba pa rin kapag nasa mismong palasyo ka na.  "Bago ang lahat, malugod na tinatanggap ng palasyo ang labing-anim na kandidata para sa posisyon ng ikapitong reyna," wika ni Tanashiri. Lumuhod ulit kaming lahat saka agad na tumayo. Nanatiling nakayuko ang aming mga ulo. "Sa taong ito, isang espesyal na kandidata ang sasali sa seleksyon," sabi ni Tanashiri. Nagkatinginan naman ang bawat kandidata. Naakasulat sa kanilang mga mukha na para bang tama ang kanilang hinala at kung sino ang kandidatang iyon. "Siya ang anak ni Reyna Luwalhati, ang ikatlong reyna ng Primero," dugtong niya. Tumayo mula sa kinauupuan ang babaeng nasa harapan. Nakasuot siya ng tiara na yari sa pilak at may hiyas na esmeralda sa gitna. "Ikinagagalak kong ipakilala sa inyo ang natatanging prinsesa ng Primero,  si Prinsesa Alona Herrera." Tumayo ang prinsesa saka humakbang ng tatlong beses. Kumaway siya sa lahat at ngumiti. Matangkad ang prinsesa, maputi ang balat, matangos ang ilong, at manipis ang labi. Nakapirmi ang kaniyang buhok na may maraming mga palamuti at mukhang magkasing-edad lang kami. Bumaba siya at sumali sa hanay namin. Umayos at nagbigay ng lugar ang mga nasa unang hanay para ipasingit ang prinsesa ngunit nagtaka ang lahat nang nagpatuloy lamang siya sa paglalakad. Huminto siya sa huling hanay kung saan ako lamang ang naroon. Hindi ako lumingon at diretso lamang ang aking tingin sa harapan. "Prinsesa, bakit ika'y nasa dulo?" tanong ni Tanashiri. Naramdaman kong naglakad siya papunta sa akin at tumayo sa aking tabi. "Hindi naman patas kung ako'y sisingit," sagot ng prinsesa saka ngumiti. Naramdaman ko ang titig niya sa akin ngunit hindi pa rin ako lumingon.  "Nirerespeto ko ang iyong kagustuhan, mahal na prinsesa," sagot ni Tanashiri at binaling na ang atensyon sa mga kandidata. Naramdaman ko ang tensyon dito sa dulo. "Narito ang lahat para sa isang importanteng anunsyo," pagpapatuloy ng kanang-kamay.  Kinuha niya ang nakarolyong papel saka binuksan. "Sa ikalabing siyam na araw ng buwan, magkakaroon ng piging sa palasyo," anunsyo niya. "Ipapahayag na sa buong bayan kung sino ang ikapitong reyna." "Sa natitirang araw bago ang piging, magkakaroon ng pagsusuri ang bawat sektor ng palasyo. Pinapayuhan ang bawat kandidata na maghanda sa kung anuman ang mapagdesisyunan ng palasyo. Sa ikatlong pagsusuri, dalawang kandidata lamang ang matitira." Nagkatinginan lamang ang bawat kandidata. Sa hindi malamang dahilan, nahuhuli ko ang prinsesang nakatingin sa akin. Hindi ko siya nililingon ngunit ramdam ko pa rin ang tensyon. "Hindi kayo maaaring lumabas ng palasyo kaya naglaan ang pamahalaan ng kwarto para sainyo. Agad ka namang makakalabas kung ikaw ay hindi pinalad na mapili," dugtong niya pa. "May katanungan ba kayo?" Nagtaas ng kamay ang prinsesa kaya napatingin ang lahat sa kaniya, "Paano kung isa kang alipin at hindi ka marunong magbasa, kawawa naman kung hindi niya mabasa ang panuto sa bawat pagsusuri, hindi ba?" Napatingin ang lahat sa akin at nagpigil ng halakhak. Nanatiling tuwid ang aking tayo at nasa harapan lamang ang aking mga mata. Pinigilan ko pa ang aking pagngiti at baka ako'y maparusahan nang wala sa oras. C'est tellement stupide. I bet you don't even understand me in this language. Eres graciosa, princesa.  "Maaari siyang matutong magbasa at magsulat sa loob ng ilang araw.." sagot ni Tanashiri. Isang ngisi ang pinakawalan niya bago nagsalita. "... at 'yan ay kung kaya niya." "Pinahihintulutan mo ba ang paghawak ng libro ng isang alipin, mahal na hari?" tanong ng prinsesa. Napatingin naman ako sa hari at iyon ang unang pagkakataong nakita ko ang kaniyang wangis. Matanda na nga siya at puti na ang kaniyang buhok. Mahaba ang kaniyang balbas na kulay-abo at parang isang pitik na siya sa sobrang putla. Parang nananakot ang kaniyang mga mata ngunit mukhang malusog pa naman siya. "Upang maging patas ang kompetisyon, pinahihintulutan ko," sagot ng hari. Ang boses niya'y malalim at may kahinaan na.  "Lubos kong pinagpapasalamat ang iyong kabutihan, mahal na hari," sagot ko at lumuhod. Ilang segundo ang lumipas bago ako tumayo. Nakakatawa. Patas? Alam ko namang maliit lamang ang tsansa na ako ang mapipiling reyna. Alam kong pinahintulutan lamang nila ang kagaya kong mapabilang sa seleksyon upang maging laruan nila. Ngunit hindi mangyayari iyan. I can play the game very well. Natapos ang anunsyo at isa-isang nagsialisan ang mga panauhin. May alilang gumagabay sa bawat kandidata at hinihintay ko lamang na may lumapit sa akin. Nang may isang babaeng nakasuot ng luntiang bestida na lumapit sa akin, agad akong naglakad paalis nang may marinig akong boses.  "Ikinagagalak kong ikaw ay makilala, alipin." Napalingon ako sa aking likuran at nagulat ako nang makita ang prinsesa. Yumuko ako sa kaniya at nanatiling mataas ang kaniyang tanaw. "Labis ko ring ikinatutuwa ang ating pagtatagpo, mahal na prinsesa," magalang na sagot ko. Hindi ko inasahang iaabot niya ang kaniyang kamay.   Isang matamis na ngiti ang aking pinakawalan bago tinanggap ang kaniyang kamay. Lalo niyang nilawakan ang kaniyang ngiti. Naramdaman ko ang pagpisil niya sa aking kamay at ang pagpilit ng kaniyang ngiti. Hindi ko na inalis ang aking ngiti hanggang sa binitawan na niya ang aking kamay. "Rinig ko'y ipinagtanggol ka ni Reyna Mimosa?" pag-uusisa niya. Ang bilis namang kumalat ng apoy. "Pinaglilingkuran ko kasi ang kaniyang kapatid na si Don Febrio kaya niya ako kilala, kamahalan," sagot ko at yumuko. Tumango naman ang prinsesa saka tumalikod. "Mabuti naman," sabi niya. Nanatili pa rin siyang nakatalikod. "Ang ayaw ko sa lahat ay ang mga hindi matutong lumugar. Sana'y huwag kang lumagpas sa linya." Hindi na ako nakasagot nang bigla siyang umalis. Inangat ko ang aking ulo saka sinundan ang alilang nakatakdang gumabay sa akin.  Habang naglalakad kami, napansin ko ang isang kalapating nakatingin sa aming direksyon. Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto kung anong klase ng ibon iyon at ang kagalakan ay mabilis na dumaloy sa aking ugat. "Maari mo ba akong hintayin dito at ako'y magpapahangin muna ng ilang segundo?" sabi ko sa aking kasama. Tumango naman siya saka nanatiling nakatayo. Pumunta ako sa likod ng isang silid upang kumpirmahin kung tunay nga ang aking hinala. Sumipol ako upang tawagin ang ibon at hindi nga ako nagkamali. Ang puting kalapating nakita ko kanina'y lumipad papunta sa akin at lumapag sa aking palad. Isang maliit na singsing ang nasa kaniyang paa. Inangat ko ito at tinignan ang nakasulat. Arda. Sumilay sa aking labi ang isang ngiti nang mapagtanto kung sino ang may-ari ng ibon. Ang ibon ay isang Columba livia domestica, ang tagahatid ng mensahe lalo na kapag malayo ang distansya. Sa libro ko lamang nabasa iyon ngunit totoo pala ang ganitong uri ng ibon. "Maaari ko bang gamitin ang iyong mga pakpak at magpadala ng mensahe sa iyong may-ari?"  Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD