"So, Miss, ano nga ba talagang nangyari sa'yo?" tanong sa akin ng pulis na ngayon ay prenteng nakaupo na sa upuan na gawa sa monoblock at malapit sa akin.
"May mga naaninag kasi akong grupo ng mga lalaking humahabol sa'yo kagabi. Kilala mo ba sila?" dagdag nitong tanong sa akin, na siyang ikinabuntong-hininga ko nang mahina.
"Hindi," kaagad kong sagot dito.
"Hindi mo man lang ba sila namukhaan?"
"Bakit mo ba tinatanong sa'kin ang mga 'yan?" malamig kong sagot sa kanya, bago ako tuluyang mag-angat ng tingin sa kanya.
"Miss, may kutob kasi ako na 'yung mga lalaking humahabol sa'yo no'ng gabing iyon ay kasapi ng isang gang na hinahanap ko. Pwede kang makipagtulungan sa amin para mahuli sila, at para na rin mapagbayaran nila ang kung ano'ng...k-kung ano man ang g-ginawa nila sa'yo," sagot nito sa akin, na siyang bahagyang ikinakunot ng noo ko. Para kasing hindi niya tuluyang masabi sa akin ang gusto niyang sabihin na nangyari sa akin.
"Teka? Iniisip kaya niyang...n-na-rape ako?" Bahagya kong napailing dahil sa pumasok sa isip ko.
"Hindi, wala silang nagawa sa akin. Sa katunayan nga, hinahabol nila ako dahil marami sa mga kasamahan nila ang nasaktan ko," nasabi ko rito nang wala sa oras.
"Sinaktan mo? Ano'ng ibig mong sabihin?" kaagad naman nitong tanong sa akin. Pero hindi ko na nagawa pang magsalita ulit dahil hindi na ako komportable sa sitwasyon namin ngayon. Isa pa ay hindi ko rin naman siya matutulungan dahil ni isa sa mga lalaking 'yun ay hindi ko kilala at hindi ko na matandaan ang mga itsura.
"Kailangan ko nang umalis, salamat na lang sa tulong mo." Wala sa oras na tumayo ako mula sa pagkakaupo ko rito sa hospital bed, hindi na rin naman ako nahihilo kung kaya't nagawa ko na ring makatayo nang tuwid.
"Teka! Sandali, ano bang pangalan mo?" sunod na tanong sa akin ng pulis, na ngayon ay napatayo na rin sa pagkakaupo nito para pigilan ako sa akma kong pag-alis.
Hindi ko na lang ito pinansin at hindi na rin ako nagpapigil pa, iniwasan ko lang siya para makadaan ako nang maayos. Nang makalabas na ako sa parang kurtinang divider ay kaagad namang bumungad sa akin ang ibang mga pasyente dito sa hospital. May kanya-kanya rin silang higaan at divider na kurtina lang ang humahati sa bawat kama ng mga pasyente. Nakikita ko rin ang ilang mga nurse na umaalalay sa mga pasyente at nagbibigay ng gamot. Bahagya akong nakahinga nang maluwag no'ng ma-realize kong hindi naman pala ito ang hospital na tinakasan ko no'n, mabuti na lang.
Ilang segundo lang ay hindi na ako nagdalawang-isip pang kaagad nang humakbang para pumunta sa exit door nitong hospital. Hindi pa ako nakakalayo ay narinig ko na ang pagtawag at pagpigil sa akin ng pulis.
"Miss! Sandali!"
Hindi ko na lang siya pinansin at kahit na lingunin pa siya ay hindi ko na rin ginawa. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko na ang kinalalagyan ng exit door nitong maliit na hospital. Sa tingin ko ay inabot pa nang halos isang minuto bago ko narating nang tuluyan ang harapan ng pinto na gawa sa glass. Kaagad ko na itong hinila para mabuksan at no'ng nabuksan ko na ito ay tuluyan na rin akong humakbang papunta sa labas. Dito ay sumalubong naman sa akin ang parang isang maliit na park sa hindi kalayuan, pero wala namang katao-tao. Napatingala ako sa langit dahil sa sobrang init, tirik na tirik ang araw, siguro ay alas dose na ngayon ng tanghali. Iginala ko pa ang mga mata ko sa paligid para lang makita ang daan paalis sa lugar na ito, sandali naman akong napasinghap no'ng makita ko na rin ang exit.
Hindi na ako nagdalawang-isip pang tumakbo para lang makarating na ako kaagad doon, habang tumatakbo ay tsaka ko lang din namalayan na nakapaa pa rin pala ako. Sobrang init ng semento at bawat pagtapak ng talampakan ko rito ay parang masusunog ito rito. No'ng tuluyan na akong makarating dito sa pinaka-exit ng lugar ay sandali na akong natigilan. Bumungad na kasi sa akin ang isang mahabang kalsada, pero mangilan-ilan lang ang sasakyan na nakikita ko at halos tricycle lang din ang mga ito. Ilang segundo pa ay nangunot na lang ang noo ko no'ng mapadaan sa harapan ko ang isang tricycle at driver nito, may pasahero itong dalawang ginang sa loob at kitang-kita ko kung paano nila ako tignan mula ulo hanggang paa.
Nang makalampas na sila sa akin ay roon ko lang din sinipat ang buong katawan ko at ang suot ko. Siguro ay inisip na rin kaagad nila na isa akong pasyente dahil suot ko pa rin hanggang ngayon ang hospital gown na nanggaling sa hospital na tinakasan ko.
Napabuntong-hininga na lang ako bago ko tuluyang ibalik sa mahabang kalsada ang paningin ko, hindi ko alam kung saan ako pupunta pero mas pinili ko pa rin ang maglakad at landasin ang gilid nitong kalsada. Naririnig ko pa ang mga sasakyan na papadaan at halos nagsunod-sunod iyon, nang makalampas na sila sa akin ay roon ko lang nakita na tatlong kotse ang dumaan. Sa paglalakad ko ay natatanaw ko na ang ilang mga bahay sa paligid, may convenience store din at maging drug store na para bang pinasadya lalo na't malapit lang sila sa hospital na pinanggalingan ko.
"Miss! Sasakay ka ba?" sigaw na tanong sa akin ng isang tricycle driver, na ngayon ay naririnig kong papahinto na rin ang minamaneho nitong tricycle malapit lang sa likuran ko. Wala sa oras na nilingon ko ito para sabihang, "Wala akong pera, hindi kita mababayaran," sa sinabi kong 'yun ay nakita ko ang bahagyang pagngiti sa akin ng tricycle driver, sa itsura nito ay mukhang nasa edad 50 na ito.
"Hindi naman talaga ako pumapasada eh, nanggaling lang din kasi ako sa hospital at nakita kita. Gusto mo bang sumabay papunta sa bayan? Kaysa naglalakad ka riyan nang tirik na tirik ang araw," sa sinabi niyang 'yun ay hindi ko pa rin naiwasan ang magdalawang-isip. Hindi dapat ako nagtitiwala sa kahit na sino, lalo na't hindi ko naman sila kilala. Pero, mukhang totoo namang gusto lang talaga niya akong isabay dahil naaawa siya sa akin.
"May susundo ba sa'yo rito?" dagdag nitong tanong sa akin, na siyang marahan ko lang na inilingan.
"W-Wala."
"Eh, kung gano'n tara na."
Hindi ko na lang naiwasan ang mapabuntong-hininga bago ako tuluyang humakbang palapit sa tricycle nito. Ilang segundo lang ay sumakay na rin ako nang tuluyan sa loob ng tricycle nito at pagkatapos no'n ay sinimulan na rin ulit niyang paandarin ito.
"Bahala na, kung may gawin man siyang masama. Alam ko nang kaya kong protektahan ang sarili ko."