KABANATA 14 - PUNYAL

2072 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Tandaan mo po ang bawat salitang lumabas sa aking bibig," mahinang sabi ni Amanda sa akin. Tumango ako sa sinabi niya at inayos ang itim na kapoteng aking suot. Alas kwatro pa lamang ng bukang liwayway at madilim pa dito sa pasilyo ng palengke. May isang karomatang kinakaladkad ng dalawang kulay-kapeng kabayo na puno ng mga gulay gaya ng talong at kalabasa. Ang orihinal na plano'y magtatago ako sa karomata gamit ang kapote at doon lamang ako buong biyahe. Ngunit nang mapagtantong mahigpit nga ang seguridad sa Segundo, pinalitan ko na lang ang isang lalaki. "Sino siya?" tanong ko kay Amanda. Pareho naming tinignan ang lalaking nakasuot rin ng kapote at maskara kagaya ko. Simula nong dumating siya rito, hindi namin siya narinig na magsalita at hindi rin namin makita ang kaniyang wangis. "Hindi ko siya kilala, ate. Siya ang tagadala ng mga paninda at kalakal sa Segundo," sagot niya. Tumango naman ako. "Kung ganoon, mauna na kami," pagpapaalam ko. Tumalikod na ako nang bigla niyang hinawakan ang aking braso.  "Sandali po," sabi niya. Tumingkayad siya saka tinignan ang aking kanang mata. "Marunong ka palang maglagay ng pamahid, ate. Maglagay ka ulit pagkatapos ng apat na oras." "Salamat," sabi ko at ngumiti. Inayos ko ang aking kapote saka tumingin sa kaniya. "Sabihin mo sa iyong pinuno ang ginawa mong pagtulong sa akin upang makahingi ka ng tulong sa oras na paghinalaan ka ng pamahalaan o di kaya'y ako'y nahuli ng mga kawal." "Huwag mo na po akong aalahanin. Nagkusang-loob akong tulungan ka," sagot niya. May kinuha siya sa kaniyang likuran. "Bago ko makalimutan, dalhin mo pala ang gunting na ito." Kumunot ang aking noo nang makita ang isang matalim na gunting. Hindi na ako nagtanong kahit na marami naman akong patalim sa aking bulsa. Inilagay ko na lang iyon sa bulsa sa aking likuran. "Paano ko ba maibabalik ang iyong kabutihan, Amanda?" "Dalhin mo sa akin ang kahit na anong libro tungkol sa mga bulaklak, ate," sagot niya. Nakita ko ang pagkinang ng kaniyang mga mata.  "Masusunod." Tumalikod na ako at sumakay na rin sa isang kabayo. Hindi ko pa nararanasang makasakay nito ngunit siniyasat at inobserbahan ko ang mga kawal kung paano sila gumalaw sa ibabaw ng kabayo. Hindi rin ako dapat magpapahalatang hindi ko alam upang hindi mabunyag ang aming pagtatago. Ginalaw ng lalaki ang tali ng kaniyang kabayo kaya ginaya ko siya. Medyo nagulat pa ako nang gumalaw ang kabayo at napakapit pa ng mahigpit sa tali. Naramdaman yata ng kabayo ang aking kaba at naging matulin ang kaniyang lakad. "Hindi pa ako nasanay na sumakay ng kabayo," sabi ko sa aking kasama at nagboses lalaki. Balak ko sanang makisama at baka may makuha pa akong karagdagang impormasyon tungkol sa Segundo ngunit hindi naman nagsasalita ang aking kasama. Hindi siya sumagot kaya tumahimik na lamang ako.  Walang umimik sa amin sa buong biyahe kaya nanatili na lamang akong alerto sa paligid. Medyo mabilis ang takbo ng mga kabayo at pakiramdam ko'y mas bibilis ito kapag wala ang karomata.  Mabato ang daanan kaya umaalog ang karomata at napakaingay nito. Kinuha ko ang bote ng alak na itinago ko sa bulsa ng kapote saka uminom. Napatingin naman sa akin ang lalaki kaya itinaas ko ang alak. "Pampawala lamang ng pagod," sabi ko sa kaniya. Bumalik ang kaniyang tingin sa daan kaya uminom ulit ako sa bote. Pamilyar ang kaniyang mga mata ngunit hindi ko na pinansin iyon. Madilim pa kasi ang daan at siya ang may bitbit ng lampara. Alam kong nangangawit na ang kaniyang mga kamay ngunit hindi ako nag-alok ng tulong. Hindi rin naman siya humingi ng tulong. Isang oras din ang aming nalakbay nang makita namin ang pagsikat ng araw. Pinatay na ng lalaki ang kaniyang lampara at inilagay sa kaniyang gilid. Tatlumpong minuto na lang ang natitira at mararating na namin ang Segundo. Naging maputik ang daan. Bumagal ang aming mga kabayo at naging mabigat ang karomata. Hinila ng lalaki ang tali ng ilang beses kaya ginaya ko siya. Hindi man lang siya lumingon sa aking direksyon ni isang beses ngunit wala naman akong pake.  Nang malampasan namin ang daan na iyon, bumungad sa amin ang isang pasukan na may malaking tarangkahan na gawa sa kahoy. Gaya namin, maraming mga mangangalakal at tagahatid ang nakapila. Marami ring nakapalibot na mga kawal at isa-isang tinitignan ang karga ng bawat karomata. Tunay ngang humigpit ang seguridad sa Segundo. Hindi pa ako nakakadaan sa pasukang ito at sa pangunahing kalye ako nakakapasok noon. Dito kasi ang daanan ng mga mangangalakal at doon naman ang daanan ng mga dayuhan o mga importanteng tao. Nakakadaan ako doon dahil kasama ko naman ang maimpluwensiyang si Don Febrio. Maraming nakalusot at marami ring hindi pinalad. May mga pinabalik sa kanilang pinanggalingan at may ibang binugbog sa isang gilid at pinagtulungan ng maraming kawal. Uminit bigla ang aking ulo nang makita iyon ngunit nanatili na lamang akong nakatingin sa harap at kumalma na lang. Bigla akong kinabahan nang kami na ang susunod. Dalawang kawal ang sumuri sa mga gulay sa karomata. Tinanggal nila ang takip at isa-isang tinignan ang laman. Mukhang naramdaman naman ng aking katabi na parang hindi na ako humihinga dahil napatingin siya sa akin. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sinara naman nila ang takip sa karomata. Sinenyasan kami ng kawal na nasa harap na pwede na kaming dumaan. Tumango naman kami at hindi na tinanggal ang maskara. Ngunit sa kasamaang-palad, biglang lumiko ang kabayong sinasakyan ko at nagwala. Hinila ko pa ng ilang beses ang tali ngunit mas lalo lamang itong nagwala. Mahigpit akong kumapit sa tali upang hindi ako mahulog. Ilang segundo ring nagwala ang kabayo at nanatili akong kabado dahil hindi ko alam paano kontrolin ito. Unang beses ko pa lang sumakay at siguradong hindi ako nakikilala ng kabayo. Gusto kong sumigaw sa takot ngunit natatakot rin akong makilala nilang isa akong babae. Bumaba ang lalaki sa kaniyang kabayo at hinila ang tali ng aking sinasakyan. Binaba niya ang ulo nito saka sinubukang himasin. Huminga siya ng mabagal at pinikit ang mga mata ng kabayo. Agad na kumalma ang kabayo at huminto sa paggalaw. "Maaari niyo bang ibaba ang inyong mga armas? Natatakot ang aming kabayo," wika ng lalaki. Napakunot ang aking noo nang marinig ang boses niyang masyadong pamilyar sa akin. Sinubukan kong hindi pansinin ngunit malakas ang aking kutob. Ibinaba naman ng mga kawal ang kanilang mga armas. Lumayo ang lalaki sa aking kabayo at dahan-dahan namang ibinuka ng kabayo ang kaniyang mga mata. Nang makitang kalmado na, kumalma na rin ako. Pagkasakay ng lalaki'y agad kong hinila ang tali ng kabayo upang ito'y maglakad na. Akala ko'y papalagpasin na kami ng mga kawal nang bigla kaming sitahin. Hinarangan kami ng apat na kawal ngunit wala silang dalang kahit na anong armas upang hindi ulit magalit ang kabayo. "Tanggalin niyo ang inyong mga maskara!" Nagkatinginan kami ng lalaki at napansin kong may gunting sa kaniyang mga kamay. Nanlaki ang aking mga mata at naalala ang gunting na ibinigay sa akin ni Amanda. Dahan-dahan kong inilagay ang aking kamay sa likuran at kinuha ang gunting. Sabay naming pinutol ang tali upang matanggal ang karomata mula sa kabayo. Naalarma naman ang mga kawal ngunit wala silang magagawa dahil wala silang dalang mga armas. Ginalaw namin ang tali ng kabayo at agad silang tumakbo nang napakabilis. Kaagad namang nakasunod ang mga kawal sa amin at hinabol kami. May dala-dala na silang mga espada at nakasakay sila sa kabayo. "Hindi ako marunong sumakay ng kabayo!" sigaw ko sa lalaki. Sa puntong ito'y mahahabol kami ng mga kawal nang wala sa oras.  Pinalapit niya ang kaniyang kabayo sa akin. Kahit kabado, tumayo ako sa likod ng kabayo at nang matantya ang distansya sa pagitan ng dalawa'y agad akong tumalon sa isang kabayo. Sumigaw ang kabayong sakay ng lalaki at nanatiling tumatakbo ang isa. Hindi agad ako nakapwesto ngunit tinulungan ako ng lalaki. Nang maamoy ko siya, hindi na ako nasurpresa at napasimangot pa nga. Paano ko ba malilimutan ang amoy ng isang monarko? "Tangina mo!" sigaw ko saka dahan-dahang tumalikod. Idinikit ko ang aking likod sa kaniyang likuran at kinuha ang mga punyal sa aking bulsa. Apat na kawal ang nakasunod sa amin. Tinantya ko muna ang distansya saka ko itinapon ang punyal at agad natamaan ang kawal na nasa gitna sa kaniyang noo. Natumba siya at nahulog mula sa kabayo. Nagulat pa ako dahil iyon ang unang beses na nakasakit ako ng tao at doon pa talaga tumama. Mas binilisan ng lalaki ang pagpapatakbo sa kabayo. Muntik pa akong mahulog ngunit ang isang kamay ng lalaki'y nakahawak sa aking bewang. Ininom ko ang natitirang alak at itinapon sa isang kabayo ang bote. Nagwala naman ang kabayong iyon at napatawa ako. Tinutok ko pa ang aking punyal sa kawal na nasa kaliwa at natamaan siya sa leeg. Agad siyang natumba at dumanak pa ang dugo sa kaniyang kabayo. Napahinto ang kabayo at sinamahan ang patay na amo. Mukhang hindi masasayang ang mga panahong ginugol ko upang matuto sa iba't ibang uri ng sandata gaya ng pana at punyal. Hindi tumama ang pangatlo kong tira ngunit sapul naman ang natirang dalawa matapos kong itapon ang dalawang punyal nang sabay. Sabay rin silag bumagsak at napahinto rin ang kanilang mga kabayo. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang wala nang sumunod sa amin. Dahan-dahan akong gumalaw at humarap na. Nang makaayos na ng posisyon, napakapit ako sa lalaki.  "Bakit ka narito, mahal na prinsipe?!" sigaw ko sa kaniya. Medyo bumagal ang takbo ng kabayo kaya kumalma ako. Inilagay ko ang mga natirang punyal sa bulsa ng aking kapote.  Isang malakas na tawa ang aking narinig mula sa kaniya. Napairap ako at kinurot ang kaniyang tagiliran. Nang mapasigaw siya sa sakit, ako naman ang tumawa. "Baka nakalimutan mong isang prinsipe ang iyong sinaktan?!" sigaw niya. Hindi na ako sumagot kaya binilisan niya ang takbo. May hinala na ako na siya si Prinsipe Isaiah nang makita ko ang kaniyang tindig noong nilapitan niya ang kabayo. Magkasingtangkad kasi sila ng prinsipe at ang boses ay kanya nga. Doon ko nakumpirma nang maamoy ko siya nang malapitan.  Ilang minuto rin kaming nakarating sa sentro ng Segundo. Kahit maaga pa'y marami nang mga tao at lahat sila'y abala na sa palengke. Binagalan naman ng prinsipe ang takbo at nakihalubilo. Huminto kami sa tapat ng isang kubo. Medyo malayo ito mula sa sentro at walang mga katabing bahay. Maluwag ang bakuran nito at puno ng mga gulay. Bumaba kaming dalawa at itinali niya ang kabayo sa malapit na kahoy ng Mahogani. Hinintay ko na lang siya at tinanggal ang aking kapote. Walang umimik sa aming dalawa. Sinundan ko na lamang siyang pumasok sa kubo. Nang makapasok kaming dalawa, agad niya iyong kinadaduhan. Paglibot ko sa aking tingin, walang kahit ni isang kagamitan ang naroon sa kubo. "Magpalit ka ng mas pormal na kasuotan," sabi niya. Nang tumalikod ako, nagulat ako nang hawakan niya ang aking balikat. "Anong gusto mo kamaha--" Nagulat ako nang bigla niyang hubarin ang suot kong damit. Tanging damit ko na pangloob ang natira sa akin. Natulala pa ako nang ilang segundo bago ko siya maihampas. "Manyak!" sigaw ko at tinakpan ang aking sarili. Nang maramdaman kong kumirot ang aking balikat, naibagsak ko agad ang aking kamay at napaupo sa sakit. "Dumudugo ang iyong balikat kaya ko tinanggal. Ang dumi naman ng utak mong walang laman," pang-iinsulto niya. Inirapan ko siya at umupo na lamang. "Saka nakita ko na ang hubo't hubad mong katawan kaya 'wag ka nang kumilos na parang babae." "Edi sana sinabihan mo kaagad ako kaysa naman sa bigla mo na lang akong huhubaran! Punyeta!" inis na sabi ko. Hindi na siya sumagot at kumuha ng malinis na tela at nilinis ang aking sugat. Medyo humapdi ang sugat ngunit nakayanan ko naman. "Bakit ka narito, kamahalan?" seryosong tanong ko. "Akala ko ba'y hindi ka sang-ayon sa aking nais?" Napatigil siya sa paglinis ng sugat. "Dahil hindi na kita mapipigilan."  "Ano naman sa iyo kung kikilos akong mag-isa? Sa ginagawa mong pagtulong, inilalagay mo ang iyong pangalan sa panganib." Hindi kaagad siya nakasagot. Binalot kami ng katahimikan ng ilang segundo. Nang maramdaman kong tapos na siya, tumayo na ako at tumalikod. "Kailangan ko pa ba ng rason?" sabi niya. Napaharap ako sa kaniya at bigla akong kinabahan sa paraan ng kaniyang pagtitig. "Hindi ko kasi alam. Ang tanging alam ko'y gusto kitang puntahan." Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD