KABANATA 29 - LAWA

2820 Words
TW/ Mga eksena at salitang hindi angkop sa mga bata “Hindi ako makapaniwalang nakuha mo ang natatanging kopya ng librong ito, ate!” Labis naman akong natuwa nang yakapin ako ni Amanda matapos kong ibigay sa kaniya ang libro. Naalala kong ito ang tangi niyang hiningi kapalit ng pagtulong sa akin papunta sa Segundo. “Paano mo ba ito nanakaw? Imposible namang walang maraming bantay eh ang mahal ng librong ito at ito lamang ang orihinal at nag-iisang kopya!” “Ibinigay sa akin ‘yan ng prinsipe,” nakangiting sagot ko sa kaniya. Namangha naman siya sa narinig ngunit hindi na siya nagulat. “Tunay ngang busilak ang kalooban ng mahal na prinsipe,” papuri niya. Mahigpit ang kaniyang yakap sa libro at mukhang hindi na niya ito mapapakawalan. “Nagpapanggap lang ‘yon,” biro ko sana sa aking isip ngunit nasabi ko pala nang malakas. Pilit akong ngumiti nang biglang malito si Amanda. “Biro lamang.” “Naging malapit ba kayo sa isa’t isa noong nandoon ka sa palasyo, Ate Hiraya?” nakangiting tanong niya sa akin. “Ano nga bang mayroon sa palasyo, ate? Magara ba?” “Hindi mo gugustuhing pumunta doon, Amanda,” mahinang sabi ko sa kaniya. Isang malungkot na ngiti ang lumabas sa ‘king labi. “Mapanganib ang lugar na iyon para sa ating mga alipin.” “Alam ko naman iyon, ate,” malungkot na sabi niya. “Ngunit sabi nila’y makulay doon at magara. Gusto kong makita ang mundo nila at tignan kung nararapat nga bang maranasan natin ang kanilang kalupitan.” “Walang kahit na sino ang dapat na makaranas ng ganitong klase ng pang-aabuso,” sabi ko sa kaniya. Hinaplos ko ang kaniyang buhok. “Sa ngayon, huwag mong isipin ang ganiyang klaseng bagay at magbasa ka na muna.” “Salamat po ate,” nakangiting sabi niya bago ako tinalikuran. Bumalik muli ang kinang sa kaniyang mga mata nang yakaping mahigpit ang librong binigay ko. Hindi ako marunong umaliw ngunit nakikita ko ang aking sarili sa kaniya. Ayaw kong may isang bata na ganito na ang iniisip at hindi ang sariling paglilibang. Sadyang napakalupit ng mundo sa amin at sa maagang edad ay namulat na sila sa reyalidad. “Tila’y naging mabait ka yata, ah? Ano nakain mo ‘don sa palasyo?” pang-aasar sa akin ni Zenaida at binigyan ako ng isang tasa ng kape. “Sama ng loob,” walang kangiti-ngiting sabi ko sa kaniya kaya napatawa siya. “Bukas ka na babalik sa Primero?” tanong niya. Tumango ako at humigop ng kape. “May tauhan bang magsusundo sayo?” “Wala, mas mapanganib iyan. Nagawa ko ngang pumunta doon at bumalik mag-isa.” “Kung sa bagay,” pagsang-ayon niya. “Ito na ang huling araw mo bilang si Hiraya.” Natigilan ako sa sinabi niya at napansin niya rin iyon. Nang mapagtanto ang bagay na iyon, mahina na lamang akong napatawa. “Mas pipiliin ko pang ganoon ang aking reputasyon kaysa hiramin ang buhay ng taong kailanman ay hindi ko nakilala,” sagot ko sa kaniya. “Sana’y buhay ka pa sa susunod nating pagkikita.” “Parang sira ‘to, ikaw ang kakatok sa pinto ng kamatayan.” “Hindi natin alam kung kailan nga tayo bibisitahin ng kamatayan.” Nag-usap lamang kami at ninamnam ang kape habang nakatingin sa hardin ni Norjannah. Ito yata ang unang pagkakataon na kape ang hawak namin at hindi alak. Sana nama’y hindi pa ito ang huli. “Hindi mo ba pupuntahan ang iyong ina?” pag-iiba niya sa usapan. “Mamaya na.” Tumango na lamang siya at inubos ang kaniyang kape. Sakto naman at biglang dumating si Norjannah at tinawag si Zenaida kaya naiwan akong mag-isa. Ilang minuto rin ang lumipas bago ko naubos ang aking kape. Medyo natagalan pa at nilibot ko ang mga lasong nakatanim sa hardin at hindi makapaniwala kung gaano kadelikado ang mapadpad doon. Nang matapos ko ang kape’y umalis na ako sa bahay ni Norjannah at tinahak ang daan pauwi. Hindi naging maganda ang huli naming pagkikita ngunit wala namang araw noon na hindi kami nagsisigawan. Hindi ako naging isang mabuting anak ngunit natatakot pa rin akong baka ito na ang huling pagkikita namin. Pagdating ko sa bahay, nagtaka ako dahil bukas ang pinto ngunit wala naman ang aking ina. Noong una, akala ko’y nakalimutan lamang na ikandado ngunit pagpasok ko’y nagkalat ang mga telang ginagamit ni nanay sa pagtatahi. Naging alerto ako at agad na hinablot ang gunting na nasa ibabaw ng mesa. Malakas ang kabog ng aking dibdib at hindi ako mapakali sa katahimikang nakabalot sa aming bahay. Tinignan ko pa kung may mga bakas ng paa o dugo ngunit wala naman akong nakita. Nagtanong tanong ako sa mga kapitbahay ngunit wala rin silang naobserbahang kakaiba. Kaninang madaling araw ay nakita pa nilang nagdidilig ng halaman ang aking ina at hindi na nila alam kung saan na siya pumunta. “Hiraya!” Napatingin ako sa taong tumawag sa akin at kumunot ang aking noon ang hingal na hingal na si Zenaida. “Gusto mo agad akong makita? Parang kailan lang nagkape tayong dalawa ah,” pamimilosopo ko sa kaniya. Mukhang wala siya sa kondisyon upang makipagbardagulan at hindi man lang kumunot ang kaniyang noo. “Kanina pa kita hinahanap, naghahanap ka na naman ba ng alak punyeta ka?” hingal na hingal na sabi niya. “Aba, sakit ka sa lipunan! Mapanghusgang nilalang!” hindi makapaniwalang wika ko. Akala ko ba’y magkaibigan kami? “Hinahanap ko ang aking nana—“ “May sampung bangkay ang natagpuan sa palengke.” Biglang huminto ang t***k ng aking puso at hindi ako makagalaw. Bigla akong nag-alala para sa aking ina at sa unang beses ay napadasal ako nang masinsinan. “N-Nawawala ang aking ina,” mahinang sabi ko. Napaos ang aking boses sa sobrang kaba. Nanlaki ang mga mata ni Zenaida at kinabahan din sa aking naiusal. “Kumalma ka muna at mahahanap din natin siya,” pagtatag niya sa aking kalooban. Hindi ako makaisip ng maayos ngunit kinalma ko ang aking sarili dahil kailangan kong kumilos. “Magsuot ka ng bandana at maskara,” paalala niya. Nanginginig ang aking mga kamay habang ginagawa iyon. Medyo malayo ang palengke mabuti na lang at may dalang kabayo si Zenaida at dumaan kami sa lugar na walang nakaalam. Bawal matutong sumakay ng kabayo ang mga babae kaya masyadong mapanganib ang ginagawa namin ngunit wala kaming magagawa. “Ilang oras na bang nawawala ang ina mo?” “Hindi ko alam, hindi ko na siya naabutan.” Napatango na lamang si Zenaida at binilisan ang pagpapatakbo sa kabayo. Hindi ko alam kung mas mabilis nga ba ang takbo ng kabayo kaysa sa pintig ng aking puso. Namangha ako nang lumusot iyon sa tahanan ni Norjannah. Mabilis na itinali ni Zenaida ang kabayo at sinundan ako papunta sa palengke. Malapit lamang ang bahay sa pupuntahan namin. Nang makalapit na kami, naging mapanuri ako sa paligid at nagkukumpulan ang mga tao. Isiniksik ko ang aking sarili upang makita kung ano ang pinagkakaguluhan nila at itinulak ko pa nga ang iilan. Nang makita ko kung ano ang sanhi ng gulo, napatakip ako sa aking bibig. Sampung bangkay ng mga babae ang nakahimlay sa lupa, lahat sila’y walang saplot at hindi man lang tinabunan ng kumot. Napatakip ako sa aking bibig sa karumal-dumal na kanilang sinapit. May mga bangkay na naagnas na at may iba namang naliligo pa sa sariling dugo. Unti-unti akong lumapit at isa-isang sinuri ang mga bangkay. Bigla naman akong nabunutan ng tinik nang makitang wala roon ang aking ina ngunit bigla akong napatakip sa aking bibig nang makita ang isang babaeng kilalang-kilala ko. Marielle. Lalapitan ko na sana ang kaniyang bangkay upang bigyan ng maayos na libing ngunit isang kamay ang humila sa akin palayo. Nagpupumiglas pa ako ngunit nang malayo ako sa mga tao, mabilis akong hinarap ng kung sino man ang humila sa akin. “Ano ba! Si Marielle ay—“ “Alam namin,” mahinahong sagot ni Norjannah. Binitawan na niya ako. Nasa likuran niya naman si Zenaida. “Ngunit huwag kang kumilos nang basta-basta.” “Bakit?” “Maaaring isa iyong patibong,” singit ni Zenaida. Pinagpawisan yata siya sa kakahabol sa akin. “Sa ngayon, hintayin nating kumalma ang mga tao at baka dumating pa ang mga kawal. Oobserbahan natin ang sitwasyon sa malayo,” kalmadong sabi ni Norjannah. Nang makitang nagdududa pa rin ako, napahinga siya ng malalim. “Huwag kang mag-alala, hindi ko magagawang pabayaan si Marielle.” Pinili kong pagkatiwalaan ang kaniyang mga salita at sinundan ko siya. Pumasok kami sa tindahan ni Norjannah at nagpalit sila ng mga damit. Nakikita namin sa aming puwesto ang mga nangyayari at hanggang ngayon ay nagkukumpulan pa rin ang mga tao. Ilang minuto ang lumipas at kinabahan ako nang makita ang mga armadong kawal sakay ng kanilang mga kabayo. Nang makarating sila sa pinagkakaguluhan, doon ko nakita kung sino ang nauuna sa hanay. Siya ang pinagkatiwalaan ng hari noong gabing sinugod ko ang kaniyang kamara. Siya si Adolfo at siya rin ang namuno sa mga hanay na nakabantay sa hari. “Anong ginagawa ni Heneral dito?” gulat na tanong ni Norjannah. “Bakit siya mismo ang mag-aasikaso sa kaganapang ito?” Heneral? Ang sampung bangkay ay tanging mga alipin lamang at hindi naman kailangang siya mismo ang pumunta rito. Pinagkakatiwalaan siya ng hari at batid kong masamang balita ang dala niya sa Tercero. “Magbigay galang sa Heneral!” Biglang tumahimik ang paligid at lumuhod ang mga tao sa labas. Maging kami na nasa loob ng tindahan ay napayuko rin. Batid kong hindi mapakali ang aking mga kasama kaya nanatili akong kalmado. “Nasuri niyo na ba ang mga bangkay na ipinadala ko?” malakas na sigaw niya. Sa sobrang lakas ng kaniyang boses ay umabot siguro iyon sa ilang sulok ng Segundo. “Makinig kayong mabuti sa sasabihin ko.” “Ang sampung bangkay na narito sa inyong harapan ay ang mga nagtangkang pumasok sa Primero at nag-ispiya,” “Isang babaeng may peklat sa mata ang kasalukuyan naming pinaghahanap,” sabi niya. Lihim na napatingin sa direksyon ko si Zenaida. “Isa sa mga babaeng narito ay napatunayang may koneksyon sa kaniya.” Biglang nanlaki ang aking mga mata nang marinig iyon. Napahamak ba si Marielle nang dahil sa akin? Namatay ba siya nang dahil sa akin? Bakit ang kaisa-isang heneral at pinagkakatiwalaan ng hari ang pumunta rito upang hanapin ako? Nalaman na ba nila ang aking balatkayo? Hindi naman siguro isang heneral ang mag-aasikaso sa kaso ko kung isa lamang akong kawatan, hindi ba? “Ngayon ay sasabihin niyo sa akin kung ano ang pangalan ng babaeng may peklat at kung sino ang mga taong may kaugnayan sa kaniya.” Nanginginig ako sa kaba at lalo akong nag-aalala para sa aking ina na hindi ko mahagilap. Alam din nilang may kaugnayan ako kay Amihan kahit sabihin nilang hindi ako isang Alcantara. Isang mapait na ngiti ang aking pinakawalan nang mapagtantong tama nga ang naging trato sa akin ni ina. Ako nga ang makakasira sa ipinundar ng aking kapatid kaya lagi nila akong itinatakwil. Kumbaga ako ang mga tinik sa kaniyang rosas. “S-Si Hiraya ba tinutukoy niyo?” Isang babae ang nagsalita at tumango naman ang lahat. Mukhang walang kahit isa rito ang hindi nakakakilala sa isang baliw na kagaya ko. “Nasaan siya?” tanong ng komander. “Nakita ko siya kanina, hinahanap niya ang kaniyang ina,” sabi ng isang babaeng pamilyar sa akin. Kapitbahay namin ‘yon ah! Hindi ako maaaring tumunganga dito at alam kong makikita rin nila ang pinagtataguan ko. Kapag nadamay pa ang pangalan nila Norjannah, baka ako pa ang dahilan na mabunyag ang kanilang grupo. “Kumalma ka, Hiraya,” bulong sa akin ni Zenaida nang makitang natataranta ako. “Maghintay ka sa tagubilin ni pinuno kung ayaw mong pagsisihan mo ulit ang maging bunga.” “Ngunit ito na ang aking pinagsisihang bunga,” pagdiin ko. Ito na ang karma magmula pa noong napagdesisyunan kong magnakaw ng mga libro at mag-aral. Ito ang aking reyalidad. “Dumaan ka sa likod at may kabayong naghihintay sayo doon,” bulong sa akin ni Norjannah. “Inatasan ko na si Amanda bago pa dumating ang mga kawal dito. Maghintay ka sa aking senyas bago ka umalis.” Tumango ako at nagpatuloy sa pagmamasid sa heneral at sa mga tao. Sinubukan ko pang hanapin ang aking ina at baka nandoon lamang siya ngunit hindi ko siya mahagilap. “Alam niyo ba kung saan siya kasalukuyang naninirahan ngayon?” tanong ng heneral. “A-Ang alam ko po’y alipin siya ni Cayabyab,” sagot muli ng kapitbahay namin. Aba, ang dami niyang alam ah. “Nasaan ang bahay na iyon?” “Hiraya, umalis ka na,” bulong sa akin ni Norjannah. Nag-aalala ko siyang tinignan kaya ngumiti siya. “Huwag kang mag-aalala, walang mangyayari sa amin.” Tumango na lamang ako at dahan-dahang gumapang patalikod. Nakabukas na ang likurang pinto ng tindahan kaya hindi na ako mahihirapan pang itulak iyon nang hindi napapansin. Masyado kasing kita ang tindahan sa kinaroroonan ng mga kawal at mainit na ang kanilang mga mata dahil nabanggit na ang pangalan ng pinuno. Nang makalabas ako, nandoon nga si Amanda katabi ng isang itim na kabayo. Nang makita ako, kaagad niyang tinanggal ang tali at inilapit sa akin. “Dumaan ka sa tinahak niyo ni Ate Zenaida,” mahinang sabi niya sa akin. Nang makitang nag-aalangan ako, kumunot ang kaniyang noo. “Hindi ka ba marunong sumakay ng kabayo, ate?” “M-Marunong,” pagsisinungaling ko. Nakalimutan ko kung paano ko sinakay ang kabayo noong hinabol ako ng mga kawal sa Segundo. “Papaluin ko lang diba?” Hindi makapaniwala si Amanda sa kaniyang narinig at aangal na sana ngunit nakarinig kami ng putok ng isang baril. Nagulat kaming dalawa at napatakbo siya sa loob ng tindahan at ang kabayo naman ay nataranta rin. “Sandali, kumalma kang hayop ka!” sigaw ko sa kabayo. Hindi niya yata ako narinig kaya agad kong isinuot ang itim na bandana at tinakpan ang aking mukha bago ako mabilis na sumakay. Muntik pa akong mahulog dahil agad siyang tumakbo palayo. Ginabayan ko ang kabayo at dumaan kami sa tinahak namin ni Zenaida kanina. Mukhang alam na ng kabayo ang daang ito at hindi ako nahirapang sakyan siya. Mabuti na lamang at walang mga tao at lahat sila’y nakaluhod sa harapan ng heneral. Akala ko’y magiging madali lamang ang lumusot ngunit bago ko pa matahak ang daan, may isang kawal ang nagpapatrolya at agad niya akong nakita. Mabilis siyang sumakay sa kaniyang kabayo at pumito. “Narito ang kriminal!” sigaw niya. Binilisan ko pa ang takbo ng kabayo at medyo nakahinga nang makitang sinusunod ako ng hayop. Napamura ako nang makitang sinundan ako ng lima pang kawal kasama na ang heneral. Nahirapan pa akong kontrolin ang kabayo dahil patuloy sila sa pagpapaputok ng baril at nararamdaman ko ang pagkasindak ng kabayo. Hindi ko matahak ang daang iyon at baka malaman pa nila ang sekretong daanan ng mga rebelde kaya iniba ko ang direksyon ng kabayo. Sa kabila ako dumaan at kahit alam ko kung ano ang naghihintay sa akin. Sa dulo ng daang iyon ay ang tinatawag naming lawa ng mga patay. Doon tinatapon ang mga bangkay na hindi nakilala o di kaya’y hindi mailibing dahil itinuturing na mga kriminal. Malalim ang tubig at napapaligiran ng mga kahoy ang lawa. Masagana ang mga halaman at maging ang mga isda dahil ang pataba ay mga patay na tao. Napahinto ako nang tumapat ako sa lawa. Wala na akong iba pang mapupuntahan kundi ang lawang iyon. Naririnig ko na rin silang nakasunod sa akin at nagpatuloy sila sa pagputok ng baril. Mukhang dinala ko ang aking sarili sa mismong libingan ko. “Hiraya!” Napalingon ako nang makita ko si Prinsipe Isaiah sakay ang puting kabayo. Nasa kabilang dulo siya at kahit nakasuot siya ng maskara ay nakilala ko kaagad ang kaniyang boses at ang kabayong sakay niya. Bigla akong nabuhayan ng loob. Kinuha ko ang aking punyal at sinugatan ang sarili kong kamay. Hinayaan kong tumulo ang dugo sa balat ng kabayo at sa lupa. Sinugatan ko rin ang kabila kong palad at pinaliguan ang kabayo ng aking dugo. Sinugatan ko rin ang aking balikat. Nang makalapit na ang mga kawal sa akin ay pinatakbo ko kaagad ang kabayo papunta sa lawa. Nakatago ang prinsipe at bumaba na siya sa kaniyang kabayo. Ibinaba ko ang aking bandana saka ngumiti. Bakit palagi kang nandiyan sa tuwing ako’y nanganganib? Nang mapunta sa malalim na parte, hinulog ko ang aking sarili sa lawa at hinayaang yakapin ako ng mapayapang tubig. Nagtitiwala akong kahit anuman ang mangyari, kahit ilang beses ko nang sinuway ang utos ng prinsipe, masasagip niya pa rin ang hangal kong pagkatao. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD