- DM -
Nakahanda na ang gamit ko sa pag-uwi dahil Linggo ngayon pero nahihiya pa ako magpaalam sa boss amo ko dahil hindi kinakaya ng mga ugat ko ang nakikita.
Mantakin mo naman na sobrang pawisan ang boss amo ko tapos iyong pawis na iyon ay naglalandas sa noo niya pababa sa katawan niya. Dahil sobrang nipis ng sando niya ay bakat na ang kaniyang u***g. Ay! Jusko ko po! Ayoko ng ganitong eksena!
Napatakip ako ng mata at tumalikod na pero huli na ang ginawa ko dahil napansin na pala ako ni Sir Rint.
"DM?"
Dahil tinawag ako ni Sir Rint ay dahan-dahan pa akong lumingon sa kaniya sa pagbabakasaling tatakpan muna ni Sir Rint ang katawan niya. Syempre basang-basa na ang katawan niya at dapat muna siyang magpunas ng pawis. Pero pakiramdam ko ay duduguin ang ilong ko dahil imbes na maitago ay binalandra pa niya sa mata ko ang kagwapuhan ng katawan niya.
"Um. Eherm... Sir." Nasamid kasi ako eh.
"Uuwi ka na ba ngayon?"
"S-Sana, Sir...."
"Okay, just wait for me in the living room, may kukunin lang ako sa taas."
Sa garden kasi siya nagbubuhat ng kung ano-ano para lumaki ang katawan niya kaya pumasok pa siya sa bahay. Ako itong hindi naggi-gym ay parang pinagpawisan din dahil sa ginawa niya kaya pagbalik sa living room ay nagpupunas ako ng pawis nang magulat ako sa nadatnan ko.
"M-Madam Mel..." Buti na lang hindi ako napasigaw nang makita ko siya na may kasamang magandang dalaga. Siguradong anak niya iyon dahil kamukha niya eh.
"Oh, hijo, nandito ka pa pala. Hindi ka ba pinag-day off ng Sir mo?"
"Day off po pero uuwi na rin po ako. Hinihintay ko lang po si Sir Rint."
"Nasaan ba siya?"
"Nasa kuwarto po." Nakakaasiwa naman itong anak ni madam. Kung makatingin sa akin, wagas!
"Ma! Riesha!" Napalingon ako at nakita kong pababa na ng hagdan si Sir Rint. Buti naman at nagbihis na siya ng disente. Naka-shorts na siya at naka-sando na hindi basa at hindi manipis.
"Good morning, hijo!"
"Good morning, kuya!"
"Ang aga niyo naman." Nagbeso-beso sila at nagyakapan.
"Syempre, gusto namin sulitin ang oras na makakasama ka namin."
"Nasaan si Reymark?"
"Nasa Taiwan pa kasama ng mga kaibigan niya. Sinusulit din ang bakasyon dahil busy-busyhan na naman sila ni Riesha sa pasukan. Teka, bakit hindi mo pa pala pinapauwi si DM?"
"Uuwi na siya, Ma, kinuha ko lang sa room ko iyong salary niya."
"Ah okay. Sige na, hijo, bigay mo na at nang masulit din naman niya ang pahinga niya. DM, salamat sa pag-aasikaso sa anak ko huh. Maganda raw ang performance mo at ipagpatuloy mo lang iyon. Ingat ka sa pag-uwi."
"Wala po iyon, Madam, at tungkulin ko lang po na gampanan nang maayos ang trabaho ko."
"Very good. Oh Bueno, ako'y pupunta muna sa kusina para makapag-luto na rin."
"Salamat, Madam."
"Kay Rint ka magpasalamat." Nakangiting tugon ni Madam at tumalikod na. Naiwan na lang kami sa living room ni Sir Rint kasama ang muntanga niyang kapatid na hindi ko alam kung anong problema dahil kanina pa nakatingin sa akin.
Inabot sa akin ni Sir Rint ang sobre at syempre alam ko na ang laman nun. "Ingat ka, DM. Balik ka sa Lunes."
"Opo naman, Sir. Salamat po. Sige po, larga na ako."
Naglakad na ako palabas ng pintuan. Pagtuntong ko sa gate nila ay tiningnan ko muna ang laman ng sobre. Natigilan ako nang mabilang ko ang laman ng sobre. Bumalik ako sa loob at saktong nadatnan ko pa sa living room si Sir Rint pero wala na ang kapatid niyang muntanga.
"Sir Rint...."
"Oh, DM, bakit nandito ka pa?"
"Sir, parang mali po yata iyong sahod na binigay niyo sa akin."
"Huh? Teka, kulang ba?"
"Hindi naman po. Pero 'di ba po may nabasag akong figurine sa inyo?"
"Ah, akala ko naman kulang pa iyong bigay ko eh. Sadyang ganiyan talaga iyan. Hindi ko na binawas iyong figurine na nabasag mo dahil hindi naman sobrang mahal ang bili ni Mama sa gamit na iyon. Para maka-ipon ka rin kasi 'di ba plano mo mag-aral sa susunod na pasukan? Okay na iyan, DM, huwag mo na alalahanin iyon. Umuwi ka na dahil nami-miss ka na sigurado ng Mama Sweet mo."
Tumango lang ako at ngumiti. Nagpaalam na rin ako at masaya akong bumiyahe pauwi.
*****
"Wow! Ang dami naman pasalubong ng daughter ko...ay son pala."
"Syempre naman po. Alam ko pong paborito niyo iyan kaya binili ko po talaga iyan sa inyo"
"Dapat hindi ka na nag-abala. Ito na ang pagkakataon mong makaipon kaya 'wag kang gastos nang gastos."
"Alam ko po iyon. Gusto ko lang po suklian ang kabutihan na binibigay niyo sa akin, Mama Sweet. Tinatanaw ko pong malaking utang-na-loob ang pagkupkop niyo sa akin. Kung hindi dahil sa kabutihan niyo, siguradong pakalat-kalat na lang ako sa lansangan ngayon at namamalimos."
"Anak na rin ang turing ko sa'yo. Alam ko kasi ang pakiramdam ng walang pamilya dahil na kuwento ko naman sa'yo na tinakwil ako ng pamilya ko dahil sa landas na pinili ko 'di ba? Gusto kong makatulong dahil ayokong mapariwara ka. Kaya habang malakas pa ako at bata ka pa, gamitin mo iyan sa mabuting paraan para makabangon at maitaguyod ang sarili mo."
Hindi ko mapigilan ang hindi maluha sa sinabi ni Mama Sweet. Wala pa naman akong isang taon sa poder niya pero ramdam na ramdam ko ang pagiging ina at ama niya sa akin. Kahit bading siya ay sobrang laki ang respeto ko sa kaniya dahil naging buo ako ulit sa tulong niya kaya gagawin ko ang lahat para makatulong sa kaniya. May maliit na parlor si Mama Sweet at iyon ang pinagkakakitaan niya. Ginusto kong magtrabaho dahil gusto kong makatulong sa kaniya. Gusto kong lumago pa ng husto ang negosyo niya.
"Oh, stop crying na, my baby. Nandito lang naman ang Mama Sweet kapag kailangan mo ng tulong. Hangga't kaya ko, gagawin ko. Hindi ka na iba sa akin." Niyakap ako ni Mama Sweet at sobrang ginhawa sa pakiramdam ang yakap niya. Malaki ang braso niya kaya ramdam na ramdam ko ang kaligtasan sa piling niya.
"Kayo kasi eh, drama queen kaya naiyak talaga ako."
"Ikaw kasi eh, nagpasalubong ka pa kaya ayan... napa-drama tuloy ako, " ganting-biro niya.
"Maraming salamat, Mama Sweet."
"Maraming salamat din, Baby Dannieca."
"DM na lang, Mama Sweet."
"Oo na, DM na kung DM. Kumusta naman ang trabaho mo sa anak ni Melanie? Magkuwento ka naman, daughter-son. Dali excited na ako malaman kung gaano ka kagaling umarte! Balita ko sobrang guwapo raw ng panganay niyang anak, pati iyong pangalawa ay napaka-gwapo rin."
At nagkwento nga ako simula umpisa hanggang kanina.
"Naku, buti hindi ka niya nahuli. Bakit nga naman kasi hindi ka nagbukas ng ilaw? Pinapairal mo na naman iyang katakawan mo eh. Ang hilig mo talaga mag-midnight snack sa madilim."
"Nakaramdam po kasi ako ng gutom eh."
"Hindi ka naman pinapahirapan ng Sir Rint mo?"
"Hind po."
"Yummy ba si Rint?"
"Opo....AY!!!!!!!!! Hindi po!" Nagulat ako sa tanong ni Mama Sweet.
"Oy! Yummy daw si Rint oh. Siguro binobosohan mo siya sa tuwing naliligo siya 'no?"
"Mama Sweet, ang bastos mo! Hindi ko siya sinisilipan huh.''
"Aysus. Naku, daughter-son, mag-ingat ka roon huh. Huwag kang gagawa ng bagay na puwedeng pagsisihan mo. Pigilan mo iyang pagnanasa mo sa Sir Rint mo."
"Mama Sweet, naman eh. Walang ganoon. Boss amo ko siya at gusto kong magtrabaho nang maayos sa kaniya. Mabait siya kaya hindi ako nag-iisip ng ganoong mga bagay."
"Naku, daughter-son, hanggang kailan mo kaya itago iyang pagkatao mo sa boss amo mo?"
"Ako na po bahala dumiskarte. Sa umaga lang po kami nagkikita sa bahay at bihira kami makapag-usap kaya hindi niya malalaman ang sikreto ko. "
"Talaga lang huh. Hindi kita pinagtutulukan sa trabahong iyan dahil kung ako lang ang masusunod, gusto ko ng tumigil ka riyan dahil kinakabahan ako sa puwedeng mangyari kapag nalaman ni Melanie at ng anak niya na nagsisinungaling tayo sa kanila, na niloloko natin sila. Kung gusto mo talaga magtrabaho, maihahanap pa kita dahil marami naman akong kakilala. 'Wag lang diyan na kailangan mo pa magpanggap na lalaki."
Hinawakan ko ang kamay niya at seryosong tumingin sa kanya. "Lubos po akong nagpapasalamat sa pag-aalala niyo sa akin, Mama Sweet. 'Wag po kayong mag-alala dahil hindi ko naman po ipapahamak ang sarili ko. Kapag nakaipon na po ako sa pag-aaral ko, hahanap ako ng ibang trabaho. Kailangan ko lang po itong pagtyagaan dahil maganda ang pasahod. Mabilis po ako makaka-ipon. Wala pa akong gastos sa pamasahe at pagkain. Hayaan niyo po muna sana ako magtrabaho sa kaniya. Please, Mama Sweet."
"Ikaw bahala. 'Wag mo akong sisihin na hindi kita binalaan huh."
Niyakap ko nang mahigpit si Mama Sweet. "I love you, Mama Sweet. Salamat po!"
"I hate you too, daughter-son." At napuno na lang ng tawanan ang bahay ni Mama Sweet.