"Hindi maaari."
Kanina pa ako nakasunod sa ikalimang prinsipe habang siya'y nagmamasid sa mga bulaklak. Nandito kami sa hardin ni Norjannah. Kanina ko pa sinusundan ang prinsipe at nagpupumilit na makapasok sa palasyo.
"Bakit naman? Maaari mo naman akong gawing alalay," pagmamaktol ko. Pinagitnaan niya ng dalawang daliri ang isang bulaklak na gumamela.
"Hindi pa rin pwede."
"Ililibre kita ng alak araw-araw," pamimilit ko. Binitawan niya ang bulaklak saka huminga ng malalim.
"Hindi ako mahilig sa ganiyan."
"Kailangan mo ba ng alahas? O di kaya'y bagong telang yari sa sutla?"
"Marami ako niyan," sagot ng maharlikang hambog.
"Eh kung isang parausan?" kumunot ang noo niya sa naging salita ko.
"Hindi ko alam ang ibig mong sabihin."
"Ang ibig kong sabihin ay ang mga nilalang na biniyayaan ng puk--"
"Mukhang komportable ka na sa akin at sinusubukan mo ang aking pasensya?" nagpipigil ng inis na sagot niya. Sumimangot naman ako saka tumalikod.
"Ganiyan naman kayo eh, sino ba naman ako," pangongonsensya ko. Tinadyakan ko ang kaniyang paa. "Naku, humihingi ako ng tawad, kamahalan. Iyan ay sinadya ko."
Agad akong tumakbo papalayo sa hardin saka pumasok sa bahay. Padabog kong sinara ang pinto at nanakit ang sugat sa aking balikat nang gawin iyon. Nilagyan ko pa ng kandado para hindi makapasok ang prinsipe.
"Hindi mo pa rin ba nilulubayan ang prinsipe, Hiraya?" tanong sa akin ng nakaupong si Zenaida. Umiinom siya ng kape sa isang puting tasa. Kasama niya si Norjannah at Marielle na nakaupo lang sa upuan at mukhang tapos na yata magkape.
"Kailangan kong makapasok sa Primero," sagot ko at umupo sa sahig. Tinanggal ko ang aking sombrero saka hinawi ang aking buhok. "Sisiguraduhin kong ang aking kapatid ang maitatanghal na reyna."
"At ano naman ang magagawa mo?" sabi ni Marielle saka tinignan ang kaniyang mga kuko. "Malalim pa ang sugat sa iyong balikat. Baka mamaya'y maging pabigat ka pa 'don."
Si Marielle ang isa sa mga madaldal na katulong ni Don Febrio. Hindi lilipas ang araw kung wala siyang naikwekwento. Minsan ay masakit siyang magsalita at prangka. Kulot ang kaniyang maikling buhok at maitim ang kaniyang balat. Makapal rin ang labi at matangos ang ilong.
"May punto si Marielle, Hiraya. Saka hindi naman pinapabayaan ng prinsipe ang iyong kapatid," pagsang-ayon ni Zenaida.
"Mas delikado pa sa iyo ang pumunta roon. Baka nga'y nakapaskil ang iyong wangis sa bawat sulok ng palasyo dahil sa ginawa mo noong seleksyon," dugtong ni Norjannah. Napataas ang aking kilay.
"Ngunit utos lamang iyon ni Prinsipe Isaiah!" pagtatanggol ko sa aking sarili.
"Iyon nga ang aking punto, Hiraya," sagot niya. Tinignan niya ako sa mata. "Ligtas ka ngayon dahil nasa proteksyon ka ng prinsipe. Ngunit kapag pumasok ka sa Primero kahit na hindi ka pa isang opisyal na miyembro ng Motus Femina, hindi ko alam kung sino ang magtatanggol sa iyo."
"Edi gawin niyo akong opisyal!" sagot ko. Tumayo ako saka umupo sa bakanteng upuan na nasa harapan ni Zenaida. "Bakit niyo pa ginagawang komplikado ang mga bagay? Nasa harap niyo na ang solusyon!"
"Hindi iyan madali, Hiraya."
"At bakit naman?"
"Dahil wala sa iyo ang mga katangiang hinahanap namin sa isang bagong miyembro," sagot ni Norjannah. Tumayo siya saka inikot ang aking upuan. "Masyado kang mapusok, agresibo, hindi nagdadalawang-isip, walang galang, walang takot, at nauuna ang emosyon bago ang pag-iisip."
Napasimangot naman ako sa naging deskripsyon ni Norjannah sa akin. Nakita kong nagpipigil ng tawa ang dalawang babae sa likod niya kaya napairap ako.
"Mas lalong kailangan niyo ako kung ganoon. Walang mas may malakas pa ang loob kaysa sa isang mababang nilalang gaya ko," sagot ko. Tumayo na ako saka tumalikod. "Maghahanap ako ng paraan. Walang pakialamanan ha."
Tumalikod na ako saka lumayo sa kanila. Nang buksan ko ang pinto, nakita ko ang prinsipeng nakatayo sa may pintuan. Mukhang kanina pa siya nakatayo doon at nakinig lamang sa usapan. Hindi ko na siya pinansin at dumiretso na papalabas ng bahay.
Pinaliwanag nila sa akin na pakana lamang ng prinsipe ang paniwalain akong ayaw niyang maging reyna ang aking kapatid. Noong una, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang gawin iyon ngunit nang malaman kong naghihinala si Reyna Mimosa, agad akong nag-alala para sa aking kapatid.
Nalaman ko rin na naalarma ang mga timawa dahil nawawalan sila ng mga libro at armas. Naghihinala sila na may magnanakaw at sinusugpo nila ang magnanakaw na iyon. Alam ko namang hindi rin magtatagal at mahahanap nila kung sino ang lapastangan na walang iba kundi ako.
Sa oras na malaman ng mga timawa kung sino ang magnanakaw, ayaw kong madamay ang aking kapatid. Malaki ang tsansa na ako'y mabibitay o di kaya'y patawan ng isang mabigat na parusa gaya ng habang buhay na pagkakulong. Kapag nalaman na may pamilya ako o di kaya'y kamag-anak, maaari rin silang magdusa sa 'king ikinilos.
Matagal nang miyembro ng rebelyon ang aking kapatid. Kaya pala hindi siya maibenta, protektado pala siya ng ikalimang prinsipe. Siya rin ang utak ng grupo at siya ang nagplano sa mga gagawing pag-atake. Hindi ko alam ang aking maramdaman matapos malaman ang lahat ng iyon ngunit isang bagay ang napukaw sa akin. Galit.
Napagpasyahan kong pumunta sa palengke upang magtanong-tanong kung tunay nga ba ang sitwasyon sa Segundo. Humigpit daw kasi ang seguridad ayon kay Marielle at isa-isang hinahalughog ang mga bahay doon. May mga nakaharang din sa mga kalye ng mangangalakal at binubugbog ang mga hindi sumusunod kahit na sila'y lalaki.
"Manang, narinig mo ba ang mga nangyayari sa Segundo?" tanong ko sa pinakaunang tindera na aking nakita. Gaya ng nakasanayan, abala pa rin ang lahat sa kaniya-kaniyang mga gawain at paninda.
"Ano?"
"Ang sabi ko, may narinig ka po ba tungkol sa mga kasalukuyang nagaganap sa Segundo?"
"Wala."
Sumimangot na lang ako saka naghanap ng mapagtatanungan. Ilang mga tindera na ang aking tinanong bago umupo sa isang gilid at uminom ng tubig. Mukhang wala akong mapapala sa lakad ko ngayon, walang kahit ni isang alipin ang nabigyan ng oportunidad na makaalam sa mga kasalukuyang balita.
Alam ko namang hindi magiging reyna si Amihan maliban na lamang kung gagayahin ko ang laro ng mga nasa itaas. Kailanman ay hindi sila magiging patas at hindi lamang sila ang marunong maglaro. Kaya ko ring manlinlang at dayain ang sistemang kanilang pinapalakad.
"Mukhang malalim ang iniisip mo, ate."
Napatingin ako sa batang babae na nakatayo sa aking gilid. Bitbit niya ang isang rosas at umupo rin sa aking tabi.
"Ikaw ba si Amanda?" tanong ko sa kaniya. Siya ay isa sa mga kambal na alalay ni Norjannah. Ang kaniyang kambal na si Emilia'y nagtitinda ng mga gulay at prutas at siya nama'y nagtitinda ng mga bulaklak.
"Ako nga po," sagot niya. Kumunot ang aking noo nang bigla siyang ngumiti nang napakalapad. Pineke ko ang aking pagngiti at agad siyang tumawa. "Ang nunal ko sa labi ang palatandaan na ako si Amanda."
Namangha naman ako dahil ang pormal magsalita ng bata. Mukhang mas matino pa siyang kausap kaysa sa akin. Mahaba ang kaniyang kulot na buhok at mataba ang mga pisngi. Manipis ang kaniyang mga labi at bilog ang mga mata.
"Ah, sino ang mas matanda sa inyo ni Emilia?"
"Ako po."
"Ah," sagot ko nalang. Hindi ako marunong sa ganitong mga usapan ngunit kailangan kong makisama. "Kasali ka rin ba sa grupo?"
Dahan-dahan siyang tumango saka yumuko. Inaasahan ko na ang kaniyang sagot ngunit hindi ko pa rin maiwasang hindi magulat. Sa murang edad ay mulat na siya sa reyalidad at kasapi na sa isang rebelyon.
"Alam mo manang hindi biro ang iyong pinasok, hindi ba?"
"Ang sistema'y isang napakalaking biro, ate. Ano naman ang kanilang pagkakaiba?"
Natahimik naman ako sa sinabi niya. Hindi ko aakalaing parang matanda kung mag-isip ang batang ito. Nakakapaglaro pa kaya siya?
"Marunong ka bang magbasa at humawak ng sandata?"
Tumango ulit siya kaya napakagat ako sa aking labi. Naalala ko ang aking sarili sa kaniya. Sa sobrang lupit ng mundo sa aming mga babae at mga bata'y natuto kaming tumalikod sa aming kamusmusan. Hindi dapat siya kasapi ngunit wala akong magagawa.
"Mahigpit sa Segundo ngunit may isang daanan upang makaiwas sa mga kawal at sandata," sabi niya. Nanlaki naman ang aking mga mata. Nginitian niya ako saka yumuko, "Narinig ko kanina na gusto mong pumunta sa Primero. Upang makarating doon ay kailangan mo pang madaanan ang Segundo."
"Totoo bang may hinahanap silang magnanakaw?"
"Oo. Isang babaeng may peklat sa kanang mata," sagot niya at tinignan ako sa mata. Umiwas ako ng tingin saka bumagsak ang aking balikat. Hindi ko aakalaing ganito kabilis nila mahahanap ang aking pagkakakilanlan.
"Ilang araw nalang kaya ang natitira bago ako mahuli?" tanong ko. Mahina siyang tumawa.
"Hindi ka mahuhuli," sagot niya. Binigay niya sa akin ang dala-dalang rosas. "Bukas ay ihahatid ang mga inaning gulay sa Segundo. Dalawang lalaki ang magdadala sa karomata sakay ng kabayo."
"Bakit mo sinasabi sa akin ito?"
"Dahil gagawin ko rin ang parehong bagay kung mawawalay ang aking kambal sa akin," sagot niya. Binuksan niya ang aking palad saka may inilagay na maliit na lalagyan. "Iyan ang pamahid na gawa ko. Ilagay mo lang sa iyong peklat at agad iyang matatabunan."
"Bakit may ganito ka?" tanong ko sa kaniya. Hindi ko aakalaing isang bata ang magiging daan ko sa pagpunta sa lugar ng sakim.
"May pasa rin po kasi ako," sagot niya. Hinawi niya ang kaniyang buhok at ipinakita ang isang malaking peklat. "Nasugatan ako ng aking ina gamit ang kaniyang kuko noong siya'y nagpakamatay. Pinigilan ko kasi siya ngunit hindi ako nagtagumpay."
Natahimik ako sa sinabi niya. Hindi ko aakalaing maikekwento niya sa akin ang pangyayaring iyon sa una naming pag-uusap. Alam kong hindi niya kailangan ang aking awa ngunit hindi ko pa rin maiwasan.
"Ako'y nakikisimpatya," sagot ko. Tinapik ko ang kaniyang balikat ng tatlong beses.
"Magkita po tayo rito sa eksaktong lugar sa bukang liwayway. Siguraduhin mong walang makakakita sa iyo. Magdala ka rin ng sandata."
"Salamat sa iyong tulong," sagot ko at ngumiti. Nginitian niya rin ako pabalik.
"Nagbukas lamang ako ng daan para sa iyo ate," sagot niya. Biglang kumurot ang aking puso dahil naalala ko ang aking kapatid.
"Ang ginawa mo'y higit pa sa sapat," sagot ko. Ngumiti ulit siya saka tumalikod.
Napatingin naman ako sa bitbit kong rosas na kulay pula at bagong pitas. Nabasa ko sa isang libro na may isang digmaang naganap noong ikalabinlimang siglo sa dalawang maharlikang pamilya sa lupain Inglatera upang matukoy kung sino ang karapat-dapat sa trono. Ang pamilya ng mga York ay gumamit ng puting rosas bilang simbolo habang ang pamilya ng mga Lancaster ay gumamit ng pulang rosas.
Sa bandang huli, natalo ng isang Lancastrian na si Henry Tudor ang Yorkist na si Haring Richard III. Namuno siya bitbit ang simbolong pula na rosas matapos matalo ang huling monarko sa digmaan.
Kung sa digmaang ito'y bitbit ng monarkiya ang puting rosas, gagawin ko itong pula. Dadanak ang kanilang dugo sa aking mga kamay. Sisiguraduhin kong dito magtatapos ang kalupitan ng hari.
Pagtatapos ng Kabanata