1
SHE was driving aimlessly. Saan ba siya dapat na pumunta? Kahit na saan siya magtungo, hindi pa rin niya matatakasan ang lahat. Pinahid niya ang kanyang mga luha na hindi maampat sa pagdaloy. Hanggang kailan siya iiyak? Hanggang kailan siya masasaktan? Hindi pa ba sapat ang mga paghihirap niya?
Sino ang maaari niyang sisihin sa nangyari sa kanya? Ang sarili niya o ang mga taong nanakit sa kanya? Bakit niya hinayaan ang kanyang sarili na masaktan nang ganito? Bakit niya hinahayaan ang ibang mga tao na saktan siya? Bakit hindi niya magawang lumaban? Kasalanan ba niya kung nagmahal siya nang husto? Kasalanan ba niya kung nagawa niyang ipaglaban ang nadarama niya? Kasalanan bang gawin ang lahat upang makuha niya ang lalaking iniibig?
Siguro nga ay kasalanan iyon. Kasalanan dahil labis-labis ang ibinigay niya. Wala siyang itinira para sa kanyang sarili. Ibinigay niya ang lahat.
Kung maibabalik lamang sana niya ang nakaraan. Marami siyang nais na baguhin. Siguro, pakakawalan niya ang pag-ibig niya para sa ikabubuti ng lahat. Hindi niya gagawin ang lahat para sa pag-ibig na iyon. Mag-aaral siya nang husto. Tutuparin niya ang mga pangarap ng mga magulang at kuya niya para sa kanya. Hindi niya ipipilit ang isang bagay na hindi na puwede sa simula pa lang.
Nakakalungkot lamang dahil hindi na siya makakabalik sa nakaraan. Nangyari na ang nangyari. Hindi na niya mababago ang kanyang sitwasyon sa kasalukuyan.
Sana ay malimot na lamang niya ang lahat ng tungkol sa nakaraan niya. Nais niyang matulog at sa paggising niya ay wala na siyang alaala sa anumang tungkol sa nakaraan. She wanted to bury everything in the deepest tissue of her brain. Baka sakaling kapag hindi na siya makaalala ay hindi na niya maramdaman ang hindi maipaliwanag na sakit na nadarama niya ngayon.
Tila nais na rin niyang lisanin ang mundong ito. The pain was just too much to bear. It was slowly killing her soul. Nahihirapan na siyang huminga. Patuloy sa pagdaloy ang mga luha at nanlalabo na ang kanyang mga mata. Pumikit kaya siya at hayaan niyang sumadsad siya sa kung saan? Kapag wala na siyang buhay, wala nang masakit sa kanya. Matatahimik na siguro siya.
If she died today, would he shed a tear for her? Or would he celebrate?
Natigilan siya nang biglang lumitaw sa isipan niya ang isang mukha ng sanggol. Her baby.
“Enid...” naiusal niya.
Marahas niyang pinahid ang kanyang mga luha. Kailangan niyang tatagan ang kanyang dibdib. Hindi niya dapat iniisip ang mga bagay na iyon. She would live for her Enid. Ang anak ang magiging inspirasyon niya sa pagbangon mula sa lusak na kinasadlakan.
Ayaw na niyang baguhin ang anumang mayroon sa nakaraan dahil kay Enid. She couldn’t imagine her life without her. Kung babaguhin niya ang mga desisyon niya noon, hindi ito ipapanganak. Ayaw rin niyang makalimutan ang anak. Ito na nga lang ang nagpapasaya sa kanya, lilimutin pa niya ito? Kung may isang bagay na hindi niya pinagsisisihan sa mga nagawa niya, iyon ay ang pagbibigay niya rito ng buhay. Kung mawawala siya, paano na ang anak? Sino na ang mag-aalaga at magmamahal?
She would live for her. Babangon siya at aayusin niya ang buhay niya para sa anak. Si Enid ang magiging matibay na rason niya upang magpatuloy sa buhay niya. Mawala na ang lahat sa kanya, huwag lamang ito.
Mamumuhay sila nang tahimik sa malayo. Lahat ng pagmamahal sa puso niya ay ibubuhos niya sa anak. She would be okay as long as they were together.
Huminga siya nang malalim. She would live. She would be happy.
Noon siya naging aware sa kinaroroonan niya. Kailangan na niyang bumalik kay Enid. Gabi na pala at kaninang umaga pa siya wala sa piling nito. Halos maghapon na siyang nagmamaneho. Baka umiiyak na ang anak niya. Bakit ba siya umalis ng bahay na hindi ito kasama? Hindi niya hahayaang makuha rin ito ng iba. Kanya lamang ang kanyang anak.
Hindi niya alam kung nasaan na siya. Madilim ang kalsada dahil iilan lamang ang mga poste ng ilaw. Napunta pala siya sa isang liblib na lugar. Noon rin lang niya napansin na matarik ang daan. May bangin sa gilid ng daan. It was a good thing she didn’t meet an accident. Hindi pa siya masyadong mahusay sa pagmamaneho. She had a driver almost all her life.
Naghahanap siya ng maaari niyang pagmaniobrahan nang biglang may bumunggo sa sasakyan niya. Kaagad siyang sinalakay ng takot at kaba. Napatingin siya sa rearview mirror. May black SUV sa likuran niya. Kanina pa ba iyon nakabuntot sa kanya at hindi lamang niya napansin?
Binilisan niya ang pagpapatakbo. Hindi maganda ang pakiramdam niya. Nanginginig na siya sa sobrang takot. Napatili siya nang muli siyang binunggo. Alam niyang sinadya iyon at hindi aksidente. Sa sobrang takot at kaba niya at sa sunud-sunod na pagbunggo sa sasakyan niya ay nawalan na siya ng kontrol sa manibela. Ang sumunod niyang namalayan ay pababa na ng bangin ang sasakyan niya.
Napatili uli siya nang makarinig siya nang sunud-sunod na putok ng baril. Tuluyan na siyang nawalan ng kontrol sa sasakyan niya. Naiyak siya sa takot.
“God, please, no. Please, don’t let me die. I have a baby. My baby. Enid...” aniya sa pagitan ng hagulhol.
Patuloy sa pagbulusok sa bangin ang sasakyan niya. Who wanted to kill her? Hindi pa ba talaga sapat ang mga paghihirap niya upang mangyari pa ito sa kanya?
Mukha ng anak niya ang nasa isipan niya bago sumadsad ang sasakyan. Ramdam niya ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang ulo pagkatapos niyang mauntog sa isang matigas na bagay. Ramdam na ramdam niya ang sakit ng kanyang ulo dahil ilang ulit ding tumama iyon.
Iminulat niya ang kanyang mga mata. Basag ang windshield niya at halos nakalabas na ang katawan niya sa sasakyan.
Hanggang doon na lamang siguro siya. It was her time to rest. Ayaw pa sana niyang iwan ang anak, ngunit wala na siyang magagawa kung ito na ang katapusan. Ang hiling na lamang niya, sana ay alagaan si Enid nang husto ni Anton. Huwag sana nitong pababayaan ang bata. Sana ay magawa nitong mahalin nang lubos ang anak nila. Tanggap na niya na hindi na siya nito kailanman mamahalin, ngunit sana ay magawa nitong mahalin nang husto ang anak na galing sa kanya.
Muling gumalaw ang sasakyan. Napaungol siya nang muli siyang bumulusok pababa. Wala pa pala siya sa dulo ng bangin. Sumadsad lamang pala siya sa isang malaking bato na nakausli.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at tinanggap ang kamatayan.
“I love you, Enid,” bulong niya.