Tulad nga ng sinabi ni manong driver ng tricycle ay ibinaba niya ako sa bayan. Hindi ako sigurado kung saan siya pupunta pero mukhang sa isang supermarket na rin ito nagtuloy pagkatapos niya akong iwan. Kahit medyo nag-alinlangan ako sa kanya ay nagpasalamat pa rin ako dahil naging totoo siyang gusto niya lang akong matulungan. Tirik na tirik ang araw at nagpalaboy-laboy nanaman ako sa kalsada, halos hindi ko na rin matandaan kung ano'ng mga lugar ang napuntahan at nadaanan ko. Kahit kumain ng tanghalian ay hindi ko na nagawa dahil wala man lang akong mapagkuhanan ng pagkain, daig ko pa ang isang pulubi sa kalagayan ko ngayon. Para tuloy akong isang ligaw na hayop na patuloy lang sa paglalakad-lakad kahit hindi naman talaga alam kung saan pupunta.
Natigilan ako sa paglalakad no'ng mapansin kong umilaw ang mga street lights sa daan, maging ang mga signboard ng mga stores ay nagliliwanag narin. Kahit ang mga mataas na building ay punong-puno na rin ng mga ilaw, magaganda at tamang-tama lang para sa madilim na gabi. Oo, inabot na ako ng gabi sa paglalakad ay hindi ko pa rin alam kung saan ako pupunta, saan nga ba ako dapat pumunta? Hindi ko talaga alam.
Basta ang alam ko lang, kailangan kong malaman kung sino ba talaga ako. Kung ano'ng pangalan ko, may mga magulang pa ba ako? Saan ako nakatira. Hindi ko na lang naiwasan ang mapabuntong-hininga at sobrang lalim nito, nakakaramdam nanaman kasi ako ng gutom at sobra na rin ang pagkalam ng sikmura ko. Pero hindi ako pwedeng sumuko, kailangan kong maging matatag at malakas, hindi ko man magawang magtiwala sa ibang tao, gagawin ko pa rin ang lahat para mabuhay.
Iginala ko ang mga paningin ko sa paligid na siyang naging dahilan naman para masipat ko ang isang park sa hindi kalayuan. Maliwanag doon at parang marami ring tao ang nandoon, bahagya kong nakagat ang ibabang bahagi ng labi ko bago ako tuluyang humakbang at maglakad papunta sa kinaroroonan ng park.
Nang makarating na ako nang tuluyan dito sa park ay hindi na naiwasan pa ng mga taong nandito ang tumingin sa akin. May ibang tao na bigla na lang lumayo no'ng mapansing papalapit ako sa kinaroroonan nila, sana lang ay hindi nila iniisip na isa akong baliw at galing sa mental dahil sa suot kong hospital gown ngayon. Labag man sa loob ko ay namulot ako ng isang plastic cup sa may basurahan, pagkatapos nito ay humanap na rin ako ng pwesto na pwede kong upuan. Nang igala ko ulit ang mga mata ko sa paligid ay naagaw ng paningin ko ang isang matandang babaeng namamalimos sa hindi kalayuan.
Napansin kong mangilan-ilan lang ang mga taong humihinto sa harapan niya para maghulog ng barya sa latang nasa harapan niya ngayon. Hindi ko tuloy naiwasan ang magdalawang-isip sa balak kong gawin ngayon, kung mamamalimos din ako kagaya niya ay pwede ko pang maagaw ang mga taong sana'y magbibigay na ng limos para sa kanya. Sa sitwasyon niya ay mukhang mas nangangailangan pa ito ng pera kaysa sa akin, kaya naman naisipan kong huwag na lang ituloy ang balak kong pamamalimos.
Napansin kong nakatingin pa rin sa akin ang ibang mga tao rito sa park at parang hindi sila gaanong komportable na malapit ako sa kanila. Kaya naman imbes na hintayin pa silang umalis ay ako na lang mismo ang umalis, wala na akong pakialam kung ano ang mga iniisip nila tungkol sa akin. Manghusga sila hangga't gusto nila at wala na akong pakialam doon.
Ilang segundo lang ay natagpuan ko nanaman ang sarili kong naglalakad dito sa gilid ng kalsada. Busina at ingay ng mga sasakyan lang ang halos pumapasok at lumalabas sa mga tenga ko. Hindi ko na rin marinig ang pagkulo ng tiyan ko dahil sa ingay, pero ramdam ko na ang unti-unting paghapdi nito. Kung hindi ako kumain ng agahan ay siguradong sobra na ang sakit nito ngayon, mabuti na lang at kahit paano'y nakakain ako kanina roon sa hospital.
Ilang hakbang pa ang ginawa ko at narating ko ang isang tulay, mula rito sa gilid ng tulay ay sinubukan kong tanawin ang ibaba nito. Sa tulong ng maliwanag na buwan ay naaninag ko ang madilim na tubig sa ibaba ng tulay, mukhang mahaba ang ilog na ito. Sandali akong natigilan para pagmasdan ang ilog kahit na dilim lang ang nakikita ko mula roon, hindi ko alam kung nasaan ako ngayon, pero sana lang ay tulad ng pag-agos ng tubig sa ilog ay maagos din ako ng pagkakataon sa lugar na pinanggalingan ko.
"S-Sandali! Miss!" Nangunot ang noo ko no'ng marinig ko ang sigaw ng isang boses lalaki. Hindi naman ako sigurado kung ako ba ang kinakausap nito, kaya naman hindi na ako nag-abala pang hanapin ang lalaking sumisigaw sa paligid ko.
"Huwag mong gawin 'yan! Maghunos-dili ka!!!" sigaw ulit ng isang lalaki at mukhang siya rin lang din 'yung narinig kong sumigaw kanina.
Ilang saglit lang ay bigla na lang akong natigilan no'ng maramdaman ko ang mahigpit na paghawak ng dalawang kamay sa mga braso ko. Wala sa oras na iniharap ako nito sa kanya, na siyang kaagad na ikinalaki ng mga mata ko.
"Ano ba?! Ganyan ba talaga kalaki ang problema mo para magpakamatay ka?!!" singhal sa akin ng lalaking kaharap ko na ngayon habang mariin akong niyuyugyog sa mga braso ko. Hindi ko na napigilan pa ang pagkunot ng noo ko dahil sa mga sinasabi niya sa akin ngayon.
"Ano bang pinagsasasabi mo?"
"Kung kailangan mo ng tulong, tutulungan kita! Huwag lang ganito. Huwag mong sayangin ang buhay mo!"
"T-Teka, kilala kita ah," sagot ko sa kanya, kasabay ng paniningkit ng mga mata ko. No'ng sigurado na ako na siya ito ay kaagad ko na akong kumilos para alisin ang mga kamay niyang mahigpit na nakahawak sa mga braso ko.
"Sinusundan mo ba ako?! Ha!"
"H-Hindi, napadaan lang ako rito kaya kita nakita," kaagad na sagot nito sa akin. Hindi ko alam kung totoo ang mga sinasabi niya dahil may posibilidad pa rin na umalis din siya kaagad sa hospital para sundan ako. Mukhang walang balak na tumigil sa pangungulit sa akin ang pulis na 'to, tsk.
"Ano bang problema mo, Miss? Bakit mo gustong magpakamatay!" dagdag na sabi nito sa akin, na siyang ikinakunot naman ng noo ko.
"Ano'ng magpapakamatay ang sinasabi mo?! Hindi ako magpapakamatay!" bulyaw ko sa kanya, bago ako tuluyang mapailing sa pagkadismaya. Gustong-gusto kong mabuhay tapos iisipan niya ako ng ganito?
"G-Gano'n ba? Eh, kung gano'n pasensya na! Bakit ba kasi nandito ka? Huwag mong sabihing umalis ka sa hospital para lang puntahan ang ilog na 'to? Bakit ano bang meron dito?"Kaagad itong dumungaw sa ibaba ng tulay na para bang may kung ano'ng hinahanap. Hindi ko na lang tuloy naiwasan ang mapangisi sa kanya, kakaiba rin 'tong pulis na 'to eh.