KABANATA 15 - HALIMAW

1764 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Anong klaseng sagot 'yan? Siraulo," sagot ko sa kaniya at tumawa. Pareho kaming nailang matapos niyang sabihin ang mga katagang iyon at kami'y natahimik ng ilang minuto. "Pagkatapos kong gamutin ang iyong sugat, babalik ka na sa Tercero," sabi niya. Kumunot ang aking noo saka napalingon sa kaniyang direksyon. "Nandito na ako, bakit mo pa ako pinapabalik?" tanong ko. Umiwas ako ng tingin saka napairap. "Halos maibuwis ko na ang aking buhay makarating lang dito. Hindi ko hahayaang masayang ang aking pinaghirapan." "Mas malala pa ang daan papuntang Primero," sagot ni Prinsipe Isaiah. Nang takpan na niya ng malinis na tela ang aking sugat, lumayo ako ng kaunti. Hindi man ako makapaniwalang isang prinsipe ang naglinis ng sugat ko, naiinis pa rin ako sa kaniya. "Naging maswerte ka at ako ang iyong kasama. Nagdadala ako ng swerte." "Kamalasan ang iyong dala, ako ang maswerte," sagot ko. Tumayo ako saka isinuot ang aking barong. Kinuha ko na rin ang aking kapote saka sinuri ang aking mga dalang patalim. "Maaari ka nang maging isang kawal sa kahusayan mong gumamit ng punyal," sabi ng hari. Napatigil ako sa pagpunas ng isang punyal at napatingin sa kaniya. "Huwag mo akong igaya sa mga hangal na iyon." "Ni minsan ba'y hindi pumasok sa isip mo na sila rin ay alipin ng mga monarko?"  "Alipin ninyo?" panunuya ko sa kaniya. Isang mapait na tawa ang aking pinakawalan. "Kailangan ko ba silang kaawaan kung ganoon?" "Kung ano ang pinapagawa sa kanila ng pamahalaan, wala silang ibang pagpipilian kundi ang sumunod." "May pribilehiyo silang magkaroon ng sariling ari-arian at mga armas na ginagamit nila upang mang-abuso," sagot ko sa kaniya. Sa tuwing pinag-uusapan ang ganitong mga bagay, palaging kumukulo ang aking dugo. "Magkaiba kami, Prinsipe Isaiah." "Due to practices made by the society, people are conditioned to think that violence is normal. Hence, they use it as punishment thinking that they have all the rights to do so," sagot niya gamit ang wikang banyaga. "The monarchy is the enabler and the middle-class men are the doers." "Maaari mo bang isalin ang iyong mga salita, mahal na prinsipe?"  "Minumura kita," sagot niya at tumawa. Inirapan ko na lang siya. "Tangina mo," mura ko rin sa kaniya. Mas lumakas ang kaniyang tawa. "Hubarin mo ang baro mo," sabi niya. Tinaasan ko siya ng kilay. "At bakit?" "Gusto mong pumunta sa Primero, hindi ba?" tanong niya. Bigla akong nilakasan ng loob. "Hindi mo gugustuhing pumunta doon na parang isang basura." "Ano namang magbabago kung magbibihis ako? Basura rin ang distritong pupuntahan ko." "Sabihin mo muna sa akin ang iyong plano upang malaman ko kung karapat-dapat ba kitang tulungan." Pinag-isipan ko pa ang maaari kong gawin. Ayaw ko mang tulungan ako ng isang monarko, siya lamang ang tangi kong paraan upang makapasok sa Primero.  "Bakit kita pagkakatiwalaan?" "Dahil wala ka naman talagang ibang pagpipilian, hindi ba?" Ilang minuto rin akong naging tahimik upang timbangin ang mga kahihinatnan. Hindi rin naman siguro papayag ang prinsipeng hindi ako magtagumpay dahil parte na rin siya ng aking krimen. Ang pagtulong niya sa akin kanina'y isang ebidensya na maaari kong ilahad kung sakaling magipit man ako. "Tatakutin ko ang mga mamumuno sa seleksyon," natitiyak kong sagot.  Nagulat ako nang bigla siyang humalakhak nang malakas. Napahawak pa siya sa kaniyang tiyan na para bang isa akong komedyante. Inaasar ako ng monarkong ito, ah. "Wala ka na bang ibang kongkretong plano at dahas lamang ang iyong alam?" tanong niya. "Wala na rin bang ibang alam ang gobyerno kundi gamitan ng dahas ang mga walang kalaban-laban?" sagot ko sa kaniya. "Natuto lang din ako mula sa lugar na iyong pinanggalingan, kamahalan." "Kung gayon, ako ang masusunod," sabi niya. May kinuha siyang isang malinis na damit at itinapon sa akin. Kahit mahapdi, naisalo ko pa rin iyon. "Magdamit ka bilang aking alalay at huwag kang gumalaw maliban na lamang kung may panuto ako." "Bakit mo ito ginagawa? Maaari mo naman akong papasukin sa Primero at iwan mag-isa." "Makakapasok ka ng Primero ngunit hindi ka na makakalusot sa palasyo," sagot ng prinsipe. "Ang iyong wangis din ay maaaring nakadikit sa iba't ibang sulok dahil sa ginawa mo sa Segundo at noong seleksyon." Natahimik naman ako dahil agad niyang nalaman na ako ang magnanakaw na hinahanap sa Segundo. Mukhang wala na talaga akong pagpipilian kundi ang sumilong sa payong ng prinsipe.  "Masusunod, kamahalan," mahinang sabi ko at yumuko sa kaniya. "Utang ko sa iyo ang aking buhay." "Hindi kita maseseryoso sa tuwing nagbibigay ka ng respeto," sabi niya at tumawa ulit. Hindi na siya natigil sa pagtawa. "Mas mabuting ako'y murahin mo kaysa sa makadama ako ng sukot." Inirapan ko na lang siya saka tinignan ang damit na itinapon sa akin. Kulay lila ang bistida na may puting delantal at kwelyo. Ito ba ang kasuotan ng mga alila sa Primero? Makulay at nakakatuwang tignan. "Isang katok sa pinto ang aking hinihintay," sabi niya. Umupo na lang ako sa sahig sa kabilang banda ng silid. Hindi na ako sumagot at humiga na lamang sa sahig. Hindi ako nakatulog nang maayos dahil sa pagkabahala at pagiging alerto na rin sa paligid. Lumabas pa ako ng panakaw mula sa pamamahay ni Norjannah at hindi na nagpaalam. Nakaidlip ako ng ilang minuto hanggang sa nagising ako dahil sa isang katok sa pinto. Binuksan ng prinsipe ang pinto at napaayos naman ako ng upo. Isang matandang babae na may bitbit na kaing ang bumungad sa akin. Nakasuot siya ng bandana upang itago ang kaniyang mukha at isang itim na bestida. "Mahal na prinsipe," bati ng matanda saka yumuko. "Tunay ngang ikaw ay narito. Ano nga ba ang pinanggagagawa mo at matagal ka nang hindi nakauwi sa palasyo?" Doon ko napagtantong ang matandang iyon ay ang alalay ng prinsipe. Maaaring siya ang nag-alaga kay Prinsipe Isaiah noong siya'y isang paslit lamang. Mukhang magkalapit din ang kanilang mga kalooban. "Nanatili ako sa Tercero upang pamahalaan ang naangkin kong lupa roon," pagtukoy niya sa lupain ni Norjannah. "Mabuti na lamang at nakumbinsi ka ng kaibigan kong nagmula sa Tercero." Tinutukoy niya siguro ang aking kapatid. Bigla akong nagkainteresado dahil may posibilidad na nakausap niya ang aking kapatid. Siya ang susi upang magtagumpay ako sa aking plano.  "Ano nga ba ang iyong sadya at pinapunta mo ako rito, kamahalan?" tanong niya. Itinuro ako ng prinsipe kaya napatuwid ako ng upo. "Maaari mo bang bihisan ang aking alalay?"  Matagal na nanatili ang titig sa akin ng matanda. Umiwas ako ng tingin dahil naiilang ako. Mukhang sinusuri niya maging ang kaluluwa sa ilalim ng aking balat. "Alam mo namang hindi tumatanggap ng bagong katulong ang pamahalaan kung hindi sinusuri, hindi po ba?" tanong ng matanda. "Ikaw ang solera at ako ang prinsipe. Gawin mo na lamang ang aking utos at ako na ang bahala sa iyong kaligtasan," sagot ng prinsipe. Kahit hindi pa sang-ayon ang matanda, tumango na lamang siya at yumuko.  "Masusunod." Tumayo na ako at yumuko sa matanda nang pumunta siya papunta sa akin. Ang akala ko'y ipapakilala pa ako ng prinsipe ngunit wala naman siyang imik. Inilagay niya ang dalang kaing sa sahig at tinanggal ang bandana. Doon ko nakitang nakakatakot pala siya at parang binagsakan ng langit at lupa ang kaniyang mga kilay. Hindi ako makatingin sa kaniya dahil sa kaba. Walang permiso niyang hinawakan ang aking baba at sinuri ang aking mga mata. Hindi ko alam kung saan ako titingin kaya napapikit ako. Nang maramdaman kong binitawan na niya ako, unti-unti kong binuksan ang aking mga mata. "Kamahalan!" sabi niya sa prinsipe. Kumunot ang aking noo nang makitang parang natatakot ang matanda. "Ano na naman ba ang gulong iyong pinasok?" "Gawin mo lamang siyang isang tao," sagot ng prinsipe. Napasimangot ako dahil doon. "Ngunit siya ang babaeng may peklat sa mata!" Bigla akong napayuko nang marinig iyon. Mukhang mabigat nga ang aking naging kasalanan at ako nga'y hinahanap ng pamahalaan. Bakit nga ba sila natatakot sa walang kalaban-laban na katulad ko at hindi sa kanilang pinaglilingkuran na siyang tunay na magnanakaw ng dignidad, karapatan, at pera? "Alam ko." Mukhang hindi na makukubinsi ng matanda ang prinsipe kaya tumahimik na lamang siya at pumunta sa aking direksyon. Lumuhod siya upang kunin ang kaniyang kaing at binuksan iyon. Puno iyon ng mga pampaganda at mga palamuti sa kasuotan. Namangha pa ako dahil gawa sa perlas ang mga iyon at tunay ngang mamahalin. Gusto kong hawakan ngunit baka pandirian ako at baka sabihang pinagkainteresan ko ang alahas at nanakawin iyon. "Gusto mo ba 'to?" tanong ng matanda at kinuha ang alahas. Bigla pa akong natakot nang inilagay niya sa aking palad ang kwintas na gawa sa perlas. Agad ko iyong ibinalik sa kaniya. "H-Hindi ako interesado," sabi ko at umiwas ng tingin. Nakita ng matanda na hindi ako komportable kaya hindi na niya pinilit. Hinawakan niya ang aking baba at nanatili akong nakapikit habang inaayos niya ang aking mukha. Medyo nanginig pa ako nang hawakan niya ang aking peklat. Hindi ako sanay na may nag-aayos sa akin maliban na lamang sa aking kapatid. Wala naman talagang kaso sa akin dahil sanay naman akong natatakot ang mga tao sa aking pagkatao. Ngunit kapag ipinapalagay ng tao ang aking gagawin dahil lamang sa narinig nila mula sa iba, hindi ko na pinipilit na ipaglaban ang aking panig. Hindi ko man aminin, bumababa rin ang tingin ko sa aking sarili. "Hindi palaruan ang palasyo, iha. Sa oras na mawala ang iyong balatkayo, hindi lamang ikaw ang masisira kundi ang mga taong nagbigay ng sandata saiyo," wika niya.  Doon na ako natakot nang mapagtanto ko ang aking kapusukan. Hindi lamang ako ang madadamay kundi ang prinsipe at ang matandang nasa aking harapan. Higit sa lahat, nasa kamay din nila ang aking kapatid at malalagay sa panganib ang aking ina.  "Wala akong pinagsisisihan," walang emosyong sagot ko. Kahit natatakot, nangibabaw pa rin sa akin ang galit. "Wala akong ginawang mali. Kailangan ko rin ng libro. Nang dahil sa karahasan, natuto rin akong gumamit ng patalim." Isang malungkot na ngiti ang ibinigay sa akin ng matanda. Nawala bigla ang nakakatakot na awra sa kaniya at ang tanging nakikita ko'y isang miserableng tao. "Nagsisimula ka ng giyera. Lahat ng gubat ay may ahas at may mga hayop na walang kamalay-malay. Itutok mo ng maayos ang iyong punyal kung ayaw mong dugo ng isang tuta ang dumanak sa iyong pag-atake." Isang tawa ang aking napakawalan. Nginisihan ko siya saka ako'y napairap. "Binabawi ko lang ang mga bagay na ipinagkait sa akin. Hindi ako nagpapakabayani," nakangising sagot ko. "Mata sa mata. Tanging mga halimaw lang din ang makakatalo sa mga demonyo." Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD