TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata
"Mahal na prinsipe!"
Lumuhod ang mga tao nang makitang ang prinsipe ang laman ng kalesa. Nakasakay kami ni Nanay Agua sa tig-iisang kabayo at may dalawa ring kawal na nagmamaneho nito.
Primero.
Hindi ako makapaniwala sa bumungad sa akin. Isang malaking trangkahan o pasukan ang bumungad sa akin at may higit na limampung kawal ang nakabantay. Mahigit sa sampung metro ang taas ng bakod at tunay ngang mahigpit ang seguridad.
Makulay. Iyan ang unang pumasok sa aking isipan. Makikintab ang kanilang mga kasuotan at maging mga kawal ay maharlika tingnan. Ano kaya ang unang pumasok sa isip ni Amihan nang makita niya ang kalagayan dito sa Primero?
Nanatili akong nakayuko nang makita ang ilandaang taong nakaluhod nang makita ang prinsipe. Mahigpit ang hawak ko sa puting bandana na aking suot upang maitago ang aking wangis.
Dahan-dahang pinatakbo ng dalawang lalaki ang kalesa. Nanatiling nakalinya at nakaluhod ang mga taong sumalubong sa kalesa. Sinubukan kong hindi iangat ang aking tingin upang hindi nila mahalata ang emosyong nakikita sa aking mga mata.
Ako ngayon ay si Carmelita Benitez. Iyan ang ibinigay na pangalan sa akin ng prinsipe. Binago nila ang aking wangis at tinakpan ang mga peklat. Higit sa lahat, gamit ko ngayon ang pagkatao ng isang babaeng hindi ko nakilala at namayapa na.
Ang tunay na Carmelita ay ang pinsan ni Prinsipe Isaiah mula sa ibang bansa, sa lugar ng Espanya. Isang malayong kamag-anak ni Reyna Mimosa ang ina ng namayapang babae. Siya'y may dugong Pilipino at dugong Espanyol at magkaedad din kami.
Namatay siya noong siya'y isang paslit lamang dahil sa isang hindi pangkaraniwang sakit. Hindi siya naagapan sa Kaharian ng Servorum kaya sa ibang bansa siya nagpagamot ngunit sa kasamang-palad ay hindi na siya naagapan. Mula noon ay hindi na umuwi ang pamilya ni Carmelita at doon na namalagi sa ibang bansa.
Matagal na palang hinanda ng prinsipe ang peke kong mga dokumento. Ang kuwentong panghahawakan ko'y hindi ako namatay at naagapan ang aking sakit ngunit wala nang narinig na balita mula sa aking pamilya dahil sa pandemyang sumalanta sa Inglatera noon. Sinubukan ng pamilya na bumalik sa bansa ngunit hindi maaaring lahat kami'y maglakbay kaya ako lamang ang nakabalik.
Mabuti na lang at may kaunti akong kaalaman tungkol sa pagsasalita ng Espanyol. Isang libro na galing Espanya ang pinakaunang nanakaw ko sa Segundo. Pinagtulungan namin ni Amihan na intindihin ang librong iyon kaya masasabi kong ito ang unang banyagang lengguwaheng natutunan ko.
Ilang minuto pa ang aming nilakbay bago kami huminto ulit sa tapat ng mas mataas pang trangkahan kung saan mas marami pang mga kawal ang nagbabantay. Hindi ako kailanman nag-angat ng tingin kaya hindi ko masyadong nakita ang Primero. Baka anong klase pa ng pang-aabuso ang aking makikita at matatanggal ang aking balatkayo.
Sa pangalawang beses ay sabay lumuhod ang mga mamamayan ng Primero nang makitang ang prinsipe ang laman ng kalesa. Dahan-dahang binuksan ang pasukan at pinapasok ang aming kalesa.
Medyo kinabahan ako dahil baka ako’y lapitan at suriin ngunit wala namang nagtanong. Patuloy kaming pinapasok ng mga kawal at nang makalagpas kami sa maraming tao, naiangat ko na ang aking tingin.
Mahiwaga.
Ngayon lang ako nakakita ng isang napakalaking imprastraktura na gawa sa iba’t ibang klase ng bato at detalyado ang bawat sulok. Isang palapag lamang ang gusaling iyon ngunit mahigit sa sampung metro ang taas mula sa lupa hanggang sa bubungan.
Kinikilabutan ako sa hiwagang taglay ng palasyo. Sa paningin ko’y nabalutan ang palasyo ng dugo na dumanak mula sa ilang mga mamamayang nagsakripisyo ng kanilang buhay. Ilang kamay kaya ang bumuo ng ganitong klaseng obra maestra na nasugatan at hindi man lang kinilala?
Sa pagkakataong iyon ay inayos ko na ang aking tindig nang makitang papalapit sa amin ang mga alilang nagpapanatili sa kalinisan ng palasyo. Inalalayan nila ang solera sa pagbaba ng kabayo noong pinahinto na ang kalesa. Nang tanggalin ko ang aking bandana, kumunot ang kanilang mga noo at makikitang nagtataka sila kung sino ako.
“Siya ay isang monarko galing sa ibang bansa, ang pinsan ng mahal na prinsipe at ang pamangkin ni Reyna Mimosa. Magbigay kayo ng galang,” sabi ni Nanay Agua.
Nagulat naman sila sa sinabi ng matanda at agad na inalalayan ako. Hindi ako makatingin at hindi ko alam kung ano ang ikikilos. Nailang pa ako nang iabot nila sa akin ang kanilang mga kamay na agad ko namang tinanggihan.
“K-Kaya ko naman,” mahinang sagot ko. Nagkatinginan ang dalawang alipin at lumayo na lang mula sa akin.
Nang dahil sa kaba, hindi ako nakatapak sa aapakan at nadulas mula sa kabayo. Agad silang lumapit upang saluhin sana ako ngunit huli na ang lahat at nasubsob na ako sa lupa.
“Hanggang ngayon ba nama’y lampa ka pa rin, Carmelita?” pang-aasar ng prinsipeng bumaba mula sa kalesa. Agad na yumuko ang mga alipin habang tinignan ko naman siya ng masama.
“Vete a la mierda!” pagmumura ko sa kaniya gamit ang salitang Espanyol. Nagulat naman ang prinsipe sa narinig at mukhang namangha pa. Mukhang nakakaintindi rin ng Espanyol ang maharlikang ito.
“Sino ang may lakas ng loob na magmura sa palasyo?”
Gumilid ang mga alila at nagbigay ng daan sa babaeng nagsalita. Nanlaki pa ang aking mga mata nang makitang ang ina ni Prinsipe Isaiah iyon. Sa likuran niya ay ang mahigit sa sampung alila at pinapayungan siya.
Agad akong tumayo at pinagpagan ang aking sarili. Mukhang mamahalin pa naman ang telang suot ko at iyon ang unang beses na natakot akong magasgasan ang aking balat. Nang maiayos ko ang aking sarili, agad akong yumuko sa harap ng reyna at pumikit.
“H-Humihingi po ako ng tawad sa aking kawalang galang sa una nating pagkikita, mahal na reyna,” sabi ko sa kaniya at nanginginig pa ang aking labi. “Sadyang nasanay ako sa aking lengguwahe sa labas at naninibago pa lamang sa kultura dito sa palasyo.”
“Labas?” pagtataka ng reyna. Nang mapagtanto ko ang aking mga sinabi, agad akong kinabahan at napalunok. Lilinawin ko sana ang aking punto nang biglang nagsalita ang prinsipe.
“Naaalala mo pa ba ang mga Benitez, ina?” tanong niya. Napalingon ang reyna sa kaniyang anak. “Siya po ang nag-iisang anak nila na may hindi pangkaraniwang sakit. Sinundo ko siya mula sa daungan.”
“Ang akala ko ba’y matagal na siyang pata—“
“Sadyang wala lang tayong narinig na balita mula sa iyong kamag-anak, ina.”
Maigi akong tinignan ng reyna at nang magtagpo ang aming mga mata, agad akong napayuko at umiwas ng tingin. Hindi ko aakalaing ganito pala ang mararamdaman ko sa una naming paghaharap. Hindi rin kasi ako magaling umarte at nabubulol pa.
“Sa aking silid tayo mag-usap,” sabi niya saka makahulugang tinignan ang anak. Dinaanan niya lamang ako ng tingin bago siya tumalikod.
Biglang nanlambot ang aking mga tuhod sa paghaharap na iyon. Nang lingunin ko ang prinsipe, napasimangot ako nang makitang pinagtatawanan niya lamang ako.
“Ginusto mo ‘to,” mahinang sabi niya saka sumunod kay Reyna Mimosa. Huminga muna ako ng malalim bago sumunod sa kanila.
Alam ko namang malawak ang palasyo ngunit hindi ko inasahang ganito kalawak. Mukhang mas maliit pa nga ang bayan namin kompara dito. Naiilang din ako dahil pinagtitinginan ako ng mga taong nakakasalubong namin. Katabi ko si Nanay Agua at pati siya’y hindi rin mapakali.
Isa na akong monarko. Iyon ang paulit-ulit na itinatak sa akin ng prinsipe at ni Nanay Agua. Isang malaking kasinungalingan na kailangan kong panindigan. Alam kong hindi basta-basta ang aking ginagawa at kamatayan ko, maging ng mga tao sa aking paligid, ang magiging kapalit.
Limang minuto kaming naglakad papunta sa kaniyang silid. Inalalayan siya ng kaniyang mga alalay sa pag-akyat ng hagdan. Matataas ang bawat palapag ng mga bahay dito at engrande rin ang disenyo ng bawat hagdan.
Nang makapasok kami sa silid, umalis na ang mga alipin at sinara ang pinto. Inilibot ko ang aking paningin at namangha sa luwag ng kwarto. Napapaligiran ng mga librong nasa mga istante at mga pigurin ng mga sinaunang bayani at mga taong nakasulat ang mga pangalan sa kasaysayan.
Umupo ang reyna sa upuan na nasa gitna ng silid at ipinatong ang mga siko sa ibabaw ng mesa. Lumuhod kami ng prinsipe sa kaniyang harapan at muling yumuko bilang paggalang.
“Umayos kayo ng upo,” sabi ng reyna. Agad naman kaming tumayo at umupo sa sahig na naka-krus ang paa. Nang magtagpo ang paningin naming dalawa, bigla akong nakadama ng kaba.
“Sa tingin niyo ba’y malilinlang niyo ako?” tanong ng reyna. Biglang nahugot ang aking hininga. “Ano na naman ang katarantaduhan mo, Isaiah?”
Ayaw kong madamay ang prinsipe sa aking kagustuhan, “Hayaan niyo po akong magpaliwana—“
“Hayaan mong ang aking anak ang magpaliwanag,” sagot ng reyna. Binaling niya ang kaniyang atensyon sa sariling anak. “Magpaliwanag ka.”
Ilang minutong naging tahimik ang mahal na prinsipe bago sumagot, “Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy mo.”
“Patay na ang anak ni Carmela, Isaiah!” pagtaas ng tono ng reyna. Ako’y nanginginig na ngunit ang prinsipe’y mukhang matatawa pa. “At sa tingin mo ba’y hindi ko malalaman na ang babaeng nasa aking harapan ay isang alipin at anak din ni Mahalia?”
Pakiramdam ko’y sa oras na iyon ay malalagutan na ako ng hininga. Iniisip ko na lang na biglang magbubukas ang sahig at lalamunin ako ng buhay.
“Alam mo naman pala, ina. Ano pa bang gusto mong gawin o malaman?”
Napahilot ang reyna sa kaniyang sentido. Ako rin ay naasar sa ugaling ipinapakita ng prinsipe. Kung anak siya ni Mahalia, kanina pa ‘to napektusan.
“Ano bang pinagkakaabalahan mo at sa pag-uwi mo’y nagdala ka pa ng pahamak?” tanong ng reyna. Nahihiya pa akong makinig sa usapan ng mag-ina. “Walong buwan ka nang hindi umuuwi at ito ang salubong mo?”
Gusto ko na lang maglaho at maging isang tutubi.
“Ginagawa ko lang ang makakabuti para sa iy—“
“Makakabuti? Nagdadala ka nga ng gulo! Ano bang iniisip mo at dinala mo rito ang mga anak ni Mahalia?”
Hindi ko alam kung bakit parang tunog ng panganib ang pangalan ng aking ina. Isa lang namang hamak na alipin ang aking ina, ah? Natatakot ba sila sa kurot ng aking ina?
“Upang makaalis ka na sa palasyo!” sagot ng prinsipe. Nagulat pa ako sa biglang pagtaas ng boses niya.
“Pinag-usapan na natin 'yan noon!” sabi ng reyna. Makahulugan silang nagkatinginan saka ako tinignan. Nang mapagtanto kung ano ang ibig sabihin noon, tumayo ako saka yumuko.
“Maaari po bang ipagpaliban ang aking sarili, mahal na reyna?” tanong ko saka napalunok. Talagang hindi ako sanay sa kultura dito sa loob at hindi na nawala ang kaba sa aking dibdib.
“Mag-uusap muna kami ng aking anak,” sagot niya. Ibinaba ko pa ang aking ulo bago tumalikod at lumabas ng silid.
Mukhang mag-aaway pa ang mag-ina kaya lumabas na lamang ako at hinayaan silang makapag-usap. Matagal din kasi silang hindi nagkita at alam ko ring hindi ako makakatakas sa kaniyang parusa.
Nakahinga ako ng maluwag nang makalabas ako sa silid. Nasa baba ng hagdan ang mga alila at nakaharang sa daanan. Nang makita nila akong palabas na, agad silang nagbigay ng daan at yumuko pa. Nagulat ako sa pagsalubong nila sa akin at naalalang isa nga pala akong monarko ngayon.
Nang makalagpas sa kanila’y naglibot-libot na muna ako. Gusto ko sanang makita si Amihan ngunit mukhang imposible ang aking kagustuhan. Siguro’y kakabisaduhin ko muna ang mga pasikot-sikot upang malaman ko ang mga susunod kong gagawin.
Habang naglalakad, bigla akong nakarinig ng ingay sa likod ng isang imprastraktura. Agad kong tinabunan ng bandana ang aking mukha at dahan-dahang lumapit sa pinanggagalingan ng ingay. Nang makalapit, nagulat ako nang makarinig ng isang pamilyar na boses.
“Humihingi ako ng tawad kung ikaw man ay naiirita sa aking presensya.”
Nagtago ako sa isang pader at sinilip ko kung sino ang nagsalita. Nanlaki ang aking mga mata nang makitang nakaluhod ang aking kapatid na si Amihan sa harap ng isang napakaeleganteng babae na may tiara sa ulo. Isa yata siyang prinsesa.
“Inaasahan ba talaga ng isang hamak na alipin na maging isang reyna at kalabanin ang isang monarkong katulad ko?”
Biglang uminit ang aking ulo nang marinig iyon. Gusto ko mang sumugod at ipaglaban ang aking kapatid, alam kong hindi makakatulong ang pairalin ang aking emosyon.
“Hindi kita kinakalaban, mahal na prinsesa. Hindi ko alam kung bakit ang isang hamak na alipin na kagaya ko’y iyong pinagkakaabalahan at mukhang itinuturing mo pang isang kompetisyon,” sagot ng aking kapatid. Nagpigil ako ng tawa nang marinig iyon. “Ikinatutuwa iyon ng mapagkumbaba kong puso.”
Nang makitang sasampalin ng prinsesa ang aking kapatid, bigla na lamang gumalaw ang aking mga paa at pinigilan ang prinsesa. Mahigpit kong hinawakan ang kaniyang kamay saka puwersahang ibinaba.
“Kanina pa kita hinahanap, mahal na prinsesa,” sagot ko at yumuko. “Ako nga pala si Carmelita Benitez, ang pinsan ni Prinsipe Isaiah.”
Pagtatapos ng Kabanata