Napapikit siya sa imaheng sinabi nito. Hindi ba’ t iyon ang minsan niyang pangarap? A grand wedding. Nang mga sandaling iyon, naisip niya na sana ay si Vance na lang ang pinakasalan niya. Sana ay hindi na lang niya natuklasan ang panlilinlang nito. Baka sakaling buo pa rin ang paniniwala niya na si Thomas Knowles ang ama niya. Baka sakaling buhay pa ang Tito Mauricio niya ngayon. Mas masaya sigurong mabuhay sa ilusyon. Sa isang mundong gawa-gawa lang. Doon siya sa mundong iyon naging masaya. Mainit na landas ang tinalunton ng luha sa pisngi niya. Akala niya ay wala na siyang iluluha pa. Akala niya ay wala na siyang ibibigay pa. Sa huli ay parang dam na kumawala ang emosyon niya. Tuloy-tuloy sa pag-agos ang luha niya. Hindi lang dahil sa lungkot o pagkaawa sa sarili. Naroon din ang pang

