(AUBREY'S POV)
Hindi man ako nakatulog ng maaga ay nagising pa rin ako ng maaga kinabukasan.
Kagabi ay sinabi sa akin ng kasambahay na si Manang Saling na may ilang nakahanda nang damit para sa akin sa closet. Kaya naman doon na ako kumuha ng pambihis kagabi dahil wala rin naman akong dalang ibang gamit bukod sa shoulder bag ko at wallet.
Minabuti kong maligo muna pagkatapos ay hinanap ko ang daan pababa hanggang sa nakita ko na ang hagdan.
Pagkababa ko sa hagdan ay natanaw ko naman ang pagpasok ni Brendon mula sa labas ng bahay. Pawisan ang buong katawan niya at mukhang kakatapos lang niyang mag-jogging. May hawak pa nga siyang tumbler na agad niyang iniabot sa isang kasambahay na sumalubong sa kanya.
"G-Good morning." Bati ko sa kanya.
Kagabi ay napag-isipan ko nang mabuti ang kinasusuungan kong sitwasyon at nabuo na ang desisyon kong magpapakasal ako sa kanya. Kasi kung hindi, siguradong sa matandang Goryo na 'yon lang ako mapupunta at gagawin lang akong parausan ng matandang iyon at ang malala ay mukhang isi-share pa ako sa ibang kaibigan niya.
Siguradong hahanapin din ako at hindi ako titigilan ni Tatay hanggang hindi niya ako nagagawang pambayad-utang niya.
Kaya dito na lang ako kay Brendon. Gagamitin ko rin ang perang ibibigay niya pambayad sa mga utang ni Tatay. Magtitiis na lang ako at sisikapin kong maging maayos ang pagsasama naming dalawa. Sabi naman niya noon ay maaari kaming magsama bilang totoong mag-asawa, kaya susubukan ko ring magustuhan siya.
Napatingin ako sa pawisang katawan niya lalo na sa sando niyang nabasa na sa pawis at bakat na bakat ang six pack abs niya.
Hindi lang siya mayaman kundi guwapo at maganda pa ang katawan. Hindi na rin siguro masama na sa kanya ako mapupunta.
"Nag-jogging ka—"
"So, have you made up your mind?" putol niya sa sinasabi ko kaya lihim akong napangiwi.
'Yon nga lang, suplado siya, istrikto at bossy. Siguro ay kailangan ko nang sanayin ang sarili ko sa ugali niya.
"Umh, oo. Kagaya pa rin kagabi ang desisyon ko."
Bahagya pa akong ngumiti sa kanya at baka sakaling umaliwalas naman ang aura niya. Pero imbes na ngumiti sa akin pabalik ay ngisi ang isinukli niya.
"Good." aniya bago ako nilampasan.
Napanganga na lang ako. Mukhang kailangan ko ng mahaba-habang pasensiya sa kanya. Kaya naman siguro kinailangan niyang magbayad para magkaroon ng asawa't anak ay dahil walang babaeng nagkakagusto sa kanya. Masyadong suplado! Pasalamat siya dahil kailangan ko ng pera at tulong niya. Kailangan ko siya kaya kailangan kong tiisin ang ugali niya. Hmp!
○○○○○
Pagsapit ng hapon ay dumating nga ang lawyer ni Brendon na si Atty. Guzman. Ipinaliwanag sa akin ng malinaw ni Atty. ang nakasaad sa marriage contract at tama naman ang pagkakaintindi ko nang mabasa ko iyon. Mayroon lang ni-reiterate ang lawyer ni Brendon sa akin. Sabi niya, I will be Brendon's property kapag naikasal na kami. Legal kaming ikakasal pero si Brendon lang ang masusunod tungkol sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pagsasama namin. At matatapos lang iyon kapag nag-divorce o nagpa-annul na kami.
Wala ring ibang tao ang dapat makaalam sa kasunduan namin dahil maihahalintulad daw iyon sa isang business deal. At dahil doon ay magkukunwari kaming nagmamahalan sa harap ng lahat, at gagawa kami ng kuwento kung paano kami nagkakilala at nagsimulang magmahalan.
"If you remain faithful and obedient to Mr. Alcosta and not cause him any problem within 20 years of your marriage or 20 years after annulment, he'll reward you with another 50 million pesos. Now, do you have any question, Miss Pareses?" Tanong sa akin ni Atty. Guzman matapos idiscuss lahat ng nakasaad sa marriage contract.
Magiging tiba-tiba pala talaga ako kapag nakapagtiis ako ng kahit 20 years kay Brendon. Aba, 100 million pesos ang makukuha ko sa kanya kung sakali! Iyon ay kung makakapagtiis ako ng 20 years sa piling niya bilang masunuring asawa o mananahimik ako ng at least 20 years pagkatapos ng paghihiwalay namin. Pero kahit alin doon sa dalawa ay mukhang napakahirap gawin.
"Wala naman, attorney. Pero kay Brendon sana, mayron."
"What is it?" agad namang tanong ni Brendon sa akin.
Napatingin muna ako sa lawyer niya dahil ayaw kong marinig ni Atty. Guzman ang itatanong ko sa kanya. Kumunot ang noo ni Brendon, pero mukhang wala siyang balak paalisin ang lawyer niya.
"If it has nothing to do with the contract, then, I'll excuse myself for a while."
Agad nang tumayo si Atty. Guzman at napatango na lang si Brendon dito. Sumulyap pa si Brendon sa wristwatch niya bago tumingin sa akin ulit na para siyang biglang nainip.
Haay.. Ngayon pa lang ay kailangan ko na talagang magtimpi.
"What is it?"
"Bakit ako? Sa dinami-rami ng babae sa mundo, bakit ako ang in-offeran mo ng milyones kapalit ng pagpapakasal at pagbibigay ng anak sa'yo?" diretsahan kong tanong sa kanya.
Napapaisip din ako kung ano naman kaya ang makukuha niya kapag nakuha na niya ang gusto niya sa akin? Malaking halaga rin kaya? Properties? Mga pamana? O habol lang niya na magkaroon ng anak?
Napataas ang kilay ni Brendon, pagkatapos ay napangisi na naman siya.
Palagi na lang siyang ngumingisi. Kailan naman kaya siya sa akin ngingiti?
"Why you?" ulit niya sa tanong ko. Napasandal siya sa swivel chair niya sabay tingala. Hinimas-himas din niya ang baba niya.
"The truth is... Matagal na kitang nakikita sa iba't-ibang bar. And everytime I see you, palagi kang napapaaway. Inobserbahan kita hanggang sa pinaimbestigahan na kita. Sinabi ko naman dati sa'yo na ayaw ko sa babaing hindi na malinis, right? So that's the main reason why I chose you. Dahil hindi ka malandi. Hindi ka pa nagkaroon ng kahit isang boyfriend so I believe that you're still inexperienced when it comes to s*x. Virgin ka pa naman, 'di ba? Kasi kung hindi na, alam mong wala kang makukuha mula sa akin."
Napaiwas ako ng tingin sa kanya at pakiramdam ko ay nag-blush ako dahil sa mga sinabi niya. Kailangan ba talaga niyang ulit-ulitin na itanong kung virgin pa ako? At kailangan ba talaga niyang sabihin ulit na virgin ang gusto niya?
"Siyempre, virgin pa ako." mahina kong sagot sa kanya at hindi pa rin ako makatingin ng diretso sa mukha niya.
"I also like your attitude. Masipag ka, matapang at palaban. Qualities I like my future wife to have. 'Wag ka nga lang sa akin maging matapang at palaban, because you'll get punished."
Napatitig ako bigla sa mukha niya at hayan na naman ang pagngisi niya. Pero hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong mag-usisa dahil pumasok na ulit ang lawyer niya.
"Are you done talking?" tanong pa ni Atty. Guzman.
"You just got back in time." sabi naman ni Brendon.
Hindi nagtagal ay parehas nang nasa harap namin ni Brendon ang marriage contract.
Kumabog na naman ng husto ang dibdib ko at nanginig ang mga kamay ko.
Pero inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at tapang ko pagkatapos ay hinawakan ko na ang ballpen at sinimulang pirmahan ang bawat pahina ng kontratang nasa harap ko.
Ito na lang ang pag-asa ko para masolusyunan ang problema ko sa pera lalo na ang sangkaterbang utang ni Tatay. Maipapagamot ko na rin siya at sana ay magtino na siya.
Gagawin ko rin ang lahat para maging mabuti at masunuring asawa. Sisikapin kong magustuhan ako ni Brendon at ma-appreciate higit pa bilang contract wife niya.
Susundin ko lahat ng sasabihin niya, pagsisilbihan at aalagaan ko siya, at paliligayahan ko siya sa kama... Bibigyan ko siya ng lalaking anak na gusto niya...