FOUR ❤️

1861 Words
- RINT - Kanina pa ako abala sa blue print na tinitingnan ko. Nire-review ko kung may kulang pa ba sa ginawa ko para naman maayos kong ipapasa ito sa bago naming kliyente. Kung ako ay sobrang abala at seryoso sa trabaho, iyong apat na kulugo naman ay sobrang abala at seryoso rin sa pinagmi-meetingan. Napailing na lang ako sa mga pinagsasabi nila. "Ano ba kasi ang masarap na merienda ngayon? Kanina pa ako gutom eh," sabay himas ni Jim sa kaniyang tiyan. "Kanina ko pa nga sinasabi sa inyo, mag-kwek-kwek or tokneneng na lang tayo. Masarap ang kwek-kwek nila Magda," manyakis na saad ni Brio. "Kwek-kwek at tokneneng na naman? Wala na bang iba? Napupurga na ako kakakain nun eh," nakasimangot na sagot naman ni Anthony. "Maglugaw na lang kaya tayo? Para mainitan ang sikmura natin," saad ni Jim. "Sira ka ba? Ang init-init na nga ng panahon, maglulugaw ka pa?'' "Eh ano nga kasi ang memeriendahin natin huh? Sige nga, magbigay ka ng magandang suhestyon Mr. Brionette Jackson,” nayayamot na sagot ni Anthony. "Jobee." Napalingon ako sa likod ko. Nakita ko si Jason na parang kagagaling lang sa kama at kagigising lang dahil sa magulo nitong buhok. "Ano iyon, Son? May binubulong ka?" Hindi ko na napigilan at tinanong ko siya. "Jobee tayo." Tumayo ito at bahagyang inayos ang magulo nitong buhok sabay hikab. "Punit." At nagkatawanan sa loob nang makita nila ang malaking buka ng bibig ni Jason. "Tama. Jobee na nga lang tayo, miss ko na ang Jolly Spaghetti nila eh." Tumayo na rin si Brio at inayos ang mga nagkalat niyang gamit sa lamesa. "Pass muna ako. Kaka-Jolibee ko lang kahapon eh," anunsyo ko sa kanila. "Wow. Bakit hindi kami na-inform?" tanong sa akin ni Anthony. "Sige na, mag-merienda na kayo. Busog pa naman ako." Totoong busog naman ako. Sino ba naman ang hindi gaganahan kumain kung kasing sarap ng luto ni DM ang lagi kong baon. Tinikman din iyon ng mga kaibigan ko at sobrang sarap na sarap sila. Si Jason nga ay may naalala pa sa luto na iyon. Naalala niya raw ang bestfriend niya mula sa probinsya dahil madalas din siya nitong ipagluto. Pareho kasi kami ng paboritong ulam, ang sinigang na baboy. "Sige, ikaw bahala," kibit-balikat na sagot ni Jason. Bago sila lumabas ay tumunog muna ang telepono na nasa loob ng opisina namin. Nagkatinginan pa kaming lima kung sino ang sasagot. Pero dahil si Jim ang pinakamalapit sa puwesto ng telepono ay wala rin siyang nagawa nang nginuso ng tatlo ang kanina pa tumutunog. "Thank you for calling HUWARANG DISENYO. This is Rint Lopez the all around hearthrob, how may I help you?" Napanganga ako sa pagkakasagot ni Jim sa telepono habang ang tatlo naman ay nagpipigil ng tawa. Tiningnan ko sila isa-isa at pinanlakihan ng mata. Grabe ang mga ito kung pagkaisahan ako ah. "Hello, are you there?" Saka ko naman binalik ang tingin kay Jim na bahagyang nakakunot-noo. "Sino iyan, pre?" Tanong ko sa kaniya pero hindi niya yata narinig ang tanong ko dahil patuloy pa rin niyang kinakausap ang nasa kabilang linya kaya lumapit ako sa kaniya. "Yes? Go ahead. 'Wag kang kabahan. 'Wag kang umiyak. Ano ang problema? Buntis ka ba? Oh, sorry. My mistake." "Akin na nga iyang phone!" Agaw ko sa kaniya nang mahalata ko na puro kalokohan na naman ang isasagot nito sa kabilang linya. "Hello, this is Rint speaking, may I know who's on the line please?" Pati ako ay nadamay sa hilatsa ng mukha ni Jim nang marinig ko ang boses na nasa kabilang linya. Medyo blurred. Hindi ko ma-distinguish kung babae, lalake, bakla or tomboy ang kausap ko. "Who's this?'' Tanong ko pero hindi yata ako naintidihan kaya tinagalog ko "Sino po sila?" "S-Si Si-Sir Rint po ba itong.... k-kausap ko?" Hindi ko pa rin siya mabosesan. Hindi ko pa rin mahulaan kung sino itong kausap ko. "Opo, si Rint na nga po itong kausap niyo. Sino po ang nasa line?" "S-Sir, Si DM po i-ito." Napabuga ako ng hangin nang malaman ko na si DM pala itong kausap ko "Oh ikaw pala iyan, DM. Napatawag ka? Anong nangyari?" Hindi naman ako nagtataka kung bakit siya nakatawag dito sa opisina dahil binigay ko talaga sa kaniya ang numero nito para just in case na may tanong siya or may kakaibang nangyari sa bahay ay mare - report niya agad sa akin. And speaking of "may kakaibang nangyari sa bahay" ay bigla naman ako kinabahan. "DM, anong nangyayari riyan? Magsalita ka, DM!" Napasobra yata ang pagsigaw ko sa kaniya dahil bigla ko na lang narinig ang hagulgol ng iyak niya mula sa kabila. Napahawak ako sa sintido ko sa pagngawa ni DM. Iyong totoo, lalaki ba talaga itong kausap ko at kung makaiyak ay parang bakla. "Huminahon ka nga, DM. Paano kita matutulungan kong bibirahan mo ako ng iyak? Ano ang nangyayari riyan ngayon?" "Si R-Riesha, S-Sir" Nang marinig ko ang pangalan ng kapatid ko ay bigla na akong tinusok sa sobrang kaba dahil sobrang ramdam na ramdam ko ang panganib sa bahay ko ngayon. Wala si mama, nag-out of town kaya iniwan niya sa poder ko si Riesha. Responsibilidad at tungkulin kong pangalagaan ang kapakanan ng kapatid ko pero dahil nga nasa trabaho ako ay hinabilin ko si Riesha kay DM na asikasuhin at alagaang mabuti. Alam kong hindi na baby ang kapatid ko dahil 17 na 'to pero syempre, mananatili siyang bunso ng pamilya. "DM! Anong ginawa mo sa kapatid ko?!" At dahil palakas nang palakas ang sigaw ko ay mas lalo rin lumakas ang iyak ni DM. Naririndi ang tainga ko kaya pansamantala ko nilayo sa tainga ko ang telepono. "Pare, anong nangyari kay Riesha?" Nag-aalalang tanong ni Anthony. Kilala nila si Riesha dahil ilang beses na rin iyon bumisita rito sa opisina namin. Hind ako makasagot. Malamang, hindi ko pa alam kaya nga sinigawan ko na si DM para magsalita agad. Nilapit ko ulit ang tainga ko sa receiver ng telepono. Magsasalita na ulit sana ako nang marinig ko si DM na nagsalita. "S-Sir Rint... Nandiyan pa po ba k-kayo? N-Na... Na... erm.. Nalunod po si Riesha, S-Sir." Nagtaka ako sa sinabi ni DM. "S-Sigurado ka?" "Opo, Sir..." rinig ko pa rin ang hikbi niya mula sa kabilang line. Nagtataka ako dahil papaanong malulunod ang kapatid ko eh mas marunong pa nga lumangoy sa akin iyon. "S-Sir, hindi ko p-po alam ang gagawin ko. W-wala pa rin po siyang malay ngayon." Hindi ko na nailagay nang maayos sa puwesto ang telepono. Nang marinig ko ang sinabi ni DM ay agad akong humarap kay Jim. "Akin na ang susi mo." "Huh?" Sakto naman na nakita kong hawak niya ang susi ng motor kaya agad ko itong inagaw sa kaniya at nagmamadaling lumabas. "Ibabalik ko rin, pre!" ********* Hindi naman gaanong kalayuan ang opisina ko mula sa bahay kaya wala pang twenty minutes ay nasa tapat na ako ng bahay. Agad akong bumaba sa motor ni Jim at pinatay agad ang makina nito. Safe naman sa village namin kaya iniwan ko muna pansamantala sa labas ang motor. Importanteng makapasok agad ako ng bahay para malaman ang sitwasyon. Kanina habang nasa biyahe ako ay maraming naglalaro sa isip ko. Hindi ko ma-imagine na malulunod si Riesha sa swimming pool dahil maraming beses na siya lumalangoy pero hindi naman namin nakita or nalaman na nalunod siya kaya sobrang nagtataka ako kung bakit iyon ang sinabi ni DM. Walang malay? Bakit kaya? Naku! Baka nauntog iyon sa ilalim ng pool kaya siguro nawalan ng malay. Tinakbo ko agad hanggang sa makapasok ako sa loob ng bahay. "RIESHA!" Malakas kong sigaw. Para akong ipo-ipo sa bilis kong tumakbo papunta sa swimming pool. Nilibot ko ang kabuuan ng garden at pool pero hindi ko makita sina Riesha at DM. "RIESHA! DM!" Nilakasan ko ang boses ko para malaman nilang nandito na ako sa bahay. Hindi puwedeng mapahamak ang kapatid ko. Nang mawala sa amin si papa ay wala akong nagawa kaya hindi ko hahayaan na mangyari ulit iyon sa pangalawang pagkakataon. "RIESHA! DM!" "Ano ba, Kuya?! Bakit ba ang ingay- ingay mo? Nasa sala lang ako." Napalingon ako sa nagsalita at nakita kong buhay at nakatayo ang kapatid ko. Napansin ko ang basa niyang buhok dahil pinupunasan niya ito ng tuwalya. "Nalunod ka raw sabi ni DM." Riesha just rolled her eyes and walk away while saying "Bakla naman iyon, Kuya." Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa sala at pasalampak siyang umupo. "Anong ibig mong sabihin?" "Hindi ako nalunod, Kuya, kaya huwag kang magpapaniwala sa sinasabi ng katulong mong bakla." Hindi ko talaga maintindihan ang nangyayari. "Ano ba ang ginawa mo? Bakit bakla ang tawag mo kay DM?" "Itanong mo sa kaniya." She answered while combing her hair. "Gumawa ka na naman ba ng kalokohan, Riesha?" Saka siya tumingin sa akin nang may ngiting nakakaloko. "I'm just having fun, Kuya, kaya don't be mad." Nilayasan ko si Riesha at hinanap si DM. Pumunta ako ng kusina pero wala siya. Pumunta ako sa second floor pero wala rin siya. Pumunta ako sa kuwarto niya pero wala rin siya kaya naman binalikan ko si Riesha sa sala. "Riesha, nasaan na si DM?" "Ewan ko. Nandiyan lang iyan sa tabi-tabi." Napailing na lang ako sa inaasal ni Riesha. Sa edad niyang 17, alam kong maraming kalokohan ang naiisip niyan. Dumaan naman ako sa edad na iyan pero never akong gumawa ng kalokohan na puwede kong ikapahamak. Lumabas ako ng bahay para silipin si DM pero hindi ko pa rin siya makita. Imposible naman na pumunta pa iyon sa playground kaya bumalik ako sa loob ng bahay. Wala siyang cellphone kaya hindi ko siya makokontak. Isa pa nga iyon sa dapat kong asikasuhin. Hindi puwedeng wala siyang cellphone dahil may importante akong bilin na dapat ay naitatawag ko agad sa kaniya. Bigla akong may naalala. Mayroon pa pala akong hindi napupuntahan sa loob ng bahay ko. Inuna ko munang puntahan ang CR sa ground floor. Pinihit ko ang door knob pero naka-lock. "DM, nasa loob ka ba? Sumagot ka." Hindi OO or Hindi ang narinig ko kundi ang impit niyang iyak. "Buksan mo ang pintuan. Hindi ako magagalit. Sige na, DM, lumabas ka na riyan." Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto at niluwa nun sa loob si DM. Nakita ko ang pagkaputla sa mukha niya. Siraulo talaga iyon si Riesha. Makakapatay pa yata siya ng tao sa sobrang kalokohan na ginawa niya kanina. "DM." Niyugyog ko ang balikat niya dahil tulala lang siyang nakatingin sa kawalan. Napansin ko ang pamumula ng mata at ilong niya dahil kagagaling nga lang nito sa iyak habang kausap ko sa telepono. "Nalunod siya...." Parang robot ang kaharap ko ngayon. Peste si Riesha! Na-trauma pa yata si DM sa ginawa niya. Malilintikan talaga siya sa akin! "Kawawa naman si RJ." At bumuhos na ng tuluyan ang luha sa mga mata niya. Nagtaka lang ako dahil sino ba talaga ang nalunod? Si Riesha o si RJ? At sino naman si RJ?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD