KABANATA 17 - MONARKO

2465 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata   Patay ka, Hiraya. Iyan ang paulit-ulit na sinasambit ng aking utak habang hawak ang maharlikang balat ng prinsesa. Agad akong nagsisi sa naging kilos at hiniling ulit na sana’y maglaho ako na parang bula. Talagang malalagot ako sa prinsipe nito dahil kumilos ako nang walang pahintulot mula sa kaniya. “Lapastangan!” sigaw ng prinsesa at hinila ang kaniyang kamay mula sa akin. Namumula ang parteng hinawakan ko. “Sa tingin mo ba’y malilinlang mo ako? Walang pinsan ang prinsipe na hindi ko kilala!” “Bueno, como prefiera, princesa,” sagot ko sa kaniya. Bueno, kung ano man ang iyong gusto, prinsesa. “Isa kang Espanyol?” tanong sa akin ng prinsesa. Mukhang unti-unti na siyang naniniwala sa akin. Tinignan niya pa ako mula ulo hanggang paa bago ibinalik ang tingin sa akin. “A-Ang ama ko’y isang Espanyol,” pagsisinungaling ko at umiwas ng tingin. Napalunok pa ako dahil baka hindi magdugtong ang kwento ng aking buhay. Napalingon ako sa kinaroroonan ni Amihan at nakita kong siya’y naguguluhan nang makita ako. Inabot ko ang aking kamay saka tinulungan siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa lupa. Agad akong lumayo sa kaniya dahil maliban sa hindi ko alam kung ano ang sasabihin, baka paghinalaan pa kami ng monarko sa aming harapan. “Hindi pa rin ‘yan patunay na isa ka ngang monarko at may kaugnayan sa prinsipe,” sabi ng prinsesa. Gusto ko na lamang lumayo dahil baka may masabi pa ang aking bibig. “Tanungin mo na lamang ang prinsipe dahil alam kong kahit ano pa ang sabihin ko’y hindi ka maniniwala,” sagot ko. Nang maalalang mahigpit ang hawak ko sa kaniya, agad akong natakot at yumuko. “Humihingi ako ng tawad kung sakaling ikaw man ay aking nasaktan, kamahalan. Pananagutan ko ang ipapataw mong parusa sa akin.” “Talagang puputulin ko ang iyong ulo sa oras na malaman kong ikaw ay nagsisinungaling,” nangangalaiti niyang sagot. Naiinis ako sa ugali ng impaktang ito ngunit kinalma ko ang aking sarili. “Tatanggapin ko ang parusang iyan ngunit isasama kita sa libingan kapag iyan ay nangyari,” mahinang sagot ko. Kumunot ang kaniyang noo. “Ano?” “Malugod kong tatanggapin ang parusang iyan kung ako man ay isang sinungaling, mahal na prinsesa,” malakas na sabi ko. Tumayo na ako ng matuwid at nakita kong pasimple siyang umirap. Wala na siyang sagot kaya hindi na rin ako nagsalita. Agad na lamang akong tumalikod ngunit nang maalala ang aking kapatid, mabilis akong lumingon pabalik. “Ikaw!” malakas na sabi ko at tinuro si Amihan. Tinignan niya lamang ako. “Isa kang alipin, hindi ba?” Mukhang hindi pa napo-proseso ng kaniyang utak ang mga nangyayari at tila nalilito pa rin sa ikot ng mundo. Pinagtatagpo ko ang aking mga kilay at makahulugan siyang tinignan upang maintindihan niya ang gusto kong mangyari. “Oo, isa po akong alipin,” sagot niya. Pinigilan ko ang matawa nang marinig iyon. “Kung gayon, maaari mo ba akong samahan at libutin natin ang palasyo?” tanong ko sa kaniya. “Nawala kasi ako kaya nakarinig ako ng usapan na sana’y hindi ko narinig.” Tumango naman si Amihan at dahan-dahang lumapit sa akin. Nang makatabi ko na siya, tumalikod na rin ako at iniwan ang naguguluhang prinsesa sa likod ng imprastraktura. Nang makalayo kami, agad na nagsalita ang aking kapatid. “Anong klaseng kalokohon ito, ate?” tanong agad ni Amihan sa akin. Kahit anong pulbo ang gamitin upang takpan ang aking peklat at balat, makikilala niya pa rin ako. “Anong ibig mong sabihin?” “Huwag ka nang magmaang-maangan at sabihin mo agad ang pakay mo rito sa palasyo,” sabi niya. Mukhang siya pa ang nakakatanda sa aming dalawa, ah. “Gusto lamang kitang kamustahin at makita,” sagot ko sa kaniya. Gusto ko lamang siyang inisin ngunit kalmado pa rin ang kaniyang mukha. “Maaari mo naman akong padalhan ng sulat,” kalmado niyang sagot. Sa pagiging kalmado niya’y ako pa yata ang naiinis. “Humingi ka ba ng tulong sa prinsipe upang makapasok dito?” “Kusa siyang nag-abot ng kamay,” walang emosyong sagot ko. Ginawa ko ang lahat upang magmukhang isang karaniwang usapan lamang iyon at hindi kahina-hinala sa mga nakakakita sa amin. “Hindi ako naniniwala.” “Huwag mong paniwalaan kung ganoon.” “Hindi basta-basta ang pinasok mo, ate.” “Ikaw din!” mahinang diin ko sa kaniya. Hindi kami nakatingin sa isa’t isa at patuloy lamang kaming naglalakad kung saan man kami dalhin ng aming mga paa. “Bakit ka ba umaasta na parang ako ang nasa panganib? Pinagdidiskitahan ka nga ng prinsesa at ikaw ay bagong salta pa lamang.” “Kakarating mo pa lang dito sa palasyo at hinawakan mo na ang prinsesa,” sagot niya. Nang makarating kami sa likurang bahagi ng palasyo, humarap na siya sa akin. “Alam ko ang ginagawa ko.” “Alam ko rin ang ginagawa ko, Amihan,” nagpipigil ng inis na sagot ko sa kaniya. Hinarap ko na rin siya. “Ganito na ba kababa ang paningin mo sa akin at hindi mo ako mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay na ginagawa ko?” “Hindi naman sa ganoo—” “Itinatanggi niyo ba ako ni ina bilang kadugo niyo dahil hindi ako katulad mo?” puno ng hinanakit na tanong ko. Nagbago ang kalmado niyang anyo matapos kong itanong iyon. “Hindi ko alam kung bakit itinatakwil niyo ako ni ina. Alam ko namang magkaiba ang pananaw natin sa buhay ngunit sana nama’y huwag niyong iparamdam sa akin na ako’y naiiba.” “Hindi ka handa sa kung anuman ang pinasok mo ngayon, ate,” sagot niya. “Ako’y humihingi ng tawad kung iyan man ang naramdaman mo ngunit hindi ganiyan ang intensyon namin ni ina.” “Kailan ako magiging handa? Sa oras na ika’y inilibing na?” pagtataas ko ng boses. Lumingon-lingon pa ako sa paligid upang siguraduhin na kami lamang ni Amihan ang naroroon. “Kailanman ay hindi ako magiging handa dahil una sa lahat, hindi ko alam ang kapalaran natin.” “Kaya nga pinasok ko ang impyernong ‘to upang ikaw ay protektahan!” sagot niya rin. Nawala na ang pagiging kalmado niya. “Lahat ng pinaghirapan ko’y masasayang kung ikaw ay malalagay sa panganib, kayong dalawa ni ina.” “Gusto mo ba talaga akong protektahan o wala ka lang talagang tiwala sa akin?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Amihan, ako ang nakakatanda. Mapusok man ako at ang pagiging agresibo ang paraang alam ko upang mabuhay, wala rin akong ibang hangad kundi ang kaligtasan niyo ni ina.” “Wala ka rin bang tiwala sa akin?” “Alam kong hindi mo kakayanin mag-isa,” sagot ko. Tumalikod na ako sa kaniya. “Hindi man ako kasingganda o kasingtalino mo, parehas lang tayong mga isdang napapalibutan ng mga pating.” Hindi na siya nakasagot kaya tumalikod na ako at iniwan na siya roon. Hindi dapat kami nag-uusap sa lugar na madalas dinadaanan ng mga tao at baka may makakita pa sa amin. Ngayon ay isa akong monarko at siya’y isang alipin, hindi dapat kami magkakilala at magkaugnay. Ilang minuto rin akong naglakad pabalik sa lungga ng ikalimang reyna. Nang makarating ako doon, nasa labas na ang reyna kasama ang kaniyang anak. Agad akong lumapit nang sinenyasan ako ni Prinsipe Isaiah na lumapit. Bigla akong kinabahan nang makitang nakakunot ang noo ng reyna. Nanatili akong nakayuko habang binibilang ang aking mga hakbang sa hagdan. Tugma ang ritmo ng aking paglakad sa pagtibok ng aking puso. Nang makarating ako sa harap ng mag-ina, nanatili akong nakayuko at tahimik. Nakatingin lamang silang dalawa sa akin na parang naghihintay na may sabihin ako. Napagtanto ko kaagad na nakalimutan ko palang bumati. “A-Ako’y humihingi ng paumanhin at muntik na akong maligaw sa palasyo, kamahalan,” sagot ko at yumuko pa ng kaunti. Kailangan kong pag-aralan ang kultura at tradisyon dito sa palasyo. “Mabuti naman at nakabalik ka rito sa aking kamara,” sagot ng reyna. Dumoble ang kaba sa aking dibdib at pinagpapawisan na ako. “Sinabi na sa akin ni Isaiah ang lahat. Malugod kitang tinatanggap sa palasyo, aking pamangkin.” Nanlaki ang aking mga mata nang marinig iyon at agad na napatingin kay Prinsipe Isaiah. Tumango lamang siya at agad akong naguluhan sa ibig sabihin noon. Alam ng reyna na ako’y anak ni Mahalia at ginagamit ko ang pagkakakilanlan ng kaniyang namayapang pamangkin. Hindi niya ba ako paparusahan? “I-Ikinagagalak ko ang iyong pagsalubong, mahal na reyna,” kabadong sagot ko at yumuko ulit. Mababali yata ang aking gulugod sa kakayuko. “Gagabayan ka ng prinsipe sa pamamalakad dito sa palasyo upang masanay ka,” sagot ng reyna. Natatakot ako sa pagiging kalmado niya. “Hindi magkatulad ang iyong nakagisnan at ang palasyo. Kailangan mong matuto lalo na’t ayaw kong malagay ka sa panganib.” “Masusunod, kamahalan.” Tumalikod na siya at pinaypayan ang sarili. Akala ko’y wala na siyang sasabihin nang marinig ko ulit siyang magsalita, “Sa oras na masangkot ka sa isang gulo, ako mismo ang tatapos ng iyong hininga.” Parang biglang nahugot ang aking hininga nang marinig iyon. Gayunpaman, nakaramdam ako ng kaginhawaan nang sumabay ang reyna sa kagustuhan ng kaniyang anak. Ano kaya ang ginawa ng prinsipe upang mapapayag ang mahal na reyna sa paggamit ng katauhan ng kaniyang pamangkin? Bumalik na ang reyna sa kaniyang silid. Doon lang ako nakahinga ng maayos at nanghina pa ang aking mga tuhod. Muntik na akong matumba kaya napakapit ako sa pader. “Saan ka ba nanggaling?” tanong ng prinsipe. Nakatingin sa amin ang mga alila na nasa baba ngunit alam kong hindi nila naririnig ang usapan namin. “Nag-usap kami ni Amihan,” sagot ko. Kumunot ang kaniyang noo ngunit hindi ko muna siya pinasalita. “Inaapi siya ng prinsesa kaya ipinagtanggol ko.” “May ginawa ka ba prinsesa?” “Siguro?” sagot ko sa kaniya at mahinang tumawa. Napasimangot ang prinsipe sa naging sagot ko. “Kakasabi pa lang ng reyna na huwag pumasok sa isang gulo at agad ka ngang gumawa ng gulo. Hindi na ako magtataka kung bakit sinusundan ka ng kamatayan.” “Paumanhin, mahal na prinsipe,” mapanuya kong sagot sa kaniya at umirap. “Sino ba naman ang matutuwa kapag nakita ang kadugo na inaapi?” “Nakita mo bang lumaban pabalik ang iyong kapatid?” tanong ng prinsipe. Lumapit siya sa akin at mahinang nagsalita. “Tantyado ang oras at paraan ng kaniyang pag-atake. Isang maling galaw at siya’y malalagay sa panganib at alam niya iyon.” “Hindi naman siguro ako malalagay sa panganib.” “Siguro,” mapanuya niyang sagot. Agad akong umirap. “Mautak ang mga tao dito sa palasyo at hindi sila nakadepende sa swerte. Sigurado sila sa kanilang gagawin at inaalam nila ang bawat kinahihinatnan.” “Mag-iingat ako sa susunod, kamahalan,” sagot ko at yumuko. Hindi na nagsalita ang prinsipe kaya nagsalita ulit ako. “Ngunit mukhang mahihirapan akong umiwas sa gulo kapag ang prinsesa na ang pinag-uusap—“ “Mahal na prinsipe!” Hindi na natapos ang aking litanya nang marinig ang boses ng isang babae sa baba. Nang tignan ko kung sino iyon, mukhang mapapasabak na naman ako. Hindi ko alam ngunit biglang naalerto ang prinsipe nang makita ang prinsesa na paakyat ng hagdan. Hinanda ko na lamang ang aking sarili sa maaaring mangyari at pilit na ikinakalma ang bayolente kong pagkatao. “Prinsesa Alona, tila nagmamadali ka?” bati ng prinsipe sa kakarating lamang na prinsesa. Hindi muna nagsalita ang monarko at hinabol muna ang kaniyang hininga. “Narito ka ba upang salubungin ako sa aking pagbabalik?” Tinapunan ako ng tingin ng prinsesa kaya agad akong yumuko upang batiin siya. Hindi rin nagtagal iyon dahil kinausap na niya ang prinsipe. “Binabati nga kita sa iyong pagbabalik, Prinsipe Isaiah,” sabi ng prinsesa saka yumuko. Yumuko rin pabalik sa kaniya ang aking katabi. “Halos isang taon ka ring hindi nagpakita at tumapak dito sa palasyo.” “May personal lamang akong inasikaso.” “Galing ka ba sa Espanya upang sunduin ang pinsan mo?” tanong niya sa prinsipe at makahulugan akong tinignan. “Mukhang nagkakilala na kayo,” sagot ng prinsipe at tinignan ako ng kaniyang mga mata na puno ng mga tanong. Agad akong umiwas at napalunok na lamang ng laway. “Tunay ngang sinundo ko ang aking pinsan ngunit hindi na ako pumunta ng Espanya.” Tumango naman ang prinsesa sa naging sagot ng prinsipe. Muli na naman akong kinabahan nang malipat ang atensyon ng prinsesa sa akin. Nagulat ako nang bigla siyang yumuko. “Humihingi ako ng tawad at inakala kong ikaw ay isang impostor,” sabi niya. Tinignan niya ako sa mata saka ngumiti. “Paumanhin at hindi naging maganda ang una nating pagkikita. Ako nga pala si Alona, ang anak ni Reyna Luwalhati.” Nagulat ako nang malaman kung sino siya. Nabasa ko sa isang libro na si Reyna Luwalhati ang pangatlong reyna. Hindi ko pa lubusang napag-aralan ang mga tao dito sa palasyo at mukhang kailangan ko nang seryosohin ang aking mga kilos. “Hindi ako hihingi ng tawad, mahal na prinsesa,” sagot ko. Pinanlakihan naman ako ng mga mata ni Prinsipe Isaiah at nakita kong hindi rin inasahan ng prinsesa ang naging sagot ko. “A-Ang ibig kong sabihin ay malala ang nagawa ko sa iyo at higit pa sa paghingi ng tawad ang kailangan kong gawin.” “Hindi pa siya sanay sa kultura dito sa palasyo at hindi rin maalam sa wikang Filipino, Prinsesa Alona,” pagtatanggol sa akin ng prinsipe. Gusto kong magmura at tumawa. “Naiintindihan ko,” sagot ng prinsesa at muling ngumiti sa akin. “Ano nga ulit ang pangalan mo, binibini?” “Ako si Carmelita Benitez, mahal na prinsesa,” pagpapakilala ko sa sarili at yumuko. Nang maiangat ko ang aking tingin, peke ko rin siyang nginitian. “Tunay nga ang naririnig ko tungkol sa iyo. Ang iyong kagandahan nga’y inukit ng mga diyos at diyosa.” “Kaya mo ba ako hinahanap upang makita ang aking kagandahan?” sagot ng prinsesa saka tumawa. Gusto ko siyang sabunutan nang marinig iyon. “Ngayon lamang ako nakakilala ng isang monarko na galing sa ibang bansa. Ikinagagalak ko ang makilala ka.” “Ikinagagalak ko rin ang makilala ka, Prinsesa Alona,” sagot ko at ngumiti. Ikaw ang una kong bibiktimahin.  Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD