KABANATA 30 - PAKIKIRAMAY

2084 Words
Kabanata 30 - Pakikiramay TW/ Mga salita at eksenang hindi angkop sa mga bata “Kailangan nating gumawa ng paraan upang masigurong ikaw ang magiging reyna, anak.” Kanina pa ako nakasunod sa mag-amang Homobono at ngayon ay nakapasok ako sa kanilang silid. Kanina ko pa inaalala ang bawat detalye ng kwarto upang malaman ko kung paano ko sila wawasakin. Kaninang madaling araw ako nakapasok at naghintay lamang upang marinig ang kanilang usapan. “Ngunit ano ang gagawin mo sa aliping iyon, ama?” naiiritang tanong ni Lolita. Nakatalikod siya sa akin at nakaupo sa harap ng kaniyang ama. Nakatago ako sa isang mesa kung saan nakapatong ang iba’t ibang mga regalo na hindi ko alam kung saan galing. Maluwag ang kanilang silid at maraming mga sekretong daanan at pinto sa bawat sulok. Hindi mo agad iyon makikita ngunit dahil pinag-aralan ko na ‘to, hindi na ito isang sekreto sa akin. Isa na sa mga daanang namataan ko’y nasa ilalim ng mesa kung saan sila nag-uusap. “Bakit ka ba naapektuhan sa kaniyang presensya? Isa lamang siyang alipin,” sagot ng kaniyang ama. “Isa nga lang siyang alipin ngunit hindi ko alam kung paano niya nakuha ang kalooban ni Reyna Mimosa,” nangangalaiti niyang wika. Gusto kong matawa sa kaniyang katangahan. “Hindi naman ang reyna ang namumuno sa Servorum, anak,” sagot ng kaniyang ama. Napakrus na lamang sa kaniyang dibdib si Lolita. “Ngunit ayaw ko pa rin sa kaniya!” pagmamaktol ni Lolita. Mahinang tumawa ang kaniyang ama at inabot ang ulo ng kaniyang anak upang haplusin ito. “May surpresa ako para sayo,” sabi ni Fernandez Homobono. “Makakarinig ka ng isang magandang balita mamaya.” “Anong sapatos na naman ba iyan?” “Hindi isang materyal na bagay,” natatawang sagot ni Fernandez. Mukhang kinagigiliwan niya ang kaniyang anak. Maya’y maya’y may narinig akong isang katok sa pinto. Inayos ko ang aking posisyon upang makita ko kung sino ang pumasok. Isa siya sa mga tauhan ni Fernandez. “Papunta na ang heneral sa Tercero upang hulihin ang babaeng sinasabi mo, pinuno,” bungad ng kaniyang tauhan. Bigla akong kinabahan sa aking narinig. Isang malaking ngisi ang sumilay sa labi ni Fernandez at walang salitang pinaalis ang kaniyang tauhan. “Ano ang ibig niyang sabihin, ama?” tanong ng nagtatakang si Lolita. “Pinasuri ko ang pinanggalingan ng aliping kinasusuklaman mo. Nang dahil sa aking imbestigasyon, nalaman ko kung sino ang magnanakaw na hinahanap sa Segundo.” Pinigilan ko ang aking sarili na sumugod at isaksak ang dala-dala kong punyal sa kanilang mga bibig. Ganito talaga sila kababa at dadamayin nila ang aking pamilya kahit wala naman akong ginawang masama sa kanila. “Ano naman ang mayroon doon?” “May kaugnayan siya sa aliping kinasusuklaman mo. Kapag napatunayan ang kanilang ugnayan at nahuli ang alipin, may rason ka na upang kitilan ng buhay ang kandidatang iyon.” Tila kuminang ang mga mata ni Lolita at daig pa ang nanalo sa seleksyon sa sobrang tuwa. Kulang na lamang ay bigyan siya ng medalya o hindi kaya’y isang korona mismo. Nanganganib ang buhay ng aking ina at kapatid. Kailangan ko munang hintayin na sila’y makaalis bago masabihan ang prinsipe. Nawa’y hindi pa huli ang lahat at hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung mapalagay sila sa panganib nang dahil sa akin. Labis ang isinakripisyo ni Hiraya at ng aking ina upang makarating ako sa palasyo nang buhay. Bawat minuto kong sinisisi ang aking sarili sa katotohanang naging isang kriminal ang aking kapatid dahil sa isang bagay na hindi naman dapat pinagkakait sa amin. Ilang minuto akong naghintay doon at tiniis ang walang kwenta nilang pag-uusap. Kailangang asikasuhin ni Fernandez ang isinagawang operasyon sa Tercero kaya umalis siya. Sumama na rin ang kaniyang impaktang anak. Nang makaalis sila, inisa-isa ko kaagad ang mga sekretong pintuan at tinignan ang bawat silid. May tatlong pinto akong nabuksan ngunit nagdadalawang-isip ako at baka may patibong. Sa huli, napagdesisyunan kong buksan ang nasa ilalim ng mesa. Tinignan ko muna ang paligid bago ko kinuha ang aking patalim at tinunton ang bawat bakas at palantandaan na may pinto. Mahina ko pang tinulak ang mesa at nang makita ko na ang sara, inangat ko iyon gamit ang aking maliit na patalim. Nang mabuksan, kumunot ang aking noo at masyadong madilim sa baba. Mukhang malalim pa ang patutunguhan ng sekretong daanan na aking nabuksan. Tuluyan ko nang tinulak ang mesa sa gilid at nakita ko ang hagdananan pababa. Bago bumaba, kumuha muna ako ng lampara at sinindihan iyon. Walang takot at mabilis kong tinahak ang hagdan at kailangan ko pang pigilan ang aking ubo dahil sa mga alikabok na sumalubong sa akin. Nang maaninag ko na ang silid, wala akong nakita kundi isang mesa na puno ng iba’t ibang klase ng papel at napakaraming larawan. May ilan ngang nakadikit sa pader at iba’t ibang pahayagan din ang nakasabit saan-saan. Kumunot ang aking noo at hindi ko inaasahan na ganito ang laman ng silid na ito. Malabo ang mga larawan nang sinubukan kong tignan at hindi ko matukoy kung ano ang mga nasa larawang iyon. Nang itapat ko sa lampara, muntikan akong mabuwal sa aking nakita. Nasa bibig ng isang babae ang ari ng isang di-kilalang lalaki. Malaki ang kaniyang ngisi habang hawak pa ang isa na namang ari. Iginuhit iyon ng isang pintor sa detalyadong paraan kaya agad kong natukoy kung sino ang babaeng iyon. Lolita, Lolita, ito ba ang pinagkakaabalahan mo? Hindi na ako nagtagal at agad na umakyat matapos kong kumuha ng mga ebidensya. Sinigurado kong wala akong naiwang bakas bago lumabas ng kanilang kamara. Mabuti na lamang at walang taong nakamasid paglabas ko at mukhang abala sila sa naging operasyon sa Tercero. Nakakabahala ang katahimikan kaya nanatili akong alerto bago tuluyang nakalayo mula sa kanilang lugar. Kapag nalaman ng reyna ang ginawa nila sa Tercero, paniguradong magagalit si Reyna Mimosa. Hinanap ko si Prinsipe Isaiah upang ibalita sa kaniya ang aking natuklasan ngunit hindi ko siya mahagilap. Sakit na talaga ng prinsipe ang bigla-biglang naglalaho, mabuti na lamang at hindi maiksi ang aking pasensya. Pumunta ako sa kaniyang silid ngunit wala rin siya doon. Posible kayang nalaman na niya ang nangyari sa Tercero? Sumugod kaya siya mag-isa? “Ang sabi mo’y hindi kayo magkakakilala ng aking kapatid, alipin?” Hindi ako basta-bastang nagugulat ngunit sa lamig ng kaniyang boses ay muntikan na akong mapatalon. Nang lingunin ko kung sino ang dumating, hindi ko inaasahang makita ko na naman siyang muli. “Mahal na prinsipe,” bati ko sa kaniya at yumuko. Nag-aalinlangan pa akong itaas ang aking ulo at ayaw ko siyang makita sa hindi malamang dahilan. “May problema ka ba sa likod mo?” tanong niya. Napagtanto kong ilang minuto na rin pala akong nakayuko. “Paumanhin, kamahalan,” mahinang sagot ko saka napalunok. Iniangat ko na ang aking tingin at nag-iisip na ng paraan upang matakasan siya. “Nakita ko ang aking kapatid kanina sakay ng kaniyang kabayo, tila’y may hinahabol at ang bilis magpatakbo ng kabayo,” sabi niya. Tila nakahinga ako ng maluwag at malaki ang tiwala ko sa prinsipe na malulutas niya ang suliranin. “Mauna na ako, kamahalan,” pag-iwas ko sa kaniya at pilit na lumusot ngunit hinaharangan niya ako. Kinakabahan ako at may alam siya sa ginawa ko kay Prinsesa Alona at sana naman ay hindi niya iyon iuungkat. “Bakit ka ba nagmamadali? Hindi kita lalasunin,” tila’y pang-aasar niya. Kahina-hinala, sa pagkakaalam ko’y hindi ganito kakulit ang ikaanim na prinsipe. “May kailangan akong asikasuhin, kamahalan,” mahinahon kong sagot at yumukong muli. Bigla pa akong napalunok bago nagdugtong ng salita, “Patawad.” “Lalasunin mo ang binibining anak ni Fernandez?” Napako ako sa aking paglalakad at dahan-dahang napatingin sa kaniya. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. “Sabihin na lamang nating nagkamali ako ng dinig, mahal na prinsipe,” kalmadong sagot ko sa kaniya at sinubukang umalis ngunit hinawakan niya ang aking kamay. Napasinghap ako. “Hinayaan kita noon ngunit nawalan ng buhay ang prinsesa nang dahil sayo,” walang emosyong sabi niya. “Maaari bang bitawan mo ako, kamahalan?” mahinahong sagot ko. Nanatili akong kalmado dahil alam kong gusto niya lamang akong galitin. “Ganiyan ba ang ugali ng isang taong nakapatay?” pang-uudyok niya pa. Hinila ko ang aking kamay mula sa kaniya. “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo, kamahalan,” sabi ko at yumukong muli. Ayaw kong magpadala sa kung anuman ang kaniyang balak. Hindi ko siya mabasa. “Hindi ko hahayaang ikaw ang magiging reyna.” Doon na umurong ang aking dila at hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Bigla akong napangita at matamis siyang tinignan. “Wala naman siguro sa inyo ang may gustong maging reyna ang isang katulad kong alipin lamang at naiintindihan ko iyan, kamahalan,” nakangiting sabi ko sa kaniya. “Ang pagiging isang reyna ay walang pinagkaiba sa isang alipin, mahal na prinsipe,” dugtong ko. “Sunod-sunuran lamang sa mga lalaki kahit may korona pang nakalagay sa kaniyang ulo. Ang reyna’y isa lamang palamuti sa gilid ng hari. Hindi ba’t karapat-dapat ako at simula pagkabata’y isa akong alipin?” Ang akala ko’y magagalit siya o maiinis sa kompyansa ko sa aking sarili ngunit isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi. Inilapit niya ang kaniyang katawan sa akin at unti-unti akong napaatras. Hindi siya tumigil hanggang sa wala na akong maatrasan. “Kaya ayaw kong ikaw ang maging reyna,” sabi niya at inilapit ang kaniyang mukha sa akin. Kakaibang kaba ang dumaloy sa aking dugo. Bakit ba inilalapit niya ang kaniyang mukha sa akin? “Ramdam ko ang iyong mga intensyon kahit anong klaseng pagpapanggap ang gawin mo sa aking harapan,” sabi niya at hinawakan ang aking pisngi. Pinigilan kong sakmalin ang kaniyang mukha. “Mala-anghel ang iyong mukha ngunit isa kang demonyo. Huwag husgahan ang isang libro base sa kanyang balat.” “Akala ko ba’y isa akong libro na gusto mong basahin, mahal na prinsipe?” walang takot na sagot ko pabalik at tinanggal ang kaniyang daliri sa aking pisngi. Inilapit ko ang aking mukha sa kaniya. “Hindi mo pa nga ako nakikilala ngunit isa na akong demonyo? Akala ko ba’y huwag husgahan ang balat?” “Demonyo ka man o isang anghel, wala akong pakialam,” sabi niya. Hinawakan niya ang aking ulo at inilapit ang labi sa aking tenga, “Hindi para sa iyo ang trono.” “Isa lamang akong hamak na alipin, kamahalan. Hinding-hindi ko magagawa ang pumatay,” sagot ko. “Hindi kikitilan ng buhay ang mag-inang monarko kung walang sinabi ang mahal na hari.” “Kung ibang tao ang kausap mo ngayon, kanina ka pa pinarusahan,” sabi niya. Lumayo na siya sa akiin kaya nakahinga ako nang maluwag. “Mabuti na lamang at hindi,” sagot ko at mabilis na umalis. Napagtanto kong hindi pala ako humihinga kaya nang makalayo ako, hinabol ko na ang aking hininga. Hindi ko alam paano ako nanatiling kalmado at isang prinsipe ang nag-akusa sa akin. May rason na siya upang parusahan ako ngunit hindi niya ginawa. Sinasabi niyang ayaw niya akong maging isang reyna ngunit hinahayaan niya lang ako kahit mabigat na ang naging paratang niya sa akin. Ano nga ba ang sadya ni Prinsipe Isagani? Nang dahil sa pag-uusap na iyon, muntik ko nang makalimutan ang naging pakay ko. Panatag ang aking kalooban na nalaman na ni Prinsipe Isaiah ang naganap na kaguluhan at nagtungo na siya sa Tercero upang bigyan iyon ng solusyon. Kahit hindi niya man aminin, ramdam kong pinapahalagahan niya ang aking kapatid. Isinasaalang-alang niya ang kaligtasan ni Hiraya at gagawin ang lahat upang manatili siya sa tabi ng prinsipe. Pinagpapasalamat ko iyon at nang dahil sa kaniya’y ligtas pa rin hanggang ngayon ang aking kapatid na ilang beses nang nagkamali. Habang naglalakad ako papunta sa aking silid, biglang pumatong ang isang ibon sa aking balikat. Nang makitang si Arda iyon, mabilis kong kinuha ang sulat na nasa kaniyang bibig at palihim na binasa sa isang gilid. Hindi ako makapaniwala sa mga letrang aking binabasa. Amihan,  Isang hindi inaasahang tao ang nandito upang sugpuin ang babaeng may peklat. Huwag kang mag-aalala at ligtas ang iyong ina. Sinubukan naming itakas si Hiraya kaso hinabol siya ng mga bantay at napunta sa lawa ng mga patay. Dumating din ang prinsipe ngunit huli na ang lahat. Si Hiraya ay naging isa na sa mga katawang nasa lawang iyon. Ako’y nakikiramay. Nagmamahal, Zenaida. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD